Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal

Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal

Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal

‘Ang gawa ni Jehova ay dangal at karilagan.’​—AWIT 111:3.

1, 2. (a) Paano mo bibigyang-kahulugan ang “dangal”? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?

 NANG tanungin ang sampung-taóng-gulang na si Madison kung ano ang kahulugan ng salitang “marangal,” agad siyang sumagot, “Maayos pong manamit.” Maaaring hindi alam ng bata na binabanggit sa Bibliya na ang Diyos ay ‘nadaramtan ng dangal.’ (Awit 104:1) Para sa mga tao, ang pagpapakita ng dangal kung minsan ay ang pagiging maayos manamit. Halimbawa, nais ni apostol Pablo na “gayakan [ng mga babaing Kristiyano] ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan.” (1 Tim. 2:9) Pero hindi ito sapat para masabing ang isa ay may marangal na paggawi na dumadakila sa “dangal at karilagan” ni Jehova.​—Awit 111:3.

2 Sa Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “dangal” ay maaari ding isaling “karilagan,” “karingalan,” “kaluwalhatian,” at “karangalan.” Ayon sa isang diksyunaryo, ang “dangal” ay “ang katangian ng pagiging karapat-dapat, marangal, o kagalang-galang.” At si Jehova lamang ang karapat-dapat sa higit na karangalan at paggalang. Kung gayon, bilang nakaalay na mga lingkod niya, dapat tayong maging marangal sa salita at sa gawa. Pero bakit may kakayahan ang tao na magpakita ng dangal? Paano naipakikita ang dangal at karilagan ni Jehova? Paano tayo dapat maapektuhan ng dangal ng Diyos? Ano ang matututuhan natin kay Jesu-Kristo tungkol sa pagpapakita ng katangiang ito? At paano natin maipakikita ang dangal sa pagsamba sa Diyos?

Kung Bakit May Kakayahan Tayong Magpakita ng Dangal

3, 4. (a) Paano tayo dapat tumugon sa dangal na ipinagkaloob sa atin? (b) Sa makahulang paraan, kanino tumutukoy ang Awit 8:5-9? (Tingnan ang talababa.) (c) Sino ang pinagkalooban noon ni Jehova ng dangal?

3 Dahil ginawa ayon sa larawan ng Diyos, ang lahat ng tao ay may kakayahang magpakita ng dangal. Binigyang-dangal ni Jehova ang unang tao nang atasan siya bilang tagapangalaga ng lupa. (Gen. 1:26, 27) Kahit noong hindi na sakdal ang tao, inulit pa rin ni Jehova ang responsibilidad ng tao na pangalagaan ang lupa. Sa gayon, ang mga tao ay ‘pinuputungan’ pa rin ng Diyos ng dangal. (Basahin ang Awit 8:5-9.) * Ang dangal na ipinagkaloob sa atin ay humihiling ng marangal na pagtugon​—ang pagpuri sa maringal na pangalan ni Jehova nang may pagpipitagan at dangal.

4 Sa pantanging paraan, pinagkalooban ni Jehova ng dangal ang mga nagsasagawa ng sagradong paglilingkod sa kaniya. Binigyang-dangal ng Diyos si Abel nang tanggapin Niya ang hain nito, at tanggihan naman ang inihandog ng kapatid nito na si Cain. (Gen. 4:4, 5) Tinagubilinan si Moises na ‘lagyan ng bahagi ng kaniyang dangal’ si Josue, ang lalaking hahalili sa kaniya bilang lider ng mga Israelita. (Bil. 27:20) Tungkol kay Solomon na anak ni David, sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na pinadakilang lubha ni Jehova si Solomon sa paningin ng buong Israel at binigyan niya ito ng gayong maharlikang dangal na hindi pa tinaglay ng sinumang hari na nauna sa kaniya sa Israel.” (1 Cro. 29:25) Ang Diyos ay magkakaloob ng natatanging dangal sa binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano, na tapat na naghayag ng “kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang paghahari.” (Awit 145:11-13) Kaya sa pagdakila kay Jehova, ang parami nang paraming “ibang mga tupa” ni Jesus ay mayroon ding pinagpala at marangal na papel.​—Juan 10:16.

Ipinakita ang Dangal at Karilagan ni Jehova

5. Gaano kadakila ang dangal ni Jehova?

5 Sa isang awit na nagpapakita ng pagkakaiba ng kadakilaan ng Diyos at ng pagiging hamak ng tao, inawit ng salmistang si David: “O Jehova na aming Panginoon, pagkaringal ng iyong pangalan sa buong lupa, ikaw na ang dangal ay isinasalaysay sa ibabaw ng langit!” (Awit 8:1) Bago pa lalangin ang “langit at ang lupa” hanggang pagkatapos ng dakilang katuparan ng layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa at gawing sakdal ang mga tao​—mula noong panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda​—ang Diyos na Jehova ang pinakamaringal at pinakamarangal na Persona sa buong uniberso.​—Gen. 1:1; 1 Cor. 15:24-28; Apoc. 21:1-5.

6. Bakit sinabi ng salmista na nadaramtan ng dangal si Jehova?

6 Tiyak na naantig ang damdamin ng may-takot sa Diyos na salmista nang mapagmasdan niya ang mapayapang karilagan ng mabituing kalangitan, na punung-puno ng makikinang na “hiyas”! Palibhasa’y manghang-mangha kung paano ‘iniunat ng Diyos ang langit na tulad ng telang pantolda,’ inilarawan ng salmista si Jehova bilang Isa na nadaramtan ng dangal dahil sa Kaniyang kahanga-hangang kakayahan sa paglalang. (Basahin ang Awit 104:1, 2.) Kitang-kita sa kaniyang mga gawa ang dangal at karilagan ng di-nakikita at makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang.

7, 8. Anong katibayan ng dangal at karilagan ni Jehova ang nakikita natin sa kalangitan?

7 Halimbawa, tingnan natin ang galaksing Milky Way. Sa napakalawak na kalipunan ng mga bituin, planeta, at sistema solar, ang planetang Lupa ay parang kasinliit lamang ng isang butil ng buhangin sa napakalawak na dalampasigan. Aba, ang galaksing ito pa lamang ay binubuo na ng mahigit 100 bilyong bituin! Kung kaya mong bumilang ng isang bituin kada isang segundo nang tuluy-tuloy sa loob ng 24 na oras sa bawat araw, aabutin ka ng mahigit 3,000 taon para mabilang ang 100 bilyong bituin.

8 Kung ang galaksing Milky Way pa lamang ay binubuo na ng 100 bilyong bituin, paano pa kaya ang ibang bahagi ng uniberso? Tinataya ng mga astronomo na may mga 50 bilyon hanggang 125 bilyong galaksi at isa lamang dito ang Milky Way. Kung gayon, ilan kaya lahat ang mga bituin sa buong uniberso? Tiyak na ang sagot dito ay hindi na kayang abutin ng isip. Pero “tinutuos [ni Jehova] ang bilang ng mga bituin; silang lahat ay tinatawag niya ayon sa kanilang mga pangalan.” (Awit 147:4) Matapos makita kung paano nadaramtan si Jehova ng ganitong dangal at karilagan, hindi ba’t napakikilos ka nito na lubusang purihin ang kaniyang dakilang pangalan?

9, 10. Paano napadadakila ng paglalaan ng tinapay ang karunungan ng Maylalang?

9 Mula sa pagtingala sa maringal na kalangitan, ibaba naman natin ang ating tingin sa isang pangkaraniwang bagay na gaya ng tinapay. Si Jehova ay hindi lamang “ang Maylikha ng langit at ng lupa” kundi siya rin “ang Isa na nagbibigay ng tinapay sa mga gutóm.” (Awit 146:6, 7) Makikita ang “dangal at karilagan” ng Diyos sa kaniyang dakilang mga gawa, pati na sa paglalaan niya ng mga halaman na pinagkukunan ng sangkap para makagawa ng tinapay. (Basahin ang Awit 111:1-5.) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.” (Mat. 6:11) Tinapay ang pangunahing pagkain ng maraming tao noon, pati na ng mga Israelita. Bagaman ang tinapay ay itinuturing na isang simpleng pagkain, ang kemikal na proseso sa paggawa ng masarap na tinapay mula sa ilang pangunahing sangkap ay hindi isang simpleng bagay lamang.

10 Noong isinusulat ang Bibliya, harinang trigo o harinang sebada na hinaluan ng tubig ang ginagamit ng mga Israelita sa paggawa ng tinapay. Kung minsan, nilalagyan nila ito ng lebadura, o pampaalsa. Ang mga simpleng substansiyang ito ay pinagsasama-sama para makabuo ng napakaraming kemikal na timpla na nagkakaroon ng reaksiyon sa isa’t isa. Kung paano nangyayari ito, hindi natin alam. Kamangha-mangha rin ang masalimuot na proseso kung paano natutunaw ang tinapay sa loob ng katawan. Hindi nga kataka-takang awitin ng salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon”! (Awit 104:24) Nauudyukan ka rin bang purihin si Jehova?

Paano Ka Naaapektuhan ng Dangal at Karilagan ng Diyos?

11, 12. Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng pagbubulay-bulay sa mga nilalang ng Diyos?

11 Hindi tayo kailangang maging mga astronomo para hangaan ang kalangitan sa gabi o maging mga kimiko para makakain ng tinapay. Gayunman, para mapahalagahan ang karilagan ng ating Maylalang, kailangan tayong mag-ukol ng panahon para mapag-isipang mabuti ang mga gawa ng kaniyang mga kamay. Ano ang maidudulot sa atin ng gayong pagbubulay-bulay? Ang epekto nito ay katulad din ng pagbubulay-bulay sa iba pang mga gawa ni Jehova.

12 Tungkol sa mga dakilang gawa ni Jehova para sa Kaniyang bayan, inawit ni David: “Ang maluwalhating karilagan ng iyong dangal at ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 145:5) Ipinakikita nating interesado tayo sa mga gawang ito kung pinag-aaralan natin ang Bibliya at binubulay-bulay ang ating nababasa rito. Ano ang epekto ng pagbubulay-bulay na ito? Tumitindi ang ating pagpapahalaga sa dangal at karilagan ng Diyos. Kung gayon, tiyak na mauudyukan tayong makisama kay David sa pagpaparangal kay Jehova at pagsasabi: “Tungkol naman sa iyong kadakilaan, ipahahayag ko iyon.” (Awit 145:6) Ang pagbubulay-bulay sa kahanga-hangang mga gawa ng Diyos ay dapat makapagpatibay sa ating kaugnayan kay Jehova at makapag-udyok sa atin na sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya taglay ang sigla at determinasyon. Masigasig mo bang ipinahahayag ang mabuting balita at tinutulungan ang mga tao na pahalagahan ang dangal, karilagan, at karingalan ng Diyos na Jehova?

Ganap na Ipinakita ni Jesus ang Dangal ng Diyos

13. (a) Ayon sa Daniel 7:13, 14, ano ang ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang Anak? (b) Bilang Hari, paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaniyang mga sakop?

13 Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay buong-sigasig na naghayag ng mabuting balita at dumakila sa kaniyang marangal at maringal na Ama sa langit. Pinagkalooban ni Jehova ng natatanging dangal ang kaniyang bugtong na Anak sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ‘pamamahala at kaharian.’ (Basahin ang Daniel 7:13, 14.) Pero si Jesus ay hindi palalo o makasarili. Kabaligtaran pa nga​—siya ay isang mahabaging Tagapamahala na nakauunawa sa mga limitasyon ng kaniyang mga sakop at nakikitungo sa kanila nang may paggalang. Tingnan natin ang isang halimbawa kung paano pinakitunguhan ni Jesus bilang Haring Itinalaga ang mga taong nakakatagpo niya, lalo na ang mga itinakwil at ang mga itinuturing na hindi kaibig-ibig.

14. Paano itinuturing sa sinaunang Israel ang mga ketongin?

14 Noon, ang mga ketongin ay karaniwan nang dumaranas ng kaawa-awa at unti-unting kamatayan. Unti-unting kumakalat sa kanilang katawan ang ketong. Ang paggamot sa isang ketongin ay kasing hirap ng pagbuhay sa patay. (Bil. 12:12; 2 Hari 5:7, 14) Ang mga ketongin ay ipinahahayag na marumi at pinandidirihan at itinataboy. Kapag lumalapit sila sa mga tao, dapat muna silang sumigaw: “Marumi, marumi!” (Lev. 13:43-46) Para na ring patay ang isang ketongin. Ayon sa mga rabinikong ulat, ang mga ketongin ay pinapayagang lumapit sa mga tao nang hanggang mga 1.7 metro lamang. Iniulat na nang matanaw ng isang lider ng relihiyon ang isang ketongin, pinagbabato niya ito para hindi makalapit.

15. Paano nakitungo si Jesus sa isang ketongin?

15 Pero kapansin-pansin ang naging reaksiyon ni Jesus nang lumapit sa kaniya ang isang ketongin at makiusap na pagalingin siya. (Basahin ang Marcos 1:40-42.) Sa halip na itaboy ang ketongin, pinagpakitaan siya ni Jesus ng habag at paggalang. Ang nakita ni Jesus ay isang kaawa-awang lalaki na kailangang pagalingin. Dahil sa habag, kumilos agad si Jesus. Iniunat niya ang kaniyang kamay, hinipo ang ketongin, at pinagaling ito.

16. Anong aral ang natutuhan mo mula sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa iba?

16 Bilang mga tagasunod ni Jesus, paano natin matutularan ang paraan ni Jesus sa pagpapakita ng dangal ng kaniyang Ama? Ang isang paraan ay ang pagkilala na karapat-dapat sa karangalan at paggalang ang lahat ng tao​—anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, sakit, o edad. (1 Ped. 2:17) Ang mga may pananagutan, gaya ng mga asawang lalaki, mga magulang, at mga elder na Kristiyano, ay lalo nang dapat magbigay-dangal sa kanilang mga pinangangasiwaan at tumulong sa mga ito na mapanatili ang kanilang paggalang sa sarili. Para idiin na ito’y isang kahilingan sa lahat ng Kristiyano, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”​—Roma 12:10.

Pagpapakita ng Dangal sa Pagsamba

17. Ano ang matututuhan natin mula sa Kasulatan tungkol sa pagpapakita ng dangal kapag sumasamba kay Jehova?

17 Lalo nang dapat tayong magpakita ng dangal kapag sumasamba tayo kay Jehova. “Bantayan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos,” ang sabi sa Eclesiastes 5:1. Sina Moises at Josue ay parehong inutusan na alisin ang kanilang sandalyas kapag nasa banal na dako. (Ex. 3:5; Jos. 5:15) Dapat nilang gawin ito bilang tanda ng paggalang o pagpipitagan. Ang mga saserdoteng Israelita ay dapat magsuot ng karsonsilyong lino “bilang pantakip sa hubad na laman.” (Ex. 28:42, 43) Ito’y para hindi mahantad ang maseselang bahagi ng kanilang katawan kapag naglilingkod sila sa altar. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ng saserdote ay dapat sumunod sa makadiyos na pamantayan tungkol sa dangal.

18. Paano naipakikita ang dangal sa ating pagsamba kay Jehova?

18 Kung gayon, ang dangal sa pagsamba ay kaugnay ng karangalan at paggalang. Para maging karapat-dapat sa karangalan at paggalang, dapat tayong kumilos nang kagalang-galang. Hindi ito dapat na maging pakunwari o pakitang tao lamang. Dapat itong magmula hindi sa nakikita ng tao kundi sa nakikita ng Diyos​—ang ating puso. (1 Sam. 16:7; Kaw. 21:2) Ang dangal ay dapat na maging bahagi ng ating buhay at dapat itong makaapekto sa ating paggawi, saloobin, pakikisama sa iba, at maging sa pangmalas natin sa ating sarili. Oo, dapat ipakita ang dangal sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Pagdating sa ating paggawi, disposisyon, at pananamit at pag-aayos, isinasapuso natin ang mga salita ni apostol Pablo: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.” (2 Cor. 6:3, 4) ‘Ginagayakan natin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’​—Tito 2:10.

Patuloy na Ipakita ang Dangal sa Pagsamba sa Diyos

19, 20. (a) Paano natin mapararangalan ang iba sa mainam na paraan? (b) May kinalaman sa pagpapakita ng dangal, ano ang dapat na maging pasiya natin?

19 Ang dangal ay ipinakikita ng mga pinahirang Kristiyano, ang “mga embahador na humahalili para kay Kristo.” (2 Cor. 5:20) Ang “ibang mga tupa,” na tapat na sumusuporta sa kanila, ay mararangal na sugo para sa Mesiyanikong Kaharian. Ang isang embahador o sugo ay nagsasalita nang buong tapang at may dangal alang-alang sa kaniyang pamahalaan. Kung gayon, dapat din tayong magsalita nang may dangal at katapangan bilang pagsuporta sa pamahalaan ng Diyos, ang Kaharian. (Efe. 6:19, 20) At kapag dinadala natin sa iba ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti,” hindi ba’t pagpaparangal ito sa kanila?​—Isa. 52:7.

20 Dapat nating ipasiya na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng paggawing naaayon sa kaniyang dangal. (1 Ped. 2:12) Palagi tayong magpakita ng matinding paggalang sa kaniya, sa pagsamba sa kaniya, at sa ating mga kapananampalataya. At sana’y malugod si Jehova, na nadaramtan ng dangal at karilagan, sa ating marangal na pagsamba sa kaniya.

[Talababa]

^ Sa makahulang paraan, ang pananalita ni David sa ika-8 Awit ay tumutukoy rin sa sakdal na taong si Jesu-Kristo.​—Heb. 2:5-9.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagpapahalaga sa karilagan ng dangal ni Jehova?

• Ano ang matututuhan natin tungkol sa dangal mula sa naging pagtugon ni Jesus sa isang ketongin?

• Paano natin madadakila si Jehova sa marangal na paraan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 12]

Paano binigyang-dangal ni Jehova si Abel?

[Larawan sa pahina 14]

Makikita ang mga dakilang gawa ni Jehova maging sa paglalaan ng tinapay

[Larawan sa pahina 15]

Ano ang natutuhan mo tungkol sa dangal mula sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa isang ketongin?

[Larawan sa pahina 16]

Ang marangal na pagsamba ay pagdakila kay Jehova