Ika-124 na Gradwasyon ng Gilead
Inihalintulad ang mga Misyonero sa mga Balang
TUWING ikaanim na buwan, nagdaraos ang Watchtower Bible School of Gilead ng isang programa ng gradwasyon kung saan ang buong pamilyang Bethel sa Estados Unidos ay inaanyayahan. Noong Marso 8, 2008, ang mga bisita sa mahigit na 30 bansa ay sumama sa pamilyang Bethel para sa gradwasyon ng ika-124 na klase ng Paaralang Gilead. Ang lahat ng 6,411 dumalo ay nakipagsaya sa mga estudyante sa kanilang espesyal na araw.
Si Stephen Lett, na miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang tsirman ng programa. Pinasimulan niya ang gradwasyon sa pahayag na “Humayo Kasama ang Makasagisag na mga Balang ni Jehova.” Inihambing ng Apocalipsis 9:1-4 sa kuyog ng dumadaluhong na mga balang ang maliit na grupo ng mga pinahirang Kristiyano na naging aktibong muli sa paglilingkod kay Jehova noong 1919. Pinaalalahanan ang mga estudyante na bilang mga miyembro ng “ibang mga tupa,” kasamahan sila ng makasagisag na kuyog ng mga balang.—Juan 10:16.
Si Lon Schilling, na miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ang sumunod na nagbigay ng pahayag na pinamagatang “Maging Kapupunan.” Batay ito sa ulat ng Bibliya hinggil sa halimbawa nina Aquila at Priscila (o, Prisca), isang mag-asawang Kristiyano noong unang siglo. (Roma 16:3, 4) Binubuo ng 28 mag-asawa ang klaseng ito sa Gilead. Pinaalalahanan sila na kailangan nilang panatilihing matibay ang kanilang ugnayan bilang mag-asawa para maging matagumpay na mga misyonero. Sa Bibliya, kapag binabanggit ang pangalan ni Aquila, laging kasama si Priscila. Kaya sa paningin ni apostol Pablo at ng kongregasyon, laging magkasama ang mga ito. Sa katulad na paraan, ang mga mag-asawang misyonero ngayon ay dapat na gumagawang magkasama, sumasambang magkasama, at magkasamang humaharap sa naiibang mga hamon ng paglilingkod sa ibang bansa, sa gayon ay nagiging kapupunan sa isa’t-isa.—Gen. 2:18.
Binigkas naman ni Guy Pierce, na isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang sumunod na pahayag na pinamagatang “Tumugon sa Kabutihan ni Jehova.” Ipinaliwanag ni Brother Pierce na ang pagiging mabuti ay hindi lamang basta pag-iwas sa masasamang gawain, kundi ang paggawa rin ng mabubuting bagay para makatulong sa iba. Walang makapapantay sa kabutihan ng Diyos na Jehova. (Zac. 9:16, 17) Ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos ay magpapakilos sa atin na gumawa ng mabubuting bagay sa iba. Sa konklusyon ni Brother Pierce, binigyan niya ng komendasyon ang mga estudyante: “Mabuti ang ginagawa ninyo. Nakatitiyak kaming patuloy kayong tutugon sa kabutihan ng Diyos anupat gagampanang mabuti ang anumang atas na ibibigay sa inyo ng Diyos na Jehova.”
Sumunod, ipinahayag ni Michael Burnett, isang dating misyonero na naatasan kamakailan bilang instruktor sa Gilead, ang paksang “Isuot Itong Gaya ng Pangharap na Pamigkis sa Pagitan ng Inyong mga Mata.” Dapat alalahanin ng mga Israelita ang makahimalang pagliligtas sa kanila ni Jehova mula sa Ehipto na para bang nakasuot itong gaya ng “pangharap na pamigkis” sa pagitan Ex. 13:16) Pinayuhan ang mga estudyante na alalahanin ang saganang instruksiyong tinanggap nila sa Paaralang Gilead na para bang nakasuot itong gaya ng pangharap na pamigkis sa pagitan ng kanilang mga mata. Idiniin ni Brother Burnett na kailangan nilang maging mapagpakumbaba at mahinhin, at ikapit ang mga simulain sa Bibliya kapag nilulutas ang anumang di-pagkakaunawaan sa kapuwa misyonero at sa iba.—Mat. 5:23, 24.
ng kanilang mga mata. (Ipinahayag naman ni Mark Noumair, isang matagal nang instruktor sa Gilead, ang paksang “Ano ang Aawitin Tungkol sa Iyo?” Noong sinaunang panahon, nakaugalian nang ipagdiwang ang tagumpay sa digmaan sa pamamagitan ng awit. Sa isa sa mga awit na iyon, ipinakitang makasarili ang tribo nina Ruben, Dan, at Aser, samantalang pinapurihan naman ang tribo ni Zebulon dahil sa kanilang pagiging mapagsakripisyo. (Huk. 5:16-18) Gaya ng liriko ng isang awit, malalaman din ng iba ang mga ginagawa ng bawat Kristiyano. Hindi malilimutan ni Jehova ang kasigasigan ng isang tao sa gawain ng Diyos at ang matapat na pagsunod niya sa teokratikong kaayusan. Magsisilbi rin itong mabuting halimbawa sa kaniyang mga kapatid. Kapag naririnig ng kongregasyon ang makasagisag na awit tungkol sa ating ginagawa, napapakilos silang tularan ang mabuting halimbawang iyon.
Bilang bahagi ng kanilang pagsasanay sa Gilead, gumugol ang mga estudyante ng ika-124 na klase ng kabuuang bilang na 3,000 oras sa gawaing pangangaral. Sa ilalim ng temang “Magpaakay sa Banal na Espiritu,” inilahad ng mga estudyante kay Sam Roberson ng Theocratic Schools Department ang ilang karanasan nila sa paglilingkod sa larangan, at itinanghal ang ilan sa mga ito. Ang nakapagpapatibay na mga karanasang ito ay sinundan ng mga panayam. Sa bahaging ito, kinapanayam ni Patrick LaFranca, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ang mga nagtapos sa Gilead na naglilingkod na ngayon sa iba’t ibang lupain. Pinahalagahan ng mga estudyante ang praktikal na mga payo ng mga kapatid na ito.
Binigkas ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang huling pahayag na pinamagatang “Tandaan, ang mga Bagay na Nakikita ay Pansamantala.” Pinaaalalahanan tayo ng Kasulatan na ituon ang ating pansin sa mga pagpapalang ibibigay ni Jehova sa hinaharap sa halip na sa anumang pansamantalang kabagabagan na maaaring nararanasan natin. (2 Cor. 4:16-18) Ang mga tao sa ngayon ay napapaharap sa matinding kahirapan, kawalang-katarungan, paniniil, sakit, at kamatayan. Maaaring mapaharap din ang mga misyonero sa ganitong kalunus-lunos na mga kalagayan. Pero kung tatandaan natin na pansamantala lamang ang mga ito, matutulungan tayo na manatiling timbang sa espirituwal at punô ng pag-asa.
Sa katapusan ng programa, pinaupo sa entablado ang lahat ng nagsipagtapos para makinig sa mga huling sasabihin ni Brother Lett. Pinasigla niya sila na huwag sumuko. Sinabi niya: “Anumang pagsubok ang maranasan natin, makapananatili tayong tapat kung nasa panig natin si Jehova.” Pinasigla niya ang bagong mga misyonero na maging tulad ng mga balang—determinadong maglingkod kay Jehova at manatiling masigasig, tapat, at masunurin magpakailanman.
[Kahon sa pahina 30]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 7
Bilang ng mga bansang magiging atas: 16
Bilang ng mga estudyante: 56
Katamtamang edad: 33.8
Katamtamang taon sa katotohanan: 18.2
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.8
[Larawan sa pahina 31]
Ang Ika-124 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Nicholson, T.; Main, H.; Senge, Y.; Snape, L.; Vanegas, C.; Pou, L. (2) Santana, S.; Oh, K.; Lemaitre, C.; Williams, N.; Alexander, L. (3) Woods, B.; Stainton, L.; Huntley, E.; Alvarez, G.; Cruz, J.; Bennett, J. (4) Williamson, A.; González, N.; Zuroski, J.; Degandt, I.; May, J.; Diemmi, C.; Tavener, L. (5) Lemaitre, W.; Harris, A.; Wells, C.; Rodgers, S.; Durrant, M.; Senge, J. (6) Huntley, T.; Vanegas, A.; Pou, A.; Santana, M.; Bennett, V.; Tavener, D.; Oh, M. (7) Zuroski, M.; Rodgers, G.; Diemmi, D.; Nicholson, L.; Alvarez, C.; Snape, J. (8) Harris, M.; González, P.; Main, S.; Woods, S.; Stainton, B.; Williamson, D.; Durrant, J. (9) Cruz, P.; Degandt, B.; Williams, D.; Wells, S.; Alexander, D.; May, M.
[Larawan sa pahina 32]
Ang Paaralang Gilead ay matatagpuan sa Watchtower Educational Center