Pag-aasawa at Pagiging Magulang sa Panahong Ito ng Kawakasan
Pag-aasawa at Pagiging Magulang sa Panahong Ito ng Kawakasan
“Ang panahong natitira ay maikli na.”—1 COR. 7:29.
1. (a) Anong kasalukuyang mga pagbabago ang kabilang sa mga bagay na “mahirap pakitunguhan”? (b) Bakit dapat nating ikabahala ang mga pagbabago sa mga pamantayan ng pamilya?
INIHULA ng Salita ng Diyos na sa “panahon ng kawakasan” ay magkakaroon ng mga digmaan, lindol, taggutom, at mga salot. (Dan. 8:17, 19; Luc. 21:10, 11) Nagbabala rin ang Bibliya na sa mapanganib na panahong ito sa kasaysayan ng tao ay magkakaroon ng malalaking pagbabago sa lipunan. Ang mga di-pagkakasundo sa loob ng pamilya ay kabilang sa mga bagay na “mahirap pakitunguhan” sa mapanganib na “mga huling araw” na ito. (2 Tim. 3:1-4) Bakit dapat nating ikabahala ang mga pagbabagong ito? Dahil napakalaganap nito at kayang-kaya nitong impluwensiyahan ang mga Kristiyano sa ngayon sa kanilang pangmalas sa pag-aasawa at pagiging magulang. Paano?
2. Ano ang karaniwang pangmalas ng daigdig natin sa ngayon sa pag-aasawa at diborsiyo?
2 Napakaraming nagdidiborsiyo sa ngayon at patuloy pa itong dumarami sa maraming bansa. Pero tandaan natin na ibang-iba ang pangmalas ng Diyos na Jehova sa pag-aasawa at diborsiyo kaysa sa karaniwang pangmalas ng daigdig natin sa ngayon. Ano nga ba ang pangmalas ni Jehova?
3. Ano ang pangmalas ni Jehova at ni Jesu-Kristo sa pag-aasawa?
3 Inaasahan ng Diyos na Jehova na mananatiling tapat sa kanilang sumpaan ang mga mag-asawa. Nang pag-isahin niya ang unang lalaki at babae bilang mag-asawa, sinabi ni Jehova na “pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” Nang maglaon ay inulit ni Jesu-Kristo ang pangungusap na ito at idinagdag pa niya: “Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” Sinabi pa ni Jesus: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Gen. 2:24; Mat. 19:3-6, 9) Samakatuwid, ayon sa pangmalas ni Jehova at ni Jesus, ang pag-aasawa ay isang panghabambuhay na pagsasama na magwawakas lamang kapag namatay ang isa. (1 Cor. 7:39) Yamang kaayusan ng Diyos ang pag-aasawa, hindi dapat gawing biru-biro ang pagdidiborsiyo. Sa katunayan, sinasabi ng Salita ng Diyos na kinapopootan ni Jehova ang hindi maka-Kasulatang pagdidiborsiyo. *—Basahin ang Malakias 2:13-16; 3:6.
Responsableng Pag-aasawa
4. Bakit nagsisisi ang ilang kabataang Kristiyano na nagmadali sa pag-aasawa?
4 Ang di-makadiyos na sanlibutan natin sa ngayon ay haling sa sekso. Sa araw-araw, nakakakita tayo ng napakaraming mahahalay na larawan sa ating paligid. Hindi natin maipagwawalang-bahala ang epekto nito sa atin, lalo na sa ating mahal na mga kabataan sa kongregasyon. Ano ang dapat na maging reaksiyon ng mga kabataang Kristiyano sa masamang impluwensiyang ito, na pumupukaw sa seksuwal na pagnanasa kahit na sabihin pang labag ito sa kanilang kagustuhan? Para makaiwas dito, sinubukan ng ilan na mag-asawa agad kahit mga bata pa sila. Sa gayon, inakala nilang nakaiwas na sila sa seksuwal na imoralidad. Pero hindi pa man nagtatagal ang pagsasama, ang ilan ay nagsisisi na sa kanilang naging desisyon. Bakit? Habang lumalaon ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, nakita nilang hindi pala sila magkasundo. Mangyari pa, napapaharap ngayon ang mga mag-asawang ito sa isang malubhang problema.
5. Ano ang tutulong sa mga mag-asawa para makapanatiling tapat sa kanilang sumpaan? (Tingnan din ang talababa.)
5 Ang pagpapakasal sa isa—kahit na sa kapuwa Kristiyano—na ibang-iba pala sa iyong inaasahan ay talagang napakahirap. (1 Cor. 7:28) Pero gaanuman kahirap ang situwasyon, alam ng mga tunay na Kristiyano na ang di-makakasulatang diborsiyo ay hindi solusyon sa mga problema ng mag-asawang hindi na maligaya sa kanilang pagsasama. Kaya naman, nararapat igalang at buong-pagmamahal na tulungan ng kongregasyong Kristiyano ang mga mag-asawang nagsisikap na maisalba ang kanilang pagsasama dahil nais nilang makapanatiling tapat sa kanilang sumpaan. *
6. Ano ang dapat na maging pangmalas ng mga kabataang Kristiyano tungkol sa tamang edad sa pag-aasawa?
6 Bata ka pa ba at wala pang asawa? Kung oo, kailan sa tingin mo ang tamang edad sa pag-aasawa? Maiiwasan mo ang maraming problema kung hihintayin mo munang maabot ang pagkamaygulang sa pisikal, mental, at espirituwal bago ka makipagligawan sa isang Kristiyano. Mangyari pa, walang binabanggit sa Kasulatan kung ano ang tamang edad sa pag-aasawa. * Pero sinasabi sa Bibliya na makabubuting hintayin mo munang malampasan mo ang panahon kung kailan napakahirap pigilin ang seksuwal na pagnanasa. (1 Cor. 7:36) Bakit? Dahil ang masidhing pagnanasa sa sekso ay maaaring pumilipit sa iyong kakayahang magpasiya, anupat nagkakamali ka tuloy sa iyong mga desisyon na posibleng magdulot ng sama ng loob sa dakong huli. Tandaan na ang matalinong payo ni Jehova tungkol sa pag-aasawa na mababasa sa Bibliya ay para sa iyong kapakinabangan at kaligayahan.—Basahin ang Isaias 48:17, 18.
Pagiging Responsableng Magulang
7. Ano ang nararanasan ng mga kabataang mag-asawa, at bakit ito nakapagpapabigat sa kanilang pagsasama?
7 Ang ilang kabataang nag-aasawa agad ay nagiging mga magulang sa panahong sila mismo ay napakabata pa. Ni hindi pa man sila nagkakakilala nang husto, nagkakaroon na sila ng anak, na nangangailangan ng 24-na-oras na atensiyon sa isang araw. Mangyari pa, kapag nauubos ang panahon ng ina sa pag-aalaga sa kaniyang bagong-silang na sanggol, maaaring magselos ang kabataan niyang asawa. Bukod diyan, napupuyat ang mag-asawa, at nagdudulot ito ng tensiyon na nagpapabigat sa kanilang pagsasama. Hindi na nila ngayon malayang nagagawa ang gusto nila. Hindi na sila makapamasyal at makagawa ng mga bagay na malaya nilang nagagawa noon. Paano nila dapat ituring ang pagbabagong ito sa kanilang situwasyon?
8. Paano dapat ituring ang pagiging magulang, at bakit?
8 Kung paanong dapat na maging responsable sa pag-aasawa, ang pagiging magulang ay dapat ding ituring na isang responsibilidad at pribilehiyo mula sa Diyos. Anumang pagbabagong kailangang gawin ng mag-asawang Kristiyano dahil sa pagkakaroon ng anak, dapat nilang pagsikapang gawin ito sa responsableng paraan. Yamang si Jehova ang nagbigay sa mga tao ng kakayahang mag-anák, kailangang ituring ng mga magulang ang bagong-silang na sanggol bilang “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Magsisikap ang Kristiyanong ina at ama na balikatin ang kanilang pananagutan bilang “mga magulang kaisa ng Panginoon.”—Efe. 6:1.
9. (a) Ano ang kailangan sa pagpapalaki ng anak? (b) Ano ang puwedeng gawin ng asawang lalaki para matulungan ang kaniyang kabiyak na manatiling malakas sa espirituwal?
9 Ang pagpapalaki ng anak ay nangangailangan ng maraming taóng pagsasakripisyo. Ang malaking puhunang kailangan dito ay panahon at lakas. Dapat maunawaan ng isang Kristiyanong asawang lalaki na kapag sila’y nagkaanak, malamang na hindi na gaanong makapakinig ang kaniyang asawa sa mga pulong at baka hindi na rin gaanong makagawa ng personal na pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay. Maaaring manghina siya sa espirituwal. Ang isang responsableng asawang lalaki ay kailangang magsikap na tumulong sa pag-aalaga ng bata. Puwede niyang sikaping ikuwento sa kaniyang asawa pag-uwi nila ang ilang puntong hindi nito napakinggan sa mga pulong. Puwede rin namang siya muna ang mag-alaga ng bata para magkaroon ng makabuluhang pakikibahagi ang kaniyang asawa sa pangangaral ng Kaharian.—Basahin ang Filipos 2:3, 4.
10, 11. (a) Paano pinalalaki sa “pangkaisipang patnubay ni Jehova” ang mga anak? (b) Bakit nararapat papurihan ang maraming Kristiyanong magulang?
10 Ang isang responsableng magulang ay hindi lamang basta naglalaan ng pagkain, pananamit, tirahan, at nangangalaga sa kalusugan ng anak. Lalo na sa mapanganib na panahong ito ng kawakasan, kailangang matutuhan ng mga bata ang mga simulain ng kagandahang-asal habang maliliit pa sila. Ang mga anak ay dapat palakihin “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Ang “pangkaisipang patnubay” na ito ay nangangahulugan ng pagkikintal ng mga kaisipan ni Jehova sa isip ng bata mula sa pagkasanggol hanggang sa mahahalagang taon ng pagdadalaga at pagbibinata.—2 Tim. 3:14, 15.
11 Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na dapat silang “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” tiyak na ibig niyang sabihin na dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Iyan ay isang hamon dahil sa mga panggigipit ng sanlibutan sa mga kabataan. Kaya naman nararapat lamang na papurihan ng kongregasyon ang mga magulang na nakapagpalaki ng kanilang mga anak hanggang sa maging nakaalay na mga Kristiyano ang mga ito. ‘Nadaig’ nila ang impluwensiya ng sanlibutan dahil sa kanilang pananampalataya at katapatan bilang mga responsableng magulang.—1 Juan 5:4.
Walang Asawa o Walang Anak Dahil sa Isang Marangal na Layunin
12. Bakit nagpasiya ang ilang Kristiyano na huwag munang mag-asawa?
12 Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” at “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na pag-isipan ang mga bentaha ng pagiging walang asawa. (1 Cor. 7:29-31) Kaya naman nagpasiya ang ilang Kristiyano na huwag nang mag-asawa o huwag munang mag-asawa. Nakatutuwa namang hindi nila sinamantala ang pagiging walang asawa para sa kanilang sariling kapakanan. Marami ang hindi na nag-asawa para makapaglingkod kay Jehova “nang walang abala.” (Basahin ang 1 Corinto 7:32-35.) Ang ilang Kristiyanong walang asawa ay naglilingkod bilang mga payunir o Bethelite. Ang iba naman ay nagsisikap na makapasok sa Ministerial Training School para higit pang makatulong sa organisasyon ni Jehova. Sa katunayan, ang mga naglingkod nang ilang panahon bilang buong-panahong mga ministro bago mag-asawa ay karaniwan nang nakadarama na nakikinabang pa rin sila sa mahahalagang aral na natutuhan nila noong mga bata pa sila.
13. Bakit nagpasiya ang ilang Kristiyanong mag-asawa na huwag nang mag-anák?
13 Sa ilang lugar sa daigdig, may iba pang pagbabago sa buhay may-asawa—napakaraming mag-asawa ang nagpasiyang huwag nang mag-anák. Ganito ang naging pasiya ng ilan dahil gipit sila sa materyal; ang dahilan naman ng iba ay para malaya silang makapagtrabaho para kumita nang malaki. Sa mga Kristiyano, may mga mag-asawa ring ayaw magkaanak. Pero karaniwan nang ito’y dahil sa gusto nilang maging mas malaya sa paglilingkod kay Jehova. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na normal ang kanilang buhay bilang mag-asawa. Normal pa rin naman. Gusto lamang nilang unahin ang kapakanan ng Kaharian kaysa sa ilang karapatan na para lamang sa mga mag-asawa. (1 Cor. 7:3-5) Ang ilan sa mga mag-asawang ito ay naglilingkod kay Jehova at sa kanilang mga kapatid sa pansirkito at pandistritong gawain o sa Bethel. Ang iba naman ay naglilingkod bilang mga payunir o misyonero. Hindi malilimot ni Jehova ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakikita nila para sa kaniyang pangalan.—Heb. 6:10.
‘Kapighatian sa Laman’
14, 15. Anong “kapighatian sa kanilang laman” ang maaaring danasin ng mga Kristiyanong magulang?
14 Sinabi ni apostol Pablo sa mga mag-asawang Kristiyano na magkakaroon sila ng “kapighatian sa kanilang laman.” (1 Cor. 7:28) Maaaring ito’y mga problema sa kalusugan ng mag-asawa, ng kanilang mga anak, o ng kanilang tumatanda nang mga magulang. Maaaring kabilang din dito ang mga problema at sama ng loob na kaugnay sa pagpapalaki ng mga anak. Gaya ng binanggit sa pambungad ng artikulong ito, inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ay darating ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Ang kabilang sa mga bagay na mahirap pakitunguhan ay ang mga anak na “masuwayin sa mga magulang.”—2 Tim. 3:1-3.
15 Ang pagpapalaki ng mga anak ay isang malaking hamon sa mga Kristiyanong magulang. Hindi tayo ligtas sa masasamang epekto ng kasalukuyang mga “panahong mapanganib.” Kaya dapat na patuluyang makipaglaban ang mga Kristiyanong magulang sa nakamamatay na impluwensiya ng “sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito” sa kanilang mga anak. (Efe. 2:2, 3) At hindi sila laging nagtatagumpay! Kung ang anak ng isang Kristiyanong pamilya ay hindi na naglilingkod kay Jehova, isa nga itong “kapighatian” sa mga magulang na nagsikap na palakihin siya sa katotohanan.—Kaw. 17:25.
“Magkakaroon ng Malaking Kapighatian”
16. Anong “kapighatian” ang inihula ni Jesus?
16 Gayunman, may iba pang kapighatian na di-hamak na mas matindi kaysa sa anumang nararanasang “kapighatian” may kaugnayan sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Sa kaniyang hula tungkol sa pagkanaririto niya at sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mat. 24:3, 21) Nang maglaon ay isiniwalat ni Jesus na isang malaking pulutong ang makaliligtas sa “malaking kapighatian” na ito. Pero patuloy pa ring makikipaglaban ang sistema ni Satanas sa pinakamatindi at panghuling pagsalakay nito sa mapayapang mga Saksi ni Jehova. Tiyak na isang napakahirap na panahon ito para sa ating lahat—mga adulto at mga bata.
17. (a) Bakit natin mahaharap nang may pagtitiwala ang kinabukasan? (b) Ano ang dapat makaimpluwensiya sa ating pangmalas sa pag-aasawa at pagiging magulang?
17 Magkagayunman, hindi tayo dapat masyadong matakot sa kinabukasan. Ang mga magulang na tapat kay Jehova ay makaaasang ipagsasanggalang sila at ang kanilang maliliit na anak. (Basahin ang Isaias 26:20, 21; Zef. 2:2, 3; 1 Cor. 7:14) Samantala, yamang alam natin na nabubuhay tayo sa mapanganib na panahong ito, sana’y maimpluwensiyahan nito ang ating pag-iisip tungkol sa pag-aasawa at pagiging magulang sa panahong ito ng kawakasan. (2 Ped. 3:10-13) Kung gayon, ang ating buhay—tayo man ay may asawa o wala, may anak o wala—ay magdudulot ng karangalan at papuri kay Jehova at sa kongregasyong Kristiyano.
[Mga talababa]
^ Tingnan ang Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova sa ilalim ng subtitulong “Kinapopootan Niya ang Pagdidiborsiyo,” sa pahina 125.
^ Matutulungan ang mga may problemang mag-asawa kung rerepasuhin nila ang mga artikulo tungkol sa pag-aasawa na mababasa sa Ang Bantayan ng Setyembre 15, 2003, at Gumising! ng Enero 8, 2001.
^ Tingnan ang kabanata 30 na “Handa Na ba Ako sa Pag-aasawa?” sa Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.
Bilang Repaso
• Bakit hindi dapat magmadali sa pag-aasawa ang mga kabataang Kristiyano?
• Ano ang kailangan sa pagpapalaki ng anak?
• Bakit maraming Kristiyano ang hindi nag-aasawa o kung may asawa man, ay hindi nag-aanak?
• Anong “kapighatian” ang maaaring danasin ng mga Kristiyanong magulang?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Bakit isang katalinuhan para sa mga kabataang Kristiyano na huwag munang mag-asawa?
[Larawan sa pahina 18]
Malaki ang maitutulong ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak para magkaroon ito ng makabuluhang pakikibahagi sa paglilingkod sa Diyos
[Larawan sa pahina 19]
Bakit nagpapasiya ang ilang Kristiyanong mag-asawa na huwag nang mag-anák?