Dinirinig ni Jehova ang Paghingi Natin ng Tulong
Dinirinig ni Jehova ang Paghingi Natin ng Tulong
“Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.”—AWIT 34:15.
1, 2. (a) Ano ang nadarama ng marami sa ngayon? (b) Bakit hindi na ito bago sa atin?
MAY mabigat ka bang problema? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Milyun-milyon ang nakikipagpunyagi sa mga panggigipit sa araw-araw na buhay sa napakasamang sistemang ito ng mga bagay. Kaya pakiramdam ng ilan, pasan na nila ang daigdig. Ang damdamin nila ay katulad na katulad niyaong sa salmistang si David, na sumulat: “Ako ay naging manhid at nasiil nang lubusan; ako ay umungal dahil sa pagdaing ng aking puso. Ang aking puso ay tumibok nang mabilis, nilisan ako ng aking kalakasan, at ang liwanag din ng aking mga mata ay wala sa akin.”—Awit 38:8, 10.
2 Hindi na bago sa ating mga Kristiyano ang mabibigat na problema. Nauunawaan natin na ang “mga hapdi ng kabagabagan” ay bahagi ng inihulang tanda ng pagkanaririto ni Jesus. (Mar. 13:8; Mat. 24:3) Ang orihinal na salitang isinaling “mga hapdi ng kabagabagan” ay tumutukoy sa matinding kirot na nararanasan ng isang babae sa panganganak. Tamang-tama ang paglalarawang ito sa tindi ng pagdurusa ng mga tao sa “mapanganib,” o “nakapangingilabot,” na mga panahon na “mahirap pakitunguhan”!—2 Tim. 3:1; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Naiintindihan ni Jehova ang Ating mga Kabagabagan
3. Ano ang alam na alam ng bayan ni Jehova?
3 Alam na alam ng bayan ni Jehova na sila man ay apektado rin ng mabibigat na problemang ito, at malamang na lumala pa nga ang mga kalagayan. Bukod sa nararanasan ng sangkatauhan sa pangkalahatan, tayong mga lingkod ng Diyos ay napapaharap pa nga sa isang “kalaban, ang Diyablo,” na determinadong pahinain ang ating pananampalataya. (1 Ped. 5:8) Kaya hindi nga nakapagtatakang madama natin ang nadama ni David: “Winasak ng kadustaan ang aking puso, at ang sugat ay di-malunasan. At umaasa akong may makikiramay, ngunit wala; at mga mang-aaliw, ngunit wala akong nasumpungan”!—Awit 69:20.
4. Ano ang nagbibigay sa atin ng kaaliwan kapag may mabibigat tayong problema?
4 Nangangahulugan ba ito na nawalan ng pag-asa si David? Hindi naman. Pansinin ang sinabi niya sa awit ding iyon: “Nakikinig si Jehova sa mga dukha, at hindi nga niya hahamakin ang kaniyang sariling mga bilanggo,” o ang kaniyang mga ‘lingkod na bilanggo.’ (Awit 69:33; Magandang Balita Biblia) Sa diwa, nadarama natin kung minsan na para tayong mga bilanggo ng ating sariling mga problema o kapighatian. Baka iniisip nating parang hindi naiintindihan ng iba ang ating situwasyon—at baka talagang hindi nga nila tayo naiintindihan. Pero gaya ni David, maaaliw tayong malaman na lubusang naiintindihan ni Jehova ang ating mga ikinababagabag.—Awit 34:15.
5. Sa anong katotohanan nagtitiwala si Haring Solomon?
5 Idiniin ng anak ni David na si Solomon ang puntong ito nang ialay ang templo sa Jerusalem. (Basahin ang 2 Cronica 6:29-31.) Nagsumamo siya kay Jehova na dinggin ang panalangin ng bawat taong taimtim na dumaraing sa Kaniya dahil sa “kaniyang sariling salot at [sa] kaniyang sariling kirot.” Paano tutugon ang Diyos sa panalangin ng namimighating mga taong ito? Ipinahayag ni Solomon ang kaniyang pagtitiwala na hindi lamang pakikinggan ng Diyos ang kanilang panalangin kundi aktuwal niya silang tutulungan. Bakit? Sapagkat talagang alam Niya kung ano ang nasa “puso ng mga anak ng sangkatauhan.”
6. Ano ang dapat nating gawin upang madaig ang kabalisahan, at bakit?
6 Maaari din nating idulog kay Jehova sa panalangin ang ‘ating sariling salot at ang ating sariling kirot,’ o ang ating personal na mga problema. Maaaliw tayong malaman na naiintindihan niya ang ating mga problema at nagmamalasakit siya sa atin. Tiniyak ito ni apostol Pedro nang sabihin niya: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Ped. 5:7) Ikinababahala ni Jehova ang nangyayari sa atin. Idiniin ni Jesus na maibigin tayong pinangangalagaan ni Jehova nang sabihin niya: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.”—Mat. 10:29-31.
Magtiwala Kang Tutulungan Ka ni Jehova
7. Anong tulong ang maaasahan natin?
7 Lubos tayong makapagtitiwala na kapag may mabibigat tayong problema, nais tayong tulungan ni Jehova at kayang-kaya niyang gawin ito. “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” (Awit 34:15-18; 46:1) Paano tayo tinutulungan ng Diyos? Isaalang-alang ang sinasabi sa 1 Corinto 10:13: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” Maaaring maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay upang mapawi ang ating paghihirap, o maaaring bigyan niya tayo ng lakas na kailangan natin upang mabata iyon. Sa ganiyang mga paraan tayo tinutulungan ni Jehova.
8. Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang tulong ng Diyos?
8 Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang gayong tulong? Ganito ang ipinapayo sa atin: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan.” Nangangahulugan ito na ipauubaya natin kay Jehova ang lahat ng ating alalahanin. Sa halip na mabalisa, magbabata tayo at magtitiwalang ilalaan niya ang ating mga pangangailangan. (Mat. 6:25-32) Kailangan dito ang kapakumbabaan, anupat hindi nananalig sa ating sariling lakas o karunungan. Kung mapagpakumbaba nating ipasasakop ang ating sarili “sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos,” kinikilala nating nakabababa tayo. (Basahin ang 1 Pedro 5:6.) Tutulong naman ito sa atin na batahin ang anumang ipinahihintulot ng Diyos na maranasan natin. Maaaring inaasam-asam nating matapos agad ang problema, pero nagtitiwala tayong alam na alam ni Jehova kung kailan at kung paano tayo tutulungan.—Awit 54:7; Isa. 41:10.
9. Anong pasanin ang kinailangang ihagis ni David kay Jehova?
9 Alalahanin ang mga salita ni David na nakaulat sa Awit 55:22: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” Lubhang nababagabag si David nang isulat niya ang mga pananalitang iyon. (Awit 55:4) Lumilitaw na isinulat niya ang awit na ito nang makipagsabuwatan ang kaniyang anak na si Absalom upang agawin sa kaniya ang trono. Ang tagapayo ni David na pinagtitiwalaan niya sa lahat, si Ahitopel, ay nakisama pa nga sa sabuwatang ito. Kinailangang tumakas si David mula sa Jerusalem upang iligtas ang kaniyang buhay. (2 Sam. 15:12-14) Sa kabila ng gayong nakababagabag na kalagayan, patuloy na nagtiwala si David sa Diyos, at hindi siya nabigo.
10. Ano ang dapat nating gawin kapag may mabibigat tayong problema?
10 Napakahalagang tularan natin si David at idulog kay Jehova sa panalangin ang anumang mabibigat na problemang dumarating sa atin. Isaalang-alang ang payo ni apostol Pablo hinggil sa bagay na ito. (Basahin ang Filipos 4:6, 7.) Paano makatutulong ang gayong marubdob na pananalangin? “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”
11. Paano ipinagsasanggalang ng “kapayapaan ng Diyos” ang ating puso at kakayahang pangkaisipan?
11 Magbabago ba ang ating situwasyon sa tulong ng panalangin? Posible. Pero dapat nating tandaan na hindi laging sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin sa paraang gusto natin. Magkagayunman, tumutulong sa atin ang panalangin upang makapag-isip tayo nang tama at hindi madaig ng ating mga problema. “Ang kapayapaan ng Diyos” ang magpapakalma sa atin kapag masyado na tayong nababalisa. Tulad ng isang hukbo ng mga sundalo na inatasang ipagsanggalang ang isang lunsod sa sumasalakay na mga kaaway, “ang kapayapaan ng Diyos” ang magsasanggalang sa ating puso at kakayahang pangkaisipan. Tutulungan din tayo nito na mapagtagumpayan ang ating mga alinlangan, takot, at negatibong mga kaisipan at maiwasan ang pagkilos nang padalus-dalos at walang ingat.—Awit 145:18.
12. Ilahad kung paano maaaring magkaroon ng kapayapaan ng isip ang isang tao.
12 Paano tayo magkakaroon ng kapayapaan ng isip kahit na napapaharap tayo sa mabibigat na problema? Isaalang-alang natin ang isang ilustrasyon na may pagkakatulad sa ating situwasyon. Isang empleado ang may mapang-abusong manedyer. Idinulog ng empleado ang kaniyang mga hinaing sa may-ari ng kompanya, na isang mabait at makatuwirang tao. Sinabi ng may-ari ng kompanya sa empleado na naiintindihan niya ang situwasyon at ipinaalam niya rito na malapit nang masesante ang manedyer. Ano kaya ang madarama ng empleadong iyon? Yamang nagtitiwala siya sa sinabi ng may-ari ng kompanya at alam na niya kung ano ang mangyayari, lumakas ang loob niya na magpatuloy sa trabaho, kahit na kailangan pa niyang magtiis nang kaunti sa kasalukuyan. Sa katulad na paraan, alam nating naiintindihan ni Jehova ang ating situwasyon, at tinitiyak niya sa atin na malapit nang “[palayasin] ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Talaga ngang nakaaaliw ito!
13. Bukod sa pananalangin, ano pa ang kailangan nating gawin?
13 Pero sapat na bang basta ipanalangin natin kay Jehova ang ating mga problema? Hindi. May kailangan pa tayong gawin. Kailangang kumilos tayo kasuwato ng ating mga panalangin. Nang magsugo si Haring Saul ng mga lalaki sa bahay ni David upang ipapatay siya, nanalangin si David: “Iligtas mo ako mula sa aking mga kaaway, O Diyos ko; ipagsanggalang mo nawa ako mula sa mga bumabangon laban sa akin. Sagipin mo ako mula sa mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, at iligtas mo ako mula sa mga taong may pagkakasala sa dugo.” (Awit 59:1, 2) Bukod sa pananalangin, nakinig si David sa kaniyang asawa at gumawa siya ng kinakailangang hakbang upang makatakas. (1 Sam. 19:11, 12) Sa katulad na paraan, maaari nating hilingin sa panalangin na bigyan tayo ng praktikal na karunungan upang maharap natin ang mga problema at marahil ay mapabuti ang ating situwasyon.—Sant. 1:5.
Kung Ano ang Makapagbibigay sa Atin ng Lakas Upang Makapagbata
14. Ano ang makatutulong sa atin na mabata ang mga problema?
14 Baka hindi malutas agad ang ating mga problema. Baka magpatuloy pa nga ito nang mahaba-habang panahon. Kung gayon, ano ang makatutulong sa atin na magbata? Una, tandaan na habang patuloy tayong naglilingkod nang tapat kay Jehova sa kabila ng mga suliranin, pinatutunayan natin ang ating pag-ibig sa kaniya. (Gawa 14:22) Huwag kalimutan ang akusasyon ni Satanas kay Job: “Si Job kaya ay matatakot sa iyo nang walang dahilan? Bakit nga hindi siya matatakot sa iyo gayong pinagpala mo siya? Iniingatan mo pati ang kanyang sambahayan at ari-arian. Subukin mong huwag siyang pagpalain, bagkus ay sirain ang lahat niyang tinatangkilik kung di ka niya sumpain”! (Job 1:9-11, Magandang Balita Biblia) Dahil nanatiling tapat si Job, napatunayan niyang isang ganap na kasinungalingan ang akusasyong iyon. Kapag binabata natin ang mabibigat na problema, pinatutunayan din nating sinungaling si Satanas. Bukod diyan, pinatitibay nito ang ating pag-asa at pagtitiwala kay Jehova.—Sant. 1:4.
15. Anong mga halimbawa ang makapagpapatibay sa atin?
15 Ikalawa, isaisip na “ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Ped. 5:9) Oo, “walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao.” (1 Cor. 10:13) Kaya magkakaroon ka ng lakas at tibay ng loob kung bubulay-bulayin mo ang mga halimbawa ng iba, sa halip na magtuon ka ng pansin sa iyong mga problema. (1 Tes. 1:5-7; Heb. 12:1) Pag-isipan ang halimbawa ng mga kakilala mo na nanatiling tapat habang nagbabata ng matinding mga pasakit. Nasubukan mo na bang magbasa ng mga talambuhay na inilathala sa ating mga publikasyon, lalo na ng karanasan ng mga indibiduwal na dumaan sa mga problemang gaya ng nararanasan mo? Mapapatibay ka nang husto sa mga karanasang ito.
16. Paano tayo pinalalakas ng Diyos upang maharap ang iba’t ibang pagsubok?
16 Ikatlo, tandaan natin na si Jehova “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian, upang maaliw [natin] yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa [atin] ng Diyos.” (2 Cor. 1:3, 4) Para bang nasa tabi natin ang Diyos at pinatitibay-loob tayo upang mapagtagumpayan natin hindi lamang ang ating kasalukuyang mga kapighatian kundi ang “lahat ng [ating] kapighatian.” Tumutulong naman ito upang maaliw natin ang iba na may “anumang uri ng kapighatian.” Napatunayan mismo ni Pablo na totoo ang mga salitang ito.—2 Cor. 4:8, 9; 11:23-27.
17. Paano makatutulong sa atin ang Bibliya upang maharap ang mabibigat na problema?
17 Ikaapat, taglay natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Tim. 3:16, 17) Hindi lamang tayo tinutulungan ng Salita ng Diyos na maging “may kakayahan” at “nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Tinutulungan din tayo nito na harapin ang mga problema sa buhay. Sa pamamagitan nito, tayo ay nagiging “lubos na may kakayahan” at “lubusang nasangkapan.” Ang orihinal na salitang isinaling “lubusang nasangkapan” ay literal na nangangahulugang “kumpleto sa kagamitan.” Ang salitang ito ay malamang na ginagamit noong sinaunang panahon upang tumukoy sa isang barko na kumpleto sa mga kagamitang kailangan sa paglalayag o maaari din namang tumukoy sa isang makina na hindi pumapalya. Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng kaniyang Salita ay naglalaan si Jehova ng lahat ng kinakailangan natin upang maharap ang anumang problema. Kaya naman masasabi natin, “Anuman ang ipahintulot ng Diyos, kakayanin ko iyon sa tulong niya.”
Kaligtasan Mula sa Lahat ng Ating Kabagabagan
18. Ano ang dapat na lagi nating isipin upang makapanatili tayong tapat habang nagbabata?
18 Ikalima, laging magtuon ng pansin sa kamangha-manghang katotohanan na malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng ating kabagabagan. (Awit 34:19; 37:9-11; 2 Ped. 2:9) Sa panahong iyon, hindi lamang lulutasin ng Diyos ang kasalukuyan nating mga problema kundi may pagkakataon din tayong mabuhay magpakailanman, sa langit man kasama ni Jesus o sa paraisong lupa.
19. Paano tayo makapananatiling tapat habang nagbabata?
19 Sa kasalukuyan, kailangan pa rin nating harapin ang mga kabagabagan sa masamang sanlibutang ito. Inaasam-asam natin ang panahong mawawala na ang lahat ng ito! (Awit 55:6-8) Tandaan natin na mapatutunayan nating sinungaling ang Diyablo kung mananatili tayong tapat habang nagbabata. Mapalakas nawa tayo ng ating mga panalangin at ng ating mga kapatid na Kristiyano, anupat isinasaisip na dumaranas din sila ng mga pagsubok na katulad ng sa atin. Patuloy ka sanang maging lubos na may kakayahan at lubusang nasangkapan sa pamamagitan ng mabisang paggamit sa Salita ng Diyos. Huwag hayaang manghina ang iyong pagtitiwala sa maibiging pangangalaga ng “Diyos ng buong kaaliwan.” Tandaan na “ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.”—Awit 34:15.
Masasagot Mo Ba?
• Ano ang nadama ni David nang mapaharap siya sa mabibigat na problema?
• Sa anong katotohanan nagtitiwala si Haring Solomon?
• Ano ang tutulong sa atin upang mapagtagumpayan ang anumang ipinahihintulot ni Jehova na maranasan natin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Nagtitiwala si Solomon na ililigtas ni Jehova ang Kaniyang bayan mula sa kabagabagan
[Larawan sa pahina 15]
Inihagis ni David ang kaniyang pasanin kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin at kumilos siya kasuwato ng kaniyang panalangin