Tularan ang Pinakadakilang Misyonero
Tularan ang Pinakadakilang Misyonero
“Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.”—1 COR. 11:1.
1. Bakit dapat nating tularan si Jesu-Kristo?
TINULARAN ni apostol Pablo si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang Misyonero. Hinimok din ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Matapos magpakita si Jesus ng halimbawa ng kapakumbabaan sa kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa, sinabi niya: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:12-15) Bilang mga Kristiyano sa ngayon, pananagutan nating tularan ang mga katangian ni Jesu-Kristo sa ating pananalita at paggawi.—1 Ped. 2:21.
2. Kahit na hindi ka inatasan ng Lupong Tagapamahala bilang misyonero, anong saloobin ang puwede mong taglayin?
2 Sa naunang artikulo, natutuhan natin na ang misyonero ay isa na isinugo bilang ebanghelisador—isa na nagdadala ng mabuting balita sa iba. Hinggil dito, nagharap si Pablo ng nakapupukaw-interes na mga tanong. (Basahin ang Roma 10:11-15.) Pansinin ang tanong ng apostol: “Paano . . . nila maririnig kung walang mangangaral?” Saka siya sumipi sa hula ni Isaias: “Pagkaganda-ganda ng mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” (Isa. 52:7) Kahit na hindi ka inatasang maglingkod bilang misyonero sa ibang bansa, matutularan mo pa rin ang sigasig ni Jesus sa pag-eebanghelyo. Nitong nakaraang taon, 6,957,852 mamamahayag ng Kaharian ang ‘gumawa ng gawain ng ebanghelisador’ sa 236 na lupain.—2 Tim. 4:5.
“Iniwan Na Namin ang Lahat ng mga Bagay at Sumunod sa Iyo”
3, 4. Ano ang isinakripisyo ni Jesus sa langit, at ano ang dapat nating gawin upang maging tagasunod niya?
3 Upang magampanan ni Jesus ang kaniyang atas sa lupa, “hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin,” anupat iniwan ang kaniyang maluwalhating buhay sa langit. (Fil. 2:7) Hindi natin mapapantayan ang sakripisyong ginawa ni Kristo nang pumarito siya sa lupa. Pero makapananatili naman tayong matatag bilang mga tagasunod niya, anupat hindi pinanghihinayangan ang ating mga isinakripisyo sa sanlibutan ni Satanas.—1 Juan 5:19.
4 Sa isang pagkakataon, sinabi ni apostol Pedro kay Jesus: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo.” (Mat. 19:27) Karaka-rakang iniwan nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ang kanilang mga lambat nang anyayahan sila ni Jesus na sumunod sa kaniya. Iniwan nila ang pangingisda, at nagtuon sila ng pansin sa kanilang ministeryo. Ayon sa ulat ng Ebanghelyo ni Lucas, sinabi ni Pedro: “Narito! Iniwan na namin ang aming sariling mga bagay at sumunod sa iyo.” (Luc. 18:28) Hindi naman kailangang iwan ng karamihan sa atin ang lahat ng ating “sariling mga bagay” para masundan si Jesus. Gayunman, kailangan nating ‘itatwa ang ating sarili’ para maging tagasunod tayo ni Kristo at makapaglingkod kay Jehova nang buong puso. (Mat. 16:24) Saganang pagpapala ang ibubunga ng gayong landasin. (Basahin ang Mateo 19:29.) Ang pagtulad sa sigasig ni Kristo sa pag-eebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan, lalo na kung nakatulong tayo sa paanuman sa isang indibiduwal na mapalapít sa Diyos at sa kaniyang minamahal na Anak.
5. Ano ang maaaring ipasiya ng isang nandayuhan na natuto ng katotohanan sa Bibliya? Ilahad ang karanasan.
5 Si Valmir, isang lalaking taga-Brazil, ay nandayuhan sa Suriname at nagtrabaho bilang minero ng ginto. Isa siyang lasinggero at imoral ang kaniyang pamumuhay. Noong minsang nasa lunsod siya, isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan ng mga Saksi ni Jehova sa kaniya. Nakipag-aral siya ng Bibliya araw-araw, nagbagong-buhay, at di-nagtagal ay nagpabautismo. Nang matanto niyang nagiging hadlang ang kaniyang trabaho sa kaniyang espirituwal na pagsulong, tumigil siya sa pagmimina, kahit na malakas itong pagkakitaan. Bumalik siya sa Brazil para tulungan ang kaniyang pamilya na matuto rin ng katotohanan. Marami sa mga nandayuhan sa mauunlad na bansa at natuto ng katotohanan sa Bibliya ang kusang-loob na nagbitiw sa kanilang trabaho at nagbalik sa kanilang sariling bansa upang tulungan ang kanilang pamilya at ang iba pa na magkaroon ng kaugnayan kay Jehova. Ang gayong mga mamamahayag ng Kaharian ay nagpapakita ng tunay na sigasig sa pag-eebanghelyo.
6. Ano ang maaari nating gawin kung hindi man tayo makalipat sa lugar na may malaking pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian?
6 May mga Saksi na lumilipat sa mga lugar kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga tagapangaral ng Kaharian. Naglilingkod pa nga ang ilan sa ibang bansa. Hindi man magawa ng ilan sa atin ang gayon, matutularan pa rin natin si Jesus kung lagi nating gagawin ang ating buong makakaya sa ministeryo.
Nagbibigay si Jehova ng Kinakailangang Pagsasanay
7. Sa anu-anong paaralan sinasanay ang mga nagnanais na mapasulong ang kanilang kakayahan sa pangangaral ng Kaharian?
7 Gaya ni Jesus, tayo man ay maaaring makinabang sa pagsasanay na inilalaan ni Jehova. Sinabi mismo ni Jesus: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay magiging mga naturuan ni Jehova.’” (Juan 6:45; Isa. 54:13) Sa ngayon, may mga paaralan na pantanging dinisenyo para sanayin tayo bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Walang-alinlangang nakikinabang tayong lahat mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa ating kongregasyon. May pribilehiyo naman ang mga payunir na makapag-aral sa Pioneer Service School. May matatagal nang payunir na nakapag-aral dito sa ikalawang pagkakataon. Nakatulong naman sa mga elder at ministeryal na lingkod ang Kingdom Ministry School para sumulong ang kanilang kasanayan sa pagtuturo at paglilingkod sa mga kapananampalataya. Maraming binatang elder at ministeryal na lingkod ang sinasanay sa Ministerial Training School upang makatulong sa iba sa pangangaral. Marami ding kapatid na inatasan bilang misyonero sa ibang bansa ang sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead.
8. Paano pinahalagahan ng ilang kapatid ang pagsasanay na ibinibigay ni Jehova?
8 Maraming Saksi ni Jehova ang gumawa ng mga pagbabago para makatanggap ng pagsasanay sa gayong mga paaralan. Nagbitiw sa trabaho si Yugu para makapag-aral sa Ministerial Training School sa Canada dahil hindi siya pinayagan ng kaniyang amo na magbakasyon. “Hindi ko pinagsisisihan ang pasiya ko,” ang sabi ni Yugu. “Sa katunayan, kung pinagbigyan nila ang hiling kong bakasyon, malamang na obligahin nila akong manatili sa kompanya. Pero ngayon, handa akong tumanggap ng anumang atas na ibibigay sa akin ni Jehova.” Upang makinabang sa pagsasanay na ibinibigay ng Diyos, hindi nag-atubili ang marami na isakripisyo ang mga bagay na dati ay napakahalaga sa kanila.—Luc. 5:28.
9. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang malaking tulong ang pagtuturong salig sa Bibliya at marubdob na pagsisikap.
9 Ang pagtuturong salig sa Bibliya at marubdob na pagsisikap ay tumutulong nang malaki para sumulong ang isa. (2 Tim. 3:16, 17) Pansinin ang nangyari kay Saulo na taga-Guatemala. Ipinanganak siyang may bahagyang kapansanan sa isip. Isa sa mga guro niya ang nagsabi sa kaniyang ina na hindi dapat pilitin si Saulo na matutong magbasa dahil masisiraan lamang ng loob ang bata. Tumigil siya sa pag-aaral nang hindi man lamang natutong bumasa. Pero isang Saksi ang nagturo kay Saulo na bumasa gamit ang brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing. Di-nagtagal, sumulong si Saulo hanggang sa punto na nakagaganap na siya ng mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nang maglaon, nasumpungan ng ina ni Saulo ang guro nito habang nangangaral sa bahay-bahay. Nang malaman ng guro na marunong nang bumasa si Saulo, hiniling niya sa ina nito na isama si Saulo sa susunod na pagdalaw sa kaniya. Nang sumunod na linggo, tinanong ng guro si Saulo, “Ano ang ituturo mo sa akin?” Binasa ni Saulo ang isang parapo mula sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? “Hindi ako makapaniwalang ikaw na ang nagtuturo sa akin,” ang sabi ng guro. Napaiyak siya sa tuwa at niyakap si Saulo.
Pagtuturong Nakaaantig sa Puso
10. Anong napakahusay na pantulong ang magagamit natin sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya?
10 Ang itinuro ni Jesus ay batay sa itinuro ni Jehova sa kaniya at sa nasusulat na Salita ng Diyos. (Luc. 4:16-21; Juan 8:28) Tinutularan natin si Jesus kapag sinusunod natin ang kaniyang payo at nagtuturo tayo salig sa Bibliya. Bunga nito, tayong lahat ay nagsasalita at nag-iisip nang magkakasuwato, at tumutulong naman ito para magkaisa tayo. (1 Cor. 1:10) Kaylaki ng pasasalamat natin sa “tapat at maingat na alipin” na naglalaan ng salig-Bibliyang mga publikasyon upang patuloy tayong magkaisa sa ating mga turo at magampanan ang ating atas bilang mga ebanghelisador! (Mat. 24:45; 28:19, 20) Isa sa mga publikasyong iyon ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, na makukuha ngayon sa 179 na wika.
11. Paano ginamit ng isang sister sa Etiopia ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para maharap ang pagsalansang?
11 Ang pag-aaral ng Kasulatan gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya ay maaari pa ngang magpabago sa saloobin ng mga mananalansang. Nang minsang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya si Lula, isang sister na payunir sa Etiopia, basta-basta na lamang pumasok ang kamag-anak ng kaniyang estudyante sa Bibliya, at sinabi nito na hindi nila kailangan ng gayong pag-aaral. Mahinahong nagpaliwanag si Lula gamit ang ilustrasyon tungkol sa pekeng salapi sa kabanata 15 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Kumalma ang babae at hinayaan na silang magpatuloy. At nang sumunod na pag-aaral, nakisali pa nga siya at humiling na turuan din siya ng Bibliya, kahit na magbayad pa siya! Di-nagtagal, tatlong beses na siyang nag-aaral sa isang linggo, at sumulong siya sa espirituwal.
12. Magbigay ng halimbawang nagpapakita kung paano mabisang makapagtuturo ang mga kabataan ng mga katotohanan sa Bibliya.
12 Magagamit din ng mga kabataan ang aklat na Itinuturo ng Bibliya para tulungan ang iba. Habang binabasa ng 11-taóng-gulang na si Keanu, na taga-Hawaii, ang aklat na ito sa paaralan, tinanong siya ng kaniyang kaklase, “Bakit hindi kayo nagdiriwang ng mga kapistahan?” Binasa ni Keanu ang sagot mula sa apendise na may paksang “Dapat ba Tayong Magdiwang ng mga Kapistahan?” Saka niya ipinakita ang talaan ng mga nilalaman at tinanong ang kaniyang kaklase kung alin sa mga paksa ang gusto niya. Nasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Nitong nakaraang taon ng paglilingkod, nakapagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng 6,561,426 na pag-aaral sa Bibliya, na karamihan ay gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Ginagamit mo ba ang pantulong na ito sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya?
13. Sa anong paraan maaaring makaantig sa mga tao ang pag-aaral ng Bibliya?
13 Ang pag-aaral ng Kasulatan gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya ay maaaring makaantig sa mga nagnanais na gumawa ng kalooban ng Diyos. Isang mag-asawang special pioneer sa Norway ang nakapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya mula sa Zambia. May tatlong anak na babae ang mag-asawa at ayaw na nilang masundan pa ang mga ito. Kaya nang magdalang-tao ang babae, naisip nilang ipalaglag ito. Ilang araw bago sila kumonsulta sa doktor, napag-aralan nila ang kabanatang may pamagat na “Ang Makadiyos na Pangmalas sa Buhay.” Naantig ang mag-asawa sa nakita nilang larawan ng isang hindi pa naisisilang na sanggol sa kabanatang iyon anupat nagpasiya silang huwag nang ipalaglag ang bata. Patuloy silang sumulong, at ipinangalan pa nga nila ang kanilang anak na lalaki sa nagtuturo sa kanila ng Bibliya.
14. Ilahad ang karanasan na nagpapakitang maganda ang ibinubunga kapag namumuhay tayo ayon sa ating itinuturo.
14 Ang isang mahalagang bahagi ng pagtuturo ni Jesus ay ang pamumuhay niya ayon sa kaniyang itinuturo. Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova si Jesus sa bagay na iyan kaya maraming tao ang humahanga sa kanilang mabuting paggawi. Isang negosyante sa New Zealand ang nanakawan ng kaniyang portpolyo na iniwan niya sa loob ng kaniyang kotse. Inireport niya ito sa pulis, na nagsabi naman sa kaniya: “Ang pag-asa mo lang na maibalik ang gamit mo ay kung mapupulot iyon ng isang Saksi ni Jehova.” Isang Saksi na naghahatid ng mga diyaryo ang nakapulot sa portpolyo. Nang ipagbigay-alam ito sa negosyante, pinuntahan niya ang sister sa bahay nito. Para siyang nabunutan ng tinik nang malamang naroroon pa rin ang kaniyang mahahalagang dokumento. Sinabi ng sister, “Angkop lamang na ibalik ko ito sa may-ari dahil isa akong Saksi ni Jehova.” Humanga ang negosyante habang naaalaala niya ang sinabi ng pulis nang umagang iyon. Maliwanag na tinutularan ng tunay na mga Kristiyano si Jesus at namumuhay sila ayon sa itinuturo ng Bibliya.—Heb. 13:18.
Tularan ang Saloobin ni Jesus sa mga Tao
15, 16. Paano natin maaakit ang mga tao sa mensaheng ipinangangaral natin?
15 Dahil sa saloobin ni Jesus sa mga tao, naakit sila sa kaniyang mensahe. Halimbawa, naging malapít sa kaniya ang mga maralita dahil maibigin siya at mapagpakumbaba. Nahabag siya sa mga lumalapit sa kaniya kaya pinatibay-loob niya sila at pinagaling ang maraming maysakit. (Basahin ang Marcos 2:1-5.) Bagaman wala tayong kakayahang gumawa ng himala ngayon, makapagpapakita tayo ng pag-ibig, kapakumbabaan, at habag—mga katangiang makaaakit sa mga tao sa katotohanan.
16 Malaki ang nagawa ng pagpapakita ng habag ng special pioneer na si Tariua, nang dumalaw siya sa bahay ni Beere, isang may-edad nang lalaki na nakatira sa isa sa liblib na mga isla ng Kiribati sa Timog Pasipiko. Ipinahiwatig ng lalaki na hindi siya interesado, pero napansin ni Tariua na bahagyang paralisado ang lalaki at nahabag siya rito. “Narinig n’yo na po ba ang pangako ng Diyos para sa mga may-sakit at may-edad na?” ang tanong niya. Saka niya binasa ang isang bahagi ng hula ni Isaias. (Basahin ang Isaias 35:5, 6.) Naging interesado ang lalaki at sinabi nito, “Matagal na akong nagbabasa ng Bibliya at dinadalaw ng isang misyonero ng aming relihiyon, pero hindi ko pa iyan nabasa sa Bibliya.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan, at sumulong si Beere sa espirituwal hanggang sa mabautismuhan siya. Pinangangasiwaan niya ang isang nakabukod na grupo ng mga Saksi doon. Bagaman dati’y hindi siya nakalalakad, nalilibot na niya ngayon ang buong isla para ipangaral ang mabuting balita.
Patuloy na Tularan si Kristo
17, 18. (a) Paano ka magiging matagumpay na ebanghelisador? (b) Anong gantimpala ang maaasahan ng mga taimtim na gumaganap sa kanilang ministeryo?
17 Gaya ng madalas na ipinakikita ng masayang mga karanasan sa ministeryo, maaari tayong maging matagumpay na mga ebanghelisador kung lilinangin natin at tutularan ang mga katangian ni Jesus. Kung gayon, angkop ngang tularan si Kristo at maging masisigasig na ebanghelisador!
18 Nang maging tagasunod ni Jesus ang ilan noong unang siglo, nagtanong si Pedro: “Ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 19:27-29) Tiyak na mararanasan natin iyan kung patuloy nating tutularan ang pinakadakilang Misyonero, si Jesu-Kristo.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo sinasanay ni Jehova na maging ebanghelisador?
• Bakit mabisa sa ating ministeryo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
• Paano natin matutularan ang saloobin ni Jesus sa mga tao?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Nang anyayahan ni Jesus sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumunod sa kaniya, karaka-raka silang tumugon
[Larawan sa pahina 19]
Tumutulong ang mga publikasyong gaya ng aklat na “Itinuturo ng Bibliya” para magkaisa tayo sa ating turo