Lumakad sa mga Daan ni Jehova
Lumakad sa mga Daan ni Jehova
“Maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan.”—AWIT 128:1.
1, 2. Bakit tayo makatitiyak na posible na maging tunay na maligaya?
GUSTO ng lahat na maging maligaya. Pero tiyak na sasang-ayon kang iba ang pagiging tunay na maligaya sa basta pagnanais at pagsisikap na maging maligaya.
2 Gayunman, posible na maging tunay na maligaya. “Maligaya ang bawat isa na natatakot kay Jehova, na lumalakad sa kaniyang mga daan,” ang sabi ng Awit 128:1. Magiging maligaya tayo kung sasamba tayo sa Diyos at lalakad sa kaniyang mga daan sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban. Paano ito dapat makaapekto sa ating pagkilos at pagkatao?
Maging Mapagkakatiwalaan
3. Ano ang pinakamahalagang paraan upang maipakita natin sa Diyos na mapagkakatiwalaan niya tayo?
3 Gaya ni Jehova, ang mga natatakot sa kaniya ay mapagkakatiwalaan. Ang lahat ng pangako ni Jehova sa sinaunang Israel ay tinupad niya. (1 Hari 8:56) Ang ating pag-aalay sa Diyos ang pinakamahalagang pangako na magagawa natin, at ang palagiang pananalangin ang tutulong sa atin na matupad ito. Maaari tayong manalangin gaya ni David, na nagsabi: “Ikaw, O Diyos, ay nakinig sa aking mga panata. . . . Aawit ako sa iyong pangalan magpakailanman, upang matupad ko ang aking mga panata sa araw-araw.” (Awit 61:5, 8; Ecles. 5:4-6) Upang maging mga kaibigan ng Diyos, dapat na mapagkakatiwalaan tayo.—Awit 15:1, 4.
4. Paano tinupad ni Jepte at ng kaniyang anak ang panata ni Jepte kay Jehova?
4 Noong panahon ng mga Hukom sa Israel, nanata si Jepte na kapag binigyan siya ni Jehova ng tagumpay laban sa mga Ammonita, ihahandog niya bilang “handog na sinusunog” ang unang sasalubong sa kaniya pagbalik mula sa digmaan. Nagkataong ang anak na babae ni Jepte—ang kaniyang kaisa-isang anak—ang sumalubong sa kaniya. Dahil nananampalataya kay Jehova si Jepte at ang kaniyang dalagang anak, kapuwa nila tinupad ang panata. Bagaman napakahalaga para sa mga Israelita noon na makapag-asawa at magkaanak, bukal sa loob na nanatiling dalaga ang anak ni Jepte at iniukol niya ang kaniyang buhay sa sagradong paglilingkod sa santuwaryo ni Jehova.—Huk. 11:28-40.
5. Paano pinatunayan ni Hana na mapagkakatiwalaan siya?
5 Mapagkakatiwalaan din ang makadiyos na si Hana. Naninirahan siya kasama ng kaniyang Levitang asawang si Elkana at ng isa pa nitong asawa na si Penina sa bulubunduking rehiyon ng Efraim. Palibhasa’y may mga anak si Penina, madalas niyang tuyain ang baog na si Hana lalo na kapag pumupunta ang kanilang pamilya sa tabernakulo. Minsan nang pumunta sila roon, nanata si Hana na kung magkakaanak siya ng batang lalaki, ibibigay niya ito kay Jehova. Di-nagtagal, nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang sanggol na lalaki na pinanganlang Samuel. Matapos awatin sa suso si Samuel, iniharap siya ni Hana sa Diyos sa Shilo upang ipahiram si Samuel kay Jehova sa “lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” (1 Sam. 1:11) Sa gayon, tinupad ni Hana ang kaniyang panata bagaman hindi niya alam na sa dakong huli ay magkakaanak pa siya.—1 Sam. 2:20, 21.
6. Paano ipinakita ni Tiquico na mapagkakatiwalaan siya?
6 Ang unang-siglong Kristiyano na si Tiquico ay isang mapagkakatiwalaan at “tapat na ministro.” (Col. 4:7) Sinamahan ni Tiquico si apostol Pablo sa paglalakbay mula sa Gresya patungong Macedonia at pagkatapos, sa Asia Minor, at marahil hanggang sa Jerusalem. (Gawa 20:2-4) Malamang na siya “ang kapatid” na tumulong kay Tito sa pangangasiwa sa mga kaloob para sa mga kapananampalataya sa Judea. (2 Cor. 8:18, 19; 12:18) Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma, pinagkatiwalaan niya si Tiquico na magdala ng sulat sa mga kapananampalataya sa Efeso at Colosas. (Efe. 6:21, 22; Col. 4:8, 9) Si Tiquico rin ang isinugo ni Pablo sa Efeso nang muli siyang mabilanggo sa Roma. (2 Tim. 4:12) Kung tayo ay mapagkakatiwalaan, pagkakalooban din tayo ng mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova.
7, 8. Bakit natin masasabi na tunay na magkaibigan sina David at Jonatan?
7 Inaasahan ng Diyos na tayo ay magiging mapagkakatiwalaang mga kaibigan. (Kaw. 17:17) Si David ay naging kaibigan ng anak ni Haring Saul na si Jonatan. Nang mabalitaan ni Jonatan na napatay ni David si Goliat, “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Sam. 18:1, 3) Kaya naman, nang malaman ni Jonatan na gustong patayin ni Saul si David, binabalaan niya si David. Nakatakas si David, at pagkatapos ay pinuntahan siya ni Jonatan at nakipagtipan sa kaniya. Nalagay sa panganib ang buhay ni Jonatan nang makipag-usap siya kay Saul tungkol kay David. Pero nagkita silang muli at pinagtibay ang kanilang pagkakaibigan. (1 Sam. 20:24-41) Sa huli nilang pagkikita, pinalakas ni Jonatan ang kamay ni David “may kinalaman sa Diyos.”—1 Sam. 23:16-18.
8 Namatay si Jonatan habang nakikipaglaban sa mga Filisteo. (1 Sam. 31:6) Sa isang panambitan ay inawit ni David: “Ako ay napipighati dahil sa iyo, kapatid kong Jonatan, naging lubhang kaiga-igaya ka sa akin. Higit na kamangha-mangha ang iyong pag-ibig sa akin kaysa sa pag-ibig ng mga babae.” (2 Sam. 1:26) Pagmamahal ito ng isang tao sa kaniyang kaibigan at wala itong ipinahihiwatig na romantikong damdamin. Sina David at Jonatan ay tunay na magkaibigan.
Laging Maging “Mapagpakumbaba sa Pag-iisip”
9. Paano ipinakita ng Hukom kabanata 9 ang kahalagahan ng kapakumbabaan?
9 Upang maging mga kaibigan ng Diyos, dapat tayong maging “mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Ped. 3:8; Awit 138:6) Ipinakikita ng Hukom kabanata 9 ang kahalagahan ng kapakumbabaan. Ganito ang sinabi ng anak ni Gideon na si Jotam: “Noong unang panahon ay humayo ang mga punungkahoy upang pahiran ang isang hari sa kanila.” Binanggit niya ang punong olibo, puno ng igos, at punong ubas. Inilalarawan ng mga ito ang mga indibiduwal na bagaman karapat-dapat ay hindi naghangad na pamunuan ang kanilang kapuwa Israelita. Pero ang kambron—ginagamit lamang bilang panggatong—ang lumalarawan sa paghahari ng hambog na si Abimelec, isang mamamatay-tao na gustung-gustong mamuno sa iba. Siya ay “nag-astang prinsipe sa Israel nang tatlong taon,” subalit maaga siyang namatay. (Huk. 9:8-15, 22, 50-54) Talaga ngang kailangan na maging “mapagpakumbaba sa pag-iisip”!
10. Ano ang matututuhan mo hinggil sa ‘hindi pagbibigay ni Herodes ng kaluwalhatian sa Diyos’?
10 Noong unang siglo C.E., nagkaroon ng alitan ang palalong si Haring Herodes Agripa ng Judea at ang mga naninirahan sa Tiro at Sidon, na gusto nang makipagpayapaan sa kaniya. Nang minsang nagpahayag sa madla si Herodes, sumigaw ang mga tao: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” Hindi tinanggihan ni Herodes ang gayong labis na papuri, kung kaya’t sinaktan siya ng anghel ni Jehova na naging dahilan ng kaniyang kahila-hilakbot na kamatayan “sapagkat hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian.” (Gawa 12:20-23) Kumusta kung sa paanuman ay isa kang mahusay na tagapagsalita o tagapagturo ng katotohanan mula sa Bibliya? Kung gayon, ibigay natin sa Diyos ang papuri para sa mga bagay na nagagawa natin.—1 Cor. 4:6, 7; Sant. 4:6.
Magpakalakas-Loob at Magpakatibay
11, 12. Paano ipinakikita ng karanasan ni Enoc na nagbibigay si Jehova ng lakas at tibay ng loob sa kaniyang mga lingkod?
11 Kung mapagpakumbaba tayong lalakad sa mga daan ni Jehova, bibigyan niya tayo ng lakas at tibay ng loob. (Deut. 31:6-8, 23) Si Enoc, ang ikapito sa linya ng angkan mula kay Adan, ay lakas-loob na lumakad na kasama ng Diyos sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay sa gitna ng masasamang tao noong panahon niya. (Gen. 5:21-24) Pinalakas ni Jehova si Enoc upang ihayag ang isang mapuwersang mensahe dahil sa di-makadiyos na mga pananalita at gawa ng mga tao. (Basahin ang Judas 14, 15.) Mayroon ka bang lakas ng loob upang ipahayag ang kahatulan ng Diyos?
12 Inilapat ni Jehova ang hatol sa mga di-makadiyos sa pamamagitan ng pangglobong Baha noong panahon ni Noe. Gayunman, isang pampatibay-loob sa atin ang hula ni Enoc sapagkat malapit nang puksain ng laksa-laksang banal na mga anghel ng Diyos ang masasamang tao sa ating panahon. (Apoc. 16:14-16; 19:11-16) Bilang tugon sa ating mga panalangin, binibigyan tayo ni Jehova ng lakas ng loob upang ipahayag ang kaniyang mensahe, ito man ay tungkol sa hatol o pagpapalang idudulot ng kaniyang Kaharian.
13. Bakit tayo makatitiyak na bibigyan tayo ng Diyos ng lakas at tibay ng loob na kailangan natin upang makayanan ang nakapanlulumong mga problema?
13 Kailangan natin ang lakas at tibay ng loob mula sa Diyos upang makayanan ang nakapanlulumong mga problema. Nang mag-asawa si Esau ng dalawang babaing Hiteo, “sila ay naging sanhi ng kapaitan ng espiritu para kay Isaac at kay Rebeka [na kaniyang mga magulang].” Ganito ang daing ni Rebeka: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het. Kung [ang anak nating] si Jacob ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het na tulad ng mga ito mula sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?” (Gen. 26:34, 35; 27:46) Kumilos si Isaac hinggil dito at pinapunta si Jacob sa mga mananamba ni Jehova upang humanap ng mapapangasawa. Bagaman wala nang magagawa pa sina Isaac at Rebeka sa ginawa ni Esau, binigyan sila ng Diyos ng karunungan, lakas, at tibay ng loob para makapanatili silang tapat sa Kaniya. Kung hihingi tayo ng tulong kay Jehova sa panalangin, sasagutin niya rin tayo.—Awit 118:5.
14. Paano nagpakita ng lakas ng loob ang batang babaing Israelita?
14 Makaraan ang maraming siglo, isang batang babaing Israelita ang binihag ng isang pangkat ng mandarambong at ginawang alipin sa tahanan ng kumandante ng hukbo ng Sirya na si Naaman, isang lalaking may ketong. Palibhasa’y nabalitaan ng bata ang mga himala ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Eliseo, lakas-loob niyang sinabi sa asawa ni Naaman: ‘Kung pupunta po lamang ang aking panginoon sa Israel, mapagagaling ng propeta ni Jehova ang kaniyang ketong.’ Nagpunta si Naaman sa Israel, at siya ay makahimalang pinagaling. (2 Hari 5:1-3) Isa ngang mainam na halimbawa ang batang babaing ito sa mga kabataang umaasa kay Jehova para sa lakas ng loob upang makapagpatotoo sa mga guro, kaklase, at sa iba pa!
15. Paano lakas-loob na kumilos ang katiwala ng bahay ni Ahab na si Obadias?
15 Tinutulungan tayo ng lakas ng loob mula sa Diyos na mabata ang pag-uusig. Isaalang-alang ang katiwala sa bahay ni Haring Ahab na si Obadias na nabuhay noong panahon ni propeta Elias. Nang ipag-utos ni Reyna Jezebel na patayin ang mga propeta ng Diyos, ang 100 sa mga ito ay itinago ni Obadias na “lima-limampu sa isang yungib.” (1 Hari 18:13; 19:18) Lakas-loob ka rin bang tutulong sa mga kapuwa Kristiyano kapag pinag-usig sila gaya ng pagtulong ni Obadias sa mga propeta ni Jehova?
16, 17. Ano ang naging reaksiyon nina Aristarco at Gayo nang mapaharap sila sa pag-uusig?
16 Kapag tayo ay pinag-uusig, makaaasa tayo sa tulong ni Jehova. (Roma 8:35-39) Ang mga kamanggagawa ni Pablo na sina Aristarco at Gayo ay napaharap sa libu-libong mang-uumog sa isang teatro sa Efeso. Si Demetrio na panday-pilak ang nagpasimuno ng kaguluhan. Gumagawa siya at ang mga kasamahan niya ng mga pilak na dambana ng diyosang si Artemis, at nanganganib na malugi ang kanilang negosyo dahil iniwan ng maraming residente roon ang pagsamba sa idolo bunga ng pangangaral ni Pablo sa lunsod. Kinaladkad ng pulutong sina Aristarco at Gayo sa teatro at walang-tigil na nagsisigaw: “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Malamang na inakala nina Aristarco at Gayo na mamamatay na sila nang oras na iyon. Buti na lamang at napatahimik ng alkalde ng lunsod ang pulutong.—Gawa 19:23-41.
17 Paano kung nasa ganito kang kalagayan, hahanap ka ba ng mas maginhawang buhay? Walang pahiwatig na pinanghinaan ng loob sina Aristarco at Gayo. Yamang taga-Tesalonica, alam ni Aristarco na maaari siyang dumanas ng pag-uusig sa pangangaral ng mabuting balita. Bago nito, may naganap na ring kaguluhan nang mangaral doon si Pablo. (Gawa 17:5; 20:4) Dahil lumakad sina Aristarco at Gayo sa mga daan ni Jehova, binigyan sila ng Diyos ng lakas at tibay ng loob upang mabata ang pag-uusig.
Itinutuon ang Mata sa Kapakanan ng Iba
18. Paano ‘itinuon nina Prisca at Aquila ang kanilang mata’ sa kapakanan ng iba?
18 Pinag-uusig man tayo ngayon o hindi, dapat tayong maging palaisip sa ating mga kapuwa Kristiyano. ‘Itinuon nina Prisca at Aquila ang kanilang mata’ sa kapakanan ng iba. (Basahin ang Filipos 2:4.) Maaaring naglaan ng tuluyan para kay Pablo ang huwarang mag-asawang ito nang siya ay nasa Efeso, kung saan nagpasimuno ng kaguluhan ang panday-pilak na si Demetrio na binanggit kanina. Ang pangyayaring iyon ang maaaring nagpakilos kay Aquila at Prisca na ‘isapanganib ang kanilang mga leeg’ para kay Pablo. (Roma 16:3, 4; 2 Cor. 1:8) Sa ngayon, sinisikap nating maging ‘maingat gaya ng mga serpiyente’ bilang pagmamalasakit sa mga kapatid nating pinag-uusig. (Mat. 10:16-18) Maingat nating ginagampanan ang ating atas at hindi natin ipinagkakanulo ang ating mga kapatid. Hindi natin ibinubunyag sa mga mang-uusig ang kanilang mga pangalan o ang iba pang impormasyon tungkol sa kanila.
19. Anu-anong mabubuting bagay ang ginawa ni Dorcas para sa iba?
19 Maraming paraan upang maituon natin ang ating mata sa kapakanan ng iba. Maaari nating tugunan ang pangangailangan ng mga Kristiyanong nasa kakapusan. (Efe. 4:28; Sant. 2:14-17) Sa unang-siglong kongregasyon ng Jope, may isang bukas-palad na babaing nagngangalang Dorcas. (Basahin ang Gawa 9:36-42.) Si Dorcas ay “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa,” at maliwanag na kasama rito ang paggawa ng mga kasuutan para sa nagdarahop na mga babaing balo. Labis na nalungkot ang mga babaing balong ito nang mamatay siya noong 36 C.E. Sa pamamagitan ni apostol Pedro, binuhay-muli ng Diyos si Dorcas, at malamang na maligayang ginugol ni Dorcas ang natitirang bahagi ng buhay niya rito sa lupa sa pangangaral ng mabuting balita at sa paggawa ng mabubuting bagay para sa iba. Isang kagalakan nga na makasama natin ang gayong bukas-palad na mga Kristiyanong babae sa ating panahon!
20, 21. (a) Ano ang kaugnayan ng pampatibay-loob sa pagpapakita ng malasakit sa iba? (b) Ano ang maaari mong gawin para makapagpatibay sa iba?
20 Naipapakita natin ang ating pagmamalasakit sa iba kapag napapatibay-loob natin sila. (Roma 1:11, 12) Nakapagpapatibay ang kamanggagawa ni Pablo na si Silas. Pagkatapos na mapagpasiyahan ang isyu tungkol sa pagtutuli noong 49 C.E., nagpadala ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ng sulat sa mga mananampalataya. Sina Silas, Hudas, Bernabe, at Pablo ang nagdala nito sa Antioquia. ‘Pinatibay-loob nina Silas at Hudas ang mga kapatid doon sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.’—Gawa 15:32.
21 Nang maglaon, ibinilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos. Pero dahil sa isang lindol ay nakapagpatotoo sila sa tagapagbilanggo at sa sambahayan nito, anupat naging mananampalataya ang mga ito. Bago umalis sa lunsod na iyon, pinatibay-loob nina Pablo at Silas ang mga kapatid. (Gawa 16:12, 40) Tulad nina Pablo at Silas, sikapin mo ring patibayin ang iba sa pamamagitan ng iyong mga komento, pahayag, at masigasig na paglilingkod sa larangan. At kapag mayroon kang “salitang pampatibay-loob,” pakisuyo, ‘sabihin ito.’—Gawa 13:15.
Patuloy na Lumakad sa mga Daan ni Jehova
22, 23. Paano tayo tunay na makikinabang mula sa mga ulat ng Bibliya?
22 Kaylaking pasasalamat natin na ang mga karanasang ito ay iniulat sa Salita ni Jehova, ang “Diyos ng lahat ng pampatibay-loob”! (2 Cor. 1:3, Byington) Kung nais nating makinabang sa mga karanasang ito, dapat nating ikapit sa ating buhay ang mga aral ng Bibliya at magpaakay sa banal na espiritu ng Diyos.—Gal. 5:22-25.
23 Ang pagbubulay-bulay sa mga ulat ng Bibliya ay tutulong sa atin na magpakita ng mga katangiang nakalulugod sa Diyos. Patitibayin nito ang ating kaugnayan kay Jehova, ang Isa na nagbibigay sa atin ng “karunungan at kaalaman at kasayahan.” (Ecles. 2:26) Bilang resulta, mapasasaya natin ang puso ng ating maibiging Diyos. (Kaw. 27:11) Maging determinado nawa tayong gawin ito sa pamamagitan ng patuloy na paglakad sa mga daan ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natin maipapakita na mapagkakatiwalaan tayo?
• Bakit tayo dapat maging “mapagpakumbaba sa pag-iisip”?
• Paano tayo matutulungan ng mga ulat ng Bibliya na magkaroon ng lakas ng loob?
• Anu-ano ang mga paraan upang maituon natin ang ating mata sa kapakanan ng iba?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 8]
Mapagkakatiwalaan si Jepte at ang kaniyang anak dahil tinupad nila ang panata ni Jepte kahit mahirap itong gawin
[Larawan sa pahina 10]
Mga bata, ano ang inyong matututuhan sa batang babaing Israelita?
[Larawan sa pahina 11]
Paano tinugunan ni Dorcas ang pangangailangan ng mga kapuwa niya Kristiyano?