Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Obadias, Jonas, at Mikas

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Obadias, Jonas, at Mikas

Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Obadias, Jonas, at Mikas

“ANG pangitain ni Obadias.” (Obadias 1) Ito ang mga unang salita sa aklat ng Bibliya na Obadias. Maliban sa kaniyang pangalan, walang ibang sinabi ang propeta tungkol sa kaniyang sarili nang isinulat niya ang aklat na ito noong 607 B.C.E. Sa isa pang aklat na isinulat mahigit dalawang siglo bago nito, detalyadong inilahad ni propeta Jonas ang personal niyang naranasan sa kaniyang atas bilang misyonero. Naging propeta naman si Mikas sa loob ng 60 taon mula noong 777 B.C.E. hanggang 717 B.C.E., sa pagitan ng panahon nina Obadias at Jonas. Wala nang binanggit si Mikas tungkol sa kaniyang sarili maliban sa sinabi niya na nagmula siya sa nayon ng “Moreset” at na tinanggap niya ang salita ni Jehova noong “mga araw nina Jotam, Ahaz, Hezekias, na mga hari ng Juda.” (Mikas 1:1) Ang pagiging pamilyar ni Mikas sa buhay sa kabukiran ay makikita sa mga ilustrasyong ginamit niya upang idiin ang mga punto ng kaniyang mensahe.

‘LILIPULIN ANG EDOM HANGGANG SA PANAHONG WALANG TAKDA’

(Obadias 1-21)

Ganito ang sinabi ni Obadias may kinalaman sa Edom: “Dahil sa karahasan laban sa kapatid mong si Jacob, kahihiyan ang tatakip sa iyo, at lilipulin ka hanggang sa panahong walang takda.” Sariwang-sariwa pa sa isip ng propeta ang ginawang karahasan ng mga Edomita sa mga anak ni Jacob​—ang mga Israelita. Nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ‘tumayo lamang sa tabi’ ang mga Edomita at nakipag-alyansa sa mga sumalakay na “mga banyaga.”​—Obadias 10, 11.

Subalit isasauli ang sambahayan ni Jacob. Inihula ni Obadias: “Sa Bundok Sion ay doroon yaong mga makatatakas, at iyon ay magiging banal.”​—Obadias 17.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

tal 5-8—Ano ang kahulugan ng paghahambing ng pagkawasak ng Edom sa pagdating ng mga mananamsam sa gabi at ng mga tagapitas ng ubas? Kung mga magnanakaw ang pupunta sa Edom, kukunin lamang nila kung ano ang gusto nila. Kung mga mang-aani naman ang pupunta, malamang na mag-iiwan sila ng ilang bunga para sa paghihimalay. Pero kapag winasak ang Edom, hahalughugin ang kaniyang mga kayamanan at lubusang sasamsamin ito ng “mga lalaking may pakikipagtipan sa [kaniya]”​—ang kaniyang mga kaalyansang Babilonyo.​—Jeremias 49:9, 10.

tal 10—Paanong ang Edom ay ‘nilipol hanggang sa panahong walang takda’? Gaya ng inihula, naglaho ang Edom bilang isang bansa, na may sariling gobyerno at mamamayan na naninirahan sa isang partikular na rehiyon ng daigdig. Nilupig ni Haring Nabonido ng Babilonya ang Edom noong mga kalagitnaan ng ikaanim na siglo B.C.E. Pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., pinaninirahan na ng mga Nabateano ang teritoryo ng Edom, at ang mga Edomita naman ay lumipat na sa timugang bahagi ng Judea, sa lugar ng Negeb na nang maglaon ay tinawag na Idumea. Matapos na wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E., hindi na umiral ang mga Edomita.

Mga Aral Para sa Atin:

tal 3, 4. Dahil naninirahan sila sa isang lugar na may matatarik na bundok at malalalim na bangin, inakala ng mga Edomita na sila ay ligtas at mahihirapan ang mga kaaway na salakayin sila. Ngunit hindi nila matatakasan ang hatol ni Jehova.

tal 8, 9, 15. Ang karunungan at kapangyarihan ng tao ay hindi makapaglalaan ng kaligtasan sa “araw ni Jehova.”​—Jeremias 49:7, 22.

tal 12-14. Isang babalang halimbawa ang mga Edomita para sa mga nagsasaya dahil sa mga kahirapang sumasapit sa mga lingkod ng Diyos. Tiyak na hindi palalampasin ni Jehova ang pang-aapi sa kaniyang bayan.

tal 17-20. Nagsimulang matupad ang hulang ito hinggil sa pagsasauli sa mga anak ni Jacob nang bumalik ang nalabi nito sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. Laging natutupad ang salita ni Jehova. Lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniyang mga pangako.

“ANG NINEVE AY GIGIBAIN”

(Jonas 1:1–4:11)

Sa halip na sundin ang utos ng Diyos na ‘pumaroon sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag laban dito’ ang isang mensahe ng paghatol, pumunta si Jonas sa ibang direksiyon. Pero pinigilan ni Jehova si Jonas sa pamamagitan ng “isang malakas na hangin sa dagat” at “isang malaking isda,” at muli siyang inutusan na pumunta sa kabisera ng Asirya.​—Jonas 1:2, 4, 17; 3:1, 2.

Pumasok si Jonas sa Nineve at ipinahayag ang isang malinaw na mensahe: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay gigibain.” (Jonas 3:4) Dahil sa di-inaasahang resulta ng kaniyang pangangaral, si Jonas ay “nag-init sa galit.” Ginamit ni Jehova ang “isang halamang upo” para turuan si Jonas ng isang aral hinggil sa kaawaan.​—Jonas 4:1, 6.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

3:3—Talaga bang ang lawak ng lupain ng Nineve ay “may layong nilalakad nang tatlong araw”? Oo. Noong sinaunang panahon, malamang na kasama sa Nineve ang mga pamayanan nito mula Khorsabad sa hilaga hanggang Nimrud sa timog. Lahat ng dakong ito na sakop ng Nineve ay may sirkumperensiyang 96 na kilometro.

3:4—Nag-aral ba si Jonas ng wika ng mga Asiryano para makapangaral sa mga Ninevita? Maaaring nakapagsasalita talaga si Jonas ng wika ng mga Asiryano. Puwede rin namang nakapagsalita siya ng wikang ito sa pamamagitan ng isang himala. Posible ring ipinahayag niya ang kaniyang tuwirang mensahe sa wikang Hebreo sa pamamagitan ng isang interprete. Kung ginawa niya ito sa tulong ng interprete, malamang na lalong napukaw ang pansin ng mga Ninevita sa kaniyang mensahe.

Mga Aral Para sa Atin:

1:1-3. Kapag sinasadya ng isa na gawin ang ibang bagay sa panahong dapat sana’y nakalaan para sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad, ipinahihiwatig nito na mayroon siyang maling saloobin. Sa diwa, tinatakasan niya ang kaniyang bigay-Diyos na atas.

1:1, 2; 3:10. Ipinakikita ni Jehova ang kaniyang kaawaan hindi lamang sa iisang bansa o lahi o sa isang pantanging grupo ng mga tao. “Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.”​—Awit 145:9.

1:17; 2:10. Lumalarawan sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus ang tatlong araw at tatlong gabi ni Jonas sa loob ng tiyan ng malaking isda.​—Mateo 12:39, 40; 16:21.

1:17; 2:10; 4:6. Iniligtas ni Jehova si Jonas mula sa nagngangalit na dagat. Gayundin, “nagtalaga [ang Diyos] ng isang halamang upo, upang ito ay tumubo sa ibabaw ni Jonas, nang sa gayon ay maging lilim sa ibabaw ng kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang kapaha-pahamak na kalagayan.” Ang makabagong-panahong mga mananamba ni Jehova ay makapagtitiwala rin sa kanilang Diyos, at dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, ipagsasanggalang at ililigtas niya sila.​—Awit 13:5; 40:11.

2:1, 2, 9, 10. Naririnig ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod at nagbibigay-pansin sa kanilang mga pagsusumamo.​—Awit 120:1; 130:1, 2.

3:8, 10. Ang tunay na Diyos ay ‘nalungkot,’ o nagbago ng kaniyang pasiya tungkol sa kapahamakan na kaniyang inihayag, kung kaya’t “hindi niya iyon pinangyari.” Bakit? Dahil “tinalikuran [ng mga Ninevita] ang kanilang masamang lakad.” Gayundin sa ngayon, maiiwasan ng isang makasalanan ang parusa ng Diyos kung tunay siyang magsisisi.

4:1-4. Walang karapatan ang sinumang tao na magtakda kung hanggang saan magpapakita ng awa ang Diyos. Hindi natin dapat kuwestiyunin ang pagpapakita ni Jehova ng kaawaan.

4:11. Matiising naghihintay si Jehova para maipangaral sa buong lupa ang mensahe ng Kaharian sapagkat​—gaya ng nadama niya para sa 120,000 tao sa Nineve—​naaawa siya sa mga taong “hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.” Hindi ba dapat din tayong magpakita ng kaawaan sa mga tao sa ating teritoryo at masigasig na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad?​—2 Pedro 3:9.

‘PALALAPARIN ANG KANILANG PAGKAKALBO’

(Mikas 1:1–7:20)

Ibinunyag ni Mikas ang mga kasalanan ng Israel at Juda, inihula ang pagkatiwangwang ng kanilang mga kabisera, at ipinangako ang pagsasauli. Ang Samaria ay magiging “isang bunton ng mga guho sa parang.” Dahil sa kanilang idolatrosong gawain, karapat-dapat sa “pagkakalbo,” o kahihiyan ang Israel at Juda. Sa pamamagitan ng pagbihag sa kanila, palalaparin ang kanilang pagkakalbo “gaya ng sa agila”​—malamang na isang uri ng buwitre na may iilang balahibo sa ulo. Ipinangako ni Jehova: “Tiyak na titipunin ko ang Jacob.” (Mikas 1:6, 16; 2:12) Dahil sa tiwaling mga pinuno at delingkuwenteng mga propeta, ang Jerusalem din ay “magiging mga bunton lamang ng mga guho.” Ngunit ‘pipisanin ni Jehova ang kaniyang bayan.’ Mula sa “Betlehem Eprata,” darating “ang isa na magiging tagapamahala sa Israel.”​—Mikas 3:12; 4:12; 5:2.

Naging di-makatuwiran ba si Jehova sa pakikitungo sa Israel? Napakahirap bang gawin ng mga hinihiling niya? Hindi naman. Ang hinihiling lamang ni Jehova sa kaniyang mga mananamba ay ang “magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin” sa paglakad na kasama ng kanilang Diyos. (Mikas 6:8) Gayunman, naging napakasama ng mga taong nabubuhay noong panahon ni Mikas anupat ang “pinakamabuti sa kanila ay gaya ng matinik na palumpong, ang pinakamatapat sa kanila ay masahol pa sa bakod na tinik,” na nagdulot ng hapdi at kirot sa sinumang lumapit sa kanila. Pero nagtanong ang propeta: “Sino ang Diyos na tulad [ni Jehova]?” Muling magpapakita ng awa ang Diyos sa kaniyang bayan at ‘ihahagis niya sa mga kalaliman ng dagat ang lahat ng kanilang mga kasalanan.’​—Mikas 7:4, 18, 19.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

2:12—Kailan natupad ang hula hinggil sa ‘pagpisan sa mga nalabi sa Israel’? Ang unang katuparan nito ay naganap noong 537 B.C.E., nang bumalik ang mga nalabing Judio sa kanilang sariling lupain mula sa pagkatapon sa Babilonya. Sa modernong panahon, natupad ang hula sa “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Mula noong 1919, tinipon ang mga pinahirang Kristiyano “tulad ng mga tupa sa kural.” Palibhasa’y sumama sa kanila ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” mula noong 1935, sila ay naging “maingay dahil sa mga tao.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Kapuwa sila masigasig sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba.

4:1-4—“Sa huling bahagi ng mga araw,” paano “maggagawad [si Jehova] ng kahatulan sa gitna ng maraming bayan, at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa makapangyarihang mga bansa”? Ang mga salitang “maraming bayan” at “makapangyarihang mga bansa” ay hindi tumutukoy sa mga liping pambansa at pulitikal na mga pamahalaan. Sa halip, tumutukoy ang mga pananalitang ito sa mga indibiduwal na nagmula sa lahat ng mga bansa at naging mga mananamba ni Jehova. Hinahatulan at itinutuwid sila ni Jehova sa espirituwal na paraan.

Mga Aral Para sa Atin:

1:6, 9; 3:12; 5:2. Ang Samaria ay winasak ng mga Asiryano noong 740 B.C.E.​—noong nabubuhay pa si Mikas. (2 Hari 17:5, 6) Nakarating din ang mga Asiryano sa Jerusalem noong naghahari si Hezekias. (2 Hari 18:13) Sinunog ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (2 Cronica 36:19) Gaya ng sinabi ng hula, ipinanganak ang Mesiyas sa “Betlehem Eprata.” (Mateo 2:3-6) Hindi nabibigo ang makahulang mga salita ni Jehova.

2:1, 2. Mapanganib para sa atin na sabihing naglilingkod tayo sa Diyos ngunit inuuna naman ang mga kayamanan sa halip na “ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.”​—Mateo 6:33; 1 Timoteo 6:9, 10.

3:1-3, 5. Inaasahan ni Jehova na makikitungo nang may katarungan ang mga nangunguna sa kaniyang bayan.

3:4. Kung nais nating dinggin ni Jehova ang ating mga panalangin, hindi tayo dapat mahirati sa kasalanan o magkaroon ng dobleng pamumuhay.

3:8. Magagampanan lamang natin ang ating atas na ipangaral ang mabuting balita, pati na ang mensahe ng paghatol, kung palalakasin tayo ng banal na espiritu ni Jehova.

5:5. Tinitiyak sa atin ng hulang ito tungkol sa Mesiyas na kapag sinalakay ng mga kaaway ang bayan ng Diyos, “pitong [kumakatawan sa pagiging kumpleto] pastol” at “walong duke”​—isang malaking grupo ng may-kakayahang mga lalaki—​ang gagamitin upang manguna sa bayan ni Jehova.

5:7, 8. Para sa marami, ang mga pinahirang Kristiyano ay “tulad ng hamog mula kay Jehova”​—isang pagpapala mula sa Diyos. Totoo ito dahil ginagamit niya ang mga pinahiran upang ihayag ang mensahe ng Kaharian. Tumutulong ang “ibang mga tupa” sa mga tao na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga pinahiran sa gawaing pangangaral. (Juan 10:16) Kaylaki ngang pribilehiyo na makibahagi sa gawaing ito na nagdudulot sa iba ng tunay na kaginhawahan!

6:3, 4. Dapat nating tularan ang Diyos na Jehova at maging mabait at maawain sa mahihirap pakitunguhan o mahihina sa espirituwal.

7:7. Habang hinaharap natin ang mga problema sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Sa halip, gaya ni Mikas, kailangan nating ‘magpakita ng mapaghintay na saloobin sa ating Diyos.’

7:18, 19. Yamang handa si Jehova na patawarin tayo sa ating mga kasalanan, dapat na gayundin ang gawin natin sa mga nagkakasala sa atin.

Patuloy na ‘Lumakad sa Pangalan ni Jehova’

Yaong mga lumalaban sa Diyos at sa kaniyang bayan ay ‘lilipulin hanggang sa panahong walang takda.’ (Obadias 10) Gayunman, maaaring mapawi ang galit ni Jehova kung susundin nila ang babala ng Diyos at ‘tatalikuran ang kanilang masamang lakad.’ (Jonas 3:10) “Sa huling bahagi ng mga araw,” samakatuwid nga, sa “mga huling araw” na ito, ang tunay na pagsamba ay itinataas sa huwad na relihiyon at huhugos dito ang mga masunurin. (Mikas 4:1; 2 Timoteo 3:1) Kung gayon, maging determinado nawa tayo na ‘lumakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.’​—Mikas 4:5.

Napakahalaga ngang mga aral ang matututuhan natin sa mga aklat ng Obadias, Jonas, at Mikas! Bagaman isinulat mga 2,500 taon na ang nakalilipas, ang mensahe nito ay “buháy at may lakas” hanggang sa ngayon.​—Hebreo 4:12.

[Larawan sa pahina 13]

Inihula ni Obadias: ‘Lilipulin ang Edom hanggang sa panahong walang takda’

[Larawan sa pahina 15]

Nagpakita si Mikas ng ‘mapaghintay na saloobin kay Jehova.’ Magagawa mo rin ito

[Larawan sa pahina 16]

Dapat nating pahalagahan ang ating pribilehiyong mangaral