Ibigin ang Diyos na Umiibig sa Iyo
Ibigin ang Diyos na Umiibig sa Iyo
“Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.”—MATEO 22:37.
1, 2. Ano ang maaaring dahilan kung bakit bumangon ang tanong hinggil sa pinakadakilang utos?
ANG ibinangong tanong ay malamang na mainit na pinagtatalunan ng mga Pariseo noong panahon ni Jesus. Alin sa mahigit 600 batas ng Kautusang Mosaiko ang pinakamahalaga? Iyon kayang batas may kaugnayan sa paghahain? Tutal, ang mga paghahain ay ginagawa para sa kapatawaran ng mga kasalanan at bilang pasasalamat sa Diyos. O baka naman ang batas hinggil sa pagtutuli ang pinakamahalaga? Mahalaga rin naman ito dahil ang pagtutuli ang tanda ng pakikipagtipan ni Jehova kay Abraham.—Genesis 17:9-13.
2 Sa kabilang panig naman, ang mga konserbatibo ay malamang na nangangatuwiran na yamang mahalaga ang bawat batas na ibinigay ng Diyos—bagaman ang ilan ay waring di-gaanong mahalaga kung ihahambing sa iba—hindi wastong sabihin na nakahihigit ang isang utos sa ibang mga kautusan. Ipinasiya ng mga Pariseo na ibangon ang kontrobersiyal na tanong na ito kay Jesus. Marahil ay may masasabi siya na makasisira sa kaniyang kredibilidad. Isa sa kanila ang lumapit kay Jesus at nagtanong: “Alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?”—Mateo 22:34-36.
3. Ano ang sinabi ni Jesus na pinakadakilang utos?
3 Napakahalaga sa atin sa ngayon ang sagot na ibinigay ni Jesus. Sa kaniyang tugon, ibinuod niya ang noon pa ma’y pinakamahalaga nang salik ng tunay na pagsamba. Sa pagsipi sa Deuteronomio 6:5, sinabi ni Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.” Bagaman isang utos lamang ang itinanong ng Pariseo, binigyan siya ni Jesus ng isa pa. Sa pagsipi sa Levitico 19:18, sinabi niya: “Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’” Sa gayo’y ipinahiwatig ni Jesus na sa dalawang kautusang ito nakasalig ang dalisay na pagsamba. Para mapigilan ang anumang pagtatangkang tanungin siya kung alin ang mas mahalaga sa iba pang mga kautusan ayon sa pagkakasunud-sunod, nagtapos siya: “Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.” (Mateo 22:37-40) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang pinakadakila sa dalawang utos na ito. Bakit dapat nating ibigin ang Diyos? Paano natin maipakikita na iniibig natin siya? At paano natin malilinang ang gayong pag-ibig? Napakahalagang malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito, dahil para mapaluguran si Jehova, dapat natin siyang ibigin nang ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip.
Ang Kahalagahan ng Pag-ibig
4, 5. (a) Bakit hindi nagulat ang Pariseo sa sinabi ni Jesus? (b) Ano ang mas mahalaga sa Diyos kaysa sa mga hain at mga handog?
4 Waring hindi nabagabag ni nagulat man ang Pariseo sa naging tugon ni Jesus sa tanong niya. Alam niyang ang pag-ibig sa Diyos ay isang mahalagang aspekto ng tunay na pagsamba, bagaman marami ang hindi nagpapakita nito. Sa mga sinagoga, kaugalian nang bigkasin nang malakas ang Shema, o kapahayagan ng pananampalataya, at Deuteronomio 6:4-9, kung saan sumipi si Jesus. Ayon sa katulad na ulat sa Marcos, sinabi naman ng Pariseo kay Jesus: “Guro, mahusay ang pagkasabi mo kasuwato ng katotohanan, ‘Siya ay Iisa, at wala nang iba pa bukod sa Kaniya’; at ang pag-ibig na ito sa kaniya nang buong puso at nang buong unawa at nang buong lakas at ang pag-ibig na ito sa kapuwa gaya ng sa sarili ay lalong higit na mahalaga kaysa sa lahat ng buong handog na sinusunog at mga hain.”—Marcos 12:32, 33.
kasama rito ang tekstong masusumpungan sa5 Sa katunayan, bagaman hinihiling ng Kautusan ang mga handog na sinusunog at mga hain, ang talagang mahalaga sa Diyos ay ang taos-pusong pag-ibig ng kaniyang mga lingkod. Ang isang maya na inihandog sa Diyos dahil sa pag-ibig at debosyon ay mas mahalaga sa kaniya kaysa sa libu-libong barakong tupang inihandog nang may maling motibo. (Mikas 6:6-8) Alalahanin ang ulat hinggil sa nagdarahop na babaing balo na pinagmasdan ni Jesus sa templo sa Jerusalem. Ang dalawang maliit na baryang inihulog niya sa kabang-yaman ay hindi makabibili ng kahit isang maya man lamang. Pero ang kontribusyong iyon, na ibinigay udyok ng taos-pusong pag-ibig kay Jehova, ay mas mahalaga sa kaniya kaysa sa malalaking donasyong ibinigay ng mayayaman mula sa kanilang labis. (Marcos 12:41-44) Talaga ngang nakapagpapasiglang malaman na ang pinakamahalaga kay Jehova ay yaong kaya nating lahat na ibigay anuman ang ating kalagayan—ang ating pag-ibig sa kaniya!
6. Ano ang isinulat ni Pablo hinggil sa kahalagahan ng pag-ibig?
6 Bilang pagdiriin sa kahalagahan ng pag-ibig sa tunay na pagsamba, sumulat si apostol Pablo: “Kung nagsasalita ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel ngunit wala akong pag-ibig, ako ay naging isang tumutunog na piraso ng tanso o isang tumataguntong na simbalo. At kung ako ay may kaloob na panghuhula at may kabatiran sa lahat ng sagradong lihim at sa lahat ng kaalaman, at kung taglay ko ang lahat ng pananampalataya upang maglipat ng mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ibinibigay ko ang lahat ng aking mga pag-aari upang pakainin ang iba, at kung ibinibigay ko ang aking katawan, upang ako ay makapaghambog, ngunit wala akong pag-ibig, hindi ako nakikinabang sa paanuman.” (1 Corinto 13:1-3) Malinaw na mahalaga ang pag-ibig upang maging kalugud-lugod sa Diyos ang ating pagsamba. Subalit paano natin maipakikita ang ating pag-ibig kay Jehova?
Kung Paano Natin Maipakikita ang Ating Pag-ibig kay Jehova
7, 8. Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig kay Jehova?
7 Marami ang naniniwala na ang pag-ibig ay isang emosyon na hindi natin gaanong makontrol; pinag-uusapan ng mga tao ang romantikong pag-ibig. Pero ang tunay na pag-ibig ay hindi basta damdamin lamang. Nakikita ito sa pagkilos, hindi sa emosyon. Tinutukoy ng Bibliya ang pag-ibig bilang “isang nakahihigit na daan” at isa na ‘itinataguyod’ natin. (1 Corinto 12:31; 14:1) Pinasisigla ang mga Kristiyano na umibig, hindi lamang “sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:18.
8 Inuudyukan tayo ng pag-ibig sa Diyos na gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniya at ipagtanggol at itaguyod ang kaniyang soberanya, kapuwa sa salita at sa gawa. Pinakikilos tayo nito na iwasang ibigin ang sanlibutan at ang di-makadiyos na landasin nito. (1 Juan 2:15, 16) Kinapopootan ng mga umiibig sa Diyos ang kasamaan. (Awit 97:10) Kasama rin sa pag-ibig sa Diyos ang pag-ibig sa kapuwa, na tatalakayin naman sa susunod na artikulo. Karagdagan pa, ang pag-ibig sa Diyos ay humihiling ng ating pagkamasunurin. Sinasabi ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.”—1 Juan 5:3.
9. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa Diyos?
9 Lubusang ipinakita ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos. Pinakilos siya ng pag-ibig na iwan ang kaniyang tahanan sa langit at manirahan sa lupa bilang tao. Inudyukan siya nito na luwalhatiin ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng kaniyang mga ginawa at itinuro. Pinakilos siya ng pag-ibig na maging “masunurin hanggang sa kamatayan.” (Filipos 2:8) Ang pagkamasunuring iyan—isang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig—ang nagbukas ng daan para sa mga tapat na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Kristo Jesus] ay marami ang ibibilang na matuwid.”—Roma 5:19.
10. Bakit nasasangkot sa pag-ibig sa Diyos ang pagkamasunurin?
10 Gaya ni Jesus, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa Diyos. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig,” ang isinulat ng minamahal na apostol ni Jesus na si Juan, “na patuloy tayong lumakad ayon sa kaniyang mga utos.” (2 Juan 6) Hinahangad ng mga talagang umiibig kay Jehova ang kaniyang patnubay. Palibhasa’y natatanto nilang hindi nila kayang ituwid nang matagumpay ang kanilang mga hakbang, nagtitiwala sila sa karunungan ng Diyos at nagpapasakop sa kaniyang maibiging paggabay. (Jeremias 10:23) Kagaya sila ng mga mararangal ang pag-iisip sa sinaunang Berea na tumanggap ng mensahe ng Diyos nang may “buong pananabik ng kaisipan,” taglay ang masidhing hangarin na gawin ang kalooban ng Diyos. (Gawa 17:11) Maingat nilang sinuri ang Kasulatan upang maunawaan nila nang lubusan ang kalooban ng Diyos, na tumulong sa kanila na ipakita ang kanilang pag-ibig sa higit pang mga gawa ng pagkamasunurin.
11. Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos nang ating buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas?
11 Gaya ng sinabi ni Jesus, nasasangkot sa pag-ibig sa Diyos ang ating buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas. (Marcos 12:30) Ang gayong pag-ibig ay nagmumula sa puso, nasasangkot ang ating damdamin, hangarin, at kaloob-loobang kaisipan, at marubdob nating hinahangad na paluguran si Jehova. Umiibig din tayo sa pamamagitan ng ating pag-iisip. Ang ating debosyon ay hindi nakasalig sa kawalang-alam; nakilala natin si Jehova—ang kaniyang mga katangian, pamantayan, at mga layunin. Ginagamit natin ang ating kaluluwa, ang ating buong pagkatao at ang buhay na taglay natin, upang maglingkod at pumuri sa kaniya. At ginagamit din natin ang ating lakas sa layuning iyan.
Kung Bakit Dapat Nating Ibigin si Jehova
12. Bakit hinihiling ng Diyos na ibigin natin siya?
12 Dapat nating ibigin si Jehova sapagkat hinihilingan niya tayo na tularan ang kaniyang mga katangian. Ang Diyos ang kapuwa pinagmumulan at sukdulang halimbawa ng pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang isinulat ng kinasihang apostol na si Juan. (1 Juan 4:8) Nilalang ang mga tao ayon sa larawan ng Diyos; dinisenyo tayo na may kakayahang umibig. Sa katunayan, ang soberanya ni Jehova ay nakasalig sa pag-ibig. Nais niyang maging mga sakop yaong mga naglilingkod sa kaniya dahil iniibig at gusto nila ang kaniyang matuwid na paraan ng pamamahala. Sa katunayan, ang pag-ibig ay mahalaga para sa kapayapaan at pagkakaisa ng lahat ng nilalang.
13. (a) Bakit sinabihan ang mga Israelita: ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos’? (b) Bakit makatuwiran na asahan ni Jehova na iibigin natin siya?
13 May isa pang dahilan kung bakit dapat nating ibigin si Jehova. Ito ay dahil sa pinahahalagahan natin ang kaniyang ginawa para sa atin. Alalahanin na sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos.” Hindi inaasahan na iibigin nila ang isang diyos na walang pakialam at hindi kilala. Iibigin nila ang Persona na umiibig sa kanila. Si Jehova ang kanilang Diyos. Siya ang Isa na naglabas sa kanila mula sa Ehipto tungo sa Lupang Pangako, ang Isa na nagsanggalang, tumustos, at umibig sa kanila, ang Isa na maibiging dumisiplina sa kanila. At sa ngayon, si Jehova ang ating Diyos, ang isa na nagbigay ng kaniyang Anak bilang pantubos upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Makatuwiran ngang asahan ni Jehova na iibigin natin siya bilang ganti! Iniibig natin ang umiibig sa atin; hinihilingan tayong ibigin ang Diyos na umiibig sa atin. Ang ating pag-ibig ay para sa Isa na “unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
14. Sa anong paraan katulad ng pag-ibig ni Jehova ang pag-ibig ng isang maibiging magulang?
14 Ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ay kagaya ng pag-ibig ng isang maibiging magulang sa kaniyang mga anak. Bagaman di-sakdal, nagpapagal ang maibiging mga magulang sa loob ng maraming taon sa pag-aalaga sa kanilang mga anak, anupat malaking halaga at maraming bagay ang isinasakripisyo nila para sa mga ito. Tinuturuan, pinasisigla, sinusuportahan, at dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil nais nilang lumigaya at maging matagumpay ang mga ito. Ano namang kapalit ang hinahangad ng mga magulang mula sa kanilang mga anak? Nais nilang ibigin din sila ng kanilang mga anak at isapuso ang mga bagay na ikinintal nila sa mga ito para sa ikabubuti ng kanilang mga anak. Hindi ba’t makatuwiran na asahan ng ating sakdal na makalangit
na Ama na ipakikita natin ang maibiging pagpapahalaga sa lahat ng ginawa niya para sa atin?Linangin ang Pag-ibig sa Diyos
15. Ano ang unang hakbang upang malinang ang pag-ibig sa Diyos?
15 Hindi natin nakikita ang Diyos ni naririnig man ang kaniyang tinig. (Juan 1:18) Subalit inaanyayahan niya tayong magkaroon ng maibiging kaugnayan sa kaniya. (Santiago 4:8) Paano natin ito magagawa? Ang unang hakbang para ibigin ang sinuman ay kilalanin ang isang iyon; mahirap mahalin ang isa na hindi natin kilala. Inilaan ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang makilala natin siya. Iyan ang dahilan kung bakit pinasisigla tayo ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, na regular na basahin ang Bibliya. Ang Bibliya ang nagtuturo sa atin tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga katangian, sa kaniyang personalidad, gayundin sa kaniyang pakikitungo sa mga tao sa loob ng libu-libong taon. Habang binubulay-bulay natin ang gayong mga ulat, lalago ang ating kaunawaan at pag-ibig sa kaniya.—Roma 15:4.
16. Paano napasisidhi ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay natin sa ministeryo ni Jesus?
Juan 14:9) Hindi ka ba naaantig sa pagiging mahabagin ni Jesus nang buhayin niyang muli ang bugtong na anak ng isang babaing balo? (Lucas 7:11-15) Hindi ba’t nakalulugod malaman na siya—ang Anak ng Diyos at ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman—ay may-kapakumbabaang naghugas ng mga paa ng kaniyang mga alagad? (Juan 13:3-5) Hindi ka ba naaantig na malaman na bagaman siya ay mas dakila at mas matalino sa lahat ng iba pang tao, tiniyak niyang madali siyang nalalapitan ng lahat, maging ng mga bata? (Marcos 10:13, 14) Habang may-pagpapahalaga nating binubulay-bulay ang mga bagay na ito, nagiging tulad tayo ng mga Kristiyanong inilarawan ni Pedro: “Bagaman hindi ninyo . . . nakita [si Jesus], iniibig ninyo siya.” (1 Pedro 1:8) Habang lumalago ang ating pag-ibig kay Jesus, lumalago rin ang ating pag-ibig kay Jehova.
16 Ang isang pangunahing paraan upang lumago ang ating pag-ibig kay Jehova ay ang pagbubulay-bulay sa buhay at ministeryo ni Jesus. Sa katunayan, tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa lahat ng bagay anupat masasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (17, 18. Anong maibiging mga paglalaan ni Jehova ang maaari nating bulay-bulayin upang mapalago natin ang ating pag-ibig sa kaniya?
17 Ang isa pang paraan upang mapalago natin ang ating pag-ibig sa Diyos ay ang pagbubulay-bulay sa sagana at maibiging mga paglalaang ginawa niya para masiyahan tayo sa buhay—ang kagandahan ng mga nilalang, ang napakaraming iba’t ibang masasarap na pagkain, ang magiliw na pagsasamahan ng magkakaibigan, gayundin ang di-mabilang na iba pang mga bagay na nagdudulot sa atin ng kaluguran at kasiyahan. (Gawa 14:17) Miyentras nakikilala natin ang ating Diyos, lalo tayong nagkakaroon ng dahilan upang pahalagahan ang kaniyang walang-hanggang kabutihan at pagkabukas-palad. Isipin ang lahat ng bagay na ginawa ni Jehova sa iyo bilang indibiduwal. Hindi ka ba sumasang-ayon na nararapat mo siyang ibigin?
18 Kabilang sa maraming kaloob mula sa Diyos ang pagkakataon natin na lapitan siya sa panalangin anumang oras, sa pagkaalam na pakikinggan tayo ng “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Inatasan ni Jehova ang kaniyang minamahal na Anak na mamahala at humatol. Pero hindi niya iniatas sa iba, maging sa kaniyang Anak, ang pagdinig sa mga panalangin. Siya mismo ang nakikinig sa ating mga panalangin. Kaya dahil sa maibigin at personal na pagmamalasakit sa atin ni Jehova, nagiging malapít tayo sa kaniya.
19. Anu-anong pangako ni Jehova ang naglalapít sa atin sa kaniya?
19 Napapalapít din tayo kay Jehova kapag isinasaalang-alang natin ang kaniyang gagawin para sa sangkatauhan. Ipinangako niyang wawakasan niya ang sakit, kalungkutan, at kamatayan. (Apocalipsis 21:3, 4) Kapag naging sakdal na ang sangkatauhan, wala nang daranas ng depresyon, kabiguan, o ng trahedya. Mawawala na ang gutom, karalitaan, at digmaan. (Awit 46:9; 72:16) Ang buong lupa ay gagawing isang paraiso. (Lucas 23:43) Igagawad ni Jehova ang mga pagpapalang ito, hindi dahil sa obligasyon niya ito, kundi dahil mahal niya tayo.
20. Ano ang sinabi ni Moises hinggil sa mga kapakinabangan ng pag-ibig kay Jehova?
20 Kaya may nakakukumbinsing mga dahilan kung bakit dapat nating ibigin ang ating Diyos at palaguin ang pag-ibig na ito. Patuloy mo bang patitibayin ang pag-ibig mo sa Diyos, anupat hahayaan siyang pumatnubay sa iyong mga daan? Ikaw ang magpapasiya. Kinilala ni Moises ang mga kapakinabangan ng paglilinang at pagpapanatili ng pag-ibig kay Jehova. Sinabi noon ni Moises sa mga Israelita: “Piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—Deuteronomio 30:19, 20.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit mahalaga na ibigin natin si Jehova?
• Paano natin maipakikita ang ating pag-ibig sa Diyos?
• Anu-ano ang mga dahilan kung bakit dapat nating ibigin si Jehova?
• Paano natin malilinang ang pag-ibig sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 20]
Talagang pinahahalagahan ni Jehova ang kaya nating lahat na ibigay—ang ating pag-ibig sa kaniya
[Mga larawan sa pahina 23]
“Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9