Bakit Dapat Makilala Kung Sino ang Antikristo?
Bakit Dapat Makilala Kung Sino ang Antikristo?
“Inyong narinig na ang antikristo ay darating,” ang isinulat ng kinasihang apostol mahabang panahon na ang nakalipas. (1 Juan 2:18) Nakatatawag-pansin nga ang mga pananalitang iyan! Sa loob ng ilang siglo, pinag-iisipan ng mga tao kung ano ang kahulugan nito. Sino ang antikristo? Kailan siya darating? Ano ang gagawin niya kung sakaling dumating siya?
NAPAKAHABA ng listahan ng mga inaakusahan bilang antikristo. Noong nakalipas, kabilang sa mga tinatawag na “antikristo” ang mga Judio, papado ng Katoliko, at mga Romanong emperador. Halimbawa, nang ipasiya ni Emperador Frederick II (1194-1250) na hindi sumali sa isang Krusada alang-alang sa simbahan, binansagan siya ni Pope Gregory IX na antikristo at itiniwalag siya sa simbahan. Muli siyang itiniwalag ng kahalili ni Gregory na si Innocent IV. Bilang tugon, ipinahayag ni Frederick na si Innocent ang antikristo.
Si apostol Juan lamang ang tanging manunulat ng Bibliya na gumamit ng salitang “antikristo.” Sa dalawang liham na nakapangalan sa kaniya, limang beses lumitaw ang salita. Ang mga talata kung saan lumitaw ang salita ay nakatala sa kahon sa kabilang pahina. Mula sa mga talatang ito, makikita natin na ang antikristo ay sinungaling at manlilinlang, anupat determinadong sirain ang kaugnayan ng isang tao kay Kristo at sa Diyos. Kaya nga, hinimok ng apostol ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan, kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo sa sanlibutan.”—1 Juan 4:1.
Nagbabala rin si Jesus laban sa mga manlilinlang, o mga bulaang propeta, na sinasabi: “Lumalapit [sila] sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga dayukdok na lobo sila. Sa kanilang mga bunga [o, mga gawa] ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:15, 16) Nagbabala rin ba si Jesus sa kaniyang mga tagasunod laban sa makasagisag na antikristo? Tingnan natin kung paano natin makikilala kung sino ang mabangis na manlilinlang na ito.