Ano ba ang “mga Huling Araw”?
Ano ba ang “mga Huling Araw”?
INIISIP mo ba kung ano ang magiging kinabukasan mo at ng iyong mga mahal sa buhay? Maraming tao ang nagbibigay-pansin sa balita ng media upang makita kung paano maaaring maapektuhan ng mga pangyayari sa daigdig ang kanilang buhay. Subalit ang pagbibigay-pansin sa kinasihang Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng tunay na kaunawaan. Ito ay dahil sa malaon nang inihula ng Bibliya hindi lamang ang kasalukuyang mga pangyayari kundi pati rin ang mga bagay na darating.
Halimbawa, noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ipinahayag niya sa maraming lugar ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43) Makatuwiran lamang na naisin ng mga taong nakarinig sa kaniya na malaman kung kailan darating ang kamangha-manghang Kahariang iyan. Sa katunayan, tatlong araw bago patayin si Jesus dahil sa maling mga paratang, tinanong siya ng mga alagad niya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [taglay ang kapangyarihan ng Kaharian] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Sinabi sa kanila ni Jesus na ang Diyos na Jehova lamang ang nakaaalam ng eksaktong panahon kung kailan ganap na kokontrolin ng Kaharian ang buong lupa. (Mateo 24:36; Marcos 13:32) Subalit inihula ni Jesus at ng iba pa ang ilang pangyayari sa lupa na magsisilbing ebidensiya na si Kristo ay namamahala na taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.
Bago natin suriin ang malinaw na ebidensiya na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, isaalang-alang natin sa maikli ang isang mahalagang pangyayari na naganap sa di-nakikitang dako ng mga espiritu. (2 Timoteo 3:1) Si Jesu-Kristo ay naging Hari sa langit noong taóng 1914. * (Daniel 7:13, 14) Karaka-rakang kumilos si Jesus matapos tanggapin ang kapangyarihan ng Kaharian. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka.” (Apocalipsis 12:7) Si “Miguel na arkanghel” ay si Jesu-Kristo sa kaniyang makalangit na posisyon. * (Judas 9; 1 Tesalonica 4:16) Ang dragon ay si Satanas na Diyablo. Ano ang nangyari kay Satanas at sa mga tagasunod niya na masasamang anghel, na tinatawag na mga demonyo, sa digmaang iyon? Natalo sila sa digmaang iyon at “inihagis” sila sa lupa o pinalayas sa langit. (Apocalipsis 12:9) Dahil dito, nagsaya ang “mga langit at [ang mga] tumatahan [doon],” iyon ay ang mga tapat na espiritung anak ng Diyos. Subalit hindi naranasan ng mga tao ang gayong pagsasaya. “Sa aba ng lupa,” ang inihula ng Bibliya, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:12.
Palibhasa’y galit na galit, nagdulot si Satanas ng kaabahan—pagdurusa at kapighatian—sa mga naninirahan sa lupa. Subalit ang kaabahang iyan ay sandali lamang, isang “maikling yugto ng panahon.” Tinutukoy ng Bibliya ang panahong ito bilang “mga huling araw.” Nakatutuwang malaman na hindi na magtatagal, lubusang aalisin ang impluwensiya ng Diyablo sa lupa. Pero ano ang katibayan na nabubuhay na tayo sa mga huling araw?
[Mga talababa]
^ par. 4 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 218-19, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Picture Credit Lines sa pahina 2]
PABALAT: Foreground: © Chris Stowers/Panos Pictures; background: FAROOQ NAEEM/AFP/Getty Images