Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Paghambingin Natin ang mga Teksto sa Bibliya”

“Paghambingin Natin ang mga Teksto sa Bibliya”

ISANG lalaki ang nakapulot ng isang pamplet sa sahig ng tren na biyaheng New York City. ‘Ang kaluluwa ng tao ay mortal,’ ang sabi ng pamplet. Palibhasa’y nagkainteres, binasa ito ng lalaki, na isang ministro. Namangha siya dahil kailanman ay hindi niya pinag-alinlanganan ang turo na imortal ang kaluluwa. Nang pagkakataong iyon, hindi niya alam kung sino ang sumulat ng pamplet na iyon. Gayunpaman, nakita niyang kapani-paniwala at maka-Kasulatan ang argumento at ang materyal ay karapat-dapat na seryosong pag-aralan.

Ang ministrong iyon ay si George Storrs. Nangyari iyon noong 1837, ang taon nang unang isulat ni Charles Darwin sa kaniyang kuwaderno ang mga kaisipan na nang maglaon ay naging kaniyang teoriya ng ebolusyon. Relihiyoso pa noon ang mga tao sa daigdig, at karamihan ay naniniwala sa Diyos. Marami ang nagbabasa ng Bibliya at tinitingala ito bilang awtoridad.

Sa kalaunan, nabatid ni Storrs na ang pamplet ay isinulat ni Henry Grew na taga-Philadelphia, Pennsylvania. Matibay ang paninindigan ni Grew sa simulain na “ang kasulatan . . . ang pinakamahusay na makapagpapaliwanag sa sarili nito.” Si Grew at ang kaniyang mga kasamahan ay nag-aaral ng Bibliya noon, at tunguhin nilang iayon ang kanilang buhay at mga gawain sa mga payo nito. Ang kanilang pag-aaral ay nagsiwalat ng ilang natatanging katotohanan mula sa Kasulatan.

Dahil napukaw sa isinulat ni Grew, maingat na sinuri ni Storrs kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaluluwa at ipinakipag-usap niya ang bagay na ito sa ilan sa kaniyang mga kapuwa ministro. Matapos ang limang taon ng seryosong pag-aaral, nagpasiya sa wakas si Storrs na ilathala ang kaniyang bagong tuklas na hiyas ng katotohanan mula sa Kasulatan. Noong una, naghanda siya ng isang sermon na ipapahayag niya isang araw ng Linggo noong 1842. Gayunman, nadama niya ang pangangailangang magbigay ng ilan pang karagdagang sermon para lubusang maipaliwanag ang paksang iyon. Sa kalaunan, ang kaniyang mga sermon hinggil sa pagiging mortal ng kaluluwa ng tao ay naging anim, na inilathala niya sa Six Sermons. Pinaghambing ni Storrs ang mga teksto sa Bibliya upang makita ang natatanging katotohanan na natabunan ng mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan na di-nagpaparangal sa Diyos.

Itinuturo ba ng Bibliya na Imortal ang Kaluluwa?

Binabanggit ng Bibliya na ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay magiging imortal bilang gantimpala sa kanilang katapatan. (1 Corinto 15:50-56) Kung ang imortalidad ay gantimpala sa mga tapat, ang katuwiran ni Storrs, hindi maaaring maging imortal ang kaluluwa ng masasama. Sa halip na gumawa lamang ng palagay hinggil sa kahulugan nito, sinuri niya ang Kasulatan. Isinaalang-alang niya ang Mateo 10:28 sa King James Version, na nagsasabi: “Matakot kayo sa kaniya na kayang puksain kapuwa ang kaluluwa at ang katawan sa impiyerno.” Kaya ang kaluluwa ay maaaring puksain. Tinukoy rin niya ang Ezekiel 18:4, na nagsasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala, ito ay mamamatay.” (KJ) Kapag isinaalang-alang ang buong Bibliya, lumilitaw ang napakahalagang katotohanan. “Kung ang pangmalas ko sa paksang ito ay tama,” ang isinulat ni Storrs, “kung gayon maraming bahagi ng Kasulatan, na malabo sa karaniwang teoriya, ang magiging maliwanag, kasiya-siya at punung-puno ng kahulugan at puwersa.”

Pero kumusta naman ang mga tekstong gaya ng Judas 7? Mababasa rito: “Maging ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot nito sa katulad na paraan, na ibinigay ang kanilang sarili sa pakikiapid, at sa paghahangad ng kakaibang laman, ay ibinigay bilang halimbawa, sa pagdanas ng paghihiganti ng walang hanggang apoy.” (KJ) Sa pagbasa sa tekstong ito, baka isipin ng ilan na ang mga kaluluwa ng mga pinatay sa Sodoma at Gomorra ay pinahihirapan sa apoy magpakailanman. “Paghambingin natin ang mga teksto sa Bibliya,” ang isinulat ni Storrs. Pagkatapos ay sinipi niya ang 2 Pedro 2:5, 6, na ganito ang sinasabi: “At hindi niya pinaligtas ang sinaunang daigdig, ngunit iniligtas si Noe . . . , pinasapit ang baha sa sanlibutan ng di-makadiyos; at pinaging abo ang lunsod ng Sodoma at Gomorra at hinatulan sila sa pamamagitan ng pagpapabagsak, anupat ginawa silang isang halimbawa sa mga sa dakong huli ay mamumuhay nang di-makadiyos.” (KJ) Oo, ang Sodoma at Gomorra ay naging abo, pinuksa magpakailanman kasama na ang mga naninirahan dito.

“Nagbigay si Pedro ng karagdagang impormasyon hinggil sa [aklat ng] Judas,” ang paliwanag ni Storrs. “Sa paghahambing sa dalawang aklat, lalong nakita ang di-pagsang-ayon ng Diyos sa mga makasalanan. . . . Ang mga kahatulang iyon sa sinaunang daigdig, ang Sodoma at Gomorra, ay isang namamalagi, at walang katapusan, o ‘walang-hanggang’ paalaala, babala, o ‘halimbawa’ sa lahat ng tao hanggang sa dulo ng mundo.” Kaya ang tinutukoy ni Judas na walang hanggan ay ang epekto ng apoy na pumuksa sa Sodoma at Gomorra. Hindi niyan binabago ang katotohanan na ang kaluluwa ng tao ay mortal.

Si Storrs ay hindi naman namimili ng mga teksto sa Bibliya na sumusuporta lamang sa kaniyang pangmalas. Isinaalang-alang niya ang konteksto ng bawat teksto gayundin ang pangkalahatang kahulugan ng Bibliya. Kung ang isang talata ay waring sumasalungat sa iba pang teksto, sinusuri ni Storrs ang iba pang bahagi ng Bibliya para sa lohikal na paliwanag.

Ang mga Pag-aaral ni Russell sa Kasulatan

Kabilang sa mga nakasama ni George Storrs ang isang kabataan na nag-oorganisa ng isang grupo sa pag-aaral sa Bibliya sa Pittsburgh, Pennsylvania. Ang kaniyang pangalan ay Charles Taze Russell. Ang isa sa kaniyang unang mga artikulo na may maka-Kasulatang mga paksa ay inilathala noong 1876 sa magasing Bible Examiner, na inedit ni Storrs. Kinilala ni Russell na nagkaroon ng impluwensiya sa kaniya ang naunang mga estudyante sa Bibliya. Nang maglaon, bilang patnugot ng Zion’s Watch Tower, pinahalagahan niya ang malaking tulong ni Storrs, kapuwa sa salita at sa panulat.

Sa edad na 18, nag-organisa si C. T. Russell ng klase sa pag-aaral sa Bibliya at nagtatag ng isang parisan sa pag-aaral ng Bibliya. Inilarawan ni A. H. Macmillan, isang estudyante sa Bibliya na kasama ni Russell, ang pamamaraang ito: “May magtatanong. Tatalakayin nila ito. Titingnan nila ang lahat ng teksto na may kaugnayan sa punto at pagkatapos, kapag nasiyahan na sila sa pagkakasuwato ng mga tekstong ito, babanggitin na nila ang kanilang konklusyon at itatala ito.”

Kumbinsido si Russell na ang Bibliya, kapag isinaalang-alang sa kabuuan, ay magsisiwalat ng isang mensahe na kasuwato at alinsunod sa ganang sarili nito at may katangian ng Awtor nito, ang Diyos. Kapag may anumang bahagi ng Bibliya na waring mahirap unawain, naniniwala si Russell na dapat itong linawin at ipaliwanag ng iba pang bahagi ng Bibliya.

Ang mga estudyante sa Bibliya noong ika-19 na siglo na naghambing ng mga teksto sa Bibliya upang maunawaan ang mga ito: George Storrs, Henry Grew, Charles Taze Russell, A. H. Macmillan

Isang Maka-Kasulatang Pamamaraan

Hinayaan nina Russell, Storrs, at Grew na ang Kasulatan ang magpaliwanag sa sarili nito, pero hindi sila ang unang gumawa nito. Ang pamamaraang ito ay nagmula pa sa Tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo. Gumamit siya ng ilang kasulatan upang linawin ang tunay na kahulugan ng isang teksto. Halimbawa, nang punahin ng mga Pariseo ang kaniyang mga alagad dahil nangitil ang mga ito ng mga uhay ng butil sa araw ng Sabbath, ipinakita ni Jesus mula sa ulat ng 1 Samuel 21:6 kung paano dapat ikapit ang kautusan ng Sabbath. Pamilyar ang mga relihiyosong lider sa ulat na iyon, kung saan kinain ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga tinapay na panghandog. Pagkatapos ay tinukoy ni Jesus ang bahagi ng Kautusan na nagsasabing ang mga Aaronikong saserdote lamang ang dapat kumain sa tinapay na pantanghal. (Exodo 29:32, 33; Levitico 24:9) Subalit sinabi kay David na maaari niyang kainin ang mga tinapay. Tinapos ni Jesus ang kaniyang nakakukumbinsing argumento sa pamamagitan ng pagsipi sa aklat ng Oseas: “Kung naunawaan ninyo ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain,’ hindi sana ninyo pinatawan ng hatol ang mga walang-sala.” (Mateo 12:1-8) Napakahusay ngang halimbawa ng paghahambing ng mga teksto sa Bibliya upang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa!

Pinatunayan ni apostol Pablo ang kaniyang punto sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga teksto

Ginamit ng mga tagasunod ni Jesus ang parisang iyon ng paggamit ng iba pang mga teksto upang maunawaan ang isang kasulatan. Nang turuan ni apostol Pablo ang mga taga-Tesalonica, “nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay.” (Gawa 17:2, 3) Maging sa kaniyang mga liham na kinasihan ng Diyos, hinayaan ni Pablo na ang Bibliya ang magpaliwanag sa sarili nito. Halimbawa, sa pagsulat sa mga Hebreo, sinipi niya ang maraming teksto upang patunayan na ang Kautusan ay anino ng mabubuting bagay na darating.​—Hebreo 10:1-18.

Oo, ibinabalik lamang ng taimtim na mga estudyante sa Bibliya noong ika-19 at unang mga taon ng ika-20 siglo ang Kristiyanong parisang ito. Ang pamamaraang ito ng paghahambing ng mga teksto sa Bibliya ay ginagamit pa rin sa magasing Bantayan. (2 Tesalonica 2:15) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang simulaing ito kapag sinusuri nila ang isang teksto sa Bibliya.

Isaalang-alang ang Konteksto

Kapag binabasa natin ang Bibliya, paano natin matutularan ang mainam na halimbawa ni Jesus at ng kaniyang tapat na mga tagasunod? Una, maaari nating isaalang-alang ang katabing mga teksto ng kasulatang isinasaalang-alang. Paano tayo matutulungan ng konteksto na maunawaan ang kahulugan nito? Bilang paglalarawan, isaalang-alang natin ang mga pananalita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 16:28: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi nga makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” Maaaring madama ng ilan na ang mga pananalitang ito ay hindi natupad dahil lahat ng mga alagad ni Jesus na naroroon nang bigkasin niya ang mga pananalitang iyon ay namatay na bago pa maitatag ang Kaharian ng Diyos sa langit. Ganito pa nga ang sinabi ng The Interpreter’s Bible hinggil sa talatang ito: “Ang hula ay hindi natupad, at sa kalaunan nakita ng mga Kristiyano na kailangang ipaliwanag na ito ay metapora lamang.”

Gayunman, ang konteksto ng talatang ito, gayundin ang mga nakakatulad na ulat nina Marcos at Lucas, ay tumutulong sa atin na maunawaan ang tunay na kahulugan ng tekstong iyon. Ano ang sinabi ni Mateo pagkatapos ng mga pananalitang sinipi sa itaas? Isinulat niya: “Pagkaraan ng anim na araw ay isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at dinala sila sa isang napakataas na bundok nang sila lamang. At siya ay nagbagong-anyo sa harap nila.” (Mateo 17:1, 2) Iniugnay rin nina Marcos at Lucas ang mga binanggit ni Jesus tungkol sa Kaharian sa ulat ng pagbabagong-anyo. (Marcos 9:1-8; Lucas 9:27-36) Ang pagdating ni Jesus taglay ang kapangyarihan ng Kaharian ay naitanghal sa kaniyang pagbabagong-anyo, nang ipakita niya ang kaniyang kaluwalhatian sa harap ng tatlong apostol. Sinuhayan ni Pedro ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa “kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo” may kaugnayan sa pagkasaksi niya sa pagbabagong-anyo ni Jesus.​—2 Pedro 1:16-18.

Hinahayaan Mo Bang ang Bibliya ang Magpaliwanag sa Sarili Nito?

Paano kung hindi mo pa rin maunawaan ang isang teksto sa Bibliya kahit nasuri mo na ang konteksto nito? Maaari kang makinabang kung ihahambing mo ito sa iba pang mga teksto, anupat isinasaalang-alang ang pangkalahatang kahulugan ng Bibliya. Ang isang napakahusay na pantulong upang magawa ito ay masusumpungan sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na makukuha na ngayon sa kabuuan o sa bahagi sa 57 wika. Ang pantulong na ito ay isang listahan ng panggilid na mga reperensiya, o cross-reference, na makikita sa panggitnang tudling ng bawat pahina sa karamihan ng mga edisyon nito. Makikita mo ang mahigit na 125,000 cross-reference na ito sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ang “Introduksiyon” sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References ay nagpapaliwanag: “Ang maingat na paghahambing sa panggilid na mga reperensiya at pagsusuri sa kalakip na mga talababa ay magsisiwalat sa pagkakaugnay-ugnay at pagkakasuwato ng 66 na aklat ng Bibliya, na nagpapatunay na ang mga ito ay bumubuo sa iisang aklat, na kinasihan ng Diyos.”

Tingnan natin kung paanong ang paggamit sa mga cross-reference ay makatutulong sa atin na maunawaan ang isang teksto sa Bibliya. Kunin nating halimbawa ang kasaysayan ni Abram, o Abraham. Isaalang-alang ang tanong na ito: Sino ang nanguna nang umalis sa Ur si Abram at ang kaniyang pamilya? Ganito ang mababasa sa Genesis 11:31: “Kinuha ni Tera si Abram na kaniyang anak at si Lot, . . . at si Sarai na kaniyang manugang, . . . at yumaon silang kasama niya mula sa Ur ng mga Caldeo upang pumaroon sa lupain ng Canaan. Sa kalaunan ay dumating sila sa Haran at nanahanan doon.” Kung ito lamang ang babasahin, baka isipin ng isa na ang ama ni Abram, si Tera, ang nanguna sa kanila. Gayunman, sa Bagong Sanlibutang Salin, makikita natin ang 11 cross-reference sa talatang ito. Aakayin tayo ng huling reperensiya sa Gawa 7:2, kung saan mababasa natin ang paghimok ni Esteban sa mga Judio noong unang siglo: “Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham samantalang siya ay nasa Mesopotamia, bago siya nanahanan sa Haran, at sinabi niya sa kaniya, ‘Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na ipakikita ko sa iyo.’” (Gawa 7:2, 3) Hindi kaya naipagkamali lamang ni Esteban ang mga salitang ito sa pag-alis ni Abram sa Haran? Maliwanag na hindi, dahil bahagi ito ng kinasihang Salita ng Diyos.​—Genesis 12:1-3.

Kung gayon, bakit sinasabi ng Genesis 11:31 na “kinuha ni Tera si Abram na kaniyang anak” at ang iba pa sa kaniyang pamilya at umalis sa Ur? Si Tera pa rin ang patriyarkang ulo. Pumayag siyang sumama kay Abram kung kaya’t sinasabing siya ang nanguna sa paglipat ng kaniyang pamilya sa Haran. Sa paghahambing at pagtutugma sa dalawang tekstong ito, mauunawaan natin kung ano ang eksaktong nangyari. Magalang na kinumbinsi ni Abram ang kaniyang ama na umalis sa Ur alinsunod sa utos ng Diyos.

Kapag binabasa natin ang Kasulatan, dapat nating isaalang-alang ang konteksto at ang pangkalahatang kahulugan ng Bibliya. Pinapayuhan ang mga Kristiyano: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay sinasalita rin natin, hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu, habang pinagsasama natin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita.” (1 Corinto 2:11-13) Tunay nga, dapat nating hilingin ang tulong ni Jehova upang maunawaan ang kaniyang Salita at sikaping ‘pagsamahin ang espirituwal na mga bagay at espirituwal na mga salita’ sa pamamagitan ng pagsusuri sa konteksto ng tekstong isinasaalang-alang at sa pamamagitan ng paghanap at pagsusuri sa kaugnay na mga teksto. Patuloy nawa nating hanapin ang maningning na mga hiyas ng katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos.