Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Pagkatapos ng huling pagsubok sa katapusan ng Milenyo, posible bang magkasala at mamatay ang mga tao?
Upang masagot ito, dalawang teksto sa Apocalipsis ang nagbibigay sa atin ng impormasyong makatutulong: “Ang kamatayan at ang Hades ay inihagis sa lawa ng apoy. Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.” (Apocalipsis 20:14) “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Pansinin kung kailan magaganap ang mga ito. Mangyayari ang paghahagis ng ‘kamatayan at Hades’ sa lawa ng apoy kapag ang mga nakaligtas sa Armagedon, mga patay na binuhay-muli, at sinumang isinilang pagkatapos ng Armagedon ay nahatulan na batay sa “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon,” o sa detalyadong mga kahilingan ni Jehova para sa sangkatauhan sa panahon ng isang libong taon. (Apocalipsis 20:12, 13) Iniulat ni apostol Juan ang isa pang pangitaing masusumpungan sa Apocalipsis kabanata 21, na matutupad sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus. Gayunman, ganap na matutupad ang pangitaing iyon sa katapusan ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom. Pagkatapos ay tatahan si Jehova kasama ng sangkatauhan sa ganap na diwa, nang walang sinumang tagapamagitan, sa panahong naisauli na ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Ama. Sa makasagisag na paraan, si Jehova ay mananahang kasama ng “kaniyang mga bayan” sa permanente at tuwirang paraan. Ang ganap na diwa ng pangakong “hindi na magkakaroon ng kamatayan” ay matutupad kapag naging sakdal na ang sangkatauhan dahil lubusan nang naikapit ang halaga ng haing pantubos ni Kristo.—Apocalipsis 21:3, 4.
Kaya ang kamatayang binabanggit sa mga tekstong sinipi sa itaas ay ang Adanikong kamatayan, na mawawalan na ng bisa dahil sa pantubos ni Kristo. (Roma 5:12-21) Kapag napawalang-bisa na ang kamatayang minana ng sangkatauhan mula sa unang tao, ang mga tao ay magiging katulad na ni Adan noong lalangin siya. Sakdal si Adan, pero hindi iyon nangangahulugang hindi siya puwedeng mamatay. Sinabihan ni Jehova si Adan na huwag kakain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” at saka sinabi: “Sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Iyon ay kamatayan dahil sa sinadyang pagkakasala. Pagkatapos ng huling pagsubok sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari, may kalayaan pa ring magpasiya ang mga tao. (Apocalipsis 20:7-10) Malaya pa rin silang makapipili kung magpapatuloy ba sila sa paglilingkuran kay Jehova o hindi. Kaya naman, hindi natin matitiyak na wala nang tatalikod sa Diyos kailanman, gaya ng ginawa ni Adan.
Ano ang mangyayari sa maghihimagsik matapos ang huling pagsubok kapag wala na ang kamatayan o ang Hades? Sa panahong iyon, wala na ang Adanikong kamatayan. At ang Hades, ang karaniwang libingan ng sangkatauhang may pag-asang mabuhay-muli, ay wala na. Gayunman, maaari pa ring lipulin ni Jehova ang sinumang maghimagsik sa pamamagitan ng lawa ng apoy, anupat wala nang pag-asang buhaying muli. Ang kamatayang iyan ay magiging tulad ng kamatayang naranasan nina Adan at Eva, hindi ang kamatayang minana ng mga tao kay Adan.
Gayunman, walang dahilan para isipin na mangyayari ang gayon. Ang mga nakapasa sa huling pagsubok ay naiiba kay Adan sa isang mahalagang diwa. Lubusan na silang nasubok. Makapagtitiwala tayo na magiging maingat at mahusay ang pagsasagawa ng huling pagsubok dahil alam ni Jehova kung paano lubusang suriin ang mga tao. Makapagtitiwala tayo na sa pamamagitan ng huling pagsubok, maaalis ang sinumang gagamit ng kanilang kalayaang pumili sa maling paraan. Kaya bagaman posible para sa mga nakapasa sa huling pagsubok na maghimagsik sa Diyos at mapuksa dahil dito, napakalayong mangyari nito.
[Larawan sa pahina 31]
Pagkatapos ng huling pagsubok, sa anong diwa maihahambing kay Adan ang sangkatauhan?