Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Balahibong Kamisadentro at ang Espirituwalidad

Ang Balahibong Kamisadentro at ang Espirituwalidad

Ang Balahibong Kamisadentro at ang Espirituwalidad

NAGSUOT nito si Haring Louis IX ng Pransiya. Noong si Sir Thomas More ay kabataan pa at nag-aaral ng abogasya, nagsuot siya nito upang makapanatili siyang gising nang 19 o 20 oras bawat araw sa loob ng ilang buwan. Sa katunayan, marami ang nagsabing nagsuot nito si More sa halos buong buhay niya. At nang paslangin sa Canterbury Cathedral si Thomas Becket, Arsobispo ng Canterbury, natuklasang ito pala ang panloob na damit niya. Ano ang pagkakatulad ng mga tauhang ito sa kasaysayan? Sinaktan nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng balahibong kamisadentro upang supilin ang kanilang makalamang pagnanasa.

Ang balahibong kamisadentro ay isang magaspang na kamisadentrong gawa sa balahibo ng kambing na isinusuot upang mairita at magasgas ang balat, anupat nagdudulot ng matinding hapdi at pangangati. Madali rin itong pamahayan ng mga kuto. Sinasabing isinuot ni Thomas Becket ang kaniyang balahibong kamisadentro pati na ang kaniyang karsonsilyong gawa rin sa gayong tela, hanggang sa “pamahayan ito ng napakaraming pulgas.” Pagkalipas ng ika-16 na siglo, sa halip na balahibo ng kambing, ginagamit kung minsan ang maninipis at matutulis na alambreng tumutusok sa katawan. Mas matinding hapdi at pangangati ang nararamdaman ng mga nagsusuot ng ganitong kamisadentro.

Ayon sa isang reperensiyang akda, ang layunin ng pagsusuot ng balahibong kamisadentro, gaya ng iba pang anyo ng pananakit sa sarili, ay upang “kontrolin ang makasalanang laman at sa gayo’y mapasigla ang paglilinang ng disposisyon at paraan ng pamumuhay na mas nakalulugod sa Diyos.” Hindi lamang mga asetiko ang nagsuot ng damit na ito; batid ng marami na nagsuot din nito ang ordinaryong mga tao, pati na ang may matataas na katungkulan. Maging sa ngayon, may ilan pa ring relihiyosong orden na sumusunod sa kaugaliang ito.

Nagiging espirituwal na tao ba ang isa dahil sa pagsusuot ng balahibong kamisadentro o dahil sa pagkakait sa sarili ng pisikal na mga pangangailangan? Hindi, ang espirituwalidad ay hindi natatamo sa pamamagitan ng gayong mga kaugalian. Sa katunayan, tinutulan ni apostol Pablo ang “pagpapahirap sa katawan.” (Colosas 2:23) * Sa halip, ang tunay na espirituwalidad ay matatamo ng isa kung hahanapin niya ang kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Kaniyang Salita at ikakapit ang kaalamang ito sa kaniyang buhay.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa higit pang pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Oktubre 8, 1997 ng Gumising!, Ang Pangmalas ng Bibliya: Asetisismo ba ang Susi sa Karunungan?

[Picture Credit Lines sa pahina 32]

Haring Louis IX, itaas: From the book Great Men and Famous Women; Thomas Becket, gitna: From the book Ridpath’s History of the World (Vol. IV); Thomas More, ibaba: From the book Heroes of the Reformation, 1904