Pinababayaan, Pinagmamalupitan, at May-edad Na
Pinababayaan, Pinagmamalupitan, at May-edad Na
HABANG nagroronda, nangilabot sa kaniyang nakita ang bantay sa gabi. Nakita niya sa labas lamang ng marangyang apartment ang dalawang bangkay—isang mag-asawang may-edad na ang tumalon mula sa bintana ng kanilang apartment na nasa ikawalong palapag. Bagaman nakapangingilabot ang kanilang pagpapakamatay, mas nakapangingilabot ang kanilang motibo. Isang maikling sulat na nasumpungan sa bulsa ng asawang lalaki ang nagsasabi: “Minabuti naming wakasan na ang aming buhay dahil palagi kaming minamaltrato at inaaway ng aming anak na lalaki at manugang na babae.”
Maaaring di-pangkaraniwan ang mga detalye ng kuwentong ito, subalit nakababahala na lubhang pangkaraniwan ang isyung nasa likod nito. Tunay nga, ang pagmamalupit sa mga may-edad na ay laganap sa halos lahat ng bahagi ng mundo. Isaalang-alang ang sumusunod:
• Sa isang pag-aaral, 4 na porsiyento ng mga may-edad na sa Canada ang iniulat na inaabuso o sinasamantala—karaniwan na ng isang miyembro ng pamilya. Subalit maraming may-edad na ang hiyang-hiya o takot na takot magsalita tungkol sa kanilang malungkot na kalagayan. Ang totoong bilang ay maaari pa ngang mga 10 porsiyento, ang sabi ng mga eksperto.
• “Sa bansang India, ang inaakalang matibay na ugnayang pampamilya ay gumuguho dahil dumaraming may-edad na ang inaayawan ng kanilang mga anak,” ang ulat ng magasing India Today.
• Ayon sa pinakatamang tantiya na makukuha, “mula 1 hanggang 2 milyong Amerikano na edad 65 o higit pa ang sinaktan, sinamantala, o sa paanuman ay pinagmalupitan ng isa na inaasahan nilang mangangalaga o magbibigay sa kanila ng proteksiyon,” ang sabi ng National Center on Elder Abuse. Tinatawag ng isang deputy district attorney sa San Diego, California, ang pang-aabuso sa mga may-edad na bilang “isa sa pinakamalubhang isyung nakakaharap ng pulisya sa ngayon.” Sinabi pa niya: “Nakikini-kinita kong lálaki pa ang problema sa susunod na mga taon.”
• Sa Canterbury, New Zealand, lumalaki ang pagkabahala na ang mga may-edad na ay pinupuntirya at sinasamantala ng mga miyembro ng pamilya—lalo na ng mga may problema sa droga, alak, o pagsusugal. Ang bilang ng iniulat na mga kaso ng pang-aabuso sa mga may-edad na sa Canterbury ay lubhang tumaas mula 65 noong 2002 tungo sa 107 noong 2003. Sinasabi ng punong ehekutibo ng isang ahensiyang itinatag upang hadlangan ang gayong pagmamalupit na ang bilang na ito ay gakalingkingan lamang.
• Ang Federation of Bar Associations ng
Hapon ay nagpayo na “kailangang tumanggap ng higit na atensiyon ang mga may-edad nang biktima kaysa sa mga biktima ng pang-aabuso sa mga bata o iba pang karahasan sa pamilya,” ang ulat ng The Japan Times. Bakit? Sinabi ng Times na ang isang dahilan ay na “kung ihahambing sa pang-aabuso sa bata o sa asawa, ang pang-aabuso sa mga may-edad na ay tila mas matagal malaman dahil inaakala ng mga ito na sila ang may kasalanan kapag sila’y sinaktan ng kanilang anak, at dahil hindi rin nalulutas ng pamahalaan at ng lokal na mga administrador ang problema.”Dahil sa ilang halimbawang ito hinggil sa nangyayari sa buong daigdig, maitatanong natin: Bakit napakaraming may-edad na ang pinababayaan at pinagmamalupitan? May pag-asa bang bubuti pa ang mga bagay-bagay? May kaaliwan ba para sa mga may-edad na?