Kamatayan—Isang Nakapangingilabot na Katotohanan!
Kamatayan—Isang Nakapangingilabot na Katotohanan!
“MULA sa pagsilang, nariyan na ang posibilidad na mamatay ang isang tao anumang oras,” ang isinulat ng Britanong istoryador na si Arnold Toynbee. Ganito pa ang idinagdag niya: “At totoong mamamatay ang lahat ng tao sa kalaunan.” Napakalungkot ngang mamatayan ng isang minamahal na kapamilya o matalik na kaibigan!
Ang kamatayan ay isang nakapangingilabot na katotohanan para sa sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon na. Nadarama natin na wala tayong magagawa kapag namatay ang isang mahal natin sa buhay. Walang pinipili ang kamatayan. Lahat ay nagiging biktima nito. Isinulat ng isang mananaysay noong ika-19 na siglo na para tayong nagiging maliliit na bata—mahina at walang magawa upang baguhin ang situwasyon. Ang kamatayan ay hindi mahahadlangan ng kayamanan ni ng kapangyarihan man. Walang maisagot ang matatalinong tao. Tumatangis ang malalakas na gaya rin ng mahihina.
Dumanas ng gayong dalamhati si Haring David ng sinaunang Israel nang mamatay ang kaniyang anak na si Absalom. Nang mabalitaan niyang namatay ang kaniyang anak, tumangis ang hari at bumulalas: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! O kung ako na sana ang namatay, ako nga, sa halip na ikaw, Absalom na anak ko, anak ko!” (2 Samuel 18:33) Walang nagawa ang makapangyarihang hari, na sumupil sa malalakas niyang kaaway, kundi hilinging siya na lamang sana ang pinatay ng “huling kaaway, ang kamatayan,” sa halip na ang kaniyang anak.—1 Corinto 15:26.
May lunas ba sa kamatayan? Kung oo, ano ang pag-asa ng mga patay? Makikita pa kaya nating muli ang ating mga mahal sa buhay? Mula sa Kasulatan, sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.