Sino sa Ngayon ang Nagkakapit ng mga Turo ni Kristo?
Sino sa Ngayon ang Nagkakapit ng mga Turo ni Kristo?
SA MARAMING lugar, itinuturing si Jesu-Kristo bilang isa sa mga pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Marami ang naniniwalang siya ang pinakadakilang tao. Sa loob ng halos dalawang libong taon, malaki ang naging impluwensiya ng kaniyang mga turo sa buhay ng mga tao—“mga hamak at ordinaryong buhay ng mabubuti at mababait na tao maging ang galanteng mga pilantropo,” ang isinulat ng Ingles na awtor na si Melvyn Bragg.
Kumusta Naman ang Kristiyanismo?
Kumusta naman ang Kristiyanismo? Inilalarawan ito bilang “isa sa pinakadakilang pagsulong sa espirituwalidad ng sangkatauhan.” Si David Kelso ng Glasgow Caledonian University sa Scotland ay nagpahayag ng kaniyang pananaw hinggil dito. Sumulat siya: “Ang kasaysayan nito sa loob ng dalawang libong taon ay punung-puno ng di-mapapantayang mga tagumpay sa larangan ng sining, arkitektura, pilosopiya, musika at lipunan.”
Subalit iba ang pangmalas ng marami. Wala naman silang tutol sa Kristiyanismo na binigyang-katuturan ng isang diksyunaryo: “Isang relihiyon na nakasalig sa mga turo ni Jesu-Kristo at sa paniniwala na siya ang anak ng Diyos.” (Collins Cobuild) Sa halip, nadidismaya sila sa paggawi ng mga relihiyosong institusyon at organisasyon na nag-aangking kumakatawan sa Kristiyanismo.
Halimbawa, inilarawan ng ika-19-na-siglong pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche ang Kristiyanismo ayon sa huling nabanggit bilang “hindi mawala-walang kapintasan ng sangkatauhan.” Isinulat niya na ito “ang pinakamatinding sumpa, ang pinakamalaki at pinakamalubhang katiwalian, . . . anupat gagamitin nito ang lahat ng masama, mapandaya, tuso at balakyot na pamamaraan makamit lamang ang layunin nito.” Sabihin pa, napakaradikal ng mga pananaw ni Nietzsche, pero gayundin ang naging konklusyon ng ilang palaisip na nagmamasid. Bakit? Dahil sa loob
ng maraming siglo, ang paggawi ng mga nag-aangking Kristiyano ay kakikitaan, hindi ng mga katangian ni Jesu-Kristo, kundi ng laganap na “katiwalian sa moral, kahindik-hindik na mga krimen at pamumusong.”Sinusuportahan ba ni Kristo ang Kristiyanismo sa Ngayon?
Kung gayon, makatuwirang itanong, “Sinusuportahan pa rin ba ni Kristo ang Kristiyanismo sa ngayon?” “Siyempre naman!” ang agad na isasagot ng ilan. “Hindi ba’t nangako siya sa kaniyang mga tagasunod na siya ay sasakanila ‘hanggang sa katapusan ng sanlibutan’?” (Mateo 28:20, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Oo, talagang sinabi iyan ni Jesus. Pero ibig ba niyang sabihin na susuportahan niya ang sinumang nag-aangking tagasunod niya, anuman ang paggawi ng taong iyon?
Tandaan, inakala ng ilang relihiyosong lider noong panahon ni Jesus na ang Diyos ay sasakanila anuman ang mangyari. Yamang pinili ng Diyos ang Israel para sa isang pantanging layunin, inisip ng ilang relihiyosong lider na hinding-hindi sila iiwan ng Diyos—anuman ang gawin nila. (Mikas 3:11) Subalit nang dakong huli, umabot sa sukdulan ang pagsuway nila sa mga kautusan at pamantayan ng Diyos. Bilang resulta, tahasang sinabi sa kanila ni Jesu-Kristo: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38) Naiwala ng isang relihiyosong sistema ang lingap ng Diyos. Itinakwil niya ito at hinayaan niyang wasakin ng mga hukbong Romano ang kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem, at ang templo nito noong 70 C.E.
Posible kayang gayundin ang mangyari sa Kristiyanismo? Isaalang-alang natin ang mga kahilingang isinama ni Jesus sa kaniyang pangako na siya ay sasakanila hanggang sa “katapusan ng sanlibutan.”
[Mga larawan sa pahina 2, 3]
Malaki ang naging impluwensiya ng mga turo ni Jesu-Kristo sa milyun-milyong tao sa buong daigdig