“Magkuwento Ka Pa!”
“Magkuwento Ka Pa!”
SA Nezlobnaya, Russia, pinag-aralan ng isang klase sa panitikan sa haiskul ang mga akda ng Rusong awtor na si Mikhail Bulgakov. Kabilang sa mga akda ang isang nobela na naninirang-puri kay Jesu-Kristo, at naglalarawan kay Satanas bilang bayani. Pagkatapos ng talakayan sa klase, nagbigay ng pagsusulit ang guro tungkol sa nobelang ito. Gayunman, isa sa mga estudyante, isang 16-anyos na Saksi ni Jehova na nagngangalang Andrey, ang magalang na nakiusap na kung maaari ay huwag na lamang siyang bigyan ng pagsusulit dahil hindi kaya ng kaniyang budhi na pag-aralan ang gayong uri ng akda. Sa halip, sinabi niyang susulat na lamang siya ng sanaysay na magpapaliwanag kung ano ang pagkakilala niya kay Jesu-Kristo. Pumayag naman ang guro.
Sa kaniyang sanaysay, ipinaliwanag ni Andrey na bagaman iginagalang niya ang opinyon ng iba, napatunayan niyang ang pinakamabuting paraan para matuto tungkol kay Jesus ay basahin ang isa sa apat na ulat ng Ebanghelyo. Sa pagbabasa nito, “matututo kayo tungkol sa buhay at mga turo ni Jesus salig sa mga ulat ng mismong mga nakasaksi.” Sinabi pa ni Andrey: “Ang isa pang ikinababahala ko ay ang pagkakalarawan kay Satanas. Maaaring naaaliw ang ilan sa pagbabasa ng aklat na nagpapakitang bayani si Satanas, pero hindi ako katulad nila.” Ipinaliwanag niya na si Satanas ay talagang isang makapangyarihang balakyot na espiritung nilalang na tumalikod sa Diyos, at siya ang dahilan ng kasamaan, kapighatian, at pagdurusa ng sangkatauhan. Tinapos ni Andrey ang kaniyang sanaysay sa pagsasabi: “Naniniwala akong hindi ako makikinabang sa pagbabasa ng nobelang ito. Siyempre pa, hindi naman ako galit kay Bulgakov. Pero para sa akin, mas gugustuhin ko pang basahin ang Bibliya upang matuto tungkol sa makasaysayang katotohanan hinggil kay Jesu-Kristo.”
Tuwang-tuwa ang guro ni Andrey sa sanaysay, kaya pinaghanda niya si Andrey ng isang report tungkol kay Jesu-Kristo at hiniling na iharap ito sa klase. Agad na pumayag si Andrey. Nang sumunod na klase nila sa panitikan, binasa ni Andrey ang kaniyang report sa harap ng buong klase. Ipinaliwanag niya kung bakit siya naniniwala na si Jesus ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Pagkatapos ay binasa niya ang isang kabanata mula sa aklat ng Bibliya na Mateo tungkol sa kamatayan ni Jesus. Yamang kaunti na lamang ang natitirang panahon sa kaniyang report, gusto nang tapusin ito ni Andrey, pero hinimok siya ng mga kaklase niya: “Magkuwento ka pa! Ano ang sumunod na nangyari?” Kaya itinuloy niya ang pagbabasa sa ulat ni Mateo tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.
Nang matapos si Andrey, maraming itinanong ang mga kaklase niya tungkol kay Jesus at kay Jehova. “Nanalangin po ako kay Jehova na bigyan ako ng karunungan, at dininig niya ang panalangin ko,” ang sabi ni Andrey. “Nasagot ko po ang lahat ng tanong nila!” Pagkatapos ng klase, binigyan ni Andrey ang kaniyang guro ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, * na malugod naman nitong tinanggap. Sinabi ni Andrey: “Binigyan po niya ako ng napakataas na marka sa aking report at pinuri niya ako dahil sa aking pananalig at dahil hindi ko raw po ikinahiya ang aking mga paniniwala. Sinabi rin po niya na sumasang-ayon siya sa ilan sa mga paniniwala ko.”
Natutuwa si Andrey sapagkat sinunod niya ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya sa pamamagitan ng hindi pagbabasa ng mga babasahing hindi nagpaparangal kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ang gayong determinasyon ay hindi lamang nagsanggalang sa kaniya sa impluwensiya ng di-makakasulatang mga pangmalas kundi nagbigay rin ito ng kamangha-manghang pagkakataon para maibahagi niya sa iba ang mahalagang mga katotohanan sa Bibliya.
[Mga talababa]
^ par. 5 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.