Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

LABINDALAWANG taon na ang lumipas mula nang maganap ang huling mga pangyayaring iniulat sa aklat ng Bibliya na Ezra. Malapit na ngayon ang panahon sa “paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem”​—ang pangyayaring naging palatandaan ng pasimula ng 70 sanlinggo ng mga taon hanggang sa dumating ang Mesiyas. (Daniel 9:24-27) Ang aklat ng Nehemias ay kasaysayan ng bayan ng Diyos hinggil sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem. Sumasaklaw ito sa mahalagang yugto na mahigit 12 taon, mula 456 B.C.E. hanggang mga ilang panahon makalipas ang 443 B.C.E.

Ang aklat na ito na isinulat ni Gobernador Nehemias ay kapana-panabik na ulat kung paano naitanyag ang tunay na pagsamba dahil sa determinadong pagkilos at lubos na pananalig sa Diyos na Jehova. Malinaw na ipinakikita nito kung paano minamaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay upang maganap ang kaniyang kalooban. Ulat din ito hinggil sa isang matatag at matapang na lider. Ang mensahe sa aklat ng Nehemias ay naglalaan ng mahahalagang aral para sa lahat ng tunay na mananamba sa ngayon, “sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”​—Hebreo 4:12.

“SA KALAUNAN AY NATAPOS ANG PADER”

(Nehemias 1:1–​6:19)

Si Nehemias ay nasa kastilyo ng Susan at naglilingkod kay Haring Artajerjes Longimanus sa isang pinagkakatiwalaang posisyon. Nang mabalitaan niya na ang kaniyang bayan “ay nasa napakasamang kalagayan at kadustaan; at ang pader ng Jerusalem ay giba, at ang mismong mga pintuang-daan nito ay nasunog sa apoy,” nabagabag nang husto si Nehemias. Marubdob siyang nanalangin sa Diyos para humingi ng patnubay. (Nehemias 1:3, 4) Sa kalaunan, napansin ng hari na malungkot si Nehemias, at binigyan siya ng pagkakataong magtungo sa Jerusalem.

Pagdating ni Nehemias sa Jerusalem, sinuri niya ang pader sa kadiliman ng gabi, at isiniwalat niya sa mga Judio ang plano niyang itayong muli ang pader. Nagsimula ang pagtatayo, gayundin ang pagsalansang sa gawain. Gayunman, dahil sa matapang na pangunguna ni Nehemias, “sa kalaunan ay natapos ang pader.”​—Nehemias 6:15.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:1; 2:1—Ang “ikadalawampung taon” ba na binanggit sa dalawang talatang ito ay binilang mula sa iisang saligang petsa? Totoong ang tinutukoy rito na ika-20 taon ay yaong pamamahala ni Artajerjes na hari. Gayunman, magkaiba ang paraan ng pagbilang na ginamit sa mga talatang ito. Batay sa katibayan ng kasaysayan, taóng 475 B.C.E. nang lumuklok si Artajerjes sa trono. Yamang karaniwan nang binibilang ng mga eskriba ng Babilonya ang mga taon ng pamamahala ng mga hari ng Persia mula Nisan (Marso/​Abril) hanggang Nisan, ang unang opisyal na taon ng paghahari ni Artajerjes ay nagsimula noong Nisan ng 474 B.C.E. Kaya ang ika-20 taon ng pamamahala na binanggit sa Nehemias 2:1 ay nagsimula noong Nisan ng 455 B.C.E. Ang buwan ng Kislev (Nobyembre/​Disyembre) na binanggit sa Nehemias 1:1 ay makatuwiran lamang na Kislev ng naunang taon​—456 B.C.E. Sinabi ni Nehemias na ika-20 taon din ng pamamahala ni Artajerjes ang buwang iyon. Malamang na sa talatang ito, binilang niya ang mga taon mula sa petsa ng pagluklok ng monarka. Maaari ring binilang ni Nehemias ang panahon batay sa tinatawag ngayon ng mga Judio na taóng sibil, na nagsisimula sa buwan ng Tisri, na katumbas ng Setyembre/​Oktubre. Sa paanuman, ang taon na lumabas ang salita na isauli ang Jerusalem ay noong 455 B.C.E.

4:17, 18—Paano muling makapagtatayo ang isang tao gamit ang iisang kamay lamang? Hindi problema ito para sa mga tagapagdala ng pasan. Minsang maipatong ang pasan sa kanilang ulo o balikat, madali nilang mababalanse ito ng isang kamay “habang ang kabilang kamay ay may hawak na suligi.” Ang mga tagapagtayo na kailangang gumamit ng dalawang kamay sa kanilang gawain “ay nabibigkisan, ang bawat isa ay may tabak sa kaniyang balakang, habang nagtatayo.” Handa nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sakaling sumalakay ang mga kaaway.

5:7—Sa anong diwa nagsimulang “kakitaan [ni Nehemias] ng pagkakamali ang mga taong mahal at ang mga kinatawang tagapamahala”? Ang mga lalaking ito ay labis na nagpapatubo sa kanilang mga kapuwa Judio na labag sa Kautusang Mosaiko. (Levitico 25:36; Deuteronomio 23:19) Bukod diyan, napakataas ng hinihinging interes ng mga nagpapautang. Kung buwan-buwan itong sisingilin, ang “ikasandaang bahagi” ay katumbas ng 12 porsiyento bawat taon. (Nehemias 5:11) Isang kalupitan na ipataw ito sa mga tao na labis nang napabibigatan ng mga buwis at dumaranas ng kakapusan sa pagkain. Kinakitaan ni Nehemias ng pagkakamali ang mayayaman sa diwa na ginamit niya ang Kautusan ng Diyos upang sawayin at pagwikaan sila at sa gayo’y inilantad ang kanilang masamang gawa.

6:5—Bakit nagpadala si Sanbalat ng “isang bukás na liham” gayong karaniwan nang isinisilid noon sa selyadong supot ang kompidensiyal na mga liham? Maaaring balak ni Sanbalat na ipaalam sa publiko ang maling mga paratang kaya ipinadala niya ito sa isang bukás na liham. Marahil umaasa siyang ikagagalit ito nang husto ni Nehemias anupat iiwan niya ang pagtatayo at ipagtatanggol ang kaniyang sarili. O baka iniisip ni Sanbalat na lubhang matatakot ang mga Judio sa nilalaman ng liham at tuluyan nang ihihinto ang pagtatayo. Hindi nasiraan ng loob si Nehemias kundi mahinahong nagpatuloy sa gawaing iniatas ng Diyos.

Mga Aral Para sa Atin:

1:4; 2:4; 4:4, 5. Kapag napapaharap sa mahihirap na situwasyon o gumagawa ng mahahalagang desisyon, dapat tayong “magmatiyaga . . . sa pananalangin” at kumilos na kaayon ng teokratikong patnubay.​—Roma 12:12.

1:11–​2:8; 4:4, 5, 15, 16; 6:16. Sinasagot ni Jehova ang taimtim na mga panalangin ng kaniyang mga lingkod.​—Awit 86:6, 7.

1:4; 4:19, 20; 6:3, 15. Bagaman maawaing tao si Nehemias, nag-iwan siya ng mainam na halimbawa bilang isang lalaking kilala sa gawa na di-natitinag sa pagtataguyod ng katuwiran.

1:11–​2:3. Ang pangunahing pinagmumulan ng kagalakan ni Nehemias ay hindi ang kaniyang prominenteng posisyon bilang katiwala ng kopa kundi ang pagsulong ng tunay na pagsamba. Hindi ba’t ang pagsamba kay Jehova at ang lahat ng bagay na nagpapasulong dito ang dapat na pangunahin nating ikinababahala at pinagmumulan ng kagalakan?

2:4-8. Inudyukan ni Jehova si Artajerjes na pahintulutang umalis si Nehemias at itayong muli ang pader ng Jerusalem. “Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova,” ang sabi sa Kawikaan 21:1. “Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.”

3:5, 27. Hindi natin dapat ituring na nagpapababa ng ating dignidad ang manu-manong trabaho na ginagawa sa kapakanan ng tunay na pagsamba, gaya ng pananaw ng “mga taong mariringal” ng Tekoa. Sa halip, matutularan natin ang karaniwang mga Tekoita na kusang nagpagal ng kanilang sarili.

3:10, 23, 28-30. Bagaman ang ilan ay makalilipat sa ibang lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian, marami sa atin ang sumusuporta sa tunay na pagsamba malapit sa ating tinitirhan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagtatayo ng Kingdom Hall, sa mga kaayusan sa pagtulong sa mga biktima ng sakuna, subalit lalo na sa pangangaral tungkol sa Kaharian.

4:14. Kapag sinasalansang, madaraig din natin ang takot sa pamamagitan ng pagsasaisip sa “Isa na dakila at kakila-kilabot.”

5:14-19. Para sa Kristiyanong mga tagapangasiwa, si Gobernador Nehemias ay mahusay na halimbawa ng kapakumbabaan, kawalang-pag-iimbot, at katalinuhan. Bagaman masigasig siya sa pagpapatupad sa Kautusan ng Diyos, hindi niya sinupil ang iba para sa kaniyang sariling kapakinabangan. Sa halip, nabahala siya sa mga nasisiil at mahihirap. Sa pagiging bukas-palad, nag-iwan si Nehemias ng natatanging halimbawa para sa lahat ng lingkod ng Diyos.

“ALALAHANIN MO AKO, O DIYOS KO, SA IKABUBUTI”

(Nehemias 7:1–​13:31)

Nang sandaling matapos ang pader ng Jerusalem, inilagay ni Nehemias ang pintuang-daan at gumawa ng mga kaayusan upang ipagsanggalang ang lunsod. Saka siya gumawa ng rekord ng talaangkanan ng bayan. Nang matipon ang buong bayan “sa liwasan na nasa tapat ng Pintuang-daan ng Tubig,” binasa ni Ezra na saserdote ang aklat ng Kautusan ni Moises, at ipinaliwanag naman ni Nehemias at ng mga Levita ang Kautusan sa bayan. (Nehemias 8:1) Nang matutuhan nila ang tungkol sa Kapistahan ng mga Kubol, ipinagdiwang nila ito nang may pagsasaya.

Ginanap ang isa pang pagtitipon, kung saan inihayag ng “binhi ng Israel” ang kanilang kasalanan bilang isang bansa, nirepaso ng mga Levita ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel, at sumumpa ang bayan na ‘lalakad sila sa kautusan ng tunay na Diyos.’ (Nehemias 9:1, 2; 10:29) Dahil kakaunti pa rin ang nakatira sa Jerusalem, nagpalabunutan upang ang 1 sa bawat 10 lalaking nakatira sa labas ng lunsod ay lumipat sa loob. Saka pinasinayaan ang pader nang may gayon na lamang kagalakan anupat “ang pagsasaya ng Jerusalem ay maririnig sa malayo.” (Nehemias 12:43) Pagkalipas ng 12 taon mula nang dumating siya sa Jerusalem, bumalik si Nehemias kay Artajerjes upang gampanang muli ang kaniyang mga tungkulin. Nang maglaon, naging kapansin-pansin ang karumihan sa mga Judio. Pagbalik niyang muli sa Jerusalem, gumawa ng matatag na pagkilos si Nehemias upang iwasto ang situwasyon. Mapagpakumbaba niyang hiniling: “Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.”​—Nehemias 13:31.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

7:6-67—Bakit ang talaan ni Nehemias ng mga nalabing bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel ay naiiba sa talaan ni Ezra kung bilang ng mga indibiduwal sa bawat sambahayan ang pag-uusapan? (Ezra 2:1-65) Malamang na may ganitong mga pagkakaiba dahil hindi pareho ang reperensiyang ginamit nina Ezra at Nehemias. Halimbawa, ang bilang ng mga nagparehistro para bumalik ay baka naiiba sa bilang ng aktuwal na nagbalik. Ang dalawang rekord ay maaaring magkaiba rin dahil hindi agad natalunton ng ilang Judio ang kanilang pinagmulang angkan. Gayunman, may pagkakatulad ang dalawang ulat: Ang bilang ng unang nagsibalik ay 42,360, bukod pa sa mga alipin at mang-aawit.

10:34—Bakit hinilingan ang bayan na magtustos ng kahoy? Hindi ipinag-utos ng Kautusang Mosaiko ang handog na kahoy. Hiniling lamang ito dahil sa pangangailangan. Pagkarami-raming kahoy ang kailangan upang sunugin ang mga hain sa altar. Lumilitaw na iilan lamang ang mga Netineo na naglilingkod bilang di-Israelitang mga alipin sa templo. Kaya nagpalabunutan upang matiyak na hindi mauubos ang panustos na kahoy.

13:6—Gaano katagal wala sa Jerusalem si Nehemias? Sinasabi lamang ng Bibliya na “nang maglaon,” o sa literal, “sa katapusan ng mga araw,” humiling si Nehemias sa hari ng panahon ng pagliban upang makabalik siya sa Jerusalem. Kaya imposibleng malaman kung gaano siya katagal wala sa Jerusalem. Gayunman, pagbalik ni Nehemias sa Jerusalem, nalaman niya na hindi sinusuportahan ang mga saserdote, ni naipagdiriwang man ang kautusan ng Sabbath. Marami ang nag-asawa ng banyaga, at hindi man lamang nakapagsasalita ng wika ng mga Judio ang kanilang mga anak. Yamang gayon na lamang kalala ang mga kalagayan, tiyak na matagal na panahong wala si Nehemias sa Jerusalem.

13:25, 28—Bukod sa ‘pagkakita ng pagkakamali’ sa mga Judiong muling nagkasala, anu-ano pang pagtutuwid ang ginawa ni Nehemias? ‘Isinumpa’ sila ni Nehemias sa pamamagitan ng pagbigkas sa kanila ng mga hatol na masusumpungan sa Kautusan ng Diyos. ‘Sinaktan niya ang ilan sa kanila,’ marahil sa pamamagitan ng pag-uutos ng hudisyal na pagkilos laban sa kanila. Bilang sagisag ng kaniyang matuwid na galit, ‘sinabunutan niya ang kanilang buhok.’ Itinaboy rin niya ang apo ng mataas na saserdoteng si Eliasib, na nag-asawa ng isang anak na babae ni Sanbalat na Horonita.

Mga Aral Para sa Atin:

8:8. Bilang mga guro ng Salita ng Diyos, “binibigyan [natin] iyon ng kahulugan” sa pamamagitan ng malinaw na pagbigkas at pagdiriin at wastong pagpapaliwanag sa Kasulatan, anupat nililinaw kung paano ito ikakapit.

8:10. “Ang kagalakan kay Jehova” ay nagmumula sa pagiging palaisip at sa pagsapat sa ating espirituwal na mga pangangailangan at sa pagsunod sa teokratikong patnubay. Napakahalaga ngang masikap nating pag-aralan ang Bibliya, regular na dumalo sa Kristiyanong mga pulong, at masigasig na makibahagi sa pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng alagad!

11:2. Ang pag-iwan sa minanang mga pag-aari at paglipat sa Jerusalem ay nagsasangkot ng personal na kalugihan at ilang disbentaha. Ang mga nagboluntaryo sa paggawa nito ay nagpakita ng mapagsakripisyong espiritu. Maipakikita rin natin ang gayong espiritu kapag bumangon ang mga oportunidad upang kusa tayong makapaglingkod sa iba sa ating mga kombensiyon at sa iba pang pagkakataon.

12:31, 38, 40-42. Ang pag-awit ay isang mainam na paraan upang purihin at pasalamatan si Jehova. Dapat tayong umawit nang buong puso sa ating Kristiyanong mga pagtitipon.

13:4-31. Dapat nating ipagsanggalang ang ating sarili sa nakapipinsalang impluwensiya ng materyalismo, katiwalian, at apostasya.

13:22. Batid ni Nehemias na mananagot siya sa Diyos. Dapat alam din natin na mananagot tayo kay Jehova.

Napakahalaga ng Pagpapala ni Jehova!

“Malibang si Jehova ang magtayo ng bahay,” ang awit ng salmista, “walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito.” (Awit 127:1) Talagang naipakita ng aklat ng Nehemias ang katotohanan ng mga salitang ito!

Malinaw ang aral para sa atin. Kung gusto nating magtagumpay sa lahat ng ating ginagawa, kailangan natin ang pagpapala ni Jehova. Makaaasa kaya talaga tayo sa pagpapala ni Jehova kung hindi natin uunahin sa ating buhay ang tunay na pagsamba? Kaya tulad ni Nehemias, gawin nawa nating priyoridad ang pagsamba kay Jehova at ang pagsulong nito.

[Larawan sa pahina 8]

“Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova”

[Larawan sa pahina 9]

Si Nehemias​—isang lalaking kilala sa gawa at maawain​—ay nagtungo sa Jerusalem

[Mga larawan sa pahina 10]

Alam mo bang ‘magbigay ng kahulugan’ sa Salita ng Diyos?