Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Si Jah ang Naging Aking Kaligtasan’

‘Si Jah ang Naging Aking Kaligtasan’

‘Si Jah ang Naging Aking Kaligtasan’

NAPAPAHARAP sa pagpili ang bayan ni Jehova. Susundin ba nila ang napakasamang tagapamahala ng sinaunang Ehipto? O susundin nila ang Diyos na Jehova, iiwan ang lugar na iyon kung saan sila inaalipin, at maninirahan sa Lupang Pangako?

Dahil tumanggi ang hambog na Paraon ng Ehipto na palayain ang bayan ni Jehova, nagpasapit ang Diyos ng Sampung Salot sa lupain. Talaga ngang naitanghal nito ang kaniyang kapangyarihan! Walang nagawa ang mga bathala ng mga Ehipsiyo para pigilan ang mga dagok na iyon.

Nang sabihan si Paraon na payaunin ang bayan ng Diyos, may-pangungutya niyang sinabi: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova at, isa pa, hindi ko payayaunin ang Israel.” (Exodo 5:2) Bilang resulta, naranasan ng Ehipto ang mga dagok na ito: (1) tubig na naging dugo, (2) mga palaka, (3) niknik, (4) langaw na nangangagat, (5) salot sa mga alagang hayop, (6) bukol sa mga tao at hayop, (7) graniso, (8) balang, (9) kadiliman, at (10) ang kamatayan ng mga panganay sa Ehipto, kabilang na ang anak na lalaki ni Paraon. Sa wakas, pinayaon na ni Paraon ang mga Hebreo. Siya pa nga mismo ang nagsabing umalis na sila!​—Exodo 12:31, 32.

Mga tatlong milyon katao​—mga Israelitang lalaki, babae, at mga bata kasama ang malaking haluang pangkat​—ang agad na lumisan. (Exodo 12:37, 38) Ngunit di-nagtagal, tinugis sila ni Paraon kasama ng kaniyang napakalaking hukbo. Waring naipit ang mga Israelita sa pagitan ng Dagat na Pula, ng mapanganib na disyerto, at ng mga hukbo ni Paraon. Subalit sinabi ni Moises sa bayan: “Huwag kayong matakot. Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova.”​—Exodo 14:8-14.

Makahimalang hinati ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula para makatakas ang mga Israelita. Ngunit nang sundan sila ng mga Ehipsiyo, ibinalik ng Diyos ang tubig. “Ang mga karo ni Paraon at ang kaniyang mga hukbong militar ay inihagis [ni Jehova] sa dagat.” (Exodo 14:26-28; 15:4) Ang pagtanggi ni Paraon na parangalan si Jehova ay humantong sa kaniyang kapaha-pahamak na wakas.

Sa Dagat na Pula, pinatunayan ni Jehova na siya ay “tulad-lalaking mandirigma.” (Exodo 15:3) “Nakita rin ng Israel ang dakilang kamay na pinakilos ni Jehova laban sa mga Ehipsiyo,” ang sabi na kinasihang ulat, “at ang bayan ay nagsimulang matakot kay Jehova at manampalataya kay Jehova.” (Exodo 14:31; Awit 136:10-15) Ipinakita nila ang taos-pusong pasasalamat sa Diyos nang umalinsabay kay Moises ang mga lalaki sa isang awit ng tagumpay, samantalang pinangunahan naman ng kapatid ni Moises na si Miriam ang mga babae sa pagsayaw. *

Nagliligtas Pa Rin si Jehova

Ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova ay matututo ng nakapagpapatibay-pananampalatayang mga aral mula sa pambihirang pagliligtas na iyon ng Diyos. Ang isang aral ay na walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova at kaya niyang lubusang alalayan ang kaniyang bayan. Sa kanilang awit ng tagumpay, may-pagbubunying umawit si Moises at ang mga Israelita: “Ang iyong kanang kamay, O Jehova, ay may malakas na kakayahan, ang iyong kanang kamay, O Jehova, ay makadudurog ng kaaway.”​—Exodo 15:6.

Natutuhan din natin na gustung-gusto ng Makapangyarihan-sa-lahat na ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Umawit ang mga Israelita: “Ang aking lakas at ang aking kalakasan ay si Jah, sapagkat siya ang naging aking kaligtasan. Ito ang aking Diyos, at pupurihin ko siya.” Bukod diyan, nalaman din natin na walang makahahadlang sa kalooban ng Diyos na Jehova. Sa kanilang awit ng tagumpay, umawit ang naligtas na bayan ng Diyos: “Sino sa mga diyos ang tulad mo, O Jehova? Sino ang tulad mo, na dakila sa kabanalan? Ang Isa na katatakutan taglay ang mga awit ng papuri, ang Isa na gumagawa ng mga kamangha-mangha.”​—Exodo 15:2, 11.

Tulad ni Paraon ng sinaunang Ehipto, pinag-uusig ng mga tagapamahala ng daigdig sa ngayon ang bayan ni Jehova. Ang hambog na mga pinuno ay maaaring ‘magsalita ng mga salita laban sa Kataas-taasan, at patuluyang ligaligin ang mga banal ng Kadaki-dakilaan.’ (Daniel 7:25; 11:36) Subalit binibigyang-katiyakan ni Jehova ang kaniyang bayan: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.”​—Isaias 54:17.

Hindi magtatagumpay ang mga sumasalansang sa Diyos, kung paanong hindi nagtagumpay si Paraon at ang kaniyang hukbo. Pinatutunayan ng mga ginawang pagliligtas ni Jehova, gaya ng Pag-alis mula sa Ehipto, na tamang sundin ang simulaing binanggit ng mga apostol ni Jesus, na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, January/​February.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

ALAM MO BA?

• Nagpahihip si Jehova ng malakas na hangin sa buong magdamag upang makatawid ang Israel sa tuyong sahig ng Dagat na Pula.​—Exodo 14:21, 22.

• Isang daanan na isa’t kalahating kilometro ang lapad o higit pa ang kailangan para makatawid ang milyun-milyong Israelita sa Dagat na Pula sa gayon kaikling panahon.

[Mga larawan sa pahina 9]

Hindi napigilan ng huwad na mga bathala ng Ehipto ang Sampung Salot na pinasapit ni Jehova

[Credit Line]

Lahat ng tatlong pigurin: Photograph taken by courtesy of the British Museum