“Ang Salita sa Tamang Panahon, O Anong Buti!”
“Ang Salita sa Tamang Panahon, O Anong Buti!”
SA BUONG araw ng asamblea ng mga Saksi ni Jehova, sinikap ni Kim na atentibong makinig at kumuha ng nota habang pinananatili niyang tahimik na nakaupo ang kaniyang anak na babae na dalawa at kalahating taóng gulang. Pagkatapos ng programa, lumapit kay Kim ang isang Kristiyanong kapatid na babaing kahilera nila sa upuan at taimtim na pinapurihan si Kim at ang asawa nito dahil sa mahusay na pagsubaybay nila sa kanilang anak habang may sesyon. Labis na pinahalagahan ni Kim ang komendasyong iyon anupat hanggang ngayon, makalipas ang ilang taon, sinasabi niya: “Kapag panahon ng pulong at pagod na pagod ako, iniisip ko ang mga sinabi ng sister na iyon. Ang kaniyang may-kabaitang pananalita ay nagpapatibay pa rin sa akin na patuloy na sanayin ang aming anak.” Tunay ngang nakapagpapatibay sa isang tao ang napapanahong mga salita. Sinasabi ng Bibliya: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!”—Kawikaan 15:23.
Gayunman, ang ilan sa atin ay nahihirapang papurihan ang iba. Kung minsan, nahihirapan tayong gawin ito kapag naiisip natin na tayo mismo ay walang kakayahan. Sinabi ng isang Kristiyano: “Para akong nakatayo sa burak. Habang itinataas ko ang iba, pakiramdam ko’y lalo akong lumulubog.” Ang mga salik gaya ng pagkamahiyain, kawalan ng tiwala sa sarili, o takot na mali ang maging pagkaunawa ng iba ay nakahahadlang din sa pagbibigay natin ng komendasyon. Karagdagan pa, kung tayo mismo ay hindi gaanong pinapurihan o hindi talaga pinapurihan noong bata pa, baka mahirapan tayong papurihan ang iba.
Gayunpaman, maaari tayong maudyukang gawin ang ating buong makakaya na magbigay ng papuri sa tamang panahon kung alam natin na ang papuri ay makabubuti kapuwa sa pumuri at sa pinapurihan. (Kawikaan 3:27) Ano, kung gayon, ang mga kapakinabangan sa paggawa nito? Talakayin natin sandali ang ilan.
Mga Kapakinabangan
Ang angkop na papuri ay nakapagbibigay ng kumpiyansa sa pinapurihan. “Kapag pinapupurihan ako ng mga tao, pakiramdam ko’y may kumpiyansa sila sa akin, na nagtitiwala sila sa akin,” ang sabi ni Elaine, isang Kristiyanong asawang babae. Oo, ang pagbibigay ng komendasyon sa isang walang kumpiyansa sa sarili ay magbibigay sa taong iyon ng lakas ng loob na harapin ang mga hadlang, at dahil dito, makasusumpong siya ng kagalakan. Partikular nang nakikinabang ang mga kabataan sa mga komendasyong nararapat sa kanila. Isang tin-edyer, na umaaming pinanghinaan siya ng loob dahil sa kaniyang negatibong kaisipan, ang nagsabi: “Palagi kong sinisikap na palugdan si Jehova, pero kung minsan, pakiramdam ko’y hindi pa rin sapat ang anumang gawin ko. Kapag pinapurihan ako ng iba, tuwang-tuwa ako.” Talagang totoo ang sinasabi ng kawikaan sa Bibliya: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.”—Kawikaan 25:11.
Ang komendasyon ay nakagaganyak at nakapagpapasigla sa isang tao. Isang buong-panahong ministro ang nagsabi, “Napasisigla ako ng komendasyon na lalo pang magsikap at pagbutihin ang aking ministeryo.” Napansin ng isang ina na may dalawang anak na kapag pinasasalamatan ng ibang miyembro ng kongregasyon ang kaniyang mga anak dahil sa pagkokomento sa mga pulong, lalo silang nauudyukang magkomento. Oo, nagaganyak nito ang mga kabataan na sumulong sa Kristiyanong pamumuhay. Sa katunayan, kailangan nating lahat na mabigyang-katiyakan na tayo ay kinalulugdan at pinahahalagahan. Maaari tayong mapagod at manlumo dahil nabubuhay tayo sa daigdig na ito na punung-puno ng kaigtingan. Isang Kristiyanong elder ang nagsabi, “Kung minsan, kapag pinanghihinaan ako ng loob, ang komendasyon ay parang sagot sa mga
panalangin ko.” Sinabi rin ni Elaine, “Minsan nadarama kong ang mga komendasyon ng iba ay paraan ni Jehova para ipakitang sinasang-ayunan niya ako.”Kapag pinapurihan ang isa, nadarama niyang pinahahalagahan siya. Ang taimtim na papuri ay nagpapakita ng pagkamaalalahanin at nagpapadama ng paggiliw, katiwasayan, at pagpapahalaga. Patunay ito na talagang mahal natin ang ating mga kapuwa Kristiyano at pinahahalagahan natin sila. Si Josie, isang ina, ay nagsabi: “Noon, ako lamang ang Saksi sa aming pamilya, at kailangan akong manindigan sa katotohanan. Nang panahong iyon, tumibay ang determinasyon kong huwag sumuko dahil pinahahalagahan ako ng mga indibiduwal na maygulang sa espirituwal.” Tunay ngang “tayo ay mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”—Efeso 4:25.
Ang pagnanais na papurihan ang iba ay tumutulong sa atin na makita ang kanilang positibong mga katangian. Hindi natin tinitingnan ang mga kahinaan ng iba kundi ang kanilang mabubuting katangian. Sinabi ni David, isang Kristiyanong elder, “Mas madalas nating mapapupurihan ang ibang tao kung pinahahalagahan natin ang kanilang mga nagagawa.” Kapag isinasaisip natin kung gaano kadalas purihin ni Jehova at ng kaniyang Anak ang di-sakdal na mga tao, uudyukan tayo nito na palagi ring papurihan ang iba.—Mateo 25:21-23; 1 Corinto 4:5.
Mga Karapat-dapat sa Papuri
Ang Diyos na Jehova ang pangunahin nang karapat-dapat papurihan sapagkat siya ang Maylalang. (Apocalipsis 4:11) Bagaman hindi niya kailangan ang pampatibay o pampasigla mula sa mga tao, lumalapit siya sa atin at nagiging malapít tayo sa kaniya kapag pinupuri natin siya dahil sa kaniyang pagiging kagila-gilalas at sa kaniyang maibiging-kabaitan. Ang pagpuri sa Diyos ay tumutulong din sa atin na malinang ang tama at timbang na pangmalas sa ating mga nagagawa at umaakay sa atin na kilalanin na si Jehova ang pinagmumulan ng ating tagumpay. (Jeremias 9:23, 24) Iniaalok ni Jehova ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lahat ng taong karapat-dapat, at isa ring dahilan iyan para papurihan siya. (Apocalipsis 21:3, 4) Sabik ang sinaunang hari na si David na ‘purihin ang pangalan ng Diyos’ at ‘dakilain siya sa pamamagitan ng pasasalamat.’ (Awit 69:30) Sana’y gayundin ang maging hangarin natin.
Ang ating mga kapuwa mananamba ay karapat-dapat sa angkop na komendasyon. Kapag pinapupurihan natin sila, kumikilos tayo kasuwato ng utos ng Diyos na ‘isaalang-alang ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’ (Hebreo 10:24) Naging huwaran si apostol Pablo sa bagay na ito. Sumulat siya sa kongregasyon sa Roma: “Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay pinag-uusapan sa buong sanlibutan.” (Roma 1:8) Gayundin naman, pinasalamatan ni apostol Juan ang kaniyang kapuwa Kristiyano na si Gayo dahil sa kaniyang napakahusay na halimbawa sa ‘paglakad sa katotohanan.’—3 Juan 1-4.
Sa ngayon, kapag ang kapuwa Kristiyano ay huwaran sa pagpapakita ng tulad-Kristong katangian, kapag maganda ang kaniyang bahagi sa pulong dahil pinaghandaan niyang mabuti, o kapag taos-puso siyang nagkokomento sa mga pulong, mainam na pagkakataon ito para pasalamatan natin ang indibiduwal na iyon. O kapag sinisikap ng isang bata na sundan sa kaniyang Bibliya ang mga tekstong binabanggit sa mga pulong ng kongregasyon, maaari natin siyang bigyan ng komendasyon. Si Elaine, na binanggit kanina, ay nagkomento: “Iba-iba ang ating mga kaloob. Kapag binibigyang-pansin natin ang mga nagagawa ng iba, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa iba’t ibang kaloob na taglay ng bayan ng Diyos.”
Sa Loob ng Pamilya
Kumusta naman ang pagpapahayag natin ng pagpapahalaga sa mga miyembro ng ating pamilya? Efeso 5:33) Halimbawa, tungkol sa asawang babae na may kakayahan, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang kaniyang mga anak ay bumabangon at ipinahahayag siyang maligaya; bumabangon ang nagmamay-ari sa kaniya, at pinupuri siya nito.”—Kawikaan 31:10, 28.
Kailangan ng asawang lalaki at asawang babae ng malaking panahon, lakas, at maibiging atensiyon para mapaglaanan ang kanilang pamilya ng espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan. Tiyak na karapat-dapat ang mag-asawa na makatanggap ng komendasyon mula sa isa’t isa at sa kanilang mga anak. (Karapat-dapat din sa komendasyon ang mga anak. Nakalulungkot, madaling nasasabi ng ilang magulang ang mga inaasahan nila sa kanilang mga anak subalit bihira naman nilang papurihan ang mga ito sa kanilang pagsisikap na maging magalang at masunurin. (Lucas 3:22) Kung sa murang edad pa lamang ay pinapupurihan na ang isang anak, madarama niya na siya’y minamahal at siya ay magiging mas panatag.
Totoong kailangan ng pagsisikap para papurihan ang iba, ngunit aani tayo ng maraming pakinabang kapag ginawa natin ito. Sa katunayan, habang lalo tayong nagsisikap na papurihan ang mga karapat-dapat, lalo tayong magiging maligaya.—Gawa 20:35.
Tumanggap at Magbigay ng Komendasyon Taglay ang Tamang Motibo
Samantala, kapag pinapurihan ang ilan, maaari itong maging pagsubok sa kanila. (Kawikaan 27:21) Halimbawa, maaari itong magpadama sa isang indibiduwal na may tendensiyang magmapuri na nakahihigit siya sa iba. (Kawikaan 16:18) Kaya kailangan nating maging maingat. Sinabi ni apostol Pablo ang ganitong praktikal na payo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.” (Roma 12:3) Upang tulungan ang iba na hindi masilo ng napakataas na pagtingin sa sarili, mas mainam kung hindi tayo magtutuon ng pansin sa mga katangiang gaya ng katalinuhan o kagandahan. Sa halip, dapat nating papurihan ang iba dahil sa kanilang maiinam na gawa.
Kapag tayo’y nagbigay at tumanggap ng komendasyon taglay ang tamang motibo, makikinabang tayo. Maaari tayong udyukan nito na kilalanin na utang natin kay Jehova ang lahat ng ating mabubuting nagagawa. Maaari rin tayong pasiglahin ng komendasyon na patuloy na gumawi nang mabuti.
Ang taimtim at karapat-dapat na komendasyon ay isang regalo na kayang ibigay ng bawat isa sa atin. Kung maingat natin itong ibibigay sa isang tao, posibleng higit pa ang magagawa nito sa kaniya kaysa sa inaakala natin.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
Isang Liham na Nakaantig sa Kaniyang Puso
Tandang-tanda pa ng isang naglalakbay na tagapangasiwa nang minsang umuwi sila ng kaniyang asawa sa kanilang tuluyan matapos ang maghapong paggawa sa ministeryo. Taglamig noon at napakaginaw. Sinabi niya: “Giniginaw ang asawa ko noon at pinanghihinaan siya ng loob, at sinabi niya sa akin na parang hindi na niya kayang magpatuloy pa sa gawain. ‘Mas mainam pa,’ ang sabi niya, ‘na maglingkod tayo nang buong panahon sa isang kongregasyon, manatili roon, at magdaos tayo ng sarili nating mga pag-aaral sa Bibliya.’ Hindi muna ako nagdesisyon, sinabi kong tapusin na lang muna namin ang sanlinggong gawain at tingnan kung ano ang madarama niya pagkatapos. Kung talagang gusto na niyang huminto sa gawaing paglalakbay, igagalang ko ang kaniyang damdamin. Nang araw ring iyon, dumaan kami sa tanggapan ng koreo at may sulat doon para sa kaniya galing sa tanggapang pansangay. Ang liham ay naglalaman ng magiliw na komendasyon sa kaniyang mga pagsisikap sa ministeryo sa larangan at sa kaniyang pagbabata, anupat sinasabing napakahirap ngang matulog sa iba’t ibang higaan linggu-linggo. Labis na naantig ang kaniyang damdamin ng komendasyong iyon at kailanman ay hindi na niya binanggit ang paghinto sa gawaing paglalakbay. Sa katunayan, malimit niya akong patibaying magpatuloy kapag naiisip kong huminto na sa gawain.” Nanatili ang mag-asawang ito sa gawaing paglalakbay sa loob ng halos 40 taon.
[Larawan sa pahina 17]
Sino sa inyong kongregasyon ang karapat-dapat sa komendasyon?
[Larawan sa pahina 19]
Sumusulong ang mga anak kapag pinag-uukulan sila ng maibiging atensiyon at komendasyon