Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Patotoo ng Pag-ibig, Pananampalataya, at Pagkamasunurin

Isang Patotoo ng Pag-ibig, Pananampalataya, at Pagkamasunurin

Isang Patotoo ng Pag-ibig, Pananampalataya, at Pagkamasunurin

MALAMIG ang panahon at maaliwalas ang umaga ng Mayo 16, 2005 sa Watchtower Farms sa Wallkill, New York. Kumikislap ang maayos na mga damuhan at mga taniman ng bulaklak dahil sa ulan noong madaling araw. Marahang lumalangoy ang isang bibi at ang walong inakay nito sa kalmadong tubig malapit sa pampang ng maliit na lawa. Namangha ang mga bisita sa ganda ng kapaligiran. Pabulong silang nag-uusap, na para bang ayaw basagin ang katahimikan ng umagang iyon.

Ang mga bisita ay mga Saksi ni Jehova na galing pa sa 48 bansa sa palibot ng daigdig. Ngunit hindi sila nagpunta roon para sa tanawin. Interesado sila sa nangyayari sa loob ng malaking gusali na gawa sa pulang laryo, ang pinakabagong idinagdag sa pasilidad ng Bethel sa Estados Unidos na nasa Wallkill. Sa loob ng gusaling iyon, namangha na naman sila, bagaman ang tanawin ay hindi na tahimik.

Mula sa mesanin, pinagmamasdan ng mga bisita ang masalimuot na ayos ng mga makina. Limang napakalalaking makina sa paglilimbag ang umookupa sa makintab na kongkretong sahig na mas malaki pa kaysa sa siyam na palaruan ng football. Dito iniimprenta ang mga Bibliya, aklat, at mga magasin. Napakalalaking rolyo ng papel, na bawat isa ay tumitimbang ng 1,700 kilo, ang umiikot na simbilis ng mga gulong ng isang matuling trak. Ang bawat 23 kilometrong rolyo ng papel ay nauubos at dumaraan sa makina sa paglilimbag sa loob lamang ng 25 minuto. Sa loob ng panahong iyon, ang makina sa paglilimbag ay nakapag-imprenta na, nakapagpatuyo na ng tinta at nakapagpalamig na ng papel para maitupi ito upang maging mga magasin na mabilis na dumaraan sa mga conveyor na nasa itaas para maikahon at maipadala sa mga kongregasyon. Ang iba namang mga makina sa paglilimbag ay okupado sa pag-iimprenta ng mga seksiyon ng aklat, na mabilis na isinasalansan hanggang sa kisame ng bodega hanggang sa maipadala ang mga ito sa bindery (paglalagay ng pabalat ng aklat). Eksaktung-eksakto ang pagkakasuwato ng operasyon na pinatatakbo ng computer.

Paglabas ng mga bisita sa palimbagan, lumibot naman sila sa bindery. Dito, ang mga makina ay gumagawa ng mga aklat na may matigas na pabalat at mga Bibliyang deluxe sa bilis na hanggang 50,000 kopya bawat araw. Ang mga seksiyon ng aklat ay inaayos ayon sa pagkakasunud-sunod, pinagdidikit-dikit o tinatahi, at tinatabas sa gilid. Pagkatapos ay nilalagyan ng pabalat ang mga ito. Ikinakahon ang talaksan ng natapos na mga aklat. Ang mga karton naman ay awtomatikong sinasarhan, nilalagyan ng etiketa, at isinasalansan sa mga paleta. Karagdagan pa, ang pagawaan ng mga aklat na may malambot na pabalat ay nakagagawa at nakapag-iimpake ng hanggang 100,000 aklat bawat araw. Ang pagawaan ding ito ay isang kalipunan ng mga makina​—napakaraming mga motor, conveyor, enggranahe, gulong, at mga koreya​—​na pawang umaandar sa kagila-gilalas na bilis upang makagawa ng mga literatura sa Bibliya.

Ang napakabilis at lubhang makabagong makinarya ng palimbagan, na umaandar na sing-eksakto ng isang napakahusay na relo, ay isang kababalaghan ng modernong teknolohiya. Gaya ng makikita natin, patotoo rin ito ng pag-ibig, pananampalataya, at pagkamasunurin ng bayan ng Diyos. Subalit bakit inilipat ang operasyon sa paglilimbag mula Brooklyn, New York tungo sa Wallkill?

Ang isang pangunahing dahilan ay upang mapasimple ang paglilimbag at pagpapadala sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga operasyon sa iisang lugar. Sa loob ng maraming taon, ang mga aklat ay iniimprenta at ipinadadala mula Brooklyn, at ang mga magasin naman ay iniimprenta at ipinadadala mula Wallkill. Kapag pinagsama ang mga operasyong ito, mababawasan ang mga manggagawa at magagamit nang mas mabuti ang nakaalay na pondo. Bukod diyan, yamang naluluma na ang mga makina sa paglilimbag sa Brooklyn, dalawang bagong makina sa paglilimbag na MAN Roland Lithoman ang inorder mula sa Alemanya. Ang mga makinang ito sa paglilimbag ay masyadong malaki at hindi kasya sa palimbagan sa Brooklyn.

Sinusuportahan ni Jehova ang Gawain

Mula pa noon ay layunin na ng paglilimbag na palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Maliwanag na sa simula pa lamang ay pinagpapala na ni Jehova ang gawain. Mula noong 1879 hanggang 1922, ang mga aklat ay iniimprenta ng komersiyal na mga palimbagan. Noong 1922, inupahan ang anim-na-palapag na gusali sa 18 Concord Street sa Brooklyn at binili ang mga kagamitan para sa pag-iimprenta ng mga aklat. Nang panahong iyon, nag-alinlangan ang ilan kung makakaya ng mga kapatid ang gawain.

Ang isa sa mga nag-alinlangang iyon ay ang presidente ng kompanya na nag-imprenta sa karamihan sa ating mga aklat. Nang dalawin niya ang Concord Street, sinabi niya: “Mayroon nga kayong napakahusay na uri ng palimbagan, ngunit wala namang nakaaalam kung paano ito gagamitin. Sa loob ng anim na buwan, masisira na ang lahat ng iyan; at malalaman ninyo na ang mga taong nararapat mag-imprenta para sa inyo ay yaong mga dati nang gumagawa nito, at talagang iyon ang trabaho nila.”

Ang tagapangasiwa sa palimbagan noong panahong iyon, si Robert J. Martin, ay nagsabi: “Para ngang makatuwiran iyon, pero hindi nito isinaalang-alang ang Panginoon; at lagi niya kaming tinutulungan. . . . Ilang panahon lang, gumagawa na kami ng mga aklat.” Sa sumunod na 80 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapag-imprenta na ng bilyun-bilyong literatura sa kanilang sariling palimbagan.

Pagkatapos, noong Oktubre 5, 2002, sa taunang pulong ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ipinatalastas na inaprubahan ng Lupong Tagapamahala na ilipat sa Wallkill ang operasyon sa paglilimbag ng sangay sa Estados Unidos. Dalawang bagong makina sa paglilimbag ang inorder, na matatanggap sa buwan ng Pebrero 2004. Kailangang idisenyo at palawakin ng mga kapatid ang palimbagan at maging handa sa loob ng 15 buwan para maipasok ang bagong mga makina sa paglilimbag. Pagkatapos, kailangang matapos sa susunod na siyam na buwan ang instalasyon ng bagong bindery at mga operasyon sa paghahatid. Maaaring nag-alinlangan ang ilan nang marinig nila ang iskedyul​—waring imposibleng matapos ang gawain. Gayunman, alam ng mga kapatid na sa tulong ni Jehova, matatapos ito.

“Maligayang Espiritu ng Pagtutulungan”

Palibhasa’y nababatid na ang bayan ni Jehova ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili, sinimulan ng mga kapatid ang proyekto. (Awit 110:3) Dahil sa laki nito, kinailangan ang mas maraming manggagawa kaysa sa kasalukuyang bilang ng mga manggagawa sa mga departamento sa Bethel may kaugnayan sa pagtatayo. Mula sa Estados Unidos at Canada, mahigit 1,000 kapatid na lalaki at babae na may kasanayan sa pagtatayo ang nagboluntaryong maglingkod mula isang linggo hanggang tatlong buwan bilang bahagi ng kaayusan sa pansamantalang pagboboluntaryo. Ang iba naman mula sa mga kaayusan sa internasyonal na mga lingkod at internasyonal na mga boluntaryo ay inanyayahang makibahagi sa proyekto. Malaki rin ang naitulong ng mga Regional Building Committee.

Para sa marami, ang pagboboluntaryo sa proyekto sa Wallkill ay nangahulugan ng malaking gastos sa pagbibiyahe at ng pagbabakasyon mula sa sekular na trabaho. Gayunman, masaya silang gumawa ng gayong mga pagsasakripisyo. Ang paglalaan ng matutuluyan at pagpapakain sa maraming karagdagang boluntaryong ito ay naglaan ng pagkakataon sa pamilyang Bethel na magpagal bilang pagsuporta sa proyekto. Mahigit 535 miyembro ng pamilyang Bethel mula sa Brooklyn, Patterson, at Wallkill ang nagboboluntaryong magtrabaho sa proyekto tuwing Sabado, bukod pa sa kanilang regular na mga atas sa buong sanlinggo. Ang pagdagsa ng tulong ng bayan ng Diyos sa makasaysayang gawaing ito ay naging posible lamang dahil sa suporta ni Jehova sa proyekto.

Ang iba naman ay nagbigay ng pinansiyal na tulong. Halimbawa, ang mga kapatid ay nakatanggap ng liham mula sa siyam-na-taóng gulang na si Abby. Sumulat siya: “Lubos po akong nagpapasalamat sa lahat ng ginagawa ninyo​—ang paggawa ng lahat ng magagandang aklat. Baka po makadalaw ako sa inyo. Sinabi po ni Daddy, sa susunod na taon na! Magsusuot po ako ng ID para makilala ninyo ako. Heto po ang 20 dolyar para sa bagong makina sa paglilimbag! Baon ko po ito, pero gusto ko pong ibigay sa inyo mga kapatid.”

Isang kapatid na babae ang sumulat: “Pakisuyong tanggapin ninyo ang aking kaloob na ginantsilyong mga sombrero na ginawa ng aking hamak na mga kamay. Gusto kong ibigay ang mga sombrerong ito sa mga manggagawa na nagtatrabaho sa proyekto sa Wallkill. Isang almanak ang nagsabi na magiging napakalamig ng panahon. Hindi ko alam kung tama sila. Pero alam ko na ang malaking bahagi ng trabaho sa Wallkill ay gagawin sa labas, at gusto kong matiyak na hindi malalamigan ang ulo ng aking mga kapatid. Wala akong kasanayan na hinahanap ng mga kapatid, pero marunong akong maggantsilyo, kaya ipinasiya kong gamitin ang kasanayang ito upang makatulong sa abot ng aking makakaya.” Kalakip nito ang 106 na ginantsilyong sombrero!

Natapos ang palimbagan ayon sa iskedyul. Si John Larson, ang tagapangasiwa sa palimbagan, ay nagsabi: “Kitang-kita ang maligayang espiritu ng pagtutulungan. Sino ang hindi mag-iisip na pinagpapala ni Jehova ang gawain? Napakabilis matapos ng mga gawain. Naalaala ko pa na nakatayo ako sa putikan noong Mayo 2003 na pinagmamasdan ang mga kapatid habang inilalatag ang pundasyon ng gusali. Wala pang isang taon, nakatayo ako sa mismong lugar na iyon na pinagmamasdan naman ang operasyon ng makina sa paglilimbag.”

Programa sa Pag-aalay

Ang programa sa pag-aalay ng bagong palimbagan, pati na ng tatlong gusaling tirahan, ay idinaos sa Wallkill noong Lunes, Mayo 16, 2005. Napanood ito sa video sa mga pasilidad ng Bethel sa Patterson at Brooklyn, gayundin sa Bethel sa Canada. Lahat-lahat, 6,049 ang dumalo sa programa. Si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang tsirman at nagbigay siya ng maikling sumaryo ng kasaysayan ng gawaing paglilimbag. Sa pamamagitan ng mga panayam at mga presentasyon sa video, nirepaso ng mga miyembro ng Komite ng Sangay na sina John Larson at John Kikot ang kasaysayan ng proyekto ng pagtatayo at ng mga operasyon sa paglilimbag sa Estados Unidos. Si John Barr ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng huling pahayag, anupat inialay sa Diyos na Jehova ang bagong palimbagan at ang tatlong gusaling tirahan.

Nang sumunod na linggo, binigyan ng pagkakataon ang mga Bethelite mula sa Patterson at Brooklyn na malibot ang bagong mga pasilidad. Sa kabuuan, 5,920 ang dumalaw noong panahong iyon.

Paano Natin Minamalas ang Palimbagan?

Sa pahayag sa pag-aalay, ipinaalaala ni Brother Barr sa kaniyang mga tagapakinig na ang palimbagan, bagaman kahanga-hanga ito, ay hindi mahalaga dahil sa makinarya nito. Mahalaga ito dahil sa mga taong nasasangkot. Ang mga literaturang iniimprenta natin ay may malaking epekto sa buhay ng mga tao.

Bawat isa sa bagong mga makina sa paglilimbag ay makapag-iimprenta ng isang milyong tract sa loob lamang ng mahigit isang oras! Gayunman, ang isang tract lamang ay makaaapekto na nang malaki sa buhay ng isang tao. Halimbawa, noong 1921, isang pangkat ng mga lalaking tagapagmantini ng riles sa Timog Aprika ang puspusang nagtatrabaho sa kahabaan ng riles ng tren. Isa sa kanila, isang lalaking nagngangalang Christiaan, ang nakapansin sa isang papel na nakaipit sa riles. Isa ito sa ating mga tract. Sabik itong binasa ni Christiaan. Patakbo niyang pinuntahan ang kaniyang manugang na lalaki at tuwang-tuwang sinabi: “Ngayon ay nasumpungan ko na ang katotohanan!” Di-nagtagal, lumiham sila para sa higit pang impormasyon. Ang sangay sa Timog Aprika ay nagpadala ng karagdagang literatura sa Bibliya. Ang dalawang lalaki ay nag-aral, nagpabautismo, at ibinahagi nila sa iba ang katotohanan sa Bibliya. Bilang resulta, marami ang tumanggap sa katotohanan. Sa katunayan, pagsapit ng unang mga taon ng dekada ng 1990, mahigit sandaan na sa kanilang mga inapo ay mga Saksi ni Jehova​—dahil lamang sa isang tract na nakita ng isang lalaki sa riles ng tren!

Ang mga literatura na iniimprenta natin, ang sabi ni Brother Barr, ay umaakay sa mga tao sa katotohanan, tumutulong sa kanila na manatili sa katotohanan, nag-uudyok sa kanila na maging mas masigasig, at nagbubuklod sa kapatiran. At higit sa lahat, ang mga literatura, na ipinamamahagi nating lahat, ay lumuluwalhati sa ating Diyos, si Jehova!

Paano Minamalas ni Jehova ang Palimbagan?

Hiniling din ni Brother Barr sa mga tagapakinig na pag-isipan kung paano minamalas ni Jehova ang palimbagan. Tiyak na hindi siya umaasa sa mga ito. Maaari niyang gamitin ang mga bato para mangaral ng mabuting balita! (Lucas 19:40) Karagdagan pa, hindi siya humahanga sa kasalimuutan, laki, bilis, o kakayahan ng makinarya. Aba, siya ang lumalang ng uniberso! (Awit 147:10, 11) Alam ni Jehova ang mas mahusay na mga paraan ng paggawa ng literatura, mga paraan na hindi pa nagawa ni naisip man ng mga tao. Kung gayon, ano ang nakikita ni Jehova na talagang pinahahalagahan niya? Tiyak na nakikita niya sa palimbagang ito ang mahahalagang katangian ng kaniyang bayan​—ang kanilang pag-ibig, pananampalataya, at pagkamasunurin.

Inilarawan ang aspekto ng pag-ibig. Isang batang babae ang gumawa ng keyk para sa kaniyang mga magulang. Malamang na maantig ang puso ng mga magulang. Oo, anuman ang pagkakagawa sa keyk, ang nakaaantig sa mga magulang ay ang pag-ibig ng kanilang anak, na makikita sa kaniyang pagkabukas-palad. Gayundin naman, kapag tinitingnan ni Jehova ang bagong palimbagang ito, hindi lamang ang gusali at makinarya ang nakikita niya. Minamalas niya ito, pangunahin na, bilang kapahayagan ng pag-ibig alang-alang sa kaniyang pangalan.​—Hebreo 6:10.

Karagdagan pa, kung paanong minalas ni Jehova ang arka bilang kapahayagan ng pananampalataya ni Noe, tinitingnan niya ang palimbagang ito bilang nakikitang katibayan ng ating pananampalataya. Pananampalataya sa ano? Nanampalataya si Noe na magkakatotoo ang inihula ni Jehova. Nananampalataya tayo na nabubuhay na tayo sa mga huling araw, na ang mabuting balita ang pinakamahalagang mensahe na ipinababatid sa buong lupa, at na mahalagang marinig ito ng mga tao. Alam natin na makapagliligtas ng buhay ang mensahe ng Bibliya.​—Roma 10:13, 14.

Walang alinlangan, nakikita rin ni Jehova sa palimbagang ito ang kapahayagan ng ating pagkamasunurin. Gaya ng alam natin, kalooban niya na maipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14) Ang palimbagang ito, lakip na yaong iba pa na nasa iba’t ibang rehiyon sa buong daigdig, ay gaganap ng papel sa pagtupad sa atas na iyan.

Oo, ang pag-ibig, pananampalataya, at pagkamasunuring ipinakita sa pagtustos, pagtatayo, at pagpapatakbo sa mga pasilidad na ito ay mababanaag din sa masigasig na paggawa ng bayan ni Jehova saanmang dako habang patuloy nilang ipinahahayag ang katotohanan sa lahat ng makikinig.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]

PAGLAWAK NG PAGLILIMBAG SA ESTADOS UNIDOS

1920: Inimprenta ang mga magasin sa unang rotary press, sa 35 Myrtle Avenue, Brooklyn.

1922: Inilipat ang palimbagan sa anim-na-palapag na gusali sa 18 Concord Street. Sinimulang ilimbag ang mga aklat.

1927: Inilipat ang palimbagan sa itinayong bagong gusali sa 117 Adams Street.

1949: Dumoble ang laki ng palimbagan dahil sa karagdagang siyam na palapag.

1956: Muling dumoble ang laki ng palimbagan sa Adams Street nang itayo ang bagong gusali sa 77 Sands Street.

1967: Itinayo ang sampung-palapag na gusali, anupat nagkaroon ng magkakarugtong na palimbagan na sampung beses ang laki sa orihinal na gusali.

1973: Itinayo ang karagdagang palimbagan sa Wallkill, pangunahin na para sa paggawa ng magasin.

2004: Lahat ng operasyon sa paglilimbag, binding, at paghahatid na ginagawa sa Estados Unidos ay pinagsama-sama sa Wallkill.