Determinadong Magpatuloy sa Paglilingkod sa Aking Maylalang
Determinadong Magpatuloy sa Paglilingkod sa Aking Maylalang
AYON SA SALAYSAY NI CONSTANCE BENANTI
Napakabilis ng mga pangyayari! Sa loob lamang ng anim na araw, si Camille, ang aming anak na babae na 22 buwan ang edad, ay nilagnat nang mataas at namatay. Labis-labis ang aking pamimighati. Gusto ko na ring mamatay. Bakit pinahintulutan ng Diyos ang gayong bagay? Litung-lito ako.
ANG aking mga magulang ay mga dayuhan mula sa Castellammare del Golfo, isang bayan sa Sicily, Italya. Nandayuhan sila sa New York City, kung saan ako isinilang noong Disyembre 8, 1908. Ang pamilya namin ay binubuo nina Itay at Inay at ng kanilang walong anak, limang lalaki at tatlong babae. *
Noong 1927, ang aking ama, si Santo Catanzaro, ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Si Giovanni De Cecca, isang kapatid na Italyano na naglilingkod sa punong-tanggapan (tinatawag na Bethel) sa Brooklyn, New York, ay nagdaraos noon ng mga pulong sa aming tirahan sa New Jersey. Nang maglaon, nangaral si Itay at pumasok sa buong-panahong ministeryo, anupat nagpatuloy sa gawaing iyan hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1953.
Noong bata pa si Inay, gusto niyang maging madre, ngunit hindi siya pinayagan ng kaniyang mga magulang. Sa simula, naimpluwensiyahan ako ni Inay na huwag makisama kay Itay sa pag-aaral ng Bibliya.
Subalit di-nagtagal, napansin ko ang mga pagbabago kay Itay. Siya ay naging mas malumanay, mas mahinahon, at naging mas payapa ang pamilya namin. Nagustuhan ko iyon.Samantala, nakilala ko si Charles, isang binatang kaedad ko na isinilang sa Brooklyn. Katulad namin, mula rin sa Sicily ang kaniyang pamilya. Di-nagtagal, naging magkasintahan kami, at pag-uwi ni Itay mula sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Columbus, Ohio noong 1931, nagpakasal kami. Sa loob ng isang taon, isinilang ang aming anak na si Camille. Nang mamatay ang aming anak, walang makaaliw sa akin. Isang araw, habang umiiyak si Charles, sinabi niya sa akin: “Anak ko rin naman si Camille. Bakit hindi tayo magpatuloy sa ating buhay, at aliwin ang isa’t isa?”
Tinanggap Namin ang Katotohanan sa Bibliya
Ipinaalaala sa akin ni Charles na binanggit ni Itay ang pag-asa sa pagkabuhay-muli nang magpahayag siya sa libing ni Camille. “Naniniwala ka ba talaga sa pagkabuhay-muli?” ang tanong ko.
“Oo!” ang sabi niya. “Bakit hindi natin alamin nang higit pa ang sinasabi ng Bibliya?”
Nang gabing iyon, hindi ako makatulog. Pagsapit ng alas seis ng umaga, bago magtungo sa trabaho si Itay, nilapitan ko siya at sinabing gusto namin ni Charles na mag-aral ng Bibliya. Tuwang-tuwa siya at niyakap ako. Naulinigan ni Inay, na nakahiga pa sa kama, ang pag-uusap namin. Tinanong niya ako kung ano ang nangyari. “Wala po,” ang sabi ko. “Napagpasiyahan lang namin ni Charles na mag-aral na ng Bibliya.”
“Tayong lahat ay kailangang mag-aral ng Bibliya,” ang sagot niya. Kaya kaming lahat, pati na ang aking mga kapatid na lalaki at babae—11 lahat—ay magkakasamang nag-aral bilang isang pamilya.
Nakaaliw sa akin ang pag-aaral ng Bibliya, at unti-unti, ang aking pagkalito at pamimighati ay nahalinhan ng pag-asa. Pagkalipas ng isang taon, noong 1935, sinimulan namin ni Charles na ibahagi sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya. Noong Pebrero 1937, matapos marinig sa punong-tanggapan sa Brooklyn ang isang pahayag na nagpaliwanag sa maka-Kasulatang kahulugan ng bautismo sa tubig, nabautismuhan kami sa kalapit na otel kasama ang marami pang iba. Ginawa ko ito hindi lamang dahil umaasa ako na balang araw ay muli kong makikita ang aking anak kundi dahil nais ko ring paglingkuran ang ating Maylalang, na aking nakilala at natutuhang ibigin.
Pagpasok sa Buong-Panahong Ministeryo
Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking natutuhan ay kapana-panabik at kasiya-siya, lalo na yamang marami ang tumugon nang panahong iyon sa mensahe ng Kaharian at nakibahagi sa Mateo 9:37) Noong 1941, kami ni Charles ay naging mga payunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga buong-panahong ministro. Di-nagtagal, bumili kami ng treyler, at ang pagawaan ng pantalon na pag-aari ng aming pamilya ay ipinagkatiwala ni Charles sa aking kapatid na si Frank. Nang maglaon, tuwang-tuwa kami na matanggap ang isang liham na nagsasabing inatasan kami bilang mga special pioneer. Sa simula, naglingkod kami sa New Jersey, at nang maglaon ay ipinadala kami sa Estado ng New York.
paghahayag nito. (Noong 1946, nang dumalo kami sa kombensiyon sa Baltimore, Maryland, inanyayahan kaming makipagpulong sa pantanging mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova. Nakilala namin doon sina Nathan H. Knorr at Milton G. Henschel. Ipinakipag-usap nila sa amin ang tungkol sa gawaing pagmimisyonero at, partikular na, ang tungkol sa gawaing pangangaral sa Italya. Hinimok nila kami na isaalang-alang ang posibilidad na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead.
“Pag-isipan ninyo,” ang sabi sa amin, “at pagkatapos ay ipaalam ninyo sa amin ang inyong sagot.” Pagkaalis namin sa tanggapan, nagkatinginan kami ni Charles, at agad-agad, bumalik kami. “Napag-isipan na po namin,” ang sabi namin. “Handa na kaming mag-aral sa Gilead.” Pagkalipas ng sampung araw, nag-aaral na kami sa ikapitong klase ng Gilead.
Hindi malilimutan ang mga buwan ng aming pagsasanay. Ang lalo nang hinangaan namin ay ang pagtitiis at pag-ibig ng mga tagapagturo, na naghanda sa amin para maharap ang mga problema sa banyagang lupain. Nang magtapos kami noong Hulyo 1946, pansamantala kaming inatasang mangaral sa New York City, kung saan may malaki-laking populasyon ng mga Italyano. Pagkatapos ay sumapit na ang kapana-panabik na araw! Noong Hunyo 25, 1947, tumulak kami patungong Italya, ang aming atas bilang misyonero.
Pamamalagi sa Aming Atas
Nagbiyahe kami sakay ng barko na dating ginagamit sa mga layuning pangmilitar. Pagkalipas ng 14 na araw sa laot, dumaong kami sa daungan ng Genoa sa Italya. Kitang-kita pa sa lunsod ang pinsalang dulot ng Digmaang Pandaigdig II, na natapos dalawang taon pa lamang noon ang nakalipas. Halimbawa, walang natirang salamin sa mga bintana ng istasyon ng tren dahil sa mga pambobomba. Mula sa Genoa, sumakay kami sa pangkargadang tren patungong Milan, kung saan naroon ang tanggapang pansangay at isang tahanan ng mga misyonero.
Napakahirap ng buhay sa Italya pagkatapos ng digmaan. Bagaman nagsimula na ang gawaing pagsasaayos, laganap pa rin ang karalitaan. Di-nagtagal, nagkasakit ako nang malubha. Ayon sa isang doktor, delikado ang lagay ng aking puso at sa tingin niya ay makabubuti sa akin na bumalik sa Estados Unidos. Mabuti na lamang at mali ang kaniyang diyagnosis. Pagkalipas ng 58 taon, nananatili pa rin ako sa aking atas sa Italya.
Ilang taon pa lamang kami sa aming atas nang gusto kaming bigyan ng kotse ng aking mga kapatid na nasa Estados Unidos. Ngunit tinanggihan ni Charles ang alok na ito, isang pasiya na pinahalagahan ko. Sa pagkaalam namin, wala pang Saksi noon sa Italya ang may kotse, at naisip ni Charles na makabubuting panatilihin namin ang isang pamantayan ng pamumuhay na kapareho ng pamantayan ng aming mga kapatid na Kristiyano. Noon lamang 1961 kami nagkaroon ng maliit na kotse.
Nasa silong ang una naming Kingdom Hall sa Milan at lupa ang sahig nito. Wala itong banyo at suplay ng tubig, at bumabaha roon kapag
umulan. Kasama rin namin doon ang maliliit na daga na pasulput-sulpot sa pagparoo’t parito. Dalawang bombilya ang tumatanglaw sa aming mga pulong. Sa kabila ng gayong mga hirap, nakapagpapatibay-loob na makita ang taimtim na mga tao na dumadalo sa aming mga pulong at sa dakong huli ay sumasama na sa amin sa ministeryo.Mga Karanasan Bilang Misyonero
Minsan ay nakapag-iwan kami ng buklet na Peace—Can It Last sa isang lalaki. Nang paalis na kami, dumating ang kaniyang asawa, si Santina, na maraming dalang pinamili. Medyo inis siya at nagsabi na may walo siyang anak na babae na aasikasuhin at wala na siyang libreng panahon. Nang dalawin kong muli si Santina, wala sa bahay ang kaniyang asawa, at siya ay naggagantsilyo. “Wala akong panahong makinig,” ang sabi niya. “Isa pa, hindi ako marunong bumasa.”
Tahimik akong nanalangin kay Jehova at pagkatapos ay nagtanong kung maaari akong umorder sa kaniya ng ginantsilyong sweter para sa aking asawa. Pagkaraan ng dalawang linggo, natanggap ko ang sweter, at kami ni Santina ay regular nang nag-aaral ng Bibliya sa tulong ng aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Natutong bumasa si Santina, at sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang asawa, sumulong siya at nabautismuhan. Lima sa kaniyang mga anak na babae ang naging Saksi, at natulungan din ni Santina ang marami pang iba na tumanggap ng katotohanan sa Bibliya.
Noong Marso 1951, ako, kasama ang dalawa pang misyonero—si Ruth Cannon * at si Loyce Callahan, na nang maglaon ay napangasawa ni Bill Wengert—ay inilipat sa Brescia, kung saan wala pang mga Saksi. Umupa kami ng apartment na kumpleto sa mga muwebles, ngunit pagkalipas ng dalawang buwan, binigyan kami ng may-ari ng 24 na oras para umalis sa apartment. Yamang wala nang ibang Saksi sa lugar na iyon, wala kaming magawa kundi tumira sa isang otel, kung saan kami nanatili nang halos dalawang buwan.
Limitado ang aming pagkain sa kape, tinapay, keso, at prutas. Sa kabila ng maraming hirap, talagang pinagpala kami. Nang maglaon, nakakita kami ng isang maliit na apartment, at noong 1952 sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, 35 ang dumalo sa maliit na silid na ginamit namin bilang Kingdom Hall.
Pagharap sa mga Hamon
Nang panahong iyon, malakas pa rin ang impluwensiya ng klero sa mga tao. Halimbawa, habang nangangaral kami sa Brescia, sinulsulan ng pari ang ilang batang lalaki para pagbabatuhin kami. Subalit nang maglaon, 16 katao ang nakipag-aral ng Bibliya sa amin, at sa loob ng sandaling panahon, naging mga Saksi sila. At sino ang kabilang sa kanila? Ang isa sa mga batang lalaki na nagbantang mambato sa amin! Siya ngayon ay naglilingkod bilang elder sa isa sa mga kongregasyon sa Brescia. Noong 1955, nang umalis kami sa Brescia, 40 mamamahayag ng Kaharian ang nakikibahagi sa gawaing pangangaral.
Pagkatapos, tatlong taon kaming naglingkod sa Leghorn (Livorno), kung saan karamihan sa mga Saksi ay mga babae. Nangahulugan ito na kaming mga kapatid na babae ay kailangang mag-asikaso ng mga tungkulin sa kongregasyon na karaniwan nang iniaatas sa mga lalaki. Sumunod, lumipat naman kami sa Genoa, kung saan kami nagsimula 11 taon na ang nakalilipas. Sa panahon ng paglipat na iyon, may isang kongregasyon doon. Ang Kingdom Hall ay nasa unang palapag ng gusaling kinaroroonan ng aming apartment.
Pagdating namin sa Genoa, napasimulan ko ang isang pag-aaral sa isang babae na ang asawa ay dating boksingero at ngayo’y manedyer na ng isang gym para sa pagboboksing. Sumulong sa espirituwal ang babae at di-nagtagal ay naging kapatid na Kristiyano. Gayunman, ang kaniyang asawa ay naging salansang sa loob ng mahabang panahon. Subalit nang maglaon, sinasamahan na niya ang kaniyang asawa sa mga pulong. Sa halip na pumasok sa bulwagan, nauupo siya sa labas at nakikinig. Sa kalaunan, nang makaalis na kami sa Genoa, nabalitaan namin na humiling siya ng pag-aaral sa Bibliya. Nang bandang huli, nabautismuhan siya at naging maibiging tagapangasiwang Kristiyano. Nanatili siyang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan.
Nakipag-aral din ako ng Bibliya sa isang babae na mapapangasawa ng isang pulis. Sa simula, nagpakita ng interes ang pulis, ngunit pagkatapos ng
kasal, nagbago ang kaniyang saloobin. Sinalansang niya ang babae, kaya huminto ito sa pag-aaral. Nang sa kalaunan ay muling mag-aral ng Bibliya ang babae, pinagbantaan siya ng kaniyang asawa anupat sinabi nito na kapag nakita niya kaming nag-aaral, babarilin niya kaming dalawa. Buweno, sumulong sa espirituwal ang babaing ito at naging bautisadong Saksi. Sabihin pa, hindi kami kailanman binaril ng lalaki. Sa katunayan, pagkalipas ng ilang taon, nang dumalo ako sa isang asamblea sa Genoa, may lumapit mula sa aking likuran, tinakpan ng kaniyang mga kamay ang aking mga mata, at nagtanong kung mahuhulaan ko kung sino siya. Hindi ko mapigilan ang pagluha nang makita kong siya ang asawa ng babaing iyon. Matapos akong yakapin, sinabi niya sa akin na nagpabautismo siya nang mismong araw na iyon bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova!Mula 1964 hanggang 1972, naging pribilehiyo kong samahan si Charles sa pagdalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila sa espirituwal. Naglingkod kami sa halos buong hilagang Italya—sa Piedmont, Lombardy, at Liguria. Pagkatapos, muli kaming nagpayunir malapit sa Florence at nang maglaon ay sa Vercelli. Noong 1977, may isa lamang kongregasyon sa Vercelli, ngunit pag-alis namin noong 1999, tatlo na ang kongregasyon doon. Nang taóng iyon, 91 anyos na ako, at hinimok kaming lumipat sa tahanan ng mga misyonero sa Roma, isang maganda at maliit na gusali na nasa lugar na medyo tahimik.
Isa Pang Malungkot na Pangyayari
Noong Marso 2002, si Charles, na may maganda namang kalusugan, ay biglang nagkasakit. Humina ang kaniyang katawan hanggang sa siya ay mamatay noong Mayo 11, 2002. Sa loob ng 71 taon, magkasama kaming lumuluha sa malulungkot na panahon at magkasama rin kaming nagsasaya sa mga pagpapalang nakakamtan namin. Napakalaking kawalan at napakasakit para sa akin ang kaniyang kamatayan.
Madalas kong nagugunita si Charles na suot ang kaniyang amerikana at ang kaniyang sombrero na uso noong dekada ng 1930. Naaalaala ko ang kaniyang ngiti, o parang naririnig ko ang kaniyang pamilyar na pagtawa. Dahil sa tulong ni Jehova at sa pag-ibig ng maraming mahal na kapatid na Kristiyano, nakapagbata ako sa kabila ng malungkot na yugtong ito. Inaasam-asam ko ang panahon na muli kong makikita si Charles.
Nagpapatuloy sa Aking Paglilingkod
Ang paglilingkod sa aking Maylalang ang pinakamagandang bagay na nangyari sa aking buhay. Sa nakalipas na mga taon, ‘natikman ko at nakita na si Jehova ay mabuti.’ (Awit 34:8) Nadama ko ang kaniyang pag-ibig at naranasan ang kaniyang pangangalaga. Namatay man ang aking anak, binigyan naman ako ni Jehova ng maraming espirituwal na anak—na nasa iba’t ibang panig ng Italya—na nagpagalak sa aking puso at sa Kaniyang puso.
Ang pakikipag-usap sa iba tungkol sa aking Maylalang ang siyang laging gustung-gusto kong gawin. Iyan ang dahilan kung bakit patuloy akong nangangaral at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kung minsan, nalulungkot ako na kaunti na lamang ang nagagawa ko dahil sa aking kalusugan. Ngunit nauunawaan ko na alam ni Jehova ang aking mga limitasyon at iniibig niya ako at pinahahalagahan niya ang kaya kong gawin. (Marcos 12:42) Sinisikap kong mamuhay ayon sa mga salita sa Awit 146:2: “Pupurihin ko si Jehova sa buong buhay ko. Aawit ako sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay.” *
[Mga talababa]
^ par. 5 Inilathala ang karanasan ng aking kapatid na si Angelo Catanzaro sa Abril 1, 1975 na isyu ng The Watchtower, pahina 205-7.
^ par. 28 Para sa kaniyang talambuhay, tingnan ang The Watchtower, Mayo 1, 1971, pahina 277-80.
^ par. 41 Namatay si Sister Benanti noong Hulyo 16, 2005, habang inihahanda ang artikulong ito. Siya ay 96 na taóng gulang.
[Larawan sa pahina 13]
Camille
[Larawan sa pahina 14]
Araw ng aming kasal, 1931
[Larawan sa pahina 14]
Bagaman noong una ay hindi interesado, sumang-ayon si Inay na kaming lahat ay mag-aral ng Bibliya
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Brother Knorr sa gradwasyon sa Gilead noong 1946
[Larawan sa pahina 17]
Kasama si Charles bago siya mamatay