Armagedon—Isang Kapaha-pahamak na Wakas?
Armagedon—Isang Kapaha-pahamak na Wakas?
ARMAGEDON! Pumapasok ba sa isip mo ang lansakang pagpuksa o ang pagkasunog ng sansinukob kapag nababanggit ang salitang ito? Iilang salita lamang sa Bibliya ang madalas gamitin sa araw-araw na usapan na gaya ng “Armagedon.” Ginamit nang malawakan ang terminong ito upang ilarawan ang madilim na kinabukasang naghihintay sa mga tao. Dahil sa industriya ng libangan, napunô ng kahila-hilakbot na mga eksena ng dumarating na “Armagedon” ang imahinasyon ng tao. Ang salita ay nababalutan ng hiwaga at maling pagkaunawa. Bagaman marami ang ideya tungkol sa kahulugan nito, ang karamihan sa mga ito ay hindi kasuwato ng itinuturo ng Bibliya—ang pinanggalingan ng salita—tungkol sa Armagedon.
Yamang iniuugnay ng Bibliya ang Armagedon sa “katapusan ng mundo,” hindi ba’t sasang-ayon ka na mahalagang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa talagang kahulugan ng salita? (Mateo 24:3, Magandang Balita Biblia) At hindi ba’t makatuwiran na bumaling sa sukdulang pinagmumulan ng katotohanan, ang Salita ng Diyos, upang masumpungan ang mga sagot tungkol sa kung ano talaga ang Armagedon at kung ano ang magiging kahulugan nito sa iyo at sa iyong pamilya?
Ipakikita ng gayong pagsusuri na sa halip na magdulot ng kapaha-pahamak na wakas ang Armagedon, magbibigay-daan ito sa isang maligayang pasimula para sa mga taong nagnanais manirahan at mamuhay nang sagana sa isang matuwid na bagong sanlibutan. Pagkakalooban ka ng malinaw na pagkaunawa sa mahalagang katotohanang ito sa Kasulatan habang isinasaalang-alang mo ang pagtalakay sa tunay na kahulugan ng Armagedon sa susunod na artikulo.
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
ANO SA PALAGAY MO ANG ARMAGEDON?
• Isang malawakang pagpuksa gamit ang mga sandatang nuklear
• Isang kapahamakan sa kapaligiran
• Banggaan ng isang bagay sa kalangitan at ng lupa
• Pagpuksa ng Diyos sa masasama