Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isa sa Pinakamagagandang Araw sa Aking Buhay”

“Isa sa Pinakamagagandang Araw sa Aking Buhay”

“Isa sa Pinakamagagandang Araw sa Aking Buhay”

“ANG panlulumo ang pinakamadalas na iniuulat, at posibleng pinakapangunahing karamdaman sa isip ng mga kabataan,” ang sabi ng Beyondblue, isang ahensiyang tinutustusan ng pamahalaan sa Australia. Isinisiwalat ng mga pag-aaral na mga 100,000 kabataang Australiano ang nanlulumo taun-taon.

Ang mga kabataang Kristiyano ay maaari ring manlumo. Gayunman, ang pananampalataya kay Jehova ay nakatulong sa marami sa kanila na madaig ang negatibong damdamin at maging matagumpay sa kanilang kabataan. Sa paggawa nito, maganda ang impresyong naibibigay nila sa iba. Paano?

Kuning halimbawa ang karanasan ng 18-taóng-gulang na si Claire. Silang mag-ina ay dumadalo sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Melbourne. Nang iwan ng ama ni Claire ang pamilya niya, nanlumo si Claire. Ngunit nanatiling matibay ang pananampalataya niya sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. Isang araw, dumalaw ang doktor ng pamilya, si Lydia, sa tahanan nina Claire upang suriin ang may-sakit na nanay ni Claire. Pagkatapos, may-kabaitan niyang inalok na ipagmaneho si Claire papuntang shopping center. Habang naglalakbay, tinanong niya si Claire kung may kasintahan na ito. Ipinaliwanag ni Claire na bilang isang Saksi ni Jehova, hindi niya ginagawang libangan ang pakikipag-date. Ikinagulat ito ng doktora. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Claire kung paano siya natulungan ng Bibliya na gumawa ng matatalinong pasiya sa buhay. Sa bandang huli, inalok niyang dalhan ang doktora ng isang kopya ng salig-Bibliyang publikasyon na nakatulong nang malaki kay Claire. Ang aklat ay pinamagatang Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas.

Tatlong araw pagkatanggap ng aklat, tinawagan ni Lydia ang ina ni Claire upang sabihin na tuwang-tuwa siya nang mabasa ang aklat. Pagkatapos ay humiling siya ng anim pang aklat para sa kaniyang mga kasamahan. Nang ihatid ni Claire ang mga aklat, ipinaliwanag ng doktora na hangang-hanga siya sa pananampalataya ni Claire. Inalok siya ni Claire na mag-aral ng Bibliya, at pumayag naman ang doktora.

Sa loob ng ilang buwan, idinaraos ni Claire ang pag-aaral kapag nagpapahinga sa tanghali ang doktora. Pagkatapos ay tinanong ni Lydia si Claire kung gusto niyang magsalita sa isang seminar hinggil sa paksang panlulumo ng mga kabataan. Bagaman nangangamba, sumang-ayon si Claire. Mahigit 60 katao ang dumalo sa seminar. Apat na espesyalista sa kalusugan ng isip​—pawang adulto​—ang nagpahayag sa mga tagapakinig. Pagkatapos ay si Claire naman ang nagsalita. Itinampok niya na napakahalagang magkaroon ng kaugnayan sa Diyos ang mga kabataan. Ipinaliwanag niya na ang Diyos na Jehova ay lubhang nagmamalasakit sa mga kabataan at tumutulong sa lahat ng humihiling sa kaniya ng suporta at kaaliwan. Karagdagan pa, ipinahayag niya ang kaniyang pananalig na malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng uri ng karamdaman sa katawan at isip. (Isaias 33:24) Ano ang resulta ng mainam na patotoong ito?

“Marami ang lumapit sa akin pagkatapos ng sesyon upang sabihin na hangang-hanga silang marinig ang isang kabataan na nagsasalita tungkol sa Diyos,” ang sabi ni Claire. “Nakapagpasakamay ako ng 23 kopya ng aklat na Tanong ng mga Kabataan. Tatlong kabataang babae ang nagbigay sa akin ng numero ng kanilang telepono. Ang isa sa mga babaing ito ay nag-aaral na ngayon ng Bibliya. Ito ay isa sa pinakamagagandang araw sa aking buhay.”