Sa Dagat ng Galilea
Sa Dagat ng Galilea
INIULAT sa Marcos 4:35-41 na sumakay si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa bangka upang tumawid sa Dagat ng Galilea. Mababasa natin: “Ngayon ay nagsimula ang isang napakalakas na buhawi, at patuloy na humahampas sa bangka ang mga alon, anupat malapit nang lumubog ang bangka. Ngunit siya [si Jesus] ay nasa popa, na natutulog sa unan.”
Dito lamang sa bahaging ito ng Bibliya lumitaw ang salitang Griego para sa “unan.” Kaya naman, hindi alam ng mga iskolar ang eksaktong kahulugan ng salita ayon sa pagkagamit dito. Sa karamihan ng mga Bibliya, ang salitang ito ay isinaling “unan” o “kutson.” Subalit anong uri kaya ito ng unan o kutson? Sa orihinal na wika, tinukoy ni Marcos ang unan sa paraang nagpapahiwatig na ito’y bahagi ng kagamitan ng bangka. Nang matuklasan ang isang bangka malapit sa Dagat ng Galilea noong 1986, naging maliwanag ang isang posibleng pagkaunawa sa salitang Griegong ito ayon sa pagkagamit ni Marcos.
Isinisiwalat ng pagsasaliksik na ang bangkang ito na walong metro ang haba ay pinaandar ng layag at mga gaod. Ginamit ito sa pangingisda at may kubyerta sa popa na pinaglalagyan ng isang uri ng malaki at mabigat na lambat. Ang mga labí ng bangka ay pinaniniwalaang ginamit sa pagitan ng 100 B.C.E. at 70 C.E. at maaaring lumarawan sa uri ng bangkang ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. Si Shelley Wachsmann, kasama sa paghukay sa bangka, ang may-akda ng aklat na The Sea of Galilee Boat—An Extraordinary 2000 Year Old Discovery. Ipinahiwatig niya na ang “unan” na tinulugan ni Jesus ay isang sako ng buhangin na ginamit na pabigat. Isang beteranong mangingisda mula sa Jaffa na sanáy sa pangingisdang gamit ang isang uri ng malaki at mabigat na lambat ay nagsabi: “Noong aking kabataan, ang mga bangkang sinasakyan ko sa Mediteraneo ay laging may isa o dalawang sako ng buhangin. . . . Ang mga sakong ito ay laging dala para magsilbing pabigat sa bangka. Pero kung hindi ito ginagamit, nakalagay ito sa ilalim ng kubyerta sa popa. Kapag napagod ang sinuman, gagapang siya sa ilalim ng kubyerta sa popa, gagamiting unan ang sako ng buhangin, at matutulog.”
Naniniwala ang maraming iskolar na ang paglalarawan ni Marcos ay nangangahulugang natulog si Jesus sa isang sako ng pabigat na buhangin sa ilalim ng kubyerta sa popa, ang pinakaligtas na bahagi ng bangka sa panahon ng bagyo. Anuman ang eksaktong hitsura ng unan na iyon, ang mas mahalagang punto ay ang sumunod na pangyayari. Dahil sa suporta at kapangyarihan ng Diyos, pinatahimik ni Jesus ang nagngangalit na dagat. Maging ang mga alagad ay nagtanong: “Sino nga bang talaga ito, sapagkat maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?”