Dapat Ibigin ng Bayan ng Diyos ang Kabaitan
Dapat Ibigin ng Bayan ng Diyos ang Kabaitan
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1, 2. (a) Bakit hindi tayo dapat magtaka na inaasahan ni Jehova na magpapakita ng kabaitan ang kaniyang bayan? (b) Anu-anong tanong hinggil sa kabaitan ang nararapat nating isaalang-alang?
SI Jehova ay Diyos ng kabaitan. (Roma 2:4; 11:22) Tiyak na napahalagahan ng unang mag-asawang sina Adan at Eva ang katotohanang iyan! Sa hardin ng Eden, napalilibutan sila ng nakikitang mga nilalang na nagpapatotoo sa kabaitan ng Diyos sa mga tao, na maaaring masiyahan sa mga nilalang na iyon. At patuloy na nagpapakita ng kabaitan ang Diyos sa lahat, kahit sa mga taong walang utang na loob at balakyot.
2 Yamang ginawa ayon sa larawan ng Diyos, may kakayahan ang mga tao na magpamalas ng makadiyos na mga katangian. (Genesis 1:26) Hindi kataka-taka, inaasahan ni Jehova na magpapakita tayo ng kabaitan. Gaya ng sinasabi sa Mikas 6:8, dapat “ibigin [ng bayan ng Diyos] ang kabaitan.” Pero ano ba ang kabaitan? Paano ito nauugnay sa iba pang makadiyos na mga katangian? Yamang may kakayahan ang mga tao na magpakita ng kabaitan, bakit malupit at mabagsik ang sanlibutang ito? Bilang mga Kristiyano, bakit natin dapat pagsikapang magpakita ng kabaitan sa ating mga pakikitungo sa iba?
Ano ba ang Kabaitan?
3. Paano mo bibigyang-katuturan ang kabaitan?
3 Ang kabaitan ay ipinamamalas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong interes sa kapakanan ng iba. Ipinakikita ito sa pamamagitan ng nakatutulong na mga gawa at makonsiderasyong mga salita. Ang pagiging mabait ay nangangahulugan ng paggawa ng mabuti sa halip na paggawa ng anumang bagay na nakapipinsala. Ang isang mabait na tao ay palakaibigan, mahinahon, madamayin, at magandang-loob. Siya ay bukas-palad at makonsiderasyon sa iba. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” (Colosas 3:12) Kung gayon, ang kabaitan ay bahagi ng makasagisag na kasuutan ng bawat tunay na Kristiyano.
4. Paanong si Jehova ang unang nagpakita ng kabaitan sa sangkatauhan?
4 Ang Diyos na Jehova ang unang nagpakita ng kabaitan. Gaya ng sinabi ni Pablo, nang “ang kabaitan at ang pag-ibig sa tao ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, ay mahayag, . . . iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas na nagdala sa atin sa buhay at sa pamamagitan ng pagpapabago sa atin ng banal na espiritu.” (Tito 3:4, 5) ‘Hinuhugasan,’ o nililinis, ng Diyos ang pinahirang mga Kristiyano sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na ginagamit ang bisa ng haing pantubos ni Kristo alang-alang sa kanila. Binago rin sila sa pamamagitan ng banal na espiritu, anupat naging “isang bagong nilalang” bilang mga anak ng Diyos na inianak sa espiritu. (2 Corinto 5:17) Karagdagan pa, ang kabaitan at pag-ibig ng Diyos ay umaabot din sa “isang malaking pulutong,” na ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at nagpaputi ng mga iyon sa dugo ng Kordero.’—Apocalipsis 7:9, 14; 1 Juan 2:1, 2.
5. Bakit dapat magpakita ng kabaitan yaong mga inaakay ng espiritu ng Diyos?
5 Kasama rin sa mga bunga ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos ang kabaitan. Sinabi ni Pablo: “Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili. Laban sa gayong mga bagay ay walang kautusan.” (Galacia 5:22, 23) Kung gayon, hindi ba dapat magpakita ng kabaitan sa iba ang mga inaakay ng espiritu ng Diyos?
Hindi Kahinaan ang Tunay na Kabaitan
6. Kailan nagiging kahinaan ang kabaitan, at bakit?
6 Itinuturing ng ilang tao na kahinaan ang kabaitan. Inaakala nilang ang isa ay dapat maging mahigpit,
magaspang pa nga kung minsan, upang makita ng iba ang kaniyang lakas. Gayunman, ang totoo, kailangan ang tunay na lakas upang maging talagang mabait at maiwasan ang pagpapakita ng maling kabaitan. Yamang ang tunay na kabaitan ay kabilang sa mga bunga ng espiritu ng Diyos, hindi ito maaaring maging mahina at mapagwalang-bahalang saloobin hinggil sa maling paggawi. Sa kabilang dako naman, ang maling kabaitan ay isang kahinaan na nagpapakilos sa isa na kunsintihin ang paggawa ng masama.7. (a) Paano naging maluwag si Eli sa pagdidisiplina? (b) Bakit dapat magbantay ang matatanda laban sa pagpapakita ng maling kabaitan?
7 Halimbawa, isaalang-alang ang mataas na saserdote ng Israel na si Eli. Naging maluwag siya sa pagdidisiplina sa kaniyang mga anak na sina Hopni at Pinehas, na naglilingkod bilang mga saserdote sa tabernakulo. Palibhasa’y hindi pa nakontento sa bahagi ng haing itinalaga sa kanila ng Kautusan ng Diyos, sinasabihan nila ang isang tagapaglingkod na hingin agad sa naghahandog ang hilaw na karne bago pa man mapausok sa altar ang taba ng handog. Ang mga anak ni Eli ay imoral na nakikipagtalik din sa mga babaing naglilingkod sa pasukan ng tabernakulo. Subalit sa halip na tanggalin sa tungkulin sina Hopni at Pinehas, bahagya lamang silang sinaway ni Eli. (1 Samuel 2:12-29) Hindi nga kataka-takang “ang salita mula kay Jehova ay naging bihira nang mga araw na iyon”! (1 Samuel 3:1) Dapat mag-ingat ang Kristiyanong matatanda laban sa pagpapakita ng maling kabaitan sa mga manggagawa ng kamalian na maaaring magsapanganib sa espirituwalidad ng kongregasyon. Hindi bulag ang tunay na kabaitan sa masasamang salita at gawa na lumalabag sa mga pamantayan ng Diyos.
8. Paano ipinakita ni Jesus ang tunay na kabaitan?
8 Ang ating Uliran, si Jesu-Kristo, ay hindi kailanman nagpakita ng maling kabaitan. Siya ang pinakamagandang halimbawa ng tunay na kabaitan. Halimbawa, ‘nakadama siya ng magiliw na pagmamahal sa mga tao sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.’ Hindi nag-atubiling lumapit kay Jesus ang tapat-pusong mga tao, anupat dinadala pa nga ang kanilang mga batang anak sa kaniya. Isip-isipin na lamang ang kabaitan at pagkamahabagin na ipinakita niya nang ‘kunin niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pasimulan silang pagpalain.’ (Mateo 9:36; Marcos 10:13-16) Gayunpaman, bagaman mabait si Jesus, matatag siya sa kung ano ang tama sa paningin ng kaniyang makalangit na Ama. Hindi kailanman kinunsinti ni Jesus ang masama; taglay niya ang bigay-Diyos na lakas upang tuligsain ang mapagpaimbabaw na relihiyosong mga lider. Gaya ng binabanggit sa Mateo 23:13-26, ilang ulit niyang sinabi ang kapahayagang: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw!”
Ang Kabaitan at Iba Pang Makadiyos na mga Katangian
9. Paano nauugnay ang kabaitan sa mahabang pagtitiis at kabutihan?
9 Nauugnay ang kabaitan sa iba pang mga katangiang iniluluwal ng espiritu ng Diyos. Binanggit ito pagkatapos ng “mahabang pagtitiis” at bago ang “kabutihan.” Sa katunayan, ang taong naglilinang ng kabaitan ay nagpapakita ng katangiang iyan sa pamamagitan ng pagpapamalas ng mahabang pagtitiis. Matiisin siya kahit sa mga hindi mabait. Nauugnay ang kabaitan sa kabutihan sa diwa na madalas itong ipinamamalas sa pamamagitan ng nakatutulong na mga gawa upang makinabang ang iba. Kung minsan, ang salitang Griego na
ginagamit sa Bibliya para sa “kabaitan” ay maaaring isalin na “kabutihan.” Gayon na lamang ang paghanga ng mga pagano sa sinaunang mga Kristiyano sa pagpapamalas ng ganitong katangian anupat ayon kay Tertullian, tinawag nila ang mga tagasunod ni Jesus na ‘mga taong lipos ng kabaitan.’10. Paano nauugnay ang kabaitan sa pag-ibig?
10 May kaugnayan din ang kabaitan sa pag-ibig. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) At hinggil sa pag-ibig na ito ay sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait.” (1 Corinto 13:4) Nauugnay rin ang kabaitan sa pag-ibig sa salitang “maibiging-kabaitan,” na madalas gamitin sa Kasulatan. Ito ay kabaitang nagmumula sa matapat na pag-ibig. Ang Hebreong pangngalan na isinaling “maibiging-kabaitan” ay hindi lamang nangangahulugan ng magiliw na pagmamahal. Ito ay kabaitan na maibiging iniuugnay ang sarili sa isang bagay hanggang sa matupad ang layunin nito may kaugnayan sa bagay na iyon. Ang maibiging-kabaitan ni Jehova, o ang kaniyang matapat na pag-ibig, ay ipinamamalas sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, makikita ito sa kaniyang mga gawa ng pagliligtas at pagsasanggalang.—Awit 6:4; 40:11; 143:12.
11. Anong katiyakan ang ibinibigay sa atin ng maibiging-kabaitan ng Diyos?
11 Naaakit ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan. (Jeremias 31:3) Kapag kailangan ng tapat na mga lingkod ng Diyos ang pagliligtas o tulong, alam nilang ang kaniyang maibiging-kabaitan ay talagang matapat na pag-ibig. Hindi sila bibiguin nito. Kaya makapananalangin sila nang may pananampalataya, gaya ng ginawa ng salmista na nagsabi: “Sa ganang akin, nagtiwala ako sa iyong maibiging-kabaitan; magalak nawa ang aking puso sa iyong pagliligtas.” (Awit 13:5) Yamang matapat ang pag-ibig ng Diyos, lubusang makapagtitiwala sa kaniya ang mga lingkod niya. Taglay nila ang katiyakang ito: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan, ni iiwan man niya ang kaniyang sariling mana.”—Awit 94:14.
Bakit Napakalupit ng Sanlibutan?
12. Kailan at paano nagsimula ang mapaniil na pamamahala?
12 Ang sagot sa tanong na ito ay may kinalaman sa nangyari sa hardin ng Eden. Noong pasimula ng kasaysayan ng tao, isang espiritung nilalang na naging mapag-imbot at palalo ang nagpakanang maging tagapamahala ng sanlibutan. Bilang resulta ng kaniyang pakana, siya nga ay naging “tagapamahala ng sanlibutang ito,” at talaga namang isang napakamapaniil na tagapamahala. (Juan 12:31) Nakilala siya bilang Satanas na Diyablo, ang pangunahing mananalansang sa Diyos at sa tao. (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Ang kaniyang mapag-imbot na pakanang magtatag ng pamamahalang karibal ng mabait na pamamahala ni Jehova ay nabunyag di-nagtagal pagkatapos lalangin si Eva. Kaya nagsimula ang masamang pamamahala nang piliin ni Adan ang landasing hiwalay sa pamamahala ng Diyos, anupat lubusang itinakwil ang Kaniyang kabaitan. (Genesis 3:1-6) Sa halip na sila ang talagang mamahala sa kanilang sarili, ang totoo ay napasailalim sina Adan at Eva sa mapag-imbot at mapagmapuring impluwensiya ng Diyablo, at naging mga sakop ng kaniyang pamamahala.
13-15. (a) Anu-ano ang ilang resulta ng pagtatakwil sa matuwid na pamamahala ni Jehova? (b) Bakit mabagsik ang sanlibutang ito?
13 Isaalang-alang ang ilang resulta nito. Pinalayas sina Adan at Eva sa paraisong bahagi ng lupa. Nagbago ang kanilang kalagayan mula sa paninirahan sa isang malagong parke kung saan madaling makakuha ng nakapagpapalusog na pananim at prutas tungo sa mahirap na kalagayan sa labas ng hardin ng Eden. Sinabi ng Diyos kay Adan: “Dahil pinakinggan mo ang tinig ng iyong asawa at kumain ka mula sa punungkahoy na may kinalaman doon ay nag-utos ako sa iyo ng ganito, ‘Huwag kang kakain mula roon,’ sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakainin mo nang may kirot ang bunga niyaon sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. At mga tinik at mga dawag ang isisibol niyaon para sa iyo.” Ang sumpang ipinahayag laban sa lupa ay nangahulugan na magiging napakahirap na itong sakahin. Ang mga epekto ng isinumpang lupa, kasama na ang mga tinik at dawag nito, ay damang-dama ng mga inapo ni Adan anupat binanggit ng ama ni Noe, si Lamec, ang hinggil sa ‘kirot ng kanilang mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.’—Genesis 3:17-19; 5:29.
14 Ipinagpalit din nina Adan at Eva ang kapanatagan sa kabagabagan. Sinabi ng Diyos kay Eva: “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal Genesis 3:16; 4:8.
ka ng mga anak, at ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” Nang maglaon, may-kalupitang pinaslang ni Cain, na panganay na anak nina Adan at Eva, ang kaniyang kapatid na si Abel.—15 “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang pahayag ni apostol Juan. (1 Juan 5:19) Tulad ng mga tagapamahala nito, ipinakikita ng sanlibutan sa ngayon ang masasamang ugali na gaya ng kaimbutan at pagmamapuri. Hindi nga kataka-taka na punung-puno ito ng kabagsikan at kalupitan! Subalit hindi ito mananatiling ganiyan. Titiyakin ni Jehova na ang kabaitan at pagkamahabagin, sa halip na kabagsikan at kalupitan, ang mangingibabaw sa ilalim ng kaniyang Kaharian.
Mangingibabaw ang Kabaitan sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos
16. Bakit ang pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ay kakikitaan ng kabaitan, at inuubliga tayo nito na gawin ang ano?
16 Si Jehova at ang itinalagang Hari ng Kaniyang Kaharian, si Kristo Jesus, ay humihiling na makilala sa kabaitan ang kanilang mga sakop. (Mikas 6:8) Nagbigay si Jesu-Kristo ng ideya kung paanong ang administrasyong ipinagkatiwala sa kaniya ng kaniyang Ama ay kakikitaan ng kabaitan. (Hebreo 1:3) Mapapansin ito sa mga salita ni Jesus na naghantad sa huwad na relihiyosong mga lider, na nagpataw ng mabibigat na pasan sa mga tao. Sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Maraming tagapamahala sa lupa, ito man ay sa relihiyon o sa iba pang larangan, ang nagpapataw sa mga tao ng nakapanghihimagod na mga pasan na binubuo ng walang-katapusang mga alituntunin at mga atas na hindi naman napahahalagahan. Subalit ang hinihiling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ay naaangkop sa kanilang mga pangangailangan at kakayahan. Talaga ngang isang nakagiginhawa at mabait na pamatok iyon! Hindi ba tayo napakikilos na tularan siya sa pagpapakita ng kabaitan sa iba?—Juan 13:15.
17, 18. Bakit tayo makapagtitiwala na magpapakita ng kabaitan ang mga mamamahalang kasama ni Kristo sa langit at ang kaniyang makalupang mga kinatawan?
17 Ang nakatatawag-pansing mga komento ni Jesus sa kaniyang mga apostol ay nagtatampok sa malaking pagkakaiba ng Kaharian ng Diyos sa pamamahala ng tao. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Bumangon din ang isang mainitang pagtatalo sa gitna nila [ng mga alagad] tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila. Ngunit sinabi niya sa kanila: ‘Ang mga hari ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila, at yaong mga nagtataglay ng awtoridad sa kanila ay tinatawag na mga Tagapagpala. Gayunman, hindi kayo dapat magkagayon. Kundi siya na pinakadakila sa inyo ay maging gaya ng pinakabata, at ang gumaganap bilang pinuno ay maging gaya ng isang naglilingkod. Sapagkat sino ang mas dakila, ang nakahilig sa mesa o ang naglilingkod? Hindi ba Lucas 22:24-27.
ang nakahilig sa mesa? Ngunit ako ay nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.’ ”—18 Sinisikap ng mga tagapamahala ng tao na patunayan ang kanilang kadakilaan sa pamamagitan ng ‘pamamanginoon’ sa mga tao at paghahangad ng dakilang mga titulo, na waring ang gayong mga titulo ay nag-aangat sa kanila sa mga pinamamahalaan nila. Ngunit sinabi ni Jesus na ang tunay na kadakilaan ay nagmumula sa paglilingkod sa iba—sa masikap at matiyagang paglilingkod. Ang lahat ng mamamahalang kasama ni Kristo sa langit o maglilingkod bilang kaniyang makalupang mga kinatawan ay dapat magsikap na sundin ang kaniyang halimbawa ng kapakumbabaan at kabaitan.
19, 20. (a) Paano ipinabatid ni Jesus ang antas ng kabaitan ni Jehova? (b) Paano natin matutularan si Jehova sa pagpapakita ng kabaitan?
19 Tingnan natin ang isa pang maibiging payo na ibinigay ni Jesus. Upang ipakita ang antas ng kabaitan ni Jehova, sinabi ni Jesus: “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, ano ang kapurihan nito sa inyo? Sapagkat maging ang mga makasalanan ay umiibig doon sa mga umiibig sa kanila. At kung gumagawa kayo ng mabuti doon sa mga gumagawa ng mabuti sa inyo, ano nga ang kapurihan nito sa inyo? Maging ang mga makasalanan ay gayundin ang ginagawa. Isa pa, kung nagpapahiram kayo nang walang patubo doon sa mga mula sa kanila ay umaasa kayong tumanggap, ano ang kapurihan nito sa inyo? Maging ang mga makasalanan ay nagpapahiram nang walang patubo sa mga makasalanan upang mabalik sa kanila ang gayunding halaga. Sa halip, patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at gumawa ng mabuti at magpahiram nang walang patubo, na hindi umaasa ng anumang kapalit; at ang inyong gantimpala ay magiging malaki, at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot. Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.”—Lucas 6:32-36.
20 Hindi mapag-imbot ang makadiyos na kabaitan. Wala itong hinihingi at inaasahang kapalit. May-kabaitang “pinasisikat [ni Jehova] ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:43-45; Gawa 14:16, 17) Sa pagtulad sa ating makalangit na Ama, hindi lamang tayo tumatangging pinsalain ang mga walang utang na loob kundi gumagawa tayo ng mabuti sa kanila, kahit sa mga naging kaaway natin. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabaitan, ipinakikita natin kay Jehova at kay Jesus na hinahangad nating mabuhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, kung kailan mangingibabaw ang kabaitan at iba pang makadiyos na katangian sa lahat ng ugnayan ng tao.
Bakit Dapat Magpakita ng Kabaitan?
21, 22. Bakit tayo dapat magpakita ng kabaitan?
21 Sa isang tunay na Kristiyano, lalong mahalaga ang pagpapakita ng kabaitan. Patotoo ito na taglay natin ang espiritu ng Diyos. Karagdagan pa, kapag ipinakikita natin ang tunay na kabaitan, tinutularan natin ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus. Isang kahilingan din ang kabaitan para sa mga magiging sakop ng Kaharian ng Diyos. Kung gayon, dapat nating ibigin ang kabaitan at matutong ipakita ito.
22 Anu-ano ang ilang praktikal na paraan kung saan maipakikita natin ang kabaitan sa ating pang-araw-araw na buhay? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang paksang iyan.
Paano Ka Sasagot?
• Ano ba ang kabaitan?
• Bakit malupit at mabagsik ang sanlibutan?
• Paano natin nalalaman na mangingibabaw ang kabaitan sa ilalim ng pamamahala ng Diyos?
• Bakit mahalaga ang pagpapakita ng kabaitan para sa mga naghahangad na mabuhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Nagsisikap ang Kristiyanong matatanda na maging mabait sa pakikitungo sa kawan
[Larawan sa pahina 15]
Hindi bibiguin ng maibiging-kabaitan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa mahihirap na panahon
[Mga larawan sa pahina 16]
May-kabaitang pinasisikat ni Jehova ang araw at nagpapaulan siya sa lahat ng tao