Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso
Manatiling Malinis sa Moral sa Pamamagitan ng Pag-iingat sa Iyong Puso
“Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”—KAWIKAAN 4:23.
1-3. (a) Paano kadalasang ipinakikita ng mga tao na hindi nila pinahahalagahan ang kanilang kalinisan sa moral? Ilarawan. (b) Bakit mahalagang suriin ang kahalagahan ng kalinisan sa moral?
MAAARING tila makaluma na ang ipinintang larawan. Baka hindi ito bagay sa mga palamuti ng bahay. Anuman ang dahilan, maliwanag na inisip ng may-ari na hindi na niya kailangan ito. Napunta ang larawan sa isang tindahan ng segunda mano, na may presyong 29 na dolyar (U.S.). Gayunman, pagkalipas ng ilang taon, natuklasang nagkakahalaga pala ito nang halos isang milyong dolyar! Oo, isa pala itong obra maestra. Isip-isipin ang damdamin ng dating may-ari na humamak sa halaga ng kayamanang ito!
2 Parang ganito ang kadalasang nangyayari sa kalinisan sa moral, o kadalisayan sa moral ng isang indibiduwal. Minamaliit ng napakaraming tao sa ngayon ang halaga ng kanilang kalinisan sa moral. Itinuturing ito ng ilan bilang makalumang konsepto, na hindi bagay sa modernong istilo ng pamumuhay. Kaya naman, isinusuko nila ito kapalit ng maliit na halaga. Ipinagpapalit ng ilan ang kanilang kalinisan sa moral para sa ilang sandali ng seksuwal na kaluguran. Isinasakripisyo naman ito ng iba na umaasang magkakaroon sila ng mas mataas na katayuan sa paningin ng kanilang mga kaibigan o ng isang di-kasekso.—Kawikaan 13:20.
3 Huli na kapag natuklasan ng marami kung gaano talaga kahalaga ang kanilang kalinisan sa moral. Kadalasang masaklap ang nagiging kalugihan nila. Gaya ng sabi ng Bibliya, ang idinudulot ng imoralidad ay maaaring tulad ng lason, “kasimpait ng ahenho.” (Kawikaan 5:3, 4) Dahil sa masamang moral na kalagayan sa ngayon, paano mo maiingatan at mapananatili ang iyong kalinisan sa moral? Magtutuon tayo ng pansin sa tatlong magkakaugnay na hakbang na maaari nating gawin.
Ingatan Mo ang Iyong Puso
4. Ano ang makasagisag na puso, at bakit natin ito dapat ingatan?
4 Ang susi sa pananatiling malinis sa moral ay ang pag-iingat sa puso. Sinasabi ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ano ba ang “iyong puso” na binabanggit dito? Hindi ito yaong literal na sangkap. Makasagisag ang pusong ito. Tumutukoy ito sa iyong panloob na pagkatao, kabilang na ang iyong mga kaisipan, damdamin, at mga pangganyak. Sinasabi ng Bibliya: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:5) Tinukoy ni Jesus ang utos na ito bilang pinakadakila sa lahat. (Marcos 12:29, 30) Maliwanag, napakahalaga ng puso nating ito. Sulit itong ingatan.
5. Paano maaaring maging kapuwa mahalaga at mapanganib ang puso?
5 Gayunman, sinasabi rin ng Bibliya na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Paano maaaring maging mapandaya ang puso—isang panganib sa atin? Halimbawa, ang kotse ay isang mahalagang gamit, nakapagliligtas pa nga ng buhay sa panahon ng kagipitan. Ngunit kung hindi kokontrolin ng drayber ang kotse, at laging papatnubayan ang manibela, ang mismong kotseng iyon ay madaling maging nakamamatay na sandata. Sa katulad na paraan, malibang ingatan mo ang iyong puso, kokontrolin ka ng iyong bawat panloob na pagnanasa at simbuyo, at ang landas ng buhay mo ay maililiko sa kasakunaan. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Siyang nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay hangal, ngunit siyang lumalakad na may karunungan ang makatatakas.” (Kawikaan 28:26) Oo, makalalakad ka nang may karunungan at makaiiwas sa kasakunaan kung gagamitin mo ang Salita ng Diyos upang patnubayan ka, kung paanong tumitingin ka sa mapa ng daan bago humayo sa paglalakbay.—Awit 119:105.
6, 7. (a) Ano ang kabanalan, at bakit ito mahalaga sa mga lingkod ni Jehova? (b) Paano natin nalalaman na maaaring ipamalas ng di-sakdal na mga tao ang kabanalan ni Jehova?
6 Hindi likas na babaling sa kalinisan sa moral ang ating puso. Kailangang akayin natin ito sa direksiyong iyon. Ang isang paraan upang magawa ito ay ang pagbubulay-bulay sa tunay na kahalagahan ng kalinisan sa moral. May malapit na kaugnayan ang katangiang ito sa kabanalan, na nagpapahiwatig ng kalinisan, kadalisayan, pagiging hiwalay sa pagkamakasalanan. Ang kabanalan ay isang napakahalagang katangian na bahagi mismo ng kalikasan ng Diyos na Jehova. Iniuugnay ng daan-daang talata sa Bibliya ang katangiang iyan kay Jehova. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exodo 28:36) Gayunman, ano ang kinalaman ng matayog na katangiang iyan sa di-sakdal na mga taong gaya natin?
7 Sa kaniyang Salita, sinasabi sa atin ni Jehova: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” (1 Pedro 1:16) Oo, maaari nating tularan ang kabanalan ni Jehova; maaari tayong maging malinis sa harap niya, anupat nananatiling malinis sa moral. Kaya kapag umiiwas tayo sa marumi at nagpaparungis na mga gawain, inaabot natin ang isang matayog at kapana-panabik na pribilehiyo—ang pagpapamalas ng isang napakagandang katangian ng Kataas-taasang Diyos! (Efeso 5:1) Hindi natin dapat ipagpalagay na hindi natin kayang abutin ito, sapagkat si Jehova ay isang marunong at makatuwirang Panginoon na hindi kailanman humihiling sa atin ng higit sa makakaya natin. (Awit 103:13, 14; Santiago 3:17) Totoo, ang pananatiling malinis sa espirituwal at moral ay nangangailangan ng pagsisikap. Gayunman, sinabi ni apostol Pablo na ang ‘kataimtiman at kalinisan ay nauukol sa Kristo.’ (2 Corinto 11:3) Hindi ba’t utang natin kay Kristo at sa kaniyang Ama ang lubos na magsikap upang manatiling malinis sa moral? Kung sa bagay, nagpakita sila sa atin ng pag-ibig na higit sa kaya nating suklian. (Juan 3:16; 15:13) Pribilehiyo natin na magpahayag ng pasasalamat sa pamamagitan ng pamumuhay nang malinis sa moral. Sa pamamagitan ng pag-iisip sa ating kalinisan sa moral sa ganitong paraan, pahahalagahan natin ito, anupat iingatan ang ating puso.
8. (a) Paano natin matutustusan ang makasagisag na puso? (b) Ano ang maaaring isiwalat tungkol sa atin ng ating pakikipag-usap?
8 Iniingatan din natin ang ating puso sa pamamagitan ng paraan ng pagpapakain natin sa ating mga sarili. Kailangan nating regular na tustusan ng maiinam na espirituwal na pagkain ang ating isip at puso, na pinananatiling nakatuon ang ating pansin sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Colosas 3:2) Dapat ding makita sa ating pakikipag-usap ang gayong pagtutuon ng pansin. Kung kilala tayo sa pakikipag-usap ng makalaman at imoral na mga paksa, may isinisiwalat tayo tungkol sa kalagayan ng ating puso. (Lucas 6:45) Sa halip, makilala nawa tayo dahil sa pakikipag-usap tungkol sa mga bagay na espirituwal at nakapagpapatibay. (Efeso 5:3) Upang maingatan ang ating puso, may malalaking panganib na dapat nating iwasan. Talakayin natin ang dalawa sa mga ito.
Tumakas Kayo Mula sa Pakikiapid
9-11. (a) Bakit mas malamang na masangkot sa malubhang imoralidad ang mga nagwawalang-bahala sa payo ng 1 Corinto 6:18? Ilarawan. (b) Kung tumatakas tayo mula sa pakikiapid, ano ang iniiwasan natin? (c) Anong mabuting halimbawa ang inilalaan sa atin ng tapat na lalaking si Job?
9 Kinasihan ni Jehova si apostol Pablo upang isulat ang ilang payo na nakatutulong sa marami upang ingatan ang kanilang puso at manatiling malinis sa moral. Sinabi ni Pablo: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Pansinin na hindi lamang niya sinabing, “Umiwas sa pakikiapid.” Higit pa rito ang dapat gawin ng mga Kristiyano. Dapat silang tumakbong palayo mula sa gayong imoral na mga gawain, kung paano sila tatakbong palayo mula sa nakamamatay na panganib. Kung ipagwawalang-bahala natin ang payong iyan, pinalalaki natin ang tsansang masangkot sa malubhang imoralidad at maiwala ang paglingap ng Diyos.
10 Upang ilarawan: Nilinisan at binihisan ng isang ina ang kaniyang batang anak na lalaki bilang paghahanda para sa isang mahalagang okasyon. Hiniling ng anak kung maaari siyang maglaro sa labas bago umalis ang pamilya, at pumayag naman ang ina—sa isang kundisyon. Sinabi ng ina: “Huwag kang lalapit sa putikan sa labas. Kapag naputikan ka, mapapalo ka.” Subalit pagkalipas lamang ng ilang minuto, nakita niya na nagbabalanse nang patiyad ang kaniyang anak sa gilid mismo ng putikan. Hindi naman siya napuputikan—hindi pa. Gayunman, ipinagwawalang-bahala ng anak ang babala ng kaniyang ina na huwag lumapit sa putikan, at halos tiyak na may mangyayaring hindi maganda. (Kawikaan 22:15) Maraming kabataan at adulto na dapat sanang maging mas maingat na ang nakagagawa ng gayon ding pagkakamali. Paano?
11 Sa mga panahong ito na napakarami ang nagpadaig “sa kahiya-hiyang mga pita sa sekso,” bumangon ang isang buong industriya na nagtataguyod ng bawal na seksuwal na mga ugnayan. (Roma 1:26, 27) Lumalaganap ang salot ng pornograpya sa mga magasin, aklat, video, at Internet. Yaong mga nagpapasiya na ipasok sa kanilang isip ang gayong mga larawan ay tiyak na hindi tumatakas mula sa pakikiapid. Nakikipaglaro sila rito, nagbabalanse sa gilid mismo nito, nagwawalang-bahala sa babala ng Bibliya. Sa halip na ingatan ang puso, nilalason nila ito ng malilinaw na mga larawan na maaaring mabura lamang sa isip pagkalipas ng maraming taon. (Kawikaan 6:27) Matuto nawa tayo mula sa tapat na si Job, na gumawa ng pakikipagtipan—isang pormal na kasunduan—sa kaniyang mga mata, na huwag ihantad ang mga ito sa anumang tutukso lamang sa kaniya na gumawa ng mali. (Job 31:1) Iyan ang halimbawang dapat tularan!
12. Paano maaaring ‘tumakas mula sa pakikiapid’ sa panahon ng pagliligawan ang mga Kristiyanong magkasintahan?
12 Partikular nang mahalaga na ‘tumakas mula Santiago 5:14, 15) Gayunman, maraming Kristiyanong magkasintahan ang gumagawi nang may karunungan at umiiwas sa ganitong mga panganib sa panahon ng pagliligawan. (Kawikaan 22:3) Nagtatakda sila ng hangganan sa kanilang mga kapahayagan ng pagmamahal. Nagsasama sila ng mga tsaperon, at maingat na umiiwas na maging magkasama nang dalawa lamang sila sa nakabukod na mga lugar.
sa pakikiapid’ sa panahon ng pagliligawan. Ang yugtong ito ay dapat maging nakagagalak na panahon, na lipos ng pag-asa at pag-asam, subalit sinisira ito ng ilang kabataang magkasintahan sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa imoralidad. Sa gayon, ipinagkakait nila sa isa’t isa ang pinakamainam na pundasyon para sa matibay na pag-aasawa—isang ugnayan na salig sa di-makasariling pag-ibig, pagpipigil sa sarili, at pagsunod sa Diyos na Jehova. Isang Kristiyanong magkasintahan ang gumawa ng imoralidad sa panahon ng kanilang pagliligawan. Pagkatapos ikasal, inamin ng asawang babae na inusig siya ng kaniyang budhi, anupat nasira pa nga ang kagalakan sa araw ng kasal niya. Ipinagtapat niya: “Maraming beses na akong humingi ng tawad kay Jehova, ngunit bagaman pitong taon na ang lumipas mula noon, patuloy pa rin akong inuusig ng aking budhi.” Mahalagang humingi ng tulong mula sa Kristiyanong matatanda ang mga nagkakasala ng gayon. (13. Bakit hindi dapat makipagligawan ang mga Kristiyano sa isa na hindi naglilingkod kay Jehova?
13 Malamang na mapaharap sa napakalalaking hamon ang mga Kristiyanong nakikipagligawan sa mga hindi naglilingkod kay Jehova. Halimbawa, paano ka makikisama sa isa na hindi umiibig sa Diyos na Jehova? Mahalagang makipamatok lamang ang mga Kristiyano sa mga umiibig kay Jehova at gumagalang sa kaniyang mga pamantayan sa kalinisan sa moral. Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman?”—2 Corinto 6:14.
14, 15. (a) Ano ang maling pananaw ng ilan tungkol sa kahulugan ng “pakikiapid”? (b) Anong uri ng mga gawain ang kabilang sa “pakikiapid,” at paano maaaring ‘tumakas mula sa pakikiapid’ ang mga Kristiyano?
14 Mahalaga rin ang kaalaman. Hindi tayo angkop na makatatakas sa pakikiapid kung hindi natin talaga alam kung ano iyon. May maling ideya ang ilan sa sanlibutan sa ngayon tungkol sa kahulugan ng “pakikiapid.” Inaakala nila na maaari nilang sapatan ang kanilang seksuwal na mga simbuyo nang hindi kasal basta’t hindi sila aktuwal na nakikipagtalik. Maging ang iginagalang na mga institusyon sa kalusugan na naglalayong bawasan ang bilang ng di-ninanais na mga pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay humihimok sa mga kabataan na makibahagi sa lihis na seksuwal na paggawi na hindi nagbubunga ng pagdadalang-tao. Nakalulungkot sabihin na hindi tama ang gayong payo. Ang pag-iwas sa pagdadalang-tao sa pagkadalaga ay hindi nangangahulugan ng pananatiling malinis sa moral, at hindi gayon kalimitado o kakitid ang tunay na kahulugan ng “pakikiapid.”
15 Ang Griegong salita na por·neiʹa, na isinaling “pakikiapid,” ay may malawak na kahulugan. Ito ay may kinalaman sa seksuwal na mga ugnayan ng mga taong hindi kasal sa isa’t isa at nagtutuon ito ng pansin sa maling paggamit ng mga sangkap sa sekso. Kabilang sa por·neiʹa ang mga gawaing tulad ng oral sex, anal sex, at paghimas sa ari ng ibang tao—mga paggawi na karaniwang iniuugnay sa mga bahay ng prostitusyon. Ang mga taong 2 Timoteo 2:26) Karagdagan pa, ang pananatiling malinis sa moral ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pag-iwas lamang sa anumang gawaing itinuturing na pakikiapid. Upang ‘makatakas sa pakikiapid,’ dapat nating iwasan ang lahat ng anyo ng seksuwal na karumihan at mahalay na paggawi na maaaring humantong sa malubhang kasalanan na por·neiʹa. (Efeso 4:19) Sa gayong paraan tayo mananatiling malinis sa moral.
nag-aakala na ang gayong mga gawain ay hindi “pakikiapid” ay lumilinlang sa kanilang mga sarili at nahulog na sa isa sa mga silo ni Satanas. (Umiwas sa mga Panganib ng Pakikipagligaw-Biro
16. Sa anong pagkakataon angkop ang romantikong paggawi, gaya ng inilalarawan ng anong halimbawa sa Kasulatan?
16 Upang manatili tayong malinis sa moral, ang isa pang panganib na kailangan nating pag-ingatan ay ang pakikipagligaw-biro. Maaaring igiit ng ilan na ang pakikipagligaw-biro ay inosente at di-nakapipinsalang katuwaan lamang sa pagitan ng mga di-magkasekso. Totoo, may panahon para sa romantikong paggawi. Nakita sina Isaac at Rebeka na “nagpapakasayang” magkasama, at maliwanag sa mga nagmamasid na hindi lamang sila magkapatid. (Genesis 26:7-9) Gayunman, mag-asawa sila. Angkop ang mga kapahayagan ng pagmamahal sa pagitan nila. Ibang bagay naman ang pakikipagligaw-biro.
17. Ano ang pakikipagligaw-biro, at paano maaaring kontrolin ang problemang ito?
17 Maaaring bigyang-katuturan nang ganito ang pakikipagligaw-biro: ang pagpapahiwatig ng romantikong interes nang walang tunay na intensiyong magpakasal. Masasalimuot na nilalang ang mga tao, kaya walang-alinlangang napakaraming paraan upang makipagligaw-biro, ang ilan sa mga ito ay hindi madaling mahalata. (Kawikaan 30:18, 19) Kung gayon, hindi solusyon ang mahihigpit na tuntunin sa paggawi. Sa halip, isang bagay na mas nakahihigit sa mga tuntunin ang kailangan—tapat na pagsusuri sa sarili at masikap na pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya.
18. Ano ang nag-uudyok sa ilan upang makipagligaw-biro, at bakit nakapipinsala ang pakikipagligaw-biro?
18 Kung tapat tayo sa ating mga sarili, malamang na aaminin ng karamihan sa atin na kapag napansin nating may romantikong interes sa atin ang isang di-kasekso, labis tayong natutuwa. Likas naman ito. Subalit nakikipagligaw-biro ba tayo upang pukawin ang interes na iyon—upang palakihin ang pagtitiwala natin sa ating sarili o upang gisingin ang gayong damdamin sa iba? Kung gayon nga, naisaalang-alang na ba natin ang pasakit na maaari nating idulot? Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Kung sinasadya nating makipagligaw-biro sa isang indibiduwal, malamang na hindi natin talaga alam kung paano naaapektuhan ang taong iyon. Baka asamin niyang makipagligawan at magpakasal pa nga sa dakong huli. Ang ibinubunga nitong pagkabigo ay maaaring maging napakasaklap. (Kawikaan 18:14) Isang kalupitan ang sinasadyang paglalaro sa damdamin ng iba.
19. Paano maaaring isapanganib ng pakikipagligaw-biro ang Kristiyanong mga pag-aasawa?
19 Lalong mahalaga na mag-ingat laban sa pakikipagligaw-biro sa mga taong may asawa. Ang pagpapahiwatig ng romantikong interes sa taong may asawa—o ang pagpapakita ng gayong interes ng isang taong may asawa sa hindi niya asawa—ay mali. Nakalulungkot, nagkaroon ng maling akala ang ilang Kristiyano na katanggap-tanggap ang maglinang ng romantikong damdamin sa mga di-kasekso na hindi nila asawa. Isinisiwalat ng ilan ang kanilang kaloob-loobang mga alalahanin sa gayong “kaibigan,” anupat ipinagtatapat pa nga ang kanilang mga pribadong kaisipan na hindi nila sinasabi sa kanilang asawa. Bunga nito, ang romantikong damdamin ay humahantong sa emosyonal na pagdepende na maaaring magpahina at sumira pa nga sa pag-aasawa. Makabubuting tandaan ng mga Kristiyanong may asawa ang matalinong babala ni Jesus hinggil sa pangangalunya—nagsisimula ito sa puso. (Mateo 5:28) Kung gayon, ingatan ang puso at iwasan ang mga situwasyon na maaaring umakay sa gayong kapaha-pahamak na mga resulta.
20. Paano natin dapat determinadong malasin ang ating kalinisan sa moral?
20 Totoo, hindi madaling manatiling malinis sa moral sa imoral na sanlibutan sa ngayon. Gayunman, tandaan na lubhang mas madaling panatilihin ang kalinisan sa moral kaysa sa ibalik ito pagkatapos mawala. Siyempre pa, maaaring ‘magpatawad si Jehova nang sagana’ at kaya niyang linisin ang mga talagang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. (Isaias 55:7) Gayunman, hindi ipinagsasanggalang ni Jehova ang mga nakagawa ng imoralidad mula sa mga bunga ng kanilang ginawa. Ang mga epekto nito ay maaaring tumagal nang maraming taon, baka habang-buhay pa nga. (2 Samuel 12:9-12) Kung gayon, manatili kang malinis sa moral sa pamamagitan ng pag-iingat sa iyong puso. Ituring mong isang napakahalagang kayamanan ang iyong malinis na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova—at huwag mong iwala ito!
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang kalinisan sa moral, at bakit napakahalaga nito?
• Paano natin maiingatan ang ating puso?
• Ano ang sangkot sa pagtakas mula sa pakikiapid?
• Bakit natin dapat iwasan ang pakikipagligaw-biro?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Maaaring maging mapanganib ang kotse kung hindi papatnubayan nang tama
[Mga larawan sa pahina 12]
Ano ang maaaring mangyari kung ipagwawalang-bahala natin ang mga babala?
[Larawan sa pahina 13]
Ang malinis na pagliligawan ay nakagagalak at nagpaparangal sa Diyos