Espirituwalidad at ang Iyong Kalusugan
Espirituwalidad at ang Iyong Kalusugan
MALAKING bahagi ng iyong panahon ang malamang na ginugugol mo sa pangangalaga ng iyong pisikal na kalusugan. Sa araw-araw, maaaring naglalaan ka ng hanggang walong oras sa pagtulog, ilang oras sa pagluluto at pagkain, at walong oras o higit pa sa paghahanapbuhay para may matulugan at makain. Kapag nagkasakit ka, marahil ay gumugugol ka ng panahon at salapi para magpatingin sa doktor o maghanda ng tradisyonal na panlunas. Naglilinis ka, naliligo, at baka regular na nag-eehersisyo pa nga, ang lahat para sa mabuting kalusugan.
Gayunman, higit pa kaysa sa pangangalaga sa iyong pisikal na kalusugan ang sangkot sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan. May isa pang bagay na may mahalagang papel sa iyong kalusugan. Ipinakikita ng pananaliksik sa medisina na ang iyong pisikal na kalusugan ay may malapit na kaugnayan sa iyong espirituwal na kalusugan—sa iyong espirituwalidad o kakulangan nito.
Tuwirang Magkaugnay
“Natuklasan ng karamihan sa orihinal na mga pananaliksik tungkol sa paksa na tuwirang magkaugnay ang higit na espirituwalidad at mas mabuting kalusugan,” ang sabi ni Propesor Hedley G. Peach ng University of Melbourne, sa Australia. Bilang komento sa natuklasang ito, sinabi ng The Medical Journal of Australia (MJA): “Ang pagiging relihiyoso ay iniuugnay rin sa . . . mas mababang presyon ng dugo, mas mababang kolesterol . . . at mas mababang tsansa na magkaroon ng kanser sa kolon.”
Sa katulad na paraan, sa Estados Unidos, natuklasan ng isang pag-aaral noong 2002 sa 6,545 katao na isinagawa ng University
of California (UC), sa Berkeley, na “di-hamak na mas mababa ang tsansang mamatay ng mga taong dumadalo nang minsan sa isang linggo sa mga serbisyong relihiyoso kaysa sa mga dumadalo nang mas madalang o hindi pa kahit kailan.” Sinabi ni Doug Oman, ang nangunang awtor ng pag-aaral at lektyurer sa UC Berkeley’s School of Public Health: “Nakita namin ang pagkakaibang ito kahit na pagkatapos isaalang-alang ang mga salik na gaya ng mga koneksiyon sa lipunan at kaugaliang pangkalusugan, lakip na ang paninigarilyo at pag-eehersisyo.”Sa pagbanggit ng iba pang mga pakinabang ng mga taong may espirituwal na pananaw sa buhay, sinabi ng MJA: “Natuklasan ng mga pag-aaral sa Australia na may mas matatag na pag-aasawa, mas kakaunting pag-abuso ng alkohol at bawal na paggamit ng droga, mas kakaunting insidente ng pagpapatiwakal at mas maraming negatibong saloobin tungkol sa pagpapatiwakal, mas kakaunting kabalisahan at panlulumo, at higit na pakikipagkapuwa sa gitna ng mga taong relihiyoso.” Karagdagan pa, iniulat ng BMJ (dating kilala bilang The British Medical Journal): “Waring mas mabilis at ganap na napagtatagumpayan ng mga taong may mas matatag na espirituwal na mga paniniwala ang kanilang pamimighati pagkamatay ng isang taong malapít sa kanila kaysa sa mga taong walang espirituwal na mga paniniwala.”
Maraming ideya tungkol sa kung ano ang tunay na espirituwalidad. Gayunman, talagang may epekto ang iyong espirituwal na kalagayan sa pisikal at mental na kalusugan mo. Ang ebidensiyang ito ay kasuwato ng pananalita ni Jesu-Kristo mga 2,000 taon na ang nakalilipas. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Yamang naiimpluwensiyahan ng iyong espirituwal na kalagayan ang kalusugan at kaligayahan mo, makatuwirang itanong: ‘Saan ako makasusumpong ng mapagkakatiwalaang espirituwal na patnubay? At ano ang sangkot sa pagiging isang espirituwal na tao?’
[Picture Credit Lines sa pahina 2]
Photo Credits: Pahina 18: Mao Tse-tung and Golda Meir: Hulton/Archive by Getty Images; Francis Ferdinand: From the book The War of the Nations; Hirohito, Lindbergh, & Einstein: U.S. National Archives photo; Stalin: U.S. Army photo; Roosevelt: Franklin D. Roosevelt Library; Churchill: The Trustees of the Imperial War Museum (MH 26392)