Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulungan ang Iba na Tanggapin ang Mensahe ng Kaharian

Tulungan ang Iba na Tanggapin ang Mensahe ng Kaharian

Tulungan ang Iba na Tanggapin ang Mensahe ng Kaharian

“Sinabi ni Agripa kay Pablo: ‘Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.’ ”​—GAWA 26:28.

1, 2. Bakit humarap kina Gobernador Festo at Haring Herodes Agripa II si apostol Pablo?

SA CESAREA noong 58 C.E., dumalaw si Haring Herodes Agripa II at ang kaniyang kapatid na si Bernice sa Romanong gobernador na si Porcio Festo. Sa paanyaya ni Gobernador Festo, dumating sila na “may labis na pagpaparangya at pumasok sa silid ng pagdinig kasama ang mga kumandante ng militar at gayundin ang mga bantog na lalaki sa lunsod.” Sa utos ni Festo, dinala sa harap nila ang Kristiyanong apostol na si Pablo. Ano ang nangyari at humarap sa luklukan ng paghatol ni Gobernador Festo ang tagasunod na ito ni Jesu-Kristo?​—Gawa 25:13-23.

2 Ang tanong na ito ay sinasagot ng sinabi ni Festo sa kaniyang mga panauhin. Sinabi niya: “Haring Agripa at kayong lahat na mga lalaki na nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito na tungkol sa kaniya ay humiling sa akin ang buong karamihan ng mga Judio kapuwa sa Jerusalem at dito, na isinisigaw na hindi na siya dapat pang mabuhay. Ngunit napag-unawa ko na wala siyang nagawang anuman na karapat-dapat sa kamatayan. Kaya nang ang taong ito mismo ay umapela sa Isa na Augusto, ipinasiya kong ipadala siya. Ngunit tungkol sa kaniya ay wala akong anumang tiyak na maisusulat sa aking Panginoon. Kaya dinala ko siya sa harap ninyo, at lalo na sa harap mo, Haring Agripa, upang pagkatapos na maganap ang hudisyal na pagsusuri ay mayroon akong maisulat. Sapagkat waring di-makatuwiran sa akin na ipadala ang isang bilanggo at hindi rin naman ipabatid ang mga paratang laban sa kaniya.”​—Gawa 25:24-27.

3. Bakit pinaratangan ng relihiyosong mga lider si Pablo?

3 Ipinahihiwatig ng mga salita ni Festo na nakaharap si Pablo sa bulaang mga paratang na sedisyon​—isang krimen na ang parusa ay kamatayan. (Gawa 25:11) Gayunman, si Pablo ay walang-sala. Bumangon ang mga paratang dahil sa paninibugho ng relihiyosong mga lider sa Jerusalem. Sinalansang nila ang gawain ni Pablo bilang tagapaghayag ng Kaharian at labis na ikinagalit ang pagtulong niya sa iba na maging mga tagasunod ni Jesu-Kristo. May kasamang mga bantay na nasasandatahang mabuti, dinala si Pablo mula sa Jerusalem patungo sa daungang lunsod ng Cesarea, kung saan siya umapela kay Cesar. Mula roon ay dadalhin siya sa Roma.

4. Anong nakagugulat na pangungusap ang sinambit ni Haring Agripa?

4 Gunigunihin si Pablo sa palasyo ng gobernador sa harap ng isang grupo na kinabibilangan ng tagapamahala ng isang mahalagang bahagi ng Imperyo ng Roma. Bumaling si Haring Agripa kay Pablo at nagsabi: “Pinahihintulutan ka nang magsalita.” Habang namumutawi ang mga salita sa mga labi ni Pablo, may pambihirang bagay na nangyari. Nagsimulang maapektuhan ang hari sa sinasabi ni Pablo. Sa katunayan, sinabi ni Haring Agripa: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”​—Gawa 26:1-28.

5. Bakit naging napakabisa ng mga salita ni Pablo kay Agripa?

5 Isip-isipin mo! Bilang resulta ng mahusay na pagtatanggol ni Pablo, naapektuhan ng tumatagos na kapangyarihan ng Salita ng Diyos ang isang tagapamahala. (Hebreo 4:12) Bakit naging napakabisa ng pagtatanggol ni Pablo? At ano ang matututuhan natin mula kay Pablo na makatutulong sa atin sa paggawa natin ng alagad? Kapag sinuri natin ang kaniyang pagtatanggol, dalawang pangunahing salik ang maliwanag na mapapansin: (1) Mapanghikayat si Pablo sa kaniyang presentasyon. (2) Bihasa niyang ginamit ang kaniyang kaalaman sa Salita ng Diyos, kung paano mabisang ginagamit ng artisano ang kagamitan niya.

Gamitin ang Sining ng Panghihikayat

6, 7. (a) Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ano ang kahulugan ng “panghihikayat”? (b) Ano ang papel ng panghihikayat sa pagtulong sa iba na tanggapin ang isang turo ng Bibliya?

6 Sa aklat ng Mga Gawa, paulit-ulit na ginamit may kinalaman kay Pablo ang Griegong mga termino para sa panghihikayat. Ano ang kahulugan nito may kaugnayan sa ating paggawa ng alagad?

7 Sa orihinal na wika ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang “hikayatin” ay nangangahulugang “pasang-ayunin” o pangyarihin ang “pagbabago ng isip sa pamamagitan ng impluwensiya ng pangangatuwiran o moral na mga salik,” ang sabi ng Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine. Ang pagsusuri sa saligang kahulugan ng salitang isinaling panghihikayat ay nagbibigay ng higit pang kaunawaan. Ipinahahayag nito ang ideya ng pagtitiwala. Kaya kapag nahikayat mo ang isang tao na tanggapin ang isang turo ng Bibliya, nakuha mo ang kaniyang pagtitiwala, anupat nanampalataya siya sa katotohanan ng turong iyon. Maliwanag, hindi sapat na basta banggitin sa isang tao kung ano ang sinasabi ng Bibliya upang mapaniwala siya rito at mapakilos kaayon nito. Dapat makumbinsi ang iyong tagapakinig na ang sinasabi mo ay totoo, ang indibiduwal mang iyon ay bata, kapitbahay, katrabaho, kaeskuwela, o kamag-anak.​—2 Timoteo 3:14, 15.

8. Ano ang sangkot sa pagkumbinsi sa isang tao sa isang katotohanan sa Kasulatan?

8 Paano mo makukumbinsi ang isang tao na ang ipinahahayag mo mula sa Salita ng Diyos ay ang katotohanan? Sa pamamagitan ng lohikal na pangangatuwiran, mahusay na argumento, at marubdob na pamamanhik, sinikap baguhin ni Pablo ang isip ng mga indibiduwal na nakausap niya. * Kung gayon, sa halip na basta sabihing totoo ang isang bagay, kailangan mong magbigay ng sapat na katibayan upang suhayan ang iyong sinasabi. Paano mo magagawa ito? Tiyaking matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos ang iyong sinasabi at hindi sa personal na opinyon. Gumamit din ng karagdagang mga katibayan upang suhayan ang iyong taos-puso at maka-Kasulatang mga sinasabi. (Kawikaan 16:23) Halimbawa, kung babanggitin mo na magtatamasa ng buhay sa paraisong lupa ang masunuring sangkatauhan, suhayan mo ng maka-Kasulatang reperensiya ang sasabihin mong iyon, gaya ng Lucas 23:43 o Isaias 65:21-25. Paano mo higit pang masusuhayan ang iyong maka-Kasulatang punto? Maaari kang gumamit ng mga halimbawa mula sa karanasan ng iyong tagapakinig. Maaari mong ipaalaala sa kaniya ang simple at walang-bayad na kalugurang matatamasa sa kagandahan ng paglubog ng araw, sa samyo ng bulaklak, masarap na lasa ng prutas, o sa kagalakang dulot ng panonood sa inahing ibon na nagpapakain ng kaniyang mga inakáy. Tulungan siyang makita na ang gayong mga kaluguran ay katibayan na nais ng Maylalang na masiyahan tayo sa buhay sa lupa.​—Eclesiastes 3:11, 12.

9. Paano natin maipakikita ang pagkamakatuwiran sa ating gawaing pangangaral?

9 Kapag sinisikap mong hikayatin ang isang tao na tanggapin ang isang partikular na turo ng Bibliya, mag-ingat na hindi ka maging waring di-makatuwiran dahil sa iyong sigla, at sa gayon ay maisara ang puso at isip ng iyong tagapakinig. Ganito ang babala ng aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo: “Ang pagsasabi ng nakasasakit na katotohanan na naglalantad sa maling paniniwala ng isang tao, kahit na iyon ay sinusuhayan pa ng mahabang listahan ng mga teksto sa Kasulatan, ay karaniwan nang hindi madaling tanggapin. Halimbawa, kung basta babatikusin ang mga popular na selebrasyon dahil sa pagkakaroon ng paganong pinagmulan, maaaring hindi nito mabago kung ano ang paniniwala ng kausap mo hinggil dito. Ang isang may pangangatuwirang paraan ay kadalasang higit na nagiging matagumpay.” Bakit dapat puspusang magsikap na maging makatuwiran? Sabi ng aklat-aralin: “Ang isang may pangangatuwirang paraan ay nagpapasigla ng pag-uusap, nagbibigay sa mga tao ng kanilang mapag-iisipan sa dakong huli, at nagbubukas ng pagkakataon para sa mga pag-uusap sa hinaharap. Ito ay maaaring maging mabisang panghikayat.”​—Colosas 4:6.

Panghihikayat na Nakaaantig sa Puso

10. Sa anong paraan sinimulan ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol sa harap ni Agripa?

10 Suriin nating mabuti ngayon ang mga salita ng pagtatanggol ni Pablo sa Gawa kabanata 26. Pansinin kung paano niya sinimulan ang kaniyang diskurso. Upang maipasok ang kaniyang paksa, humanap si Pablo ng lehitimong saligan upang papurihan si Agripa, bagaman ang hari ay may nakaiiskandalong relasyon sa kaniyang kapatid na si Bernice. Sinabi ni Pablo: “May kinalaman sa lahat ng bagay na iniaakusa sa akin ng mga Judio, Haring Agripa, ibinibilang kong aking kaligayahan na gagawin ko sa harap mo ang aking pagtatanggol sa araw na ito, lalo na yamang ikaw ay dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio. Kaya nga nagsusumamo ako sa iyo na pakinggan ako nang may pagtitiyaga.”​—Gawa 26:2, 3.

11. Paano nagpakita ng paggalang ang mga salita ni Pablo kay Agripa, at anong pakinabang ang naidulot nito?

11 Napansin mo ba na kinilala ni Pablo ang mataas na katungkulan ni Agripa sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniya sa titulo niyang Hari? Nagpakita ito ng paggalang, at sa pamamagitan ng kaniyang matalinong pagpili ng mga salita, pinarangalan ni Pablo si Agripa. (1 Pedro 2:17) Kinilala ng apostol na dalubhasa si Agripa sa masasalimuot na kaugalian at batas ng kaniyang nasasakupang mga Judio at sinabi niyang kaligayahan niyang gawin ang kaniyang pagtatanggol sa harap ng gayong tagapamahala na maraming nalalaman. Si Pablo, na isang Kristiyano, ay hindi kumilos na para bang mas nakatataas siya kay Agripa, na hindi Kristiyano. (Filipos 2:3) Sa halip, nagsumamo si Pablo sa hari na pakinggan siya nang may pagtitiyaga. Sa gayong paraan, nakalikha si Pablo ng kalagayan kung saan mas malamang na tanggapin ni Agripa, at ng iba pang tagapakinig, ang ihaharap niya. Naglatag siya ng pundasyon, o mapagkakasunduang punto na pagsasaligan sa pagbuo ng mga argumento niya.

12. Sa gawaing paghahayag ng Kaharian, paano natin maaantig ang puso ng ating mga tagapakinig?

12 Gaya ni Pablo sa harap ni Agripa, mula sa introduksiyon hanggang sa konklusyon ng ating presentasyon ng mensahe ng Kaharian, antigin natin ang puso ng tagapakinig. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng taimtim na paggalang sa taong pinangangaralan natin at pagpapamalas ng tunay na interes sa kaniyang partikular na pinagmulan o iniisip.​—1 Corinto 9:20-23.

Bihasang Gamitin ang Salita ng Diyos

13. Tulad ni Pablo, paano mo magaganyak ang iyong mga tagapakinig?

13 Ninais ni Pablo na ganyaking kumilos ayon sa mabuting balita ang kaniyang mga tagapakinig. (1 Tesalonica 1:5-7) Sa layuning iyan, inantig niya ang kanilang makasagisag na puso, ang sentro ng pangganyak. Kung susuriin pa ang pagtatanggol ni Pablo sa harap ni Agripa, pansinin kung paano ‘ginamit ni Pablo nang wasto ang salita ng Diyos’ sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga ipinahayag ni Moises at ng mga propeta.​—2 Timoteo 2:15.

14. Ipaliwanag kung paano gumamit ng panghihikayat si Pablo noong nasa harap siya ni Agripa.

14 Alam ni Pablo na naturingang Judio si Agripa. Umaasa sa kaalaman ni Agripa sa Judaismo, nangatuwiran si Pablo na ang pangangaral niya ay talagang “walang anumang sinasabi maliban sa mga bagay na ipinahayag ng mga Propeta at gayundin ni Moises na magaganap” hinggil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ng Mesiyas. (Gawa 26:22, 23) Kinakausap mismo si Agripa, nagtanong si Pablo: “Ikaw ba, Haring Agripa, ay naniniwala sa mga Propeta?” Napaharap sa gipit na kalagayan si Agripa. Kung sasabihin niyang hindi siya naniniwala sa mga propeta, masisira ang kaniyang reputasyon bilang mananampalatayang Judio. Ngunit kung sasang-ayon siya sa pangangatuwiran ni Pablo, hayagan siyang papanig sa apostol at manganganib na tawaging Kristiyano. May-katalinuhang sinagot ni Pablo ang sarili niyang tanong, sa pagsasabing: “Alam kong naniniwala ka.” Paano pinasagot si Agripa ng kaniyang puso? Tumugon siya: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:27, 28) Bagaman hindi naging Kristiyano si Agripa, maliwanag na naapektuhan kahit paano ng mensahe ni Pablo ang puso nito.​—Hebreo 4:12.

15. Paano nakapagtatag ng kongregasyon si Pablo sa Tesalonica?

15 Napansin mo ba na ang presentasyon ni Pablo ng mabuting balita ay naglalaman kapuwa ng paghahayag at panghihikayat? Dahil gumamit si Pablo ng ganiyang pamamaraan habang ‘ginagamit nang wasto ang salita ng Diyos,’ ang ilang nakinig sa kaniya na dating mga tagapakinig lamang ay naging mga mananampalataya. Ganito ang nangyari sa Tesalonica, kung saan pinaghahanap ni Pablo sa sinagoga ang mga Judio at mga Gentil na natatakot sa Diyos. Ganito ang ulat sa Gawa 17:2-4: “Ayon sa kaugalian ni Pablo ay pumaroon siya sa kanila sa loob, at sa loob ng tatlong sabbath ay nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay . . . Dahil dito ang ilan sa kanila ay naging mga mananampalataya.” Mapanghikayat si Pablo. Nangatuwiran siya, nagpaliwanag, at nagpatunay sa pamamagitan ng Kasulatan na si Jesus ang matagal nang ipinangakong Mesiyas. Ang resulta? Naitatag ang isang kongregasyon ng mga mananampalataya.

16. Paano ka mas masisiyahan sa paghahayag ng Kaharian?

16 Maaari ka bang maging mas bihasa sa sining ng panghihikayat kapag nagpapaliwanag ng Salita ng Diyos? Kung oo, mas personal kang masisiyahan at maliligayahan sa iyong gawaing pangangaral at pagtuturo sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ito ang karanasan ng mga mamamahayag ng mabuting balita na nagkapit ng mga mungkahing higit na gamitin ang Bibliya sa gawaing pangangaral.

17. Upang ipakita kung paano kapaki-pakinabang ang paggamit ng Bibliya sa ating ministeryo, maglahad ng personal na karanasan o buurin ang karanasan sa parapong ito.

17 Halimbawa, sumulat ang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova: “Maraming mga kapatid ngayon ang may hawak na Bibliya kapag nagpapatotoo sa bahay-bahay. Nakatutulong ito upang mabasa ng mga mamamahayag ang isang kasulatan sa marami sa mga taong nakakausap nila. Tumutulong ito kapuwa sa may-bahay at sa mamamahayag na iugnay ang Bibliya, hindi lamang ang mga magasin at aklat, sa ating ministeryo.” Siyempre pa, ang pagdadala natin ng Bibliya nang hayagan kapag nangangaral tayo ay depende sa maraming salik, kasali na ang lokal na mga kaugalian. Gayunpaman, dapat nating naisin na magkaroon ng reputasyon sa bihasang paggamit ng Salita ng Diyos upang hikayatin ang iba na tanggapin ang mensahe ng Kaharian.

Taglayin ang Pangmalas ni Jehova sa Ministeryo

18, 19. (a) Paano minamalas ng Diyos ang ating ministeryo, at bakit dapat tayong maglinang ng kaniyang pangmalas? (b) Ano ang tutulong sa atin upang magtagumpay sa mga pagdalaw-muli? (Tingnan ang kahong pinamagatang “Kung Paano Magtatagumpay sa mga Pagdalaw-Muli,” sa pahina 16.)

18 Ang isa pang paraan para maabot ang puso ng ating mga tagapakinig ay malasin ang ministeryo ayon sa pangmalas ng Diyos at maging matiisin. Kalooban ng Diyos na lahat ng mga tao ay “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Hindi ba’t iyan din ang nais natin? Si Jehova ay matiisin din, at ang kaniyang pagkamatiisin ay nagbibigay ng pagkakataon upang makaabot sa pagsisisi ang marami. (2 Pedro 3:9) Kaya, kapag may nasumpungan tayong nais makinig sa mensahe ng Kaharian, baka kailangan siyang balikan nang paulit-ulit upang malinang ang interes na iyon. Kailangan ang panahon at pagtitiis upang makitang lumago ang mga binhi ng katotohanan. (1 Corinto 3:6) Ang kalakip na kahong pinamagatang “Kung Paano Magtatagumpay sa mga Pagdalaw-Muli” ay nagmumungkahi kung paano malilinang ang gayong interes. Tandaan na palaging nagbabago ang buhay ng mga tao​—ang kanilang mga suliranin at kalagayan. Baka kailanganin ang maraming pagsisikap na masumpungan sila sa kanilang tahanan, subalit sulit naman ang gayong pagpapagal. Nais nating bigyan sila ng pagkakataong marinig ang mensahe ng Diyos ukol sa kaligtasan. Kaya manalangin sa Diyos na Jehova para sa karunungang malinang ang kasanayan mo sa panghihikayat sa iyong gawaing pagtulong sa iba na tanggapin ang mensahe ng Kaharian.

19 Sa sandaling may masumpungan kang nagnanais makarinig ng higit pa tungkol sa mensahe ng Kaharian, ano pa ang magagawa natin bilang mga manggagawang Kristiyano? May mga mungkahi ang susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa panghihikayat, tingnan ang mga aralin 48 at 49 ng aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Naaalaala Mo Ba?

• Bakit naging mabisa ang pagtatanggol ni Pablo sa harap ni Haring Agripa?

• Paano makaaantig sa puso ang ating mensahe?

• Ano ang tutulong sa atin upang magamit nang mabisa ang Salita ng Diyos sa pag-abot ng puso?

• Paano natin maaaring malasin ang ministeryo ayon sa pangmalas ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16]

Kung Paano Magtatagumpay sa mga Pagdalaw-Muli

• Magpakita ng taimtim at personal na interes sa mga tao.

• Pumili ng nakaaakit na paksang tatalakayin mula sa Bibliya.

• Maglatag ng pundasyon para sa bawat susunod na pagdalaw.

• Palaging isipin ang may-bahay pagkaalis mo.

• Magbalik agad, marahil pagkaraan ng isa o dalawang araw, upang masubaybayan ang interes.

• Palaging isaisip na ang layunin mo ay makapagpasimula ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

• Ipanalangin na palaguin sana ni Jehova ang interes.

[Larawan sa pahina 15]

Gumamit ng panghihikayat si Pablo noong nasa harap siya nina Gobernador Festo at Haring Agripa