Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Paano dapat malasin ng mga Kristiyano ang paggamit ng mga birthstone?
Sa ilang kultura, ang mga birthstone ay nauugnay sa buwan ng kapanganakan ng isang tao. Personal na desisyon ng isang Kristiyano kung magsusuot siya o hindi ng isang singsing na may partikular na uri ng hiyas. (Galacia 6:5) Sa paggawa ng gayong desisyon, may mahahalagang salik na dapat isaalang-alang.
Sinasabi ng Encyclopaedia Britannica na ang birthstone ay isang “hiyas na nauugnay sa petsa ng kapanganakan ng isa, anupat ang pagsusuot nito ay karaniwan nang inaakalang nagdudulot ng suwerte o mabuting kalusugan.” Sinabi pa ng reperensiyang akdang ito: “Matagal nang ipinalalagay ng mga astrologo na may kahima-himalang mga kapangyarihan ang ilang hiyas.”
Pinaniniwalaan ng marami lalo na noong sinaunang panahon na suwerte ang birthstone sa nagsusuot nito. Pinaniniwalaan ba ito ng tunay na Kristiyano? Hindi, sapagkat alam niya na hinatulan ni Jehova yaong mga umiwan sa kaniya at nagtiwala sa “diyos ng Suwerte.”—Isaias 65:11.
Noong Edad Medya, ang mga manghuhula ay pumili ng isang hiyas para sa bawat buwan ng taon. Pinasigla nila ang mga tao na isuot ang hiyas ng buwan ng kanilang kapanganakan, upang maipagsanggalang diumano ang may suot nito mula sa pinsala. Ngunit mali ayon sa Kasulatan na sumunod ang mga Kristiyano sa patnubay ng propesyonal na mga manghuhula ng mga pangyayari, dahil hinahatulan sila ng Bibliya.—Deuteronomio 18:9-12.
Hindi rin angkop para sa mga Kristiyano na ituring na may pantanging kahalagahan ang isang singsing dahil may birthstone ito. Hindi nagdiriwang ng kaarawan ang mga Saksi ni Jehova. Ito’y dahil ang gayong mga pagdiriwang ay nagtutuon ng labis na pansin sa indibiduwal at ang tanging mga ulat ng pagdiriwang ng kaarawan sa Bibliya ay yaong sa mga tagapamahala na hindi naglingkod sa Diyos.—Genesis 40:20; Mateo 14:6-10.
Inaakala ng ilang tao na ang pagsusuot ng singsing na may birthstone ay may mabuting impluwensiya sa personalidad ng nagsusuot nito. Subalit hindi ito pinaniniwalaan ng tunay na mga Kristiyano, sapagkat natatanto nila na “ang bagong personalidad” ay isinusuot sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos at sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Kasulatan.—Efeso 4:22-24.
Ang isang napakahalagang salik ay motibo. Sa pagpapasiyang magsuot o hindi magsuot ng singsing na may birthstone, maaaring tanungin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili, ‘Gusto ko bang isuot ang singsing na ito dahil lamang sa kaakit-akit ang hiyas sa akin, bagaman nagkataon din na isa itong tinatawag na birthstone? O naimpluwensiyahan kaya ako kahit paano ng mapamahiing mga ideya na iniugnay ng ilang tao sa gayong mga hiyas?’
Dapat suriin ng isang Kristiyano ang kaniyang puso upang matiyak ang kaniyang motibo. “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso,” ang sabi ng Kasulatan, “sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Sa pagpapasiya may kaugnayan sa mga birthstone, makabubuting isaalang-alang ng bawat Kristiyano ang kaniyang motibo at ang posibleng mga epekto ng kaniyang landasin sa sarili niya at sa iba.—Roma 14:13.