Tinuruan ni Jehova Mula sa Aking Pagkabata
Tinuruan ni Jehova Mula sa Aking Pagkabata
AYON SA SALAYSAY NI RICHARD ABRAHAMSON
“O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa.” Hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit ang pananalita ng Awit 71:17 ay may pantanging kahulugan sa akin.
NOONG 1924, ang aking nanay, si Fannie Abrahamson, ay natagpuan ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ako ay isang taóng gulang lamang noon. Yamang tinuturuan si Inay ng mga katotohanan sa Bibliya, agad niyang dinadalaw ang kaniyang mga kapitbahay at sinasabi sa kanila ang mga bagay na natutuhan niya, at tinuruan din niya kami ng aking kuya at ate. Bago pa ako matutong bumasa, tinulungan niya akong sauluhin ang maraming kasulatan hinggil sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.
Noong mga huling taon ng dekada ng 1920, ang aming grupo ng Estudyante ng Bibliya sa La Grande, sa estado ng Oregon, E.U.A., kung saan ako isinilang at pinalaki, ay binubuo ng ilang kababaihan at mga bata. Bagaman kami ay nabubukod, dinadalaw kami minsan o dalawang beses sa isang taon ng mga naglalakbay na ministro, na tinatawag na mga pilgrim. Ang mga ito ay nagbibigay ng nakapagpapatibay na mga pahayag, sumasama sa amin sa ministeryo sa bahay-bahay, at nagpapakita ng mabait na interes sa mga bata. Kabilang sa mga minamahal na mga kapatid na iyon sina Shield Toutjian, Gene Orrell, at John Booth.
Noong 1931, wala ni isa sa aming grupo ang nakadalo sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, kung saan pinagtibay ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Subalit ang mga company, gaya ng tawag noon sa mga kongregasyon, at ang mga nabubukod na mga grupo na hindi nakadalo sa kombensiyon ay lokal na nagtipon noong Agosto upang pagtibayin ang isang resolusyon sa pagtanggap sa pangalan. Ginawa ito ng aming maliit na grupo sa La Grande. Pagkatapos, sa kampanya noong 1933 upang mamahagi ng buklet na The Crisis, isinaulo ko ang isang presentasyon
sa Bibliya, at sa kauna-unahang pagkakataon, mag-isa akong nagpatotoo sa bahay-bahay.Noong dekada ng 1930, tumitindi ang pagsalansang sa aming gawain. Upang maharap ito, ang mga company ay pinagsama-sama sa tinatawag na mga division, na nagdaraos ng maliliit na asamblea at nagsasagawa ng mga misyon ng pangangaral, na tinatawag na mga divisional campaign, minsan o makalawa sa isang taon. Sa mga asambleang ito, itinuro sa amin ang mga pamamaraan ng pangangaral at ipinakita sa amin kung paano makikitungo nang may paggalang sa mga pulis na sumasalansang. Yamang ang mga Saksi ay madalas dalhin sa isang hukom na pulis o sa isang karaniwang hukuman, ineensayo namin ang materyal mula sa isang papel na naglalaman ng mga tagubilin na tinatawag na Order of Trial. Sinangkapan kami nito na harapin ang pagsalansang.
Maagang Pagsulong sa Katotohanan ng Bibliya
Sumusulong ako sa pag-unawa at pagpapahalaga sa mga katotohanan ng Bibliya at sa salig-sa-Bibliyang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Nang panahong iyon, ang bautismo ay hindi pa gaanong idiniriin sa mga hindi umaasang mamahala sa langit na kasama ni Kristo. (Apocalipsis 5:10; 14:1, 3) Gayunpaman, sinabi sa akin na kung desidido akong gawin ang kalooban ni Jehova, angkop lamang na magpabautismo ako. Ginawa ko ito noong Agosto 1933.
Nang ako’y 12 taóng gulang, inakala ng aking guro na magaling ako sa pagsasalita sa madla, kaya hinimok niya si Inay na magsaayos ng karagdagang pagsasanay para sa akin. Inisip ni Inay na makatutulong ito sa akin upang mapaglingkuran ko si Jehova nang mas mahusay. Kaya binayaran niya ang aking mga leksiyon sa pamamagitan ng paglalaba para sa aking guro sa loob ng isang taon. Naging kapaki-pakinabang nga sa aking ministeryo ang pagsasanay. Nang ako’y edad 14, nagkasakit ako ng rheumatic fever, anupat hindi ako nakapag-aral sa loob ng mahigit na isang taon.
Noong 1939, dumating sa aming lugar ang isang buong-panahong ministro na nagngangalang Warren Henschel. * Siya ang kuya ko sa espirituwal at isinasama niya ako sa loob ng ilang araw sa ministeryo sa larangan. Nang maglaon, tinulungan niya akong magsimula sa paglilingkod bilang vacation pioneer, isang pansamantalang anyo ng buong-panahong ministeryo. Noong tag-araw na iyon, ang aming grupo ay naorganisa bilang isang company. Si Warren ang nahirang bilang company servant, at ako naman ang nahirang na konduktor ng Pag-aaral sa Bantayan. Nang umalis si Warren upang maglingkod sa Bethel, ang internasyonal na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ako ang naging company servant.
Pagsisimula sa Buong-Panahong Ministeryo
Ang karagdagang responsibilidad ng paglilingkod bilang company servant ay higit pang nagpatibay sa aking pagnanais na pumasok sa regular na buong-panahong ministeryo, na ginawa ko sa gulang na 17, nang matapos ko ang aking ikatlong taon sa haiskul. Iba ang relihiyosong paniniwala ni Itay, subalit mabuti siyang tagapaglaan at isang taong may matataas na simulain. Gusto niyang mag-aral ako sa kolehiyo. Gayunpaman, sinabi niya na kung kaya kong buhayin ang aking sarili, magagawa kong piliin ang gusto ko. Kaya nagsimula akong magpayunir noong Setyembre 1, 1940.
Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Tunay, malaking tulong sa akin ang laging pagtitiwala kay Jehova.
Nang umalis ako sa bahay, binasa sa akin ng nanay ko angDi-nagtagal, sumama ako kina Joe at Margaret Hart sa ministeryo sa hilagang-sentral na Estado ng Washington. Magkakaiba ang teritoryo roon—mga rantso ng baka, rantso ng tupa, mga reserbasyon ng Indian, at saka maraming maliliit na bayan at nayon. Noong tagsibol ng 1941, naatasan ako bilang company servant sa kongregasyon sa Wenatchee, Washington.
Sa isa sa aming mga asamblea sa Walla Walla, Washington, naglingkod ako bilang isang attendant, na tumatanggap sa mga pumapasok sa awditoryum. Napansin ko ang isang kabataang brother na hindi mapatunog ang sistema ng laud-ispiker. Kaya iminungkahi kong gampanan niya ang aking atas, at gagampanan ko naman ang kaniyang atas. Nang bumalik ang regional servant, si Albert Hoffman, at makitang iniwan ko ang aking atas, ipinaliwanag niya sa akin nang may palakaibigang ngiti ang kahalagahan ng pananatili sa atas hanggang sa makatanggap ng ibang atas. Mula noon ay tinandaan ko ang payo niya.
Noong Agosto 1941, ang mga Saksi ni Jehova ay nagplano ng isang napakalaking kombensiyon sa St. Louis, Missouri. Nilagyan ng mga Hart ng trapal ang likuran ng kanilang pickup na trak at naglagay sila ng mga bangkô. Siyam kaming payunir na naglakbay nang 2,400 kilometro patungo sa St. Louis sakay ng trak na iyon. Mga isang linggo ang biyahe patungo roon at isang linggo rin ang pauwi. Sa kombensiyon, ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 115,000 ayon sa tantiya ng pulisya. Kahit na ang dumalo marahil ay mas mababa kaysa sa bilang na iyan, tiyak na mas marami ito kaysa sa mga 65,000 Saksi sa Estados Unidos noong panahong iyon. Ang kombensiyon ay tunay na nakapagpapatibay sa espirituwal.
Paglilingkod sa Bethel sa Brooklyn
Pagbalik sa Wenatchee, tumanggap ako ng isang liham na humihiling sa akin na magreport sa Bethel sa Brooklyn. Pagdating ko roon noong Oktubre 27, 1941, dinala ako sa tanggapan ni Nathan H. Knorr, ang tagapangasiwa ng palimbagan. May-kabaitang ipinaliwanag niya sa akin kung ano ang buhay sa Bethel at idiniin niya na upang magtagumpay sa buhay roon, mahalaga ang pananatiling malapít kay Jehova. Pagkatapos ay dinala ako sa Shipping Department at pinagtrabaho sa gawaing pagtatali ng mga karton ng literatura na ipadadala sa iba’t ibang lugar.
Noong Enero 8, 1942, namatay si Joseph Rutherford, na nangunguna noon sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Pagkaraan ng limang araw, inihalal ng mga direktor ng Samahan si Brother Knorr bilang kahalili niya. Nang ipatalastas ito ni W. E. Van Amburgh, ang matagal nang kalihim-tesorero ng Samahan, sa pamilyang Bethel, sinabi niya: “Natatandaan ko pa nang mamatay [noong 1916] si C. T. Russel at nang halinhan siya ni J. F. Rutherford. Patuloy na pinatnubayan at pinagpala ng Panginoon ang Kaniyang gawain. Ngayon, lubusan akong umaasa na ang gawain ay patuloy na susulong sa pamamagitan ni Nathan H. Knorr
bilang presidente sapagkat ito ay gawain ng Panginoon, hindi ng tao.”Noong Pebrero 1942, ipinatalastas na pasisimulan ang “Advanced Course in Theocratic Ministry.” Dinisenyo ito upang sanayin ang mga nasa Bethel upang mapasulong ang kanilang kakayahang magsaliksik sa mga paksa sa Bibliya, wastong mag-organisa ng kanilang materyal, at mabisang magharap nito. Palibhasa’y natulungan ng aking maagang pagsasanay sa pagsasalita sa madla, mabilis akong sumulong sa programa.
Di-nagtagal, naatasan ako sa Service Department, na siyang nangangasiwa sa ministeryo ng mga Saksi sa Estados Unidos. Sa pagtatapos ng taóng iyon, napagpasiyahang itatag muli ang isang programa ng pagdalaw ng mga ministro sa mga company ng mga Saksi. Nang maglaon, ang mga naglalakbay na ministrong ito, na tinatawag noon na mga lingkod para sa mga kapatid, ay tinawag na mga naglalakbay na tagapangasiwa. Noong tag-araw ng 1942, isang kurso sa Bethel ang isinaayos upang sanayin ang mga kapatid para sa ganitong uri ng ministeryo, at ako’y nagkapribilehiyo na mapasama sa mga tumanggap ng pagsasanay. Tandang-tanda ko na idiniin sa amin ni Brother Knorr, isa sa mga instruktor, ang puntong ito: “Huwag ninyong sikaping palugdan ang mga tao. Kung gagawin ninyo ito, wala kayong mapalulugdan sa bandang huli. Palugdan ninyo si Jehova, at mapalulugdan ninyo ang lahat ng umiibig kay Jehova.”
Ang gawaing paglalakbay ay ipinatupad noong Oktubre 1942. Ang ilan sa amin na nasa Bethel ay nakibahagi rito sa ilang dulo ng sanlinggo, na dumadalaw sa mga kongregasyon na mga 400 kilometro ang layo mula sa New York City. Nirepaso namin ang nasusulat na mga ulat ng gawaing pangangaral ng kongregasyon at ng mga dumadalo sa pulong, nagdaos kami ng pulong kasama ng mga nag-aasikaso sa mga pananagutan ng kongregasyon, nagbigay ng isa o dalawang pahayag, at nangaral na kasama ng mga Saksi roon.
Noong 1944, isa ako sa mga nasa Service Department na ipinadala sa gawaing paglalakbay sa loob ng anim na buwan, na naglilingkod sa Delaware, Maryland, Pennsylvania, at Virginia. Nang maglaon, sa loob ng ilang buwan, dinalaw ko ang mga kongregasyon sa Connecticut, Massachusetts, at Rhode Island. Pagbalik ko sa Bethel, nagtrabaho ako nang part-time sa tanggapan ni Brother Knorr at ng kaniyang kalihim na si Milton Henschel, kung saan naging pamilyar ako sa ating pambuong-daigdig na gawain. Naglingkod din ako nang part-time sa Treasurer’s Office sa ilalim ng pangangasiwa ni W. E. Van Amburgh at ng kaniyang katulong, si Grant Suiter. Pagkatapos, noong 1946, ginawa akong tagapangasiwa ng maraming tanggapan sa Bethel.
Malalaking Pagbabago sa Aking Buhay
Samantalang naglilingkod sa mga kongregasyon noong 1945, nakilala ko si Julia Charnauskas sa Providence, Rhode Island. Noong kalagitnaan ng 1947, pinag-isipan namin ang pagpapakasal. Napamahal na sa akin ang paglilingkod sa Bethel, gayunman noong panahong iyon, walang kaayusan na ipasok sa Bethel ang asawa upang maglingkod doon. Kaya noong Enero 1948, umalis ako sa Bethel, at nagpakasal kami ni Julia (Julie). Nakakuha ako ng part-time na trabaho sa isang supermarket sa Providence, at magkasama kaming nagsimulang magpayunir.
Noong Setyembre 1949, inanyayahan ako sa gawaing pansirkito sa hilagang-kanluran ng Wisconsin. Malaking pagbabago para sa amin ni Julie na mangaral sa halos ay maliliit na bayan at lalawigan na maraming produktong galing sa gatas. Ang mga panahon ng taglamig ay mahaba at maginaw, anupat maraming sanlinggo na ang temperatura ay -20 digri Celsius o mababa pa at napakakapal ng niyebe. Wala kaming kotse. Gayunman, laging may naghahatid sa amin sa susunod na kongregasyon.
Di-kalaunan pagkatapos kong magsimula sa gawaing pansirkito, nagkaroon kami ng pansirkitong asamblea. Natatandaan ko pa na puspusan akong nagsuri upang tiyakin na ang lahat ng gawain ay inaasikaso, anupat ang ilan ay medyo ninerbiyos. Kaya may-kabaitang ipinaliwanag ng tagapangasiwa ng distrito, si Nicholas Kovalak, na ang lokal na mga kapatid ay sanay na sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan at hindi ko na kailangang sikaping pangasiwaan ang lahat ng detalye. Nakatulong sa akin ang payong iyon sa pakikitungo sa maraming atas mula noon.
Noong 1950, tumanggap ako ng pansamantalang atas—pangasiwaan ang pagbibigay ng mga tuluyan para sa mga delegado sa kauna-unahan sa aming maraming malalaking kombensiyon sa Yankee
Stadium sa New York City. Ang kombensiyon ay kapana-panabik mula sa pasimula hanggang sa wakas, na may mga delegado mula sa 67 bansa at may pinakamataas na bilang ng dumalo na 123,707! Pagkatapos ng kombensiyon, kami ni Julie ay bumalik sa aming gawain bilang mga naglalakbay na ministro. Maligayang-maligaya kami sa gawaing pansirkito. Gayunman, nadama namin na dapat ay patuloy na handa naming ilaan ang aming sarili sa anumang buong-panahong paglilingkod. Kaya taun-taon, nag-aaplay kami kapuwa sa paglilingkod sa Bethel at sa paglilingkod bilang misyonero. Noong 1952, tuwang-tuwa kaming tumanggap ng isang paanyaya upang mag-aral sa ika-20 klase ng Watchtower Bible School of Gilead, kung saan tumanggap kami ng pagsasanay para sa gawaing misyonero.Paglilingkod sa Ibang Bansa
Nang kami’y magtapos noong 1953, naatasan kami sa Britanya, kung saan naglingkod ako sa gawaing pandistrito sa timog ng Inglatera. Pagkatapos ng wala pang isang taon sa gawaing ito, na lubusan naming kinagiliwan ni Julie, nagulat kami sa tinanggap naming atas na lumipat sa Denmark. May pangangailangan sa Denmark para sa bagong pangangasiwa sa tanggapang pansangay. Yamang ako ang nasa malapit at tumanggap na ako ng pagsasanay para sa gayong gawain sa Brooklyn, ipinadala ako upang tumulong. Sumakay kami ng barko patungo sa Netherlands, at mula roon ay sumakay kami ng tren patungong Copenhagen, Denmark. Dumating kami noong Agosto 9, 1954.
Ang isa sa mga problemang kailangang harapin ay na may ilang kapatid na nasa responsableng mga tungkulin na ayaw tumanggap ng tagubilin mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn. Gayundin, tatlo sa apat na dating nagsasalin ng ating mga publikasyon sa wikang Danes ang umalis sa Bethel at nang maglaon ay hindi na nakisama sa mga Saksi ni Jehova. Subalit sinagot ni Jehova ang aming mga panalangin. Dalawang payunir, sina Jørgen at
Anna Larsen, na dating nagsasalin nang part-time, ang handang maglingkod nang buong panahon. Kaya ang pagsasalin ng ating mga magasin sa wikang Danes ay nagpatuloy nang walang patid. Nasa Bethel pa rin sa Denmark ang mga Larsen, at si Jørgen ang coordinator ng Komite ng Sangay.Isang tunay na pinagmumulan ng pampatibay-loob noong mga panahong iyon ang regular na mga pagdalaw ni Brother Knorr. Dumadalaw at nakikipag-usap siya sa bawat isa at naglalahad ng mga karanasan na nagbibigay ng kaunawaan kung paano haharapin ang mga problema. Sa isang pagdalaw noong 1955, napagpasiyahang magtayo ng isang bagong sangay na may mga pasilidad sa pag-iimprenta upang makagawa kami ng mga magasin para sa Denmark. Isang lupa ang nabili sa karatig-pook sa hilaga ng Copenhagen, at noong tag-araw ng 1957, lumipat kami sa bagong-tayong gusali. Si Harry Johnson, kasama ang kaniyang asawang si Karin, na kararating lamang noon sa Denmark pagkaraang magtapos sa ika-26 na klase ng Gilead, ay tumulong sa pagbuo at pagpapatakbo ng palimbagan.
Napasulong namin ang aming pag-oorganisa sa pagdaraos ng malalaking kombensiyon sa Denmark, at naging kapaki-pakinabang ang karanasang natamo ko nang ako ay gumagawa sa mga kombensiyon sa Estados Unidos. Noong 1961, ang aming malaking internasyonal na kombensiyon sa Copenhagen ay tumanggap ng mga delegado mula sa mahigit na 30 bansa. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 33,513. Noong 1969, naging punong-abala kami sa pinakamalaki sa lahat ng mga kombensiyong ginanap sa Scandinavia, na may pinakamataas na bilang ng dumalo na 42,073!
Noong 1963, inanyayahan akong dumalo sa ika-38 klase ng Gilead. Ito ang binagong sampung-buwan na kursong dinisenyo partikular na para sa pagsasanay sa mga tauhan ng sangay. Isang kalugurang makasamang muli ang pamilyang Bethel sa Brooklyn at makinabang mula sa karanasan ng mga nagtrabaho roon sa loob ng maraming taon sa pag-aasikaso sa mga gawain sa punong-tanggapan.
Pagkatapos ng kursong ito ng pagsasanay, bumalik ako sa Denmark upang ipagpatuloy ang pag-aasikaso sa mga pananagutan doon. Bukod pa rito, nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sona, na dumadalaw sa mga sangay sa kanluran at hilagang Europa upang patibayin at tulungan ang mga tauhan doon na magampanan ang kanilang mga pananagutan. Kamakailan, ginawa ko ito sa Kanlurang Aprika at sa Caribbean.
Noong mga huling taon ng dekada ng 1970, ang mga kapatid sa Denmark ay naghanap ng isang lugar kung saan maaaring itayo ang mas malaking pasilidad para sa dumaraming gawain ng pagsasalin at pag-iimprenta. Isang mainam na lote ang nakita mga 60 kilometro sa kanluran ng Copenhagen. Kasama ng iba pa, nagtrabaho ako sa pagpaplano at pagdidisenyo ng bagong pasilidad na ito, at kami ni Julie ay umasang titira na kasama ang pamilyang Bethel sa maganda at bagong tahanang ito. Gayunman, hindi gayon ang nangyari.
Balik sa Brooklyn
Noong Nobyembre 1980, kami ni Julie ay inanyayahang maglingkod sa Bethel sa Brooklyn, kung saan dumating kami noong pagsisimula ng Enero 1981. Kami noon ay malapit nang sumapit sa edad 60, at pagkatapos maglingkod nang halos kalahati ng aming buhay na kasama ng aming mahal na mga kapatid sa Denmark, hindi madali para sa amin na bumalik sa Estados Unidos. Gayunman, hindi namin inisip kung saan ang gusto namin kundi sinikap naming ituon ang aming pansin sa kasalukuyan naming mga atas at sa anumang hamon na inihaharap nito.
Dumating kami sa Brooklyn at nanirahan doon. Si Julie ay naatasan sa accounting office, na ginagawa ang katulad ng ginawa niya sa Denmark. Inatasan ako sa Writing Department upang tumulong sa pag-iiskedyul at pagpoproseso ng ating mga publikasyon. Ang unang mga taon ng dekada ng 1980 ay isang panahon ng pagbabago sa aming mga gawain
sa Brooklyn, yamang nagbago kami mula sa paggamit ng mga makinilya at typesetting sa mainit na tingga tungo sa computer processing at offset printing. Wala akong kaalam-alam tungkol sa mga computer, subalit may ilang kabatiran ako sa mga pamamaraang pang-organisasyon at paggawang kasama ng mga tao.Di-nagtagal pagkatapos nito, may pangangailangan na patibayin ang organisasyon ng Art Department habang nagbabago kami tungo sa full-color offset printing at sa paggamit ng mga larawan at litratong may kulay. Bagaman wala kong karanasan bilang isang dalubsining, makatutulong ako sa pag-oorganisa. Kaya nagkapribilehiyo ako na pangasiwaan ang departamentong iyon sa loob ng siyam na taon.
Noong 1992, naatasan akong tumulong sa Publishing Committee ng Lupong Tagapamahala at inilipat sa Treasurer’s Office. Dito ako patuloy na naglilingkod may kaugnayan sa pinansiyal na gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Paglilingkod Mula Pa sa Aking Pagkabata
Mula sa aking kamusmusan at sa loob ng 70 taon ng nakaalay na paglilingkod, matiyaga akong tinuruan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at ng matulunging mga kapatid sa kaniyang kahanga-hangang organisasyon. Nagtamasa ako ng mahigit na 63 taon sa buong-panahong ministeryo, mahigit na 55 ng mga taóng iyon ay kasama ng aking matapat na asawa, si Julie. Tunay, nadarama kong sagana akong pinagpala ni Jehova.
Noong 1940 nang umalis ako sa bahay upang maglingkod bilang payunir, tinuya ng aking ama ang desisyon ko at sinabi: “Anak, pag-alis mo sa bahay upang gawin iyan, huwag mong isiping makababalik ka upang humingi ng anumang tulong sa akin.” Sa lumipas na mga taon, hinding-hindi ko ginawa iyon. Bukas-palad na inilaan ni Jehova ang aking mga pangangailangan, kadalasan sa pamamagitan ng matulunging mga kapuwa Kristiyano. Nang maglaon, iginalang ng aking ama ang ating gawain, at sumulong pa nga siya sa pag-aaral ng katotohanan sa Bibliya bago siya namatay noong 1972. Si Inay, na may pag-asa sa makalangit na buhay, ay patuloy na naglingkod kay Jehova nang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1985, sa edad na 102.
Bagaman bumabangon ang mga problema sa buong-panahong ministeryo, hinding-hindi namin inisip ni Julie na iwan ang aming atas. Lagi kaming pinalalakas ni Jehova sa kapasiyahan naming ito. Kahit na noong tumatanda na ang aking mga magulang at nangangailangan ng tulong, nag-alok ng tulong ang kapatid ko, si Victoria Marlin, at may-kabaitang inalagaan sila. Lubusang kaming nagpapasalamat sa kaniyang maibiging suporta, na nakatulong sa amin upang makapagpatuloy sa buong-panahong ministeryo.
Matapat na sinuportahan ako ni Julie sa lahat ng aming atas, anupat minamalas ito bilang bahagi ng kaniya mismong pag-aalay kay Jehova. At kahit na ako ngayon ay 80 taóng gulang na at dumaranas ng ilang problema sa kalusugan, nadarama kong sagana akong pinagpala ni Jehova. Nakasusumpong ako ng labis na pampatibay-loob mula sa salmista na pagkatapos ipahayag na tinuruan siya ng Diyos mula pa sa kaniyang pagkabata ay nagsumamo, ‘Maging hanggang sa katandaan, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa kanila na darating ang tungkol sa iyong kalakasan.’—Awit 71:17, 18.
[Talababa]
^ par. 12 Si Warren ang nakatatandang kapatid ni Milton Henschel, na naglingkod sa loob ng maraming taon bilang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 20]
Kasama si Inay noong 1940, nang magsimula akong magpayunir
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ng mga kapuwa payunir na sina Joe at Margaret Hart
[Larawan sa pahina 23]
Sa araw ng aming kasal noong Enero 1948
[Larawan sa pahina 23]
Noong 1953, kasama ang mga kaklase ko sa Gilead. Mula kaliwa pakanan: Don at Virginia Ward, Geertruida Stegenga, kami ni Julie
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Frederick W. Franz at si Nathan H. Knorr sa Copenhagen, Denmark, 1961
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Julie ngayon