Ano Na ang Nangyari sa Kanila?
Ano Na ang Nangyari sa Kanila?
ANG Nop at No ay mga pangalan sa Bibliya para sa Memfis at Thebes na minsa’y naging mga kilalang kabisera ng Ehipto. Ang Nop (Memfis) ay mga 23 kilometro sa timog ng Cairo, sa kanlurang panig ng Ilog Nilo. Gayunman, nang maglaon, nawala ang Memfis sa katayuan nito bilang kabisera ng Ehipto. Pagsapit ng ika-15 siglo B.C.E., nagkaroon ng bagong kabisera ang Ehipto, ang No (Thebes), mga 500 kilometro sa timog ng Memfis. Kabilang sa maraming guho ng mga templo ng Thebes ay yaong sa Karnak, na itinuturing na pinakamalaking istrakturang itinayo na may mga haligi. Ang Thebes at ang templo nito sa Karnak ay inialay sa pagsamba kay Amon, ang pangunahing diyos ng mga Ehipsiyo.
Ano ang inihula ng Bibliya hinggil sa Memfis at Thebes? Ipinahayag ang hatol laban sa Paraon ng Ehipto at sa mga diyos nito, lalo na sa pangunahing diyos nito, si “Amon na mula sa No.” (Jeremias 46:25, 26) Ang pulutong ng mga mananamba na dumaragsa roon ay “lilipulin.” (Ezekiel 30:14, 15) At gayon nga ang nangyari. Ang natira na lamang sa pagsamba kay Amon ay mga guho ng templo. Ang makabagong bayan ng Luxor ay masusumpungan sa isang bahagi ng dakong kinaroroonan ng sinaunang Thebes, at may iba pang maliliit na nayon na umiiral sa mga lugar ng guho nito.
Kung tungkol naman sa Memfis, kaunti na lamang ang natira rito maliban sa mga sementeryo nito. Ganito ang sabi ng iskolar ng Bibliya na si Louis Golding: “Sa loob ng daan-daang taon, ginamit ng mga Arabeng lumupig sa Ehipto ang pagkalalaking guho ng Memfis bilang tibagan ng bato para sa pagtatayo ng kanilang kabisera [Cairo] sa kabilang panig ng ilog. Dahil sa lubus-lubusang pagkuha ng bato ng mga tagapagtayong Arabe at sa pagdaloy rito ng banlik ng Nilo, wala kang makikitang kahit isang nakausling bato sa ibabaw ng itim na lupa sa kilu-kilometrong kahabaan ng sinaunang lunsod.” Tunay nga, gaya ng inihula sa Bibliya, ang Memfis ay naging ‘isang bagay lamang na panggigilalasan na walang tumatahan.’—Jeremias 46:19.
Dalawa lamang ito sa maraming halimbawa na nagpapatunay sa katumpakan ng mga hula sa Bibliya. Ang pagkawasak ng Thebes at Memfis ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan upang magtiwala sa mga hula ng Bibliya na hindi pa natutupad.—Awit 37:10, 11, 29; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3-5.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Photograph taken by courtesy of the British Museum