Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
May kakayahan ba si Satanas na Diyablo na bumasa ng isip ng tao?
Bagaman hindi tayo maaaring maging dogmatiko, lumilitaw na si Satanas ni ang kaniyang mga demonyo ay walang kakayahang bumasa ng ating kaisipan.
Isaalang-alang ang naglalarawang mga pangalang iniukol kay Satanas. Siya ay tinatawag na Satanas (Mananalansang), Diyablo (Maninirang-puri), Serpiyente (singkahulugan ng Manlilinlang), Manunukso, at Sinungaling. (Job 1:6; Mateo 4:3; Juan 8:44; 2 Corinto 11:3; Apocalipsis 12:9) Wala sa naglalarawang mga pangalang ito ang nagpapahiwatig na si Satanas ay may kakayahang bumasa ng isip.
Gayunman, sa kabaligtaran, ang Diyos na Jehova ay inilarawan bilang “ang tagasuri ng mga puso.” (Kawikaan 17:3; 1 Samuel 16:7; 1 Cronica 29:17) “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin [ni Jehova],” ang sabi ng Hebreo 4:13, “kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” Hindi kataka-taka, ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang Anak na si Jesus ang kakayahang magsuri sa mga puso. Ang binuhay-muling si Jesus ay nagpahayag: “Ako ang siyang sumasaliksik ng mga bato at mga puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang ayon sa inyong mga gawa.”—Apocalipsis 2:23.
Hindi sinasabi ng Bibliya na maaaring saliksikin ni Satanas ang puso at isip ng mga tao. Mahalaga ito, yamang tiniyak sa atin ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay ‘hindi naman walang-alam sa mga pakana ni Satanas.’ (2 Corinto 2:11) Kaya hindi tayo dapat matakot na si Satanas ay may pambihirang katangian na hindi natin lubusang alam.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin na hindi kayang mabatid ng ating Kalaban ang ating mga kahinaan. Napag-aralan na ni Satanas sa loob ng napakahabang panahon ang paggawi ng mga tao. Hindi na niya kailangan pang mabasa ang ating isipan upang malaman kung anong klase ng paggawi ang ating ipinakikita, kung anong uri ng paglilibang ang itinataguyod natin, o mapakinggan kung anong mga bagay ang pinag-uusapan natin, at iba pa. Ang ekspresyon ng ating mukha at kilos ng ating katawan ay maaari ring magpahiwatig kung ano ang ating iniisip o nadarama.
Gayunman, sa pangkalahatan, ginagamit din ni Satanas ang mga paraang ginamit niya sa hardin ng Eden—ang kasinungalingan, panlilinlang, at maling impormasyon. (Genesis 3:1-5) Bagaman hindi kailangang ikatakot ng mga Kristiyano na babasahin ni Satanas ang kanilang isip, mayroon silang dahilan upang mabahala hinggil sa uri ng kaisipan na maaaring pagsikapang ipasok ni Satanas sa kanilang mga isip. Nais niyang ‘mapasamâ ang pag-iisip ng mga Kristiyano at maging salat sa katotohanan.’ (1 Timoteo 6:5) Hindi kataka-takang nagpalabas si Satanas ng napakaraming impormasyon at libangang nakasasamâ. Upang makatagal sa pagsalakay na ito, dapat ipagsanggalang ng mga Kristiyano ang kanilang isip sa pamamagitan ng pagsusuot ng “helmet ng kaligtasan.” (Efeso 6:17) Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpunô sa kanilang isipan ng mga katotohanan sa Bibliya at pag-iwas sa di-kinakailangang pakikipag-ugnayan sa hindi kanais-nais na mga elemento ng sanlibutan ni Satanas.
Si Satanas ay isang kakila-kilabot na kaaway. Subalit hindi tayo kailangang magkaroon ng malagim na pagkatakot sa kaniya o sa kaniyang mga demonyo. Tinitiyak sa atin ng Santiago 4:7: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” Kung susundin natin ang payong ito, maipahahayag natin, kagaya ni Jesus, na si Satanas ay walang kapangyarihan sa atin.—Juan 14:30.