Kaugalian Lamang ba o Panunuhol?
Kaugalian Lamang ba o Panunuhol?
SA ILANG kolehiyo sa Poland, kinaugalian na ng mga estudyante na mangolekta ng pera upang bumili ng mga regalo para sa kanilang mga guro, sa pag-asang magkakaroon sila ng mas mataas na grado sa kanilang mga pagsusulit. Hindi kataka-taka na ang isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Katarzyna ay napaharap sa isang mahirap na kalagayan. “Dapat ba akong magbigay ng pera o hindi?” ang inisip-isip niya. Ang kaniyang mga kamag-aral ay nangatuwiran: “Pangkaraniwan na ito. Wala namang mawawala sa iyo, kundi malaki pa nga ang magiging pakinabang mo, kaya bakit ka nagdududa?”
“Inaamin ko na sa unang taon ng aking pag-aaral, sumali ako sa pangongolekta ng pera,” ang sabi ni Katarzyna. “Nang dakong huli ko lamang napagtanto na sa ganitong paraan ay sinuportahan ko pala ang panunuhol, na hinahatulan sa Bibliya.” Kaniyang naalaala ang mga kasulatang nagpapakita na hinding-hindi sumasang-ayon si Jehova sa panunuhol. (Deuteronomio 10:17; 16:19; 2 Cronica 19:7) Sinabi ni Katarzyna: “Naunawaan ko kung gaano kadaling madaig ng panggigipit ng mga kasamahan. Pinag-isipan ko itong muli at mula noon ay hindi na ako muling nakibahagi sa kaugaliang ito.” Sa nakaraang huling tatlong taon, sa kabila ng panunuya ng iba pang mga estudyante, naipaliwanag niya sa ilan na hindi siya nakikibahagi sa pangongolekta ng mga “regalong” ito dahil sa kaniyang salig-Bibliyang mga paniniwala.
Inakusahan ng ilan si Katarzyna ng kasakiman at sinabi nilang hindi siya marunong makisama. “Hindi ko pa rin mapakisamahang mabuti ang ilan sa kanila,” ang sabi niya. “Sa kabilang panig, iginagalang ng marami ang aking punto-de-vista, na ikinatutuwa ko.” Si Katarzyna ay nakilala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, na sumusunod sa mga simulain ng Bibliya sa araw-araw na pamumuhay.