Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglilingkod Sila sa Kristiyanong Kapatiran sa Ibang Bansa

Naglilingkod Sila sa Kristiyanong Kapatiran sa Ibang Bansa

Naglilingkod Sila sa Kristiyanong Kapatiran sa Ibang Bansa

NARINIG mo na ba ang mga terminong “internasyonal na mga lingkod” at “internasyonal na mga boluntaryo”? Ang mga Saksi ni Jehova na bumubuo sa mga grupong ito ay nagboboluntaryo ng kanilang panahon at kakayahan upang tumulong sa pagtatayo ng mga pasilidad na nag-iimprenta at namamahagi ng mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian. Ang mga boluntaryong ito ay tumutulong din sa pagtatayo ng mga Assembly Hall at mga Kingdom Hall, na nagsisilbing mga sentro ng pagtuturo sa Bibliya. Sa kasalukuyan, ang mga boluntaryong ito ay tumutulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa 34 na bansa pangunahin na sa mga lupaing limitado ang pananalapi. Anu-anong partikular na hamon at kagalakan ang nararanasan ng mga ministrong ito habang naglilingkod sila sa Kristiyanong kapatiran sa ibang bansa? Ano kaya ang nadarama nila sa “sagradong paglilingkod” na kanilang ginagawa? (Apocalipsis 7:9, 15) Upang malaman ito, makipagkilala tayo sa ilang boluntaryong naglingkod sa Mexico.

Dumating sa Mexico ang mga boluntaryo mula sa ibang bansa noong Mayo 1992. Di-nagtagal pagkatapos nito, nanguna sila sa pagpapalawak ng sangay, na nangangasiwa sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Kabilang sa pagpapalawak na ito ang 14 na bagong tayóng mga gusali, kasali na ang mga tirahan ng mga boluntaryong naglilingkod sa tanggapang pansangay, isang palimbagan, at isang gusali para sa opisina.

Upang tumulong sa proyektong ito ng pagtatayo, mahigit sa 730 boluntaryo mula sa Canada, Estados Unidos, Gran Britanya, at iba pang bansa ang balikatang naglingkod kasama ang daan-daang boluntaryo mula sa lahat ng bahagi ng Mexico. Karagdagan pa, mahigit sa 28,000 Saksing kaugnay sa mga 1,600 kongregasyong malapit sa tanggapang pansangay ang tumulong sa mga gawain sa konstruksiyon sa mga dulo ng sanlinggo. Ang lahat ay kusang-loob na naglingkod at naghandog ng kanilang mga kakayahan nang walang bayad. Itinuring nilang isang pribilehiyo na paglingkuran si Jehova sa ganitong paraan. Sa buong panahon ng proyekto ng pagtatayo, palagi nilang isinasaisip ang kinasihang mga salita na masusumpungan sa Awit 127:1: “Malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito.”

Mga Hamong Napaharap sa Kanila

Anu-anong hamon ang napaharap sa internasyonal na mga boluntaryo habang sila’y naglilingkod sa ibang bansa? Narito ang ilan sa kanilang mga obserbasyon. Ang mag-asawang taga-Estados Unidos na sina Curtis at Sally ay tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa Alemanya, India, Mexico, Paraguay, Romania, Russia, Senegal, at Zambia. Inilahad ni Curtis: “Ang unang hamon ay ang pag-iwan sa aming anak na babae, na naglilingkod noon bilang isang payunir [buong-panahong ministro], at sa aming kongregasyon sa Minnesota. Kaming mag-asawa ay 24 na taon nang kaugnay sa kongregasyong iyon, at palagay na palagay na ang aming loob doon.”

Ang sabi ni Sally: “Ang paninirahan sa bagong mga kalagayan ay isang hamon, marahil lalo na sa babae kaysa sa lalaki, pero napag-alaman kong posible naman palang makibagay. Nasanay na rin nga ako sa mga insekto, sa napakaraming insekto!” Dagdag pa niya: “Sa isang bansa, sampu kaming boluntaryo na sama-sama sa isang apartment na walang kusina at dalawa lamang ang banyo. Natuto ako roon na maging pasensiyosa.”

Ang pag-aaral ng isang bagong wika ay isa pang hamon na nangangailangan ng pagsisikap at kapakumbabaan. Si Sharon, na naglingkod sa mga proyekto ng pagtatayo sa iba’t ibang bansa kasama ang kaniyang asawa, ay nagsabi: “Isang hamon ang kawalan ng kaalaman sa wika ng bansang pinaglilingkuran mo. Sa pasimula, mahirap mapalapit sa iyong espirituwal na mga kapatid kung hindi mo malayang nasasabi ang iyong niloloob. Nakalulungkot iyan. Pero ang mga kapatid na nakikilala namin sa aming atas sa ibang bansa ay napakatiyaga naman at labis na nagmamalasakit sa aming kapakanan. Di-nagtagal, nag-uusap na kami sa paanuman.”

Kailangan ang Lakas ng Loob sa Pakikibahagi sa Ministeryo

Bagaman malaki ang naitutulong ng mapagsakripisyong mga boluntaryo sa pagpapatuloy ng gawaing pagtatayo, batid nila na sila, higit sa lahat, ay mga mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa gayon, lubusan nilang sinusuportahan ang gawaing pangangaral na isinasagawa ng mga kongregasyong kinauugnayan nila. Inamin nina Åke at Ing-Mari, isang mag-asawang tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa Guadeloupe, Malawi, Mexico, at Nigeria, na ang paggamit ng ibang wika kapag nakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay nangangailangan ng lakas ng loob.

Inilahad ni Ing-Mari: “Noong una ay limitado lamang ang aming pakikibahagi, yamang parati kaming may kasamang mga Saksi na tagaroon at, dahil nahihiya kami, madalas na sila na lamang ang aming pinagsasalita. Subalit isang umaga, ipinasiya naming lumabas sa paglilingkod sa larangan nang kaming dalawa lamang. Nanginginig ang aming mga tuhod at kumakabog ang mga dibdib namin. May nakatagpo kaming isang kabataang babae na nakinig sa aking inihandang presentasyon. Bumasa ako ng isang teksto at nakapagpasakamay ng ilang literatura. Pagkatapos ay sinabi ng babae: ‘May itatanong po sana ako sa inyo. Alam ninyo, mayroon po akong kamag-anak na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Paano kaya ako makapag-aaral din?’ Nabigla ako. Pagkatapos ay kinalma ko ang aking sarili at inalukan ko siya ng isang pag-aaral sa Bibliya.”

Dagdag pa ni Ing-Mari: “Isipin na lamang ang aking kagalakan at ang aking pasasalamat kay Jehova dahil pinagpala niya ang aming pagkukusa at pagnanais na maibahagi ang katotohanan.” Napakahusay ng pagsulong ng babaing ito at nabautismuhan siya bilang isang Saksi sa isang pandistritong kombensiyon sa Mexico City. Ganito binuod nina Åke at Ing-Mari ang kanilang ministeryo: “Mahalagang-mahalaga sa amin ang mga atas namin sa iba’t ibang proyekto ng pagtatayo, pero walang makahihigit sa kagalakan at kasiyahang dulot ng pagtulong sa isang tao na yakapin ang katotohanan.”

Isang Mapagsakripisyong Espiritu

Totoo, nagsasakripisyo ang mga boluntaryong umiiwan sa kanilang pamilya at mga kaibigan upang maglingkod sa kanilang mga kapatid sa ibang lupain, subalit nagtatamasa rin sila ng walang-kahulilip na kagalakan. Anu-ano ang mga ito?

Si Howard, na naglingkod kasama ang kaniyang asawang si Pamela sa Angola, Colombia, Ecuador, El Salvador, Guyana, Mexico, at Puerto Rico, ay nagpaliwanag: “Isang pribilehiyong makilala ang mga kapatid sa iba’t ibang bansa at maranasan mismo ang buklod ng pag-ibig na umiiral sa ating internasyonal na kapatiran. Madalas natin itong mabasa, pero kapag ikaw ay nanirahan at naglingkod kasama ng iba mula sa ibang kultura at pinagmulan, lalo mong pahahalagahan ang ating pinakamamahal na kapatiran.”

Si Gary, na tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo sa Colombia, Costa Rica, Ecuador, Mexico, at Zambia, ay nakadarama rin na nakinabang siya nang malaki sa programang ito. Inilahad niya: “Ang pagsasanay na tinanggap ko sa nakalipas na mga taon sa pakikisama sa may-gulang na mga kapatid na naglilingkod sa mga sangay sa mga bansang pinag-atasan sa akin ay nakatulong sa akin upang higit na masangkapan sa mga hamon sa aking mga atas. Ito’y nakapagpapatibay ng pananampalataya dahil naglalaan ito ng pagkakataon na maranasan ang pagkakaisa na siyang katangian ng pandaigdig na organisasyon ni Jehova​—isang pagkakaisang dumaraig sa pagkakaiba-iba ng wika, lahi, o kultura.”

Samantala, natapos na ang pagtatayo sa Mexico, at naialay na sa taóng ito ang pinalawak na mga pasilidad ng sangay. Dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos, napakalaki ng naitulong ng internasyonal na mga boluntaryo sa pagpapalawak ng tunay na pagsamba sa Mexico at sa iba pang lugar. Ang kanilang kusang-loob at mapagsakripisyong espiritu na paglingkuran ang kanilang mga kapatid na Kristiyano sa ibang bansa ay lubos na pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.

[Larawan sa pahina 25]

Ecuador

[Larawan sa pahina 25]

Colombia

[Larawan sa pahina 25]

Angola

[Larawan sa pahina 26]

Nagsimula ang gawain sa mga bagong pasilidad sa sangay ng Mexico

[Larawan sa pahina 26]

Ang hardin sa sangay

[Larawan sa pahina 26]

Sa ibaba: Ilang miyembro ng Construction Department sa harap ng bahagi ng mga bagong pasilidad

[Larawan sa pahina 27]

Nasisiyahan ang mga boluntaryo sa pagtatayo sa pagsuporta sa gawaing pangangaral kasama ng lokal na mga kongregasyon