Itinatanong Mo ba Kung “Nasaan si Jehova?”
Itinatanong Mo ba Kung “Nasaan si Jehova?”
“Lumayo sila sa akin . . . At hindi nila sinabi, ‘Nasaan si Jehova?’”—JEREMIAS 2:5, 6.
1. Kapag itinatanong ng mga tao kung “Nasaan ang Diyos?,” ano ang maaaring nasa isip nila?
“NASAAN ang Diyos?” Itinatanong iyan ng maraming tao. Ang ilan sa kanila ay nagsisikap lamang na unawain ang saligang katotohanan hinggil sa Maylalang, samakatuwid nga, saan ba siya naroroon? Ibinabangon naman ng iba ang tanong na iyan pagkatapos ng isang malaking kalamidad o kapag personal silang nahihirapan at hindi nila maunawaan kung bakit hindi nakialam ang Diyos. Ang iba naman ay hindi na talaga nagtatanong dahil tinatanggihan nila ang mismong ideya na umiiral ang Diyos.—Awit 10:4.
2. Sino ang mga nagtagumpay sa kanilang paghahanap sa Diyos?
2 Siyempre pa, kinikilala ng marami ang saganang patotoo na may Diyos. (Awit 19:1; 104:24) Ang ilan sa mga ito ay kontento na lamang sa pagkakaroon ng relihiyon. Ngunit ang masidhing pag-ibig sa katotohanan ang nag-udyok naman sa milyun-milyong iba pa, mula sa lahat ng lupain, na hanapin ang tunay na Diyos. Hindi nawalan ng saysay ang kanilang pagsisikap sapagkat “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:26-28.
3. (a) Saan ang dakong tirahan ng Diyos? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng maka-Kasulatang tanong na “Nasaan si Jehova?”
3 Kapag talagang nasumpungan ng isang tao si Jehova, natatanto niya na ang “Diyos ay Espiritu,” di-nakikita ng mga mata ng tao. (Juan 4:24) Tinukoy ni Jesus ang tunay na Diyos bilang ang “aking Ama na nasa langit.” Ano ang ibig sabihin nito? Na ang dakong tinitirhan ng ating makalangit na Ama ay, sa espirituwal na diwa, isang matayog na dako, kung paanong ang pisikal na langit sa kalawakan ay mas mataas sa lupa. (Mateo 12:50; Isaias 63:15) Gayunman, bagaman hindi natin nakikita ang Diyos sa pamamagitan ng ating pisikal na mga mata, ginagawa niyang posible para sa atin na makilala siya at malaman nang higit ang kaniyang mga layunin. (Exodo 33:20; 34:6, 7) Sinasagot niya ang mga tanong na ibinabangon ng taimtim na mga tao na nagnanais masumpungan ang kahulugan ng buhay. Pagdating naman sa mga bagay na nakaaapekto sa ating buhay, naglalaan siya ng maaasahang saligan upang malaman natin ang kaniyang pananaw, samakatuwid nga, kung paano niya minamalas ang gayong mga bagay at kung ang ating mga hangarin ay kasuwato ng kaniyang mga layunin. Nais niyang magtanong tayo hinggil sa gayong mga bagay at marubdob na magsikap na hanapin ang mga sagot. Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, sinaway ni Jehova ang bayan ng sinaunang Israel dahil hindi nila ginawa ito. Alam nila ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi nila itinanong kung “Nasaan si Jehova?” (Jeremias 2:6) Hindi pangunahin sa kanila ang layunin ni Jehova. Hindi nila hinanap ang kaniyang patnubay. Kapag napaharap sa mga pasiya, malalaki man o maliliit, itinatanong mo ba kung “Nasaan si Jehova?”
Yaong mga Sumangguni sa Diyos
4. Paano tayo makikinabang sa halimbawa ni David hinggil sa pagsangguni kay Jehova?
4 Nang siya ay kabataan pa, nalinang ni David, na anak ni Jesse, ang matibay na pananampalataya kay Jehova. Kilala niya si Jehova bilang ang “Diyos na buháy.” Personal na naranasan ni David ang proteksiyon ni Jehova. Udyok ng pananampalataya at ng pag-ibig sa “pangalan ni Jehova,” pinatay ni David ang lubhang nasasandatahang higanteng Filisteo na si Goliat. (1 Samuel 17:26, 34-51) Gayunman, hindi nagtiwala sa sarili si David dahil sa tagumpay niya. Hindi siya nangatuwiran na pagpapalain naman siya ni Jehova anuman ang kaniyang gawin mula noon. Sa mga taóng lumipas pagkatapos nito, paulit-ulit na sumangguni si David kay Jehova nang mapaharap siya sa mga pagpapasiya. (1 Samuel 23:2; 30:8; 2 Samuel 2:1; 5:19) Patuloy siyang nanalangin: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan. Sa iyo ako umaasa buong araw.” (Awit 25:4, 5) Kay-inam na halimbawa upang sundin natin!
5, 6. Paano hinanap ni Jehosapat si Jehova sa iba’t ibang pagkakataon sa kaniyang buhay?
5 Noong kapanahunan ni Haring Jehosapat, ang ikalimang hari ng maharlikang linya na nagmula kay David, bumangon ang pinagsamang mga puwersa ng tatlong bansa upang makipagdigma laban sa Juda. Dahil sa napaharap sa pambansang kagipitang ito, “itinalaga [ni Jehosapat] ang kaniyang mukha upang hanapin si Jehova.” (2 Cronica 20:1-3) Hindi ito ang unang pagkakataon na hinanap ni Jehosapat si Jehova. Iniwasan na ng hari ang pagsamba kay Baal na isinasagawa ng apostatang hilagang kaharian ng Israel at pinili niyang lumakad sa mga daan ni Jehova. (2 Cronica 17:3, 4) Kaya paano ‘hinanap ni Jehosapat si Jehova’ ngayong napaharap siya sa isang krisis?
6 Sa isang pangmadlang panalangin na kaniyang sinambit sa Jerusalem sa kritikal na panahong ito, ipinahiwatig ni Jehosapat na natatandaan niya ang walang-kapantay na kapangyarihan ni Jehova. Pinag-isipan niyang mabuti ang layunin ni Jehova gaya ng isiniwalat ng pagtataboy Niya sa ibang mga bansa at pagbibigay ng tiyak na lupa sa Israel bilang mana. Kinilala ng hari na kailangan niya ang tulong ni Jehova. (2 Cronica 20:6-12) Hinayaan ba ni Jehova na masumpungan siya sa pagkakataong ito? Oo, tunay ngang gayon. Sa pamamagitan ni Jahaziel, isang Levita, nagbigay si Jehova ng espesipikong tagubilin, at nang sumunod na araw ay pinagkalooban Niya ng tagumpay ang Kaniyang bayan. (2 Cronica 20:14-28) Paano ka makatitiyak na hahayaan din ni Jehova na masumpungan mo siya kapag bumaling ka sa kaniya ukol sa patnubay?
7. Kaninong mga panalangin ang dinirinig ng Diyos?
7 Hindi nagtatangi si Jehova. Inaanyayahan niya ang mga tao mula sa lahat ng bansa na hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin. (Awit 65:2; Gawa 10:34, 35) Nababatid niya ang nasa puso ng mga nagsusumamo sa kaniya. Tinitiyak niya sa atin na kaniyang dinirinig ang mga panalangin ng mga matuwid. (Kawikaan 15:29) Hinahayaan niyang masumpungan siya ng ilan na dati ay hindi nagpakita ng interes sa kaniya ngunit ngayon ay mapagpakumbabang nagnanais ng kaniyang patnubay. (Isaias 65:1) Dinirinig pa nga niya ang mga panalangin ng mga hindi sumunod sa kaniyang kautusan ngunit ngayon ay mapagpakumbabang nagsisisi. (Awit 32:5, 6; Gawa 3:19) Gayunman, kung ang puso ng isang tao ay hindi nagpapasakop sa Diyos, walang kabuluhan ang mga panalangin ng taong iyon. (Marcos 7:6, 7) Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Nanalangin Sila Ngunit Hindi Sila Sinagot
8. Bakit hindi naging katanggap-tanggap kay Jehova ang mga panalangin ni Haring Saul?
8 Pagkatapos sabihan ni propeta Samuel si Haring Saul na itinakwil na siya ng Diyos dahil sa kaniyang pagsuway, nagpatirapa si Saul kay Jehova. (1 Samuel 15:30, 31) Ngunit pakitang-tao lamang ito. Ang hangad ni Saul ay, hindi ang maging masunurin sa Diyos, kundi ang maparangalan sa harap ng bayan. Nang maglaon, nang ang mga Filisteo ay nakikipagdigma laban sa Israel, sumangguni si Saul kay Jehova bilang pormalidad lamang. Gayunman, nang wala siyang matanggap na anumang sagot, sumangguni siya sa isang espiritista, bagaman alam niya na hinahatulan ito ni Jehova. (Deuteronomio 18:10-12; 1 Samuel 28:6, 7) Sa maikli, ganito ang sinabi ng 1 Cronica 10:14 hinggil kay Saul: “Hindi siya sumangguni kay Jehova.” Bakit? Sapagkat ang mga panalangin ni Saul ay hindi nakasalig sa pananampalataya. Kaya parang hindi na rin siya nanalangin.
9. Ano ang mali sa pamamanhik ni Zedekias ukol sa patnubay ni Jehova?
9 Sa katulad na paraan, habang papalapit ang wakas ng kaharian ng Juda, marami pang panalangin ang sinambit, at kinonsulta ang mga propeta ni Jehova. Gayunman, pinaghahalo ng bayan ang idolatriya at ang inaangkin nilang pagpipitagan kay Jehova. (Zefanias 1:4-6) Bagaman gumagawa sila ng mga hakbang upang masabing sumasangguni sila sa Diyos, hindi nila inihanda ang kanilang mga puso upang taimtim na sundin ang kaniyang kalooban. Namanhik si Haring Zedekias kay Jeremias upang sumangguni ito kay Jehova para sa kaniya. Sinabi na ni Jehova sa hari kung ano ang dapat niyang gawin. Subalit dahil wala siyang pananampalataya at nagpadala sa takot sa tao, hindi sinunod ng hari ang tinig ni Jehova, at walang ibinigay na sagot si Jehova na nagustuhan ng hari.—Jeremias 21:1-12; 38:14-19.
10. Ano ang mali sa paraan ng paghingi ni Johanan ng patnubay ni Jehova, at ano ang matututuhan natin mula sa kaniyang pagkakamali?
10 Pagkatapos na mawasak ang Jerusalem at umalis ang hukbo ng Babilonya kasama ang mga tapong Judio, naghanda si Johanan upang dalhin sa Ehipto ang isang maliit na grupo ng mga Judio na naiwan sa Juda. Gumawa sila ng mga plano, ngunit bago sila umalis, hiniling nilang manalangin si Jeremias alang-alang sa kanila at humingi ng patnubay mula kay Jehova. Gayunman, nang hindi nila makuha ang sagot na gusto nilang marinig, ipinagpatuloy nila at isinagawa pa rin ang kanilang plano. (Jeremias 41:16–43:7) Nakikita mo ba sa mga pangyayaring ito ang mga aral na mapapakinabangan mo upang kapag hinanap mo ang mukha ni Jehova ay hahayaan niyang masumpungan mo siya?
‘Patuloy na Tiyakin’
11. Bakit natin kailangang ikapit ang Efeso 5:10?
11 Ang tunay na pagsamba ay nagsasangkot hindi lamang ng pagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng ating pag-aalay, pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, at pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo. Nasasangkot dito ang ating buong paraan ng pamumuhay. Araw-araw, napapaharap tayo sa mga panggigipit—ang ilan ay di-halata, ang ilan ay kapansin-pansin—na maaaring maglihis sa atin mula sa landas na kasuwato ng makadiyos na debosyon. Paano natin haharapin ang mga ito? Nang sumulat siya sa tapat na mga Kristiyano sa Efeso, hinimok sila ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Ang karunungan ng paggawa nito ay inilalarawan ng maraming situwasyong iniulat sa Kasulatan.
12. Bakit hindi nalugod si Jehova nang ilipat ni David sa Jerusalem ang kaban ng tipan?
12 Pagkatapos maibalik ang kaban ng tipan sa Israel at maingatan sa loob ng maraming taon sa Kiriat-jearim, hinangad ni Haring David na ilipat ito sa Jerusalem. Sumangguni siya sa mga pinuno ng bayan at sinabi na ililipat ang Kaban ‘kung waring mabuti ito sa kanila at kaayaaya ito kay Jehova.’ Ngunit hindi sapat ang paghahanap niya kay Jehova upang matiyak ang kalooban Niya sa bagay na ito. Kung ginawa niya iyon, hindi sana isinakay sa karwahe ang Kaban. Binuhat sana ito ng mga Kohatitang Levita sa kanilang mga balikat, gaya ng malinaw na iniutos ng Diyos. Bagaman madalas na sumangguni si David kay Jehova, hindi niya ginawa iyon sa wastong paraan sa pagkakataong ito. Kapaha-pahamak ang resulta. Nang maglaon ay inamin ni David: “Sumiklab ang galit ni Jehova na ating Diyos laban sa atin, sapagkat hindi natin siya 1 Cronica 13:1-3; 15:11-13; Bilang 4:4-6, 15; 7:1-9.
hinanap ayon sa kaugalian.”—13. Anong paalaala ang inilakip sa isang awiting inawit noong matagumpay na nailipat ang Kaban?
13 Nang sa wakas ay mailipat ng mga Levita ang Kaban mula sa bahay ni Obed-edom tungo sa Jerusalem, inawit ang awiting kinatha ni David. Kalakip dito ang taos-pusong paalaala: “Saliksikin ninyo si Jehova at ang kaniyang lakas, lagi ninyong hanapin ang kaniyang mukha. Alalahanin ninyo ang kaniyang mga kamangha-manghang pagkilos na kaniyang isinagawa, ang kaniyang mga himala at ang mga hudisyal na pasiya ng kaniyang bibig.”—1 Cronica 16:11, 12.
14. Paano tayo makikinabang sa mabuting halimbawa ni Solomon at sa kaniyang mga pagkakamali sa kaniyang buhay nang maglaon?
14 Bago siya mamatay, pinayuhan ni David ang kaniyang anak na si Solomon: “Kung hahanapin mo [si Jehova], hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Nang lumuklok na siya sa trono, si Solomon ay nagpunta sa Gibeon, ang kinaroroonan ng tolda ng kapisanan, at naghandog kay Jehova. Doon ay inanyayahan ni Jehova si Solomon: “Humingi ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?” Bilang tugon sa hiling ni Solomon, bukas-palad na ibinigay sa kaniya ni Jehova ang karunungan at kaalaman upang humatol sa Israel, at dinagdagan pa Niya ito ng kayamanan at karangalan. (2 Cronica 1:3-12) Sa pamamagitan ng arkitektural na planong inilaan ni Jehova kay David, nagtayo si Solomon ng isang maringal na templo. Ngunit pagdating sa kaniyang pag-aasawa, hindi hinanap ni Solomon si Jehova. Pinakasalan ni Solomon ang mga babaing hindi mga mananamba ni Jehova. Sa kaniyang huling mga taon, ikiniling nila palayo ang kaniyang puso mula kay Jehova. (1 Hari 11:1-10) Gaanuman tayo kaprominente, karunong, o gaanuman karami ang ating nalalaman, mahalaga na ‘patuloy na tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon’!
15. Nang bumangon si Zera na Etiope upang lumaban sa Juda, bakit makapananalangin si Asa nang may pagtitiwala na ililigtas ni Jehova ang Juda?
15 Ang pangangailangang ito ay lalo pang idiniin sa ulat ng paghahari ni Asa, isang apo sa tuhod ni Solomon. Labing-isang taon pagkatapos na gawing hari si Asa, pinangunahan ni Zera na Etiope ang isang hukbong may isang milyon katao laban sa Juda. Ililigtas kaya ni Jehova ang Juda? Mahigit na 500 taon na ang nakalilipas, maliwanag na sinabi ni Jehova ang maaasahan ng kaniyang bayan kung makikinig sila sa kaniya at susundin ang kaniyang mga utos at ang kanilang maaasahan kung hindi nila ito gagawin. (Deuteronomio 28:1, 7, 15, 25) Sa pasimula ng kaniyang pamamahala, inalis ni Asa sa kaniyang kaharian ang mga altar at mga haliging ginamit sa huwad na pagsamba. Hinimok niya ang bayan na “hanapin si Jehova.” Hindi na hinintay pa ni Asa na mapaharap siya sa kalamidad bago niya gawin iyon. Kaya taglay ang pananampalataya kay Jehova, makapananalangin si Asa sa kaniya upang kumilos Siya alang-alang sa kanilang kapakanan. Ano ang resulta? Pinagkalooban ang Juda ng isang malaking tagumpay.—2 Cronica 14:2-12.
16, 17. (a) Bagaman si Asa ay nagtagumpay, anong paalaala ang ibinigay ni Jehova sa kaniya? (b) Nang kumilos si Asa nang may-kamangmangan, anong tulong ang ibinigay sa kaniya, ngunit paano siya tumugon? (c) Paano tayo makikinabang sa pagsasaalang-alang sa naging paggawi ni Asa?
16 Gayunpaman, nang matagumpay na bumalik si Asa, ipinadala ni Jehova si Azarias upang salubungin ang hari at sabihin: “Dinggin ninyo ako, O Asa at buong Juda at Benjamin! Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya; at kung hahanapin ninyo siya, hahayaan niyang siya ay masumpungan ninyo, ngunit kung iiwan ninyo siya ay iiwan niya kayo.” (2 Cronica 15:2) Taglay ang panibagong sigasig, itinaguyod ni Asa ang tunay na pagsamba. Ngunit pagkalipas ng 24 na taon, nang mapaharap uli sa digmaan, hindi hinanap ni Asa si Jehova. Hindi niya kinonsulta ang Salita ng Diyos, at hindi niya inalaala ang ginawa ni Jehova nang salakayin ng hukbo ng mga Etiope ang Juda. May-kamangmangan siyang nakipag-alyansa sa Sirya.—2 Cronica 16:1-6.
17 Dahil dito, ipinadala ni Jehova si Hanani na tagakita upang sawayin si Asa. Maaari na sanang makinabang si Asa sa pagkakataong iyon nang ipaliwanag ang pangmalas ni Jehova sa ginawa ng hari. Sa halip, nagalit ang hari at ipinalagay si Hanani sa bahay ng mga pangawan. (2 Cronica 16:7-10) Kaylungkot nga nito! Kumusta naman tayo? Hinahanap ba natin ang Diyos ngunit tumatanggi naman tayong tumanggap ng payo? Kapag ginagamit ng isang nababahala at nagmamalasakit na matanda ang Bibliya upang payuhan tayo dahil nasisilo na tayo ng sanlibutan, nagpapakita ba tayo ng pagpapahalaga sa maibiging tulong na ibinibigay sa atin upang malaman “kung ano ang kaayaaya sa Panginoon”?
Huwag Mong Kalilimutang Itanong Kung Nasaan si Jehova
18. Paano tayo makikinabang sa mga salita ni Elihu kay Job?
18 Kapag nakadarama ng kaigtingan, maaaring makagawa ng pagkukulang maging ang isa na nakagawa na ng mainam na rekord sa paglilingkod kay Jehova. Nang dapuan si Job ng isang nakapandidiring sakit, mawalan ng mga anak at ng kaniyang materyal na ari-arian, at may-kamaliang paratangan ng kaniyang mga kasamahan, naituon niya ang kaniyang mga kaisipan sa kaniyang sarili. Ipinaalaala sa kaniya ni Elihu: “Walang sinumang nagsasabi, ‘Nasaan ang Diyos na aking Dakilang Maylikha?’” (Job 35:10) Kailangang ituon ni Job ang kaniyang pansin kay Jehova at isaalang-alang kung paano Niya minamalas ang situwasyon. Mapagpakumbabang tinanggap ni Job ang paalaalang iyon, at ang kaniyang halimbawa ay makatutulong sa atin na gawin din ang gayon.
19. Ano ang madalas na hindi ginagawa ng bayan ng Israel?
19 Alam ng bayan ng Israel ang ulat ng mga pakikitungo ng Diyos sa kanilang bansa. Subalit napakadalas nilang malimutan ang mga ito kapag napapaharap sila sa espesipikong mga situwasyon sa kanilang buhay. (Jeremias 2:5, 6, 8) Nang mapaharap sa mga pasiya sa buhay, itinaguyod nila ang kanilang sariling kaluguran sa halip na magtanong kung “Nasaan si Jehova?”—Isaias 5:11, 12.
Patuloy na Itanong Kung “Nasaan si Jehova?”
20, 21. (a) Sino sa ngayon ang nagpakita ng espiritu ni Eliseo sa paghahanap ng patnubay ni Jehova? (b) Paano natin matutularan at mapapakinabangan ang kanilang halimbawa ng pananampalataya?
20 Nang matapos ang pangmadlang ministeryo ni Elias, kinuha ng kaniyang tagapaglingkod na si Eliseo ang opisyal na kasuutan na nahulog mula kay Elias, nagtungo sa Jordan, hinampas ang tubig, at nagtanong: “Nasaan si Jehova na Diyos ni Elias, Siya mismo?” (2 Hari 2:14) Sumagot si Jehova na ipinakikita na ang kaniyang espiritu ay napunta na kay Eliseo. Ano ang matututuhan natin dito?
21 May nakakahawig na pangyayari iyan sa modernong Hebreo 13:7) Kung oo, mananatili tayong malapit sa organisasyon ni Jehova, tutugon sa patnubay nito, at lubusang makikibahagi sa gawain na isinasakatuparan nito sa ilalim ng direksiyon ni Jesu-Kristo.—Zacarias 8:23.
panahon. Pumanaw na ang ilang pinahirang Kristiyano na nanguna sa gawaing pangangaral. Yaon namang mga pinagkatiwalaan ng pangangasiwa ang nagsuri sa Kasulatan at nanalangin kay Jehova ukol sa patnubay. Palagi silang nagtatanong kung “Nasaan si Jehova?” Bunga nito, patuloy na inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan at pinagpapala ang kanilang gawain. Tinutularan ba natin ang kanilang pananampalataya? (Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang dapat nating maging intensiyon sa pagtatanong kung “Nasaan si Jehova?”
• Paano natin masusumpungan sa ngayon ang sagot sa tanong na “Nasaan si Jehova?”
• Bakit hindi sinasagot ang ilang panalangin ukol sa patnubay ng Diyos?
• Anu-anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na kailangang
‘patuloy na tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Paano hinanap ni Haring Jehosapat si Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
Bakit sumangguni si Saul sa isang espiritista?
[Mga larawan sa pahina 12]
Manalangin, mag-aral, at magbulay-bulay upang matiyak kung “nasaan si Jehova”