Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Gusto Mong Itanong sa Diyos?

Ano ang Gusto Mong Itanong sa Diyos?

Ano ang Gusto Mong Itanong sa Diyos?

ANG mga tao sa buong lupa ay may seryosong mga tanong tungkol sa buhay. Mayroon ka rin bang gayong mga tanong? Iniharap ng marami ang kanilang mga tanong sa mga tagapagturo ng relihiyon pero wala silang natanggap na kasiya-siyang mga sagot. Binulay-bulay naman ng iba ang mga tanong na ito nang sarilinan. Ang ilan ay nanalangin ukol sa patnubay. Maaari mo ba talagang malaman ang mga sagot mula sa Diyos hinggil sa mga bagay na nakalilito sa iyo? Ito ang ilan sa mga gustong itanong ng maraming tao sa Diyos.

O Diyos, sino ka ba talaga?

Ang pangmalas ng mga tao sa Diyos ay naiimpluwensiyahan ng kanilang kultura, ng relihiyon ng kanilang mga magulang, at marahil ng kanilang sariling pasiya. Pinapangalanan ng ilang tao ang Diyos na ito; tinatawag naman siya ng iba na basta Diyos. Talaga bang mahalaga ito? May iisa bang tunay na Diyos na nagsisiwalat sa atin ng kaniyang sarili at ng kaniyang pangalan?

Bakit labis-labis ang pagdurusa?

Kapag ang walang-ingat o imoral na paraan ng pamumuhay ng isang tao ay nakasira ng kaniyang kalusugan o nagdulot sa kaniya ng karalitaan, maaaring magreklamo siya. Ngunit marahil ay alam na alam niya kung bakit siya nagdurusa.

Gayunman, maraming iba pa ang lubhang nagdurusa nang hindi naman nila kasalanan. Ang iba ay may namamalaging mga sakit. Nakikipagpunyagi naman ang iba sa waring di-mapagtatagumpayang mga balakid upang magkaroon lamang ng matitirahan at sapat na pagkain ang kani-kanilang pamilya. Milyun-milyon ang mga biktima ng krimen, digmaan, walang-habas na karahasan, likas na mga sakuna, o kawalang-katarungan sa kamay ng mga taong may awtoridad.

Mauunawaan naman kung bakit marami ang nagtatanong: ‘Bakit napakalaganap ng gayong mga kalagayan? Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang lahat ng pagdurusang ito?’

Bakit ako naririto? Ano ba ang layunin ng buhay?

Karaniwan nang bumabangon ang mga tanong na ito kapag nasisiphayo ang isang tao dahil ang kaniyang araw-araw na gawain ay hindi nagbibigay ng tunay na kasiyahan​—at totoo iyan sa maraming tao. Milyun-milyong iba pa ang naniniwala na ang landas ng buhay ng bawat tao ay waring itinadhana ng Diyos. Gayon nga ba? Kung ang Diyos talaga ay may pantanging layunin para sa iyo, tiyak na nanaisin mong malaman kung ano iyon.

Sa lahat ng aklat sa daigdig, may isang maliwanag na nagsasabing ito ay kinasihan ng Diyos. Gaya ng maaasahan mo sa isang mensaheng talagang nagmula sa Diyos at para sa buong sangkatauhan, ang aklat na ito ay makukuha sa mas maraming wika kaysa sa anupamang aklat na naisulat. Ito ay ang Banal na Bibliya. Dito, ang Diyos mismo, ang Maylalang ng langit at ng lupa, ang nagsisiwalat kung sino siya at kung ano ang kaniyang pangalan. Alam mo ba ang pangalang iyon? Alam mo ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kung anong uri ng Persona ang Diyos? Alam mo ba ang sinasabi nito hinggil sa kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos?

[Picture Credit Line sa pahina 2]

COVER: Chad Ehlers/Index Stock Photography

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Bundok: Chad Ehlers/Index Stock Photography