Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit hindi magkakatulad ang paglalagay ng mga numero sa aklat ng Mga Awit sa iba’t ibang salin ng Bibliya?

Ang unang kumpletong Bibliya na nagkaroon ng mga dibisyon ng kabanata at talata ay ang saling Pranses na inilathala ni Robert Estienne noong 1553. Gayunman, ang aklat ng Mga Awit ay maliwanag na matagal nang may mga dibisyon bago pa noon, yamang ito ay koleksiyon ng indibiduwal na mga salmo, o mga awit, na kinatha ng ilang tao.

Lumilitaw na unang pinag-utusan ni Jehova si David na tipunin ang kalipunan ng mga awit upang magamit sa pangmadlang pagsamba. (1 Cronica 15:16-24) Pinaniniwalaan na si Ezra, na isang saserdote at “isang dalubhasang tagakopya,” ang nagkaroon ng pananagutan nang dakong huli sa pagtitipon sa buong aklat ng Mga Awit tungo sa kasalukuyang ayos nito. (Ezra 7:6) Kaya lumilitaw na ang aklat ng Mga Awit ay binubuo ng indibiduwal na mga awit nang ito ay tipunin.

Sa talumpati ni apostol Pablo sa sinagoga sa Antioquia (Pisidia) noong kaniyang unang misyonerong paglalakbay, sumipi siya mula sa aklat ng Mga Awit at nagsabi: “Gaya nga ng nakasulat sa ikalawang awit, ‘Ikaw ang aking anak, ako ay naging iyong Ama sa araw na ito.’ ” (Gawa 13:33) Sa mga Bibliya sa ngayon, ang mga salitang ito ay lumilitaw pa rin sa ikalawang awit, talata 7. Gayunman, may mga pagkakaiba sa paglalagay ng mga numero sa marami sa mga awit ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Ito’y dahil sa ang ilang salin ay salig sa tekstong Hebreo Masoretiko, samantalang ang iba naman ay salig sa Griegong Septuagint, na isang salin ng tekstong Hebreo na natapos noong ikalawang siglo B.C.E. Halimbawa, sinusunod ng Latin Vulgate, na mula roo’y nanggaling ang maraming Bibliyang Katoliko, ang paraan ng paglalagay ng mga numero sa mga awit na masusumpungan sa Septuagint, samantalang sinusunod naman ng New World Translation at ng iba pa ang paraan ng tekstong Hebreo.

Ano ba ang espesipikong mga pagkakaiba? Ang tekstong Hebreo ay may kabuuang 150 awit. Gayunman, pinagsama ng Septuagint ang Mga Awit 9 at 10 at saka ang Mga Awit 114 at 115. Karagdagan pa, hinati nito sa dalawang awit ang bawat isa sa Mga Awit 116 at 147. Bagaman ang kabuuang bilang ay magkapareho rin, ang paraan ng pagkakalagay ng mga numero mula sa Awit 10 hanggang Awit 146 sa Septuagint ay kulang ng isa kung ihahambing sa tekstong Hebreo. Kaya, ang pamilyar na ika-23 Awit ay lumilitaw bilang Awit 22 sa Douay Version, na sumunod sa paraan ng paglalagay ng mga numero ng Latin Vulgate, at ang pinagbatayan naman ng Latin Vulgate ay ang paraan ng Septuagint.

Bilang huli, ang numero ng mga talata ng ilang awit ay maaari ring hindi magkakatulad sa iba’t ibang salin. Bakit? Sapagkat sinusunod ng ilang salin “ang kaugaliang Judio na nagtuturing sa superskripsiyon bilang unang talata,” gaya ng sinasabi ng McClintock and Strong’s Cyclopedia, subalit hindi naman ito sinusunod ng iba. Sa katunayan, kung ang pamagat o superskripsiyon ay mahaba, ito’y kadalasang itinuturing na dalawang talata, at ang numero ng mga talata sa awit ay dumarami dahilan dito.