Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Maaari bang gumawa ng kaayusan kung ang isang mahina nang pinahirang Kristiyano ay imposibleng makadalo sa paggunita ng kongregasyon sa Hapunan ng Panginoon?

Oo. Maaari at dapat gumawa ng kaayusan bilang konsiderasyon sa isang pinahirang Kristiyano na mahina na at marahil ay nakaratay sa banig ng karamdaman at samakatuwid ay hindi makadadalo kapag ipinagdiwang ng kongregasyon ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Sa gayong kaso, maaaring atasan ng lupon ng matatanda ang isang matanda o ibang may-gulang na Kristiyanong lalaki na kumuha ng bahagi ng emblemang tinapay at alak at dalhin ito sa kapananampalatayang iyon sa gabi ring iyon ng Memoryal bago sumikat ang araw.

Depende sa kalagayan, ang dumadalaw na matanda o ibang kapatid na lalaki ay maaaring magbigay ng maikling mga komento at magbasa ng angkop na mga teksto. Maaari niyang tularan ang parisan na itinatag ni Jesus nang pasinayaan Niya ang Hapunan ng Panginoon. Halimbawa, maaari niyang basahin ang Mateo 26:26 at iharap ang tinapay na walang lebadura pagkatapos ng isang panalangin. Sumunod, maaaring basahin ng dumadalaw na kapatid na lalaki ang Mateo kabanata 26, talata 27 at 28, at saka naman ihaharap ang alak pagkatapos ng isa pang panalangin. Maaaring magbigay ng maikling mga komento hinggil sa kahulugan ng bawat emblema, at nararapat bumigkas ng pansarang panalangin.

Sabihin pa, dapat gawin ang bawat makatuwirang pagsisikap upang makadalo sa pagdiriwang ng kongregasyon sa Hapunan ng Panginoon. Subalit ano ang maaaring gawin sa isang sukdulang kalagayan na kinasasangkutan ng isang pinahirang Kristiyano na may malubhang sakit, nasa ospital, o may iba pang dahilan na humahadlang sa kaniya na makapagdiwang ng Memoryal pagkalubog ng araw sa Nisan 14? Maaaring ikapit ng pinahirang iyon ang parisang nasa Kautusang Mosaiko at gunitain ito nang sarilinan pagkalipas ng 30 araw.​—Bilang 9:9-14.