Magwawakas Pa Kaya ang Karalitaan?
Magwawakas Pa Kaya ang Karalitaan?
“NARITO! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw,” ang sabi ng matalinong haring si Solomon ng sinaunang Israel. (Eclesiastes 4:1) Walang alinlangan, marami sa mga sinisiil na nasa isipan niya ay mga maralita rin naman.
Ang karalitaan ay hindi lamang masusukat sa pamamagitan ng pera. Ayon sa impormasyong inilaan ng World Bank noong Hunyo 2002, “tinataya na noong 1998, ang 1.2 bilyong tao sa buong daigdig ay nabubuhay sa panggastos na mababa pa sa $1 bawat araw . . . at 2.8 bilyon naman ang nabubuhay sa panggastos na mababa pa sa $2 bawat araw.” Napansin na bagaman ang mga estadistikang iyon ay lumilitaw na mas mababa kaysa sa naunang mga pagtaya, “napakataas pa rin nito kung ibabatay sa pagdurusang dulot nito sa tao.”
Magwawakas pa kaya ang karalitaan? Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Ang mga dukha ay lagi ninyong kasama.” (Juan 12:8) Nangangahulugan ba ito na ang karalitaan at ang mapait na mga bunga nito ay magpapatuloy magpakailanman? Hindi, dahil bagaman hindi ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na lahat sila’y magiging mayaman sa materyal, hindi tayo dapat maghinuha mula sa kaniyang mga salita na wala nang pag-asa para sa maralita.
Sa kabila ng mga pagsisikap ng tao at ng katotohanan na madalas ay nabibigo ang mga pangakong wawakasan ang karalitaan, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na di-magtatagal ay wala nang taong maghihirap. Sa katunayan, ipinahayag ni Jesus ang “mabuting balita sa mga dukha.” (Lucas 4:18) Kalakip sa mabuting balitang ito ang pangako na papawiin ang karalitaan. Mangyayari ito kapag pinasapit na ng Kaharian ng Diyos ang matuwid na mga kalagayan sa lupa.
Tunay ngang magiging isang naiibang sanlibutan iyon! “Maaawa [ang makalangit na haring si Jesu-Kristo] sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” Sa katunayan, “tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.”—Awit 72:13, 14.
May kinalaman sa panahong iyon, sinasabi ng Mikas 4:4: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.” Ang Kaharian ng Diyos ang lulutas sa lahat ng suliraning nagpapahirap sa sangkatauhan, anupat papawiin maging ang sakit at kamatayan. “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8.
Makapagtitiwala ka sa mga pangakong ito dahil kinasihan ito ng Diyos mismo. Bakit hindi mo suriin ang katibayan na nagpapatunay na ang mga hula ng Bibliya ay maaasahan?
[Picture Credit Line sa pahina 32]
FAO photo/M. Marzot