Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”

“Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”

“Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”

ANG araw ng kamatayan ni Jesus​—ang ika-14 na araw ng Nisan na buwan ng mga Judio​—ay nagsimula pagkalubog ng araw noong Huwebes, Marso 31, 33 C.E. Nang gabing iyon, nagsama-sama sina Jesus at ang kaniyang mga apostol sa isang silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskuwa. Samantalang naghahanda siya ‘upang umalis sa sanlibutang ito patungo sa Ama,’ ipinakita ni Jesus na inibig niya ang kaniyang mga apostol hanggang sa wakas. (Juan 13:1) Paano? Sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng napakainam na mga aral, anupat inihanda sila sa mga bagay na magaganap.

Habang lumalalim ang gabi, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Ano ang ibig niyang sabihin sa tuwirang mga pananalitang ito? Sa isang diwa ay ganito: ‘Hindi nagawa ng kasamaan sa sanlibutang ito na ako ay maghinanakit o gumanti. Hindi ko hinayaang hubugin ako ng sanlibutang ito. Maaari rin itong magkatotoo sa inyo.’ Ang itinuro ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol noong huling mga oras na iyon ng kaniyang buhay sa lupa ay tutulong din sa kanila na madaig ang sanlibutan.

Sino ang magkakaila na laganap ang kasamaan sa sanlibutang ito sa ngayon? Paano tayo tumutugon sa kawalang-katarungan at sa mga gawa ng walang-saysay na karahasan? Dahil ba rito ay naghihinanakit tayo o natutuksong gumanti? Paano tayo naiimpluwensiyahan ng pagbaba ng moral sa paligid natin? Bukod dito ay nariyan pa ang ating di-kasakdalan at makasalanang mga hilig bilang mga tao, at dahil dito ay may pakikipagbaka tayo sa dalawang larangan: laban sa balakyot na sanlibutan sa labas at laban sa masasamang hilig sa loob natin. Magtatagumpay kaya tayo kung wala ang tulong ng Diyos? Paano natin matatanggap ang kaniyang tulong? Anu-anong katangian ang kailangan nating linangin upang matulungan tayong labanan ang makalamang mga hilig? Para sa mga kasagutan, isaalang-alang natin ang itinuro ni Jesus sa kaniyang minamahal na mga alagad noong huling araw ng kaniyang buhay sa lupa.

Daigin ng Kapakumbabaan ang Pagmamapuri

Halimbawa, isaalang-alang ang suliranin hinggil sa pagmamapuri, o kapalaluan. Ganito ang sabi ng Bibliya hinggil dito: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Kawikaan 16:18) Pinapayuhan din tayo ng Kasulatan: “Kung iniisip ng sinuman na siya ay mahalaga samantalang siya ay walang anuman, nililinlang niya ang kaniyang sariling isipan.” (Galacia 6:3) Oo, ang pagmamapuri ay mapangwasak at mapanlinlang. Matalino tayo kung kamumuhian natin ang “pagtataas sa sarili at pagmamapuri.”​—Kawikaan 8:13.

May problema ba ang mga apostol ni Jesus hinggil sa pagtataas sa sarili at pagmamapuri? Hindi lang sila minsang nagtalu-talo kung sino sa kanila ang mas dakila. (Marcos 9:33-37) Sa isa pang pagkakataon, hiniling nina Santiago at Juan na mabigyan sila ng prominenteng mga posisyon sa Kaharian. (Marcos 10:35-45) Nais tulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na alisin ang hilig na ito. Kaya nang kumakain sila ng hapunan ng Paskuwa, tumayo siya, binigkisan ang kaniyang sarili ng tuwalya, at sinimulang hugasan ang mga paa ng kaniyang mga alagad. Tuwiran niyang ipinabatid sa kanila ang aral na nais niyang matutuhan nila. “Kung ako, bagaman Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa,” ang sabi ni Jesus, “kayo rin ay dapat na maghugas ng mga paa ng isa’t isa.” (Juan 13:14) Ang pagmamapuri ay dapat halinhan ng kabaligtaran nito​—kapakumbabaan.

Gayunman, hindi madaling madaig ang pagmamapuri. Nang maglaon nang gabing iyon, pagkatapos paalisin ni Jesus si Hudas Iscariote, na magkakanulo sa kaniya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang 11 apostol. Ano ang kanilang pinagtatalunan? Kung sino sa kanila ang waring pinakadakila! Sa halip na pagalitan sila, matiyaga na namang idiniin sa kanila ni Jesus ang kahalagahan ng paglilingkod sa iba. Sinabi niya: “Ang mga hari ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila, at yaong mga nagtataglay ng awtoridad sa kanila ay tinatawag na mga Tagapagpala. Gayunman, hindi kayo dapat magkagayon. Kundi siya na pinakadakila sa inyo ay maging gaya ng pinakabata, at ang gumaganap bilang pinuno ay maging gaya ng isang naglilingkod.” Samantalang ipinaaalaala sa kanila ang kaniyang halimbawa, sinabi pa niya: “Ako ay nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.”​—Lucas 22:24-27.

Nakuha ba ng mga apostol ang punto? Lumilitaw na gayon nga. Pagkalipas ng maraming taon, sumulat si apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Tunay ngang napakahalaga na daigin din natin ang pagmamapuri sa pamamagitan ng kapakumbabaan! Matalino tayo kung hindi tayo magpapakaabala sa paghahangad ng katanyagan, kapangyarihan, o katayuan. “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Gayundin naman, ganito ang sinabi ng sinaunang matalinong kawikaan: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”​—Kawikaan 22:4.

Daigin ang Pagkapoot​—Paano?

Isaalang-alang ang isa pang tendensiya na karaniwan sa sanlibutang ito​—pagkapoot. Ito man ay dahil sa takot, kawalang-alam, diskriminasyon, paniniil, kawalang-katarungan, nasyonalismo, pagtatangi ng tribo o lahi, ang pagkapoot ay waring nasa lahat ng dako. (2 Timoteo 3:1-4) Laganap din ang pagkapoot noong panahon ni Jesus. Kinapootan at itinakwil sa lipunan ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis. Hindi nakikipag-ugnayan ang mga Judio sa mga Samaritano. (Juan 4:9) At ang mga Gentil, o mga di-Judio, ay nililibak din ng mga Judio. Gayunman, nang dakong huli, ang paraan ng pagsamba na itinatag ni Jesus ay tumanggap ng mga tao mula sa lahat ng bansa. (Gawa 10:34, 35; Galacia 3:28) Kaya maibigin niyang ibinigay sa kaniyang mga alagad ang isang bagong bagay.

Ipinahayag ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” Kailangan nilang ipamalas ang pag-ibig na ito, sapagkat sinabi pa niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Ang utos na iyon ay bago sa diwa na nakahihigit ito sa pag-ibig sa “iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Sa anong paraan? Nilinaw ni Jesus ang bagay na ito sa pagsasabing: “Ito ang aking utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13) Dapat na handa nilang isakripisyo ang kanila mismong buhay para sa isa’t isa at para sa iba.

Paano mapapawi ng di-sakdal na mga tao ang mapaminsalang pagkapoot mula sa kanilang buhay? Sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng pag-ibig na mapagsakripisyo sa sarili. Ganiyang-ganiyan ang ginagawa ng milyun-milyong taimtim na indibiduwal mula sa lahat ng etniko, kultura, relihiyon, at pulitikal na pinagmulan. Sila ngayon ay pinagsasama-sama sa isang nagkakaisa at di-nagkakapootang komunidad​—ang pandaigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova. Sinusunod nila ang kinasihang mga salita ni apostol Juan: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananatili sa kaniya.” (1 Juan 3:15) Hindi lamang tumatangging gumamit ng sandata ang tunay na mga Kristiyano sa anumang alitan kundi nagsisikap din sila nang husto na magpamalas ng pag-ibig sa isa’t isa.

Subalit ano ba ang dapat nating maging saloobin sa mga hindi natin kapananampalataya na maaaring magpakita ng pagkapoot sa atin? Nang siya’y nakabitin sa tulos, nanalangin si Jesus alang-alang sa mga pumatay sa kaniya, na sinasabi: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34) Nang pagbabatuhin ng mga lalaking lipos ng poot ang alagad na si Esteban hanggang sa ito’y mamatay, ang huling mga salita niya bago siya mamatay ay: “Jehova, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” (Gawa 7:60) Ninais ni Jesus at ni Esteban ang pinakamainam kahit sa mga napoot sa kanila. Walang anumang hinanakit sa kanilang puso. “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat,” ang payo sa atin ng Bibliya.​—Galacia 6:10.

‘Isang Katulong Magpakailanman’

Habang nagpapatuloy ang pakikipagpulong ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol, ipinaalam niya sa kanila na di-magtatagal ay hindi na nila siya makakasama sa pisikal na paraan. (Juan 14:28; 16:28) Ngunit tiniyak niya sa kanila: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman.” (Juan 14:16) Ang ipinangakong katulong na iyon ay ang banal na espiritu ng Diyos. Ituturo nito sa kanila ang malalalim na bagay sa Kasulatan at ibabalik sa kanilang pag-iisip ang itinuro sa kanila ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa.​—Juan 14:26.

Paano tayo matutulungan ng banal na espiritu sa ngayon? Buweno, ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. Ang mga lalaking ginamit upang bumigkas ng mga hula at sumulat ng Bibliya ay ‘ginabayan ng banal na espiritu.’ (2 Pedro 1:20, 21; 2 Timoteo 3:16) Ang pag-aaral natin ng Kasulatan at pagkakapit sa ating natututuhan ay nagbibigay sa atin ng kaalaman, karunungan, unawa, malalim na kaunawaan, at kakayahang mag-isip. Kung gayon, hindi ba tayo magiging mas handa na harapin ang mga panggigipit ng balakyot na sanlibutang ito?

Ang banal na espiritu ay katulong sa isa pang paraan. Ang banal na espiritu ng Diyos ay isang malakas na puwersa ukol sa ikabubuti, anupat yaong nasa ilalim ng impluwensiya nito ay napakikilos na magpamalas ng makadiyos na mga katangian. “Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili,” ang sabi ng Bibliya. Hindi ba ito ang mismong mga katangian na kailangan natin upang madaig ang makalamang mga hilig may kinalaman sa imoralidad, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, at iba pang mga katulad nito?​—Galacia 5:19-23.

Sa pamamagitan ng pananalig sa espiritu ng Diyos, makatatanggap din tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang maharap ang anumang problema o kabagabagan. (2 Corinto 4:7) Bagaman maaaring hindi alisin ng banal na espiritu ang mga pagsubok o mga tukso, tiyak na matutulungan tayo ng banal na espiritu na mabata ang mga ito. (1 Corinto 10:13) “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang sulat ni apostol Pablo. (Filipos 4:13) Ibinibigay ng Diyos ang gayong lakas sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Kaylaking pasasalamat natin dahil sa banal na espiritu! Ipinangangako ito sa mga ‘umiibig kay Jesus at tumutupad sa kaniyang mga utos.’​—Juan 14:15.

“Manatili Kayo sa Aking Pag-ibig”

Noong kaniyang huling gabi bilang tao, sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Siya na nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad sa mga iyon, ang isang iyon ang siyang umiibig sa akin. Siya naman na umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama.” (Juan 14:21) “Manatili kayo sa aking pag-ibig,” ang himok niya sa kanila. (Juan 15:9) Paano tayo natutulungan ng pananatili sa pag-ibig ng Ama at ng Anak sa ating pakikipagbaka sa makasalanang mga hilig sa loob natin at sa balakyot na sanlibutan sa labas?

Buweno, talaga bang makokontrol natin ang masasamang hilig kung wala tayong matibay na pangganyak na gawin iyon? Ano pa bang pangganyak ang hihigit sa paghahangad na magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak? Si Ernesto, * isang kabataang lalaki na puspusang nakipagpunyagi laban sa imoral na istilo ng pamumuhay na isinasagawa niya mula pa noong unang mga taon ng kaniyang pagkatin-edyer, ay nagpaliwanag: “Gusto kong paluguran ang Diyos, at natutuhan ko mula sa Bibliya na hindi niya sinasang-ayunan ang paraan ng aking pamumuhay. Kaya nagpasiya akong baguhin ang aking pagkatao, upang masunod ang mga tagubilin ng Diyos. Araw-araw ay kailangan kong labanan ang negatibo at maruruming kaisipan na pumapasok pa rin sa aking isip. Ngunit determinado akong magwagi sa pakikipagbakang ito, at nanalangin ako nang walang lubay para sa tulong ng Diyos. Pagkatapos ng dalawang taon ay natapos din ang pinakamahirap na yugto sa aking pakikipagbaka, bagaman istrikto pa rin ako sa aking sarili.”

Tungkol naman sa pakikipagbaka sa sanlibutan sa labas, isaalang-alang ang pansarang panalangin ni Jesus bago siya umalis sa silid na iyon sa itaas sa Jerusalem. Alang-alang sa kaniyang mga alagad ay nanalangin siya sa kaniyang Ama at nagsumamo: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Kaylaking pampatibay-loob! Binabantayan ni Jehova ang kaniyang mga iniibig at pinalalakas sila habang nananatili silang hiwalay sa sanlibutan.

“Manampalataya Kayo”

Tunay ngang ang pagsunod sa mga utos ni Jesus ay makatutulong sa atin na magtagumpay sa ating pakikipagpunyagi laban sa balakyot na sanlibutang ito at sa ating makasalanang mga hilig. Gayunman, bagaman mahalaga ang gayong mga tagumpay, hindi nito kayang alisin ang sanlibutan ni ang minanang kasalanan. Ngunit hindi tayo kailangang mawalan ng pag-asa.

“Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang iligtas mula sa kasalanan at kamatayan ang “bawat isa na nananampalataya sa kaniya.” (Juan 3:16) Kung gayon, habang lumalago ang ating kaalaman hinggil sa kalooban at mga layunin ng Diyos, isapuso nawa natin ang payo ni Jesus: “Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.”​—Juan 14:1.

[Talababa]

^ par. 22 Ginamit dito ang kahaliling pangalan.

[Larawan sa pahina 6, 7]

“Manatili kayo sa aking pag-ibig,” ang paghimok ni Jesus sa kaniyang mga apostol

[Larawan sa pahina 7]

Malapit nang magkatotoo ang paglaya mula sa kasalanan at sa mga epekto nito