‘Ang mga Labi ng Katotohanan ay Mananatili Magpakailanman’
‘Ang mga Labi ng Katotohanan ay Mananatili Magpakailanman’
KATULAD ng isang maliit na apoy na makapagpapaliyab at makasisira sa buong kagubatan, kaya nitong sirain ang buong buhay ng isang indibiduwal. Ito ay maaaring punô ng kamandag, ngunit maaari rin itong maging “punungkahoy ng buhay.” (Kawikaan 15:4) Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan nito. (Kawikaan 18:21) Gayon kalakas ang maliit na sangkap na ito, ang ating dila, anupat maaari nitong batikan ang buong katawan. (Santiago 3:5-9) Matalino tayo kung babantayan natin ang dila.
Sa ikalawang bahagi ng ika-12 kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan, si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagbigay ng mahalagang payo na tumutulong sa atin na mag-ingat sa ating pananalita. Sa pamamagitan ng maikli ngunit makahulugang mga kawikaan, ipinakikita ng matalinong hari na may mga epekto ang mga salitang binibigkas at na malaki ang isinisiwalat nito hinggil sa mga katangian ng isa na bumibigkas sa mga ito. Ang kinasihang payo ni Solomon ay kailangang-kailangan ng sinumang nagnanais na ‘bantayan ang pinto ng kaniyang mga labi.’—Awit 141:3.
‘Ang Pagsalansang na Nakasisilo’
“Dahil sa pagsalansang ng mga labi ay nasisilo ang masamang tao, ngunit ang matuwid ay nakalalabas sa kabagabagan,” ang sabi ni Solomon. (Kawikaan 12:13) Ang pagsisinungaling ay pagsalansang ng mga labi na nagiging nakamamatay na bitag para sa isa na nagsasagawa niyaon. (Apocalipsis 21:8) Ang pagkadi-matapat ay tila isang madaling paraan ng pagtakas sa kaparusahan o pag-iwas sa di-kanais-nais na situwasyon. Subalit hindi ba’t ang isang kasinungalingan ay madalas na umaakay sa iba pang mga kasinungalingan? Kung paanong ang isang taong nagsusugal ng maliliit na halaga sa simula ay naaakay na pumusta ng palaki nang palaking halaga habang sinisikap niyang mabawi ang naipatalo niya, di-magtatagal ay masusumpungan din ng isang sinungaling na nasadlak na pala siya sa napakasamang siklo ng paulit-ulit na pagsisinungaling.
Ang pagsalansang ng mga labi ay nakasisilo pa dahil ang nagsisinungaling sa iba ay maaaring nagsisinungaling na pala sa kaniyang sarili sa dakong huli. Halimbawa, madaling makukumbinsi ng sinungaling ang kaniyang sarili na siya ay napakaraming nalalaman at napakatalino, bagaman ang totoo ay kakaunti lamang ang alam niya. Sa gayon ay nagsisimula siyang mamuhay sa kasinungalingan. Sa katunayan, “kumilos siya nang may labis na paghanga sa sarili sa kaniyang sariling paningin upang matuklasan ang kaniyang kamalian at kapootan iyon.” (Awit 36:2) Tunay ngang isang silo ang pagsisinungaling! Sa kabilang panig naman, ang matuwid ay hindi mapasusuong sa gayong mahirap na situwasyon. Kahit dumaranas siya ng kabagabagan, hindi siya magsasalita ng kabulaanan.
‘Ang Bunga na Nagdudulot ng Kasiyahan’
“Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak,” ang babala ni apostol Pablo. “Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” (Galacia 6:7) Tiyak na kumakapit ang simulaing ito sa ating pananalita at mga kilos. Sinabi ni Solomon: “Mula sa bunga ng bibig ng isang tao ay nasisiyahan siya sa kabutihan, at ang mismong gawain ng mga kamay ng isang tao ay babalik sa kaniya.”—Kawikaan 12:14.
Ang bibig na “nagsasalita ng karunungan” ay nagluluwal ng bunga na nagdudulot ng kasiyahan. (Awit 37:30) Kailangan ang kaalaman sa karunungan, at wala ni isang tao ang nagtataglay ng lahat ng kaalaman. Ang lahat ay kailangang makinig sa mainam na payo at sumunod dito. “Ang lakad ng mangmang ay tama sa kaniyang sariling paningin,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit ang nakikinig sa payo ay marunong.”—Kawikaan 12:15.
Si Jehova ay nagbibigay sa atin ng makatuwirang payo sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon, na ginagamit ang mga publikasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45; 2 Timoteo 3:16) Kaylaking kamangmangan nga na tanggihan ang mabuting payo at igiit ang ating sariling paraan! “Dapat [tayong] maging matulin sa pakikinig” kapag si Jehova, ‘ang Isa na nagtuturo ng kaalaman sa mga tao,’ ay nagpapayo sa atin sa pamamagitan ng kaniyang alulod ng pakikipagtalastasan.—Santiago 1:19; Awit 94:10.
Paano tumutugon ang matalino at ang mangmang sa mga insulto o di-makatuwirang mga puna? Sumasagot si Solomon: “Mangmang ang taong naghahayag ng kaniyang pagkayamot sa araw ring iyon, ngunit ang matalino ay nagtatakip ng kasiraang-puri.”—Kawikaan 12:16.
Kapag siya ay hinamak, agad tumutugon nang pagalit ang isang mangmang na tao—“sa araw ring iyon.” Ngunit ang maingat na indibiduwal ay nananalangin ukol sa espiritu ng Diyos upang mapigil niya ang kaniyang sarili. Gumugugol siya ng panahon upang bulay-bulayin ang payo ng Salita ng Diyos at may-pagpapahalagang minumuni-muni ang mga salita ni Jesus: “Sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.” (Mateo 5:39) Dahil hangad niya na “huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama,” pinipigil ng matalinong tao ang kaniyang mga labi sa pagsasalita nang di-pinag-iisipan. (Roma 12:17) Kapag tinatakpan din natin ang anumang kasiraang-puri na mapapaharap sa atin, iniiwasan natin ang karagdagang pagtatalo.
‘Ang Dila na Nagpapagaling’
Ang pagsalansang ng mga labi ay makapagdudulot ng malaking pinsala sa isang paglilitis sa hukuman. Sinabi ng hari ng Israel: “Siyang nagbubunsod ng katapatan ay magsasabi ng matuwid, ngunit ang bulaang saksi, ng panlilinlang.” (Kawikaan 12:17) Ang tunay na saksi ay nagbubunsod ng katapatan dahil maaasahan at mapagkakatiwalaan ang kaniyang patotoo. Ang kaniyang mga salita ay nakatutulong sa paglalapat ng katarungan. Sa kabilang panig, ang bulaang saksi ay punô ng panlilinlang at nagtataguyod ng maling paglalapat ng katarungan.
“May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak,” ang sabi pa ni Solomon, “ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Ang mga salita ay maaaring umulos na gaya ng tabak, anupat sumisira ng pagkakaibigan at nagdudulot ng problema. O maaari itong maging kalugud-lugod at kaiga-igaya, anupat nagpapanatili ng pagkakaibigan. At ano pa nga ba ang mga panunungayaw, paninigaw, palaging pamumuna, at mapanghamak na mga pang-iinsulto kundi mga saksak na nagdudulot ng malalalim na sugat sa damdamin? Kaybuti nga na ituwid ang anumang mga pagkakamali na maaari nating magawa sa puntong ito sa pamamagitan ng nagpapagaling na mga salita ng taimtim na paghingi ng paumanhin!
Sa mahihirap na panahong kinabubuhayan natin, hindi nakapagtataka na marami ang “wasak ang puso” at “may espiritung nasisiil.” (Awit 34:18) Kapag ‘nagsasalita tayo nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo’ at ‘inaalalayan natin ang mahihina,’ hindi ba’t ginagamit natin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng binibigkas na mga salita? (1 Tesalonica 5:14) Oo, ang madamaying mga salita ay makapagpapasigla sa mga tin-edyer na nakikipagpunyagi sa nakapipinsalang panggigipit ng mga kasamahan. Ang mapagmalasakit na pananalita ay makapagbibigay-katiyakan sa mga may-edad na sila ay kailangan at iniibig. Tiyak na mapasasaya ng may-kabaitang pananalita ang araw ng mga maysakit. Maging ang saway ay mas madaling tanggapin kapag ibinigay “sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) At tunay ngang nagpapagaling ang dila ng isa na gumagamit nito upang ibahagi sa mga nakikinig ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos!
‘Ang Labi na Nananatili’
Sa paggamit sa salitang “labi” bilang singkahulugan ng “dila,” ganito ang sinabi ni Solomon: “Ang labi ng katotohanan ang matibay na matatatag magpakailanman, ngunit ang dila ng kabulaanan ay magiging kasintagal lamang ng isang sandali.” (Kawikaan 12:19) Ang pananalitang “ang labi ng katotohanan” ay pang-isahan sa Hebreo at mayroon itong mas malalim na kahulugan kaysa sa basta makatotohanang pananalita. “Nagpapahiwatig ito ng mga katangian na tulad ng pagiging matibay, permanente at maaasahan,” ang sabi ng isang reperensiyang akda. “Ang mga pananalita na may ganitong katangian ay mananatili . . . magpakailanman dahil ito ay mapatutunayang maaasahan, kung ihahambing sa sinungaling na dila . . . na makapanlilinlang sa isang sandali ngunit hindi makapananatili kapag ito ay sinubok.”
“Ang panlilinlang ay nasa puso niyaong mga kumakatha ng kapinsalaan,” ang sabi ng matalinong hari, “ngunit yaong mga nagpapayo ng kapayapaan ay may kasayahan.” Sinabi pa niya: “Walang Kawikaan 12:20, 21.
anumang nakasasakit ang mangyayari sa matuwid, ngunit ang mga balakyot ang siyang malilipos ng kapahamakan.”—Kirot at pagdurusa lamang ang maidudulot ng mga nagpapakana ng kapinsalaan. Sa kabilang panig, ang mga tagapayo ng kapayapaan ay magtatamo ng kasiyahan sa paggawa ng tama. Taglay rin nila ang kagalakan na makita ang mabubuting resulta nito. Higit sa lahat, tinatamasa nila ang pagsang-ayon ng Diyos, sapagkat “ang mga labing bulaan ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit yaong mga gumagawing may katapatan ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Kawikaan 12:22.
‘Pananalita na Nagtatakip ng Kaalaman’
Sa paglalarawan sa isa pang pagkakaiba ng isa na maingat sa paggamit ng mga salita at ng isa na hindi, ang hari ng Israel ay nagsabi: “Ang taong matalino ay nagtatakip ng kaalaman, ngunit ang puso ng mga hangal ay naghahayag ng kamangmangan.”—Kawikaan 12:23.
Alam ng isang taong matalino, o marunong, kung kailan dapat magsalita at kung kailan dapat manahimik. Nagtatakip siya ng kaalaman sa pamamagitan ng pagpipigil sa kaniyang sarili na ipamarali ang kaniyang nalalaman. Hindi ito nangangahulugan na lagi niyang itinatago ang kaniyang nalalaman. Sa halip, maingat siya sa pagpapakita nito. Sa kabaligtaran, ang hangal ay padalus-dalos sa pagsasalita at inihahayag niya ang kaniyang kamangmangan. Kung gayon, maging kaunti nawa ang ating mga salita at pigilin nawa natin ang ating dila sa pagyayabang.
Sa patuloy na paghahambing, binanggit ni Solomon ang isang matingkad na punto hinggil sa pagkakaiba ng pagiging masikap at ng pagiging tamad. Sinabi niya: “Ang kamay ng mga masikap ang siyang mamamahala, ngunit ang kamay na makupad ay mauukol sa puwersahang pagtatrabaho.” (Kawikaan 12:24) Ang puspusang pagpapagal ay maaaring umakay sa pagsulong at katatagan sa pananalapi, ang katamaran naman ay sa puwersahang pagtatrabaho at pagkaalipin. “Sa dakong huli,” ang sabi ng isang iskolar, “ang taong tamad ay magiging alipin ng taong masikap.”
‘Ang Salita na Nagpapasaya’
Muling tinalakay ni Haring Solomon ang pananalita kalakip ang matamang pagmamasid sa kalikasan ng tao. “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito,” ang sabi niya, “ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.”—Kawikaan 12:25.
Maraming kabalisahan at álalahanín ang maaaring magdulot ng matinding kalungkutan sa puso. Ang kailangan upang mapagaan ang pasanin at mapasaya ang puso ay isang mabuting salita ng pampatibay-loob mula sa isang maunawaing tao. Ngunit paano malalaman ng iba ang tindi ng kabalisahan sa ating puso malibang ipahayag natin ang ating nadarama at ipakipag-usap ito? Oo, kapag nakararanas ng kabagabagan o panlulumo, kailangan nating ipahayag ang ating niloloob sa isang madamaying tao na makatutulong. Bukod dito, ang pagpapahayag ng ating niloloob ay nakababawas sa panggigipuspos ng puso. Samakatuwid, mabuti na ipahayag ang niloloob sa kabiyak, magulang, o sa isang kaibigan na mahabagin at kuwalipikado sa espirituwal.
Ano pa nga bang mabubuting salita ng pampatibay-loob ang hihigit sa mga masusumpungan sa Bibliya? Kung gayon ay dapat tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng may-pagpapahalagang pagbubulay-bulay sa kaniyang kinasihang Salita. Ang gayong pagninilay-nilay ay tiyak na makapagdudulot ng kagalakan sa nababagabag na puso at liwanag sa mapapanglaw na mata. Pinatutunayan ng salmista ang bagay na ito sa pagsasabing: “Ang Awit 19:7, 8.
kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.”—Ang Daan na Kapaki-pakinabang
Sa paghahambing sa daan ng matuwid at ng balakyot, sinabi ng hari ng Israel: “Ang matuwid ay nagsisiyasat sa kaniyang sariling pastulan, ngunit ang lakad ng mga balakyot ang nagliligaw sa kanila.” (Kawikaan 12:26) Ang matuwid ay maingat sa kaniyang sariling pastulan—ang mga kasamahan at mga kaibigan na pinipili niya. May-katalinuhan niyang pinipili ang mga ito, anupat sinisikap na iwasan ang mapanganib na pakikipagsamahan. Hindi gayon ang mga balakyot, na tumatanggi sa payo at naggigiit ng kanilang sariling paraan. Palibhasa’y naligaw, sila ay nagpapalabuy-laboy.
Pagkatapos nito ay iniharap naman ni Haring Solomon ang isa pang anggulo ng pagkakaiba ng makupad at ng masikap. “Ang pagkamakupad ay hindi makatutugis sa pangangasuhing mga hayop ng isa,” ang sabi niya, “ngunit ang masikap ay mahalagang yaman ng isang tao.” (Kawikaan 12:27) Ang taong makupad—“ang taong tamad”—ay hindi ‘nakatutugis,’ o “nakaiihaw” ng kaniyang pinangaso. (New International Version) Sa katunayan, hindi niya matapus-tapos ang kaniyang sinimulan. Sa kabilang panig naman, ang pagiging masikap ay singkahulugan ng mga kayamanan.
Gayon na lamang ang pinsalang naidudulot ng katamaran anupat kinailangang lumiham si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Tesalonica at magtuwid ng ilang indibiduwal doon na “lumalakad nang walang kaayusan”—na walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila. Ang gayong mga indibiduwal ay pabigat sa pinansiyal sa iba. Kaya hayagan silang pinayuhan ni Pablo, anupat tinagubilinan na ‘gumawa nang may katahimikan upang sila’y makakain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan.’ At kung hindi sila tutugon sa mariing payo na ito, tinagubilinan ni Pablo ang iba sa kongregasyon na “lumayo” sa kanila—na iwasan sila, maliwanag na hindi makihalubilo sa kanila.—2 Tesalonica 3:6-12.
Kailangan nating dibdibin hindi lamang ang payo ni Solomon hinggil sa pagiging masipag kundi maging ang kaniyang payo hinggil sa wastong paggamit ng ating dila. Sikapin nating gamitin ang maliit na sangkap na ito upang magpagaling at magpasaya habang ating iniiwasan ang pagsalansang ng mga labi at itinataguyod ang isang matuwid na landasin. “Sa landas ng katuwiran ay may buhay,” ang tiniyak sa atin ni Solomon, “at sa paglalakbay sa daan nito ay walang kamatayan.”—Kawikaan 12:28.
[Mga larawan sa pahina 27]
“Ang nakikinig sa payo ay marunong”
[Mga larawan sa pahina 28]
“Ang dila ng marurunong ay kagalingan”
[Larawan sa pahina 29]
Nakapagdudulot ng kaaliwan ang pagpapahayag ng niloloob sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan
[Larawan sa pahina 30]
Nagpapasaya ng puso ang may-pagpapahalagang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos