Nanganganib ang Kasiguruhan at Kasiyahan sa Trabaho
Nanganganib ang Kasiguruhan at Kasiyahan sa Trabaho
“ANG karapatang magtrabaho” ay likas na mahalaga sa lahat ng tao, ayon sa Universal Declaration of Human Rights, na inilabas ng United Nations. Subalit ang karapatang iyan ay hindi laging nagagarantiyahan. Ang kasiguruhan sa trabaho ay depende sa maraming bagay—mula sa kalagayan ng lokal na ekonomiya hanggang sa kondisyon ng pangglobong merkado. Gayunpaman, kapag ang trabaho ay nawala o nanganib, malimit na kasunod nito ang mga demonstrasyon, kaguluhan, at mga welga. Iilang bansa ang hindi naaapektuhan nito. Maging ang salitang “trabaho,” ang sabi ng isang manunulat, “ay nakapagpapasiklab ng iba’t ibang damdamin, gaya ng laging nangyayari.”
Ang trabaho ay mahalaga sa atin sa maraming dahilan. Bukod sa pinagmumulan ito ng ating pinagkakakitaan, tumutulong din ito sa pagkakaroon ng mabuting kalagayan sa isip at emosyon. Nabibigyang-kasiyahan ng trabaho ang pagnanais ng tao na maging isang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan at nagbibigay ito ng layunin sa buhay. Lumilikha rin ito ng isang antas ng paggalang sa sarili. Kaya naman, mas gusto pa ring magtrabaho ng ilang nakaririwasa sa buhay na kayang-kayang tustusan ang kanilang mga pangangailangan o ng mga karapat-dapat nang magretiro. Oo, gayon na lamang kahalaga ang trabaho anupat ang kawalan nito ay karaniwan nang pinagmumulan ng malulubhang problema sa lipunan.
Sa kabilang dako naman, naririyan ang mga taong may trabaho subalit napapaharap sila sa napakaraming panggigipit sa trabaho anupat nawawalan na sila ng kasiyahan sa kanilang trabaho. Halimbawa, dahil sa napakahigpit na kompetensiya sa negosyo sa ngayon, parami nang paraming kompanya ang nagbabawas ng kanilang mga tauhan upang mapababa ang kanilang gastusin. Baka lalo naman itong makapagpabigat sa natitirang mga empleado, na kailangang bumalikat sa karagdagang mga pananagutan.
Ang makabagong teknolohiya, na inaakalang mas magpapadali sa buhay at magpapahusay sa trabaho, ay baka nakaragdag sa kaigtingan sa lugar ng trabaho. Halimbawa, dahil sa mga computer, fax machine, at Internet, maaaring iuwi ng mga tao ang kanilang mga trabaho sa bahay pagkatapos ng oras ng trabaho, anupat pinalalabo nito ang pagkakaiba ng tahanan at opisina. Isang nagtatrabaho ang nakadama na ang pager at cell phone ng kanilang kompanya ay parang isang di-nakikitang tali, na ang kabilang dulo ay tangan ng kaniyang amo.
Ang labis na ikinatatakot ng maraming may-edad na sa mabilis na nagbabagong kalagayan ng ating ekonomiya at trabaho ay ang bagay na ituring silang lipás na bago pa man sila talaga huminto sa pagtatrabaho. Dahil dito, sinabi ng dating komisyonado ng Karapatang Pantao na si Chris Sidoti: “Tila may pangkalahatang kaisipan na kapag sumapit ka na sa edad na 40, hindi
ka na makaaalinsabay sa paggamit ng computer at bagong teknolohiya.” Kaya naman, maraming mahuhusay na nagtatrabaho na itinuturing noon na malalakas pa ay minamalas na ngayon na para bang napakatanda na para pakinabangan. Kaylungkot na pangyayari!Mauunawaan naman na ang dating etika sa trabaho at ang katapatan sa kompanya ay nawalan na ng kabuluhan nitong nakalipas na mga taon. “Kapag tinanggal ng mga kompanya sa trabaho ang mga tao dahil sa bahagyang pagbabago sa stock market, nawawalan na ng halaga ang katapatan sa kompanya,” ang sabi ng magasing Pranses na Libération. “Siyempre pa, kailangan mong magtrabaho, pero para lamang sa sarili mo, hindi na para sa kompanya.”
Sa kabila ng tumitinding mga problemang ito, nagpapatuloy ang pangunahing pangangailangan ng tao na magtrabaho. Kaya sa ating panahon na mabilis na nagbabago, paano natin malilinang ang isang timbang na pangmalas sa sekular na trabaho at, kasabay nito, mapanatili ang pagkadama ng kasiguruhan at kasiyahan sa trabaho?
[Larawan sa pahina 3]
Ang makabagong teknolohiya ay baka nakaragdag sa kaigtingan sa lugar ng trabaho