Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Isa na Mabuti ay Nagtatamo ng Pagsang-ayon ng Diyos’

‘Ang Isa na Mabuti ay Nagtatamo ng Pagsang-ayon ng Diyos’

‘Ang Isa na Mabuti ay Nagtatamo ng Pagsang-ayon ng Diyos’

ANG lahat ng buhay ay nagmumula sa Diyos na Jehova. (Awit 36:9) Oo, “sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) At hindi ba nag-uumapaw sa pasasalamat ang ating puso kapag isinasaalang-alang natin ang gantimpalang ipinagkakaloob niya sa mga may malapít na kaugnayan sa kaniya? Aba, “ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan.” (Roma 6:23) Tunay ngang napakahalaga na sikapin nating matamo ang pagsang-ayon ni Jehova!

Tinitiyak sa atin ng salmista na ‘lingap ang ibinibigay ng Diyos.’ (Awit 84:11) Ngunit kanino niya ito ibinibigay? Karaniwan nang ipinakikita ng mga tao sa ngayon ang lingap sa iba salig sa edukasyon, kayamanan, kulay ng balat, etnikong pinagmulan, at mga katulad nito. Sino ba ang pinagpapakitaan ng Diyos ng lingap? Ganito ang sagot ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ang isa na mabuti ay nagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova, ngunit ang taong may balakyot na mga kaisipan ay inaari niyang balakyot.”​—Kawikaan 12:2.

Maliwanag na si Jehova ay nalulugod sa isa na mabuti​—isang taong may kagalingan. Kabilang sa mga kagalingan ng mabuting tao ay ang mga katangiang gaya ng disiplina sa sarili, kawalang-pagtatangi, kapakumbabaan, pagkamahabagin, at pagiging maingat at pantas. Matuwid ang kaniyang mga kaisipan, nakapagpapatibay ang kaniyang mga salita, makatarungan at kapaki-pakinabang ang kaniyang mga gawa. Ipinakikita sa atin ng unang bahagi ng ika-12 kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan kung paano dapat makaimpluwensiya ang kabutihan sa ating araw-araw na pamumuhay at binabanggit din nito ang mga kapakinabangang naidudulot ng pagpapamalas ng katangiang ito. Ang pagsasaalang-alang sa sinabi nito ay magbibigay sa atin ng “kaunawaan sa paggawa ng mabuti.” (Awit 36:3) Ang pagkakapit sa matalinong payo nito ay tutulong sa atin na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

Mahalaga ang Disiplina

“Ang maibigin sa disiplina ay maibigin sa kaalaman,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang napopoot sa saway ay walang katuwiran.” (Kawikaan 12:1) Palibhasa’y nananabik na sumulong, hinahangad ng isang mabuting tao ang disiplina. Mabilis niyang ikinakapit ang payong natatanggap niya sa mga Kristiyanong pagpupulong o sa personal na mga pakikipag-usap. Ang mga salita sa Kasulatan at mga publikasyong salig sa Bibliya ay kagaya ng mga tungkod na pantaboy na nag-uudyok sa kaniya na sundin ang matuwid na landasin. Hinahanap niya ang kaalaman at ginagamit ito upang ituwid ang kaniyang mga daan. Oo, ang maibigin sa disiplina ay maibigin din sa kaalaman.

Tunay ngang napakahalaga ng disiplina sa mga tunay na mananamba​—lalo na ang disiplina sa sarili! Maaaring hangad natin ang mas malalim na kaalaman sa Salita ng Diyos. Baka hangad nating maging mas mabisa sa ministeryong Kristiyano at maging mas mahuhusay na guro ng Salita ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ngunit kinakailangan ang disiplina sa sarili upang magkatotoo ang gayong mga hangarin. Kailangan din ang disiplina sa sarili sa iba pang pitak ng buhay. Halimbawa, laganap sa ngayon ang materyal na dinisenyo upang pumukaw ng mga bawal na pagnanasa. Hindi ba kailangan ang disiplina sa sarili upang pigilan ang mata na magtuon ng pansin sa masasamang panoorin? Karagdagan pa, yamang “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang imoral na kaisipan ay maaari ngang magmula sa kaibuturan ng isip. (Genesis 8:21) Kailangan ang disiplina sa sarili upang hindi maipako ang isip sa gayong mga bagay.

Sa kabilang dako naman, ang napopoot sa saway ay hindi umiibig sa disiplina ni sa kaalaman man. Yamang nagpapadala siya sa makasalanang hilig ng tao na tanggihan ang saway, itinutulad niya ang kaniyang sarili sa isang mabangis na hayop na walang katuwiran at mga pamantayang moral. Dapat na matatag nating labanan ang hilig na ito.

“Mga Ugat na Hindi Mabubunot”

Siyempre pa, ang isang mabuting tao ay hindi maaaring maging liko o di-makatarungan. Kaya kailangan din ang pagiging matuwid upang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Umawit si Haring David: “Pagpapalain mo ang sinumang matuwid, O Jehova; gaya ng isang malaking kalasag ay palilibutan mo sila ng pagsang-ayon.” (Awit 5:12) Sa paghahambing sa kalagayan ng matuwid at ng balakyot, sinabi ni Solomon: “Walang taong matibay na matatatag sa pamamagitan ng kabalakyutan; ngunit kung tungkol sa pinakaugat ng mga matuwid, hindi ito makikilos.”​—Kawikaan 12:3.

Waring nananagana ang balakyot. Isaalang-alang ang karanasan ng salmistang si Asap. “Kung tungkol sa akin,” ang sabi niya, “ang aking mga paa ay muntik nang mapaliko, ang aking mga hakbang ay muntik nang madupilas.” Bakit? Sumagot si Asap: “Sapagkat nainggit ako sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot.” (Awit 73:2, 3) Ngunit habang pumapasok siya sa santuwaryo ng templo ng Diyos, natanto niya na inilagay sila ni Jehova sa madulas na dako. (Awit 73:17, 18) Pansamantala lamang ang anumang tagumpay na maaaring matamo ng balakyot. Bakit pa tayo maiinggit sa kanila?

Sa kabaligtaran naman, ang isa na may pagsang-ayon ni Jehova ay matatag. Sa paggamit ng metapora hinggil sa isang matibay na sistema ng ugat ng isang punungkahoy, ganito ang sinabi ni Solomon: “Ang mabubuting tao ay may mga ugat na hindi mabubunot.” (Kawikaan 12:3, The New English Bible) Ang di-nakikitang mga ugat ng isang napakalaking punungkahoy, tulad ng sequoia sa California, ay maaaring sumaklaw ng mahigit sa 1.5 ektarya at makapagbibigay ng napakatatag na suporta sa panahon ng baha at malalakas na hangin. Ang isang napakalaking sequoia ay makatatayo pa ngang matatag kahit may malakas na lindol.

Tulad ng gayong mga ugat na nasa nakapagpapalusog na lupa, kailangang hukaying maigi ng ating isip at puso ang Salita ng Diyos at kunin ang nagbibigay-buhay na tubig nito. Sa gayon, ang ating pananampalataya ay nagiging matatag at matibay, anupat ang ating pag-asa ay tiyak at matatag. (Hebreo 6:19) Hindi tayo ‘madadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng maling turo.’ (Efeso 4:14) Siyempre pa, madarama natin ang mga epekto ng tulad-bagyong mga pagsubok at maaari pa ngang matakot sa harap ng kagipitan. Ngunit ang ‘pinakaugat natin ay hindi makikilos.’

“Ang Asawang Babaing May Kakayahan ay Korona sa Nagmamay-ari sa Kaniya”

Alam ng marami ang kasabihang, “Sa likod ng bawat matagumpay na lalaki ay may mahusay na babae.” Sa pagbanggit sa kahalagahan ng isang babaing sumusuporta sa kaniyang asawa, ganito ang sinabi ni Solomon: “Ang asawang babaing may kakayahan ay korona sa nagmamay-ari sa kaniya, ngunit ang babaing gumagawi nang kahiya-hiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.” (Kawikaan 12:4) Nakapaloob sa pananalitang “may kakayahan” ang maraming pitak ng kabutihan. Gaya ng detalyadong pagkakalarawan sa Kawikaan kabanata 31, kabilang sa mga kagalingan ng isang mabuting asawang babae ang kasipagan, katapatan, at karunungan. Ang isang babaing nagtataglay ng mga katangiang ito ay isang korona sa kaniyang asawa sapagkat ang kaniyang mainam na paggawi ay nagdudulot ng karangalan sa kaniyang asawa at dahil dito ay tumataas ang tingin ng iba sa kaniyang asawa. Hindi niya kailanman inaambisyon na pangunahan ang kaniyang asawa ni nakikipagkompetensiya man siya rito para lamang makilala. Sa halip, siya ay isang kapupunan at katulong ng kaniyang asawa.

Paano maaaring gumawi nang kahiya-hiya ang isang babae, at ano ang mga resulta nito? Ang saklaw ng kahiya-hiyang paggawing ito ay maaaring mula sa hilig na makipagtalo hanggang sa pangangalunya. (Kawikaan 7:10-23; 19:13) Ang gayong mga pagkilos ng asawang babae ay nakasisira lamang sa kaniyang asawa. Siya ay kagaya ng ‘kabulukan sa mga buto ng kaniyang asawa’ sa diwa na “sinisira niya siya, gaya ng isang sakit na nagpapahina sa kayarian ng katawan,” ang sabi ng isang reperensiyang akda. “Maaaring ang makabagong katumbas ng pananalitang iyon ay ‘kanser’​—isang sakit na unti-unting umuubos sa lakas ng isang tao,” ang sabi ng isa pang akda. Nawa’y pagsikapan ng mga Kristiyanong asawang babae na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapaaninag ng mga kagalingan ng isang asawang babaing may kakayahan.

Mula sa mga Kaisipan Tungo sa mga Pagkilos na May Ibinubunga

Ang mga kaisipan ay umaakay sa mga pagkilos, at ang mga pagkilos ay nagkakaroon ng mga bunga. Ang sumunod na iniharap ni Solomon ay kung paano humahantong ang mga kaisipan tungo sa mga pagkilos, anupat inihahambing ang mga matuwid sa balakyot. Ganito ang sinabi niya: “Ang mga kaisipan ng mga matuwid ay kahatulan; ang pag-ugit ng mga balakyot ay panlilinlang. Ang mga salita ng mga balakyot ay pag-aabang sa dugo, ngunit ang bibig ng mga matuwid ang magliligtas sa kanila.”​—Kawikaan 12:5, 6.

Ang mismong mga kaisipan ng mabubuting tao ay matuwid sa moral at nakatuon sa kawalang-pagtatangi at katuwiran. Yamang ang mga matuwid ay inuudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa-tao, mabubuti ang kanilang mga intensiyon. Sa kabilang panig naman, ang balakyot ay inuudyukan ng kasakiman. Bunga nito, ang kanilang mga pakana​—ang kanilang mga pamamaraan upang maabot ang kanilang mga hangarin​—ay mapanlinlang. Ang kanilang mga pagkilos ay mapandaya. Hindi sila nag-aatubiling bitagin ang mga walang-sala, marahil ay sa hukuman, sa pamamagitan ng maling mga paratang. Ang kanilang mga salita ay “pag-aabang sa dugo” sapagkat gusto nilang saktan ang kanilang inosenteng mga biktima. Ang mga matuwid, yamang nalalaman ang masasamang pakana at nagtataglay ng karunungang kinakailangan upang maging maingat, ay nakaiiwas sa panganib na ito. Maaari pa nga nilang babalaan ang mga madaling madaya at iligtas ang mga ito mula sa mapanlinlang na mga pakana ng balakyot.

Ano ang magiging kahihinatnan ng matuwid at ng balakyot? “Ibinabagsak ang mga balakyot at sila ay wala na,” ang sagot ni Solomon, “ngunit ang bahay ng mga matuwid ay mananatiling nakatayo.” (Kawikaan 12:7) Ang bahay, sabi ng isang reperensiyang akda, “ay kumakatawan sa sambahayan at sa lahat ng mahahalagang bagay sa indibiduwal, na nagpapangyari sa kaniya na talagang mabuhay.” Maaari pa nga itong tumukoy sa pamilya at sa mga inapo ng matuwid. Anuman iyon, maliwanag ang punto ng kawikaan: Tatayong matatag ang matuwid sa harap ng kagipitan.

Mas Mainam ang Kalagayan ng Mapagpakumbaba

Bilang pagdiriin sa kahalagahan ng kaunawaan, ganito ang sinabi ng hari ng Israel: “Dahil sa kaniyang bibig na may karunungan ay pupurihin ang isang tao, ngunit ang may pilipit na puso ay hahamakin.” (Kawikaan 12:8) Hindi nagsasalita nang padalus-dalos ang isang taong may kaunawaan. Nag-iisip muna siya bago siya magsalita at nagtatamasa ng mapayapang pakikipag-ugnayan sa iba dahil sa ang “bibig na may karunungan” ay nagpapakilos sa kaniya na piliing mabuti ang kaniyang mga salita. Kapag napaharap sa mangmang o mapaghinalang pagtatanong, ang taong may kaunawaan ay ‘nakapagpipigil ng kaniyang mga pananalita.’ (Kawikaan 17:27) Ang gayong tao ay pinupuri at nakalulugod kay Jehova. Kaylaking kaibahan niya sa isa na may pilipit na mga pangmalas na nagmumula sa isang “pilipit na puso”!

Oo, ang isang taong may karunungan ay pinupuri, ngunit itinuturo sa atin ng sumunod na kawikaan ang kahalagahan ng pagpapakumbaba. Sinasabi nito: “Mas mabuti ang isang itinuturing na mababa ngunit may tagapaglingkod kaysa sa isang lumuluwalhati sa kaniyang sarili ngunit kapos sa tinapay.” (Kawikaan 12:9) Waring sinasabi ni Solomon na mas mabuti na ituring na mababa na may kaunting kayamanan lamang at iisang tagapaglingkod kaysa sa isang nagwawaldas ng nakalaan para sa mga pangangailangan sa buhay upang mapanatili lamang ang isang mataas na katayuan sa lipunan. Kay-inam na payo nito para sa atin​—ang mamuhay ayon sa ating makakaya!

Nagbibigay ng mga Aral Hinggil sa Kabutihan ang Buhay sa Kabukiran

Sa pagtukoy sa buhay sa kabukiran, nagturo si Solomon ng dalawang aral hinggil sa kabutihan. “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop,” ang sabi niya, “ngunit ang kaawaan ng mga balakyot ay malupit.” (Kawikaan 12:10) Mabait makitungo ang matuwid sa kaniyang mga hayop. Alam niya kung ano ang kailangan nila at nagmamalasakit siya sa kanilang kapakanan. Maaaring sabihin ng balakyot na nagmamalasakit siya sa mga hayop, ngunit hindi siya nababahala sa kanilang mga pangangailangan. Ang kaniyang mga motibo ay makasarili, at ang kaniyang pakikitungo sa mga hayop ay salig sa kita na makukuha niya mula sa mga ito. Maaaring ang itinuturing ng gayong tao na sapat na pangangalaga sa mga hayop ay sa katunayan, kalupitan sa mga ito.

Ang simulaing ito hinggil sa mabait na pakikitungo sa mga hayop ay kumakapit din sa pangangalaga sa mga alagang-hayop. Kaylupit nga kung kukuha ng mga alagang-hayop at pagkatapos ay pagdudusahin ang mga ito nang di-kinakailangan sa pamamagitan ng pagpapabaya o pang-aabuso sa kanila! Para naman sa hayop na lubhang nagdurusa dahil sa malubhang sakit o kapansanan, maaaring kabaitan ang wakasan na lamang ang buhay nito.

Ginagamit ang isa pang aspekto ng buhay sa kabukiran​—ang pagbubungkal sa lupa​—ganito ang sabi ni Solomon: “Ang nagsasaka ng kaniyang lupa ay mabubusog din sa tinapay.” Tunay nga, ang makabuluhan at puspusang pagtatrabaho ay mag-aani ng pakinabang. “Ngunit ang nagtataguyod ng mga bagay na walang kabuluhan ay kapos ang puso.” (Kawikaan 12:11) Yamang kulang sa mabuting pagpapasiya o kaunawaan, itinataguyod ng isa na “kapos ang puso” ang mga negosyong walang-kabuluhan, mapanganib, at walang saysay. Malinaw ang mga aral sa dalawang talatang ito: Maging maawain at masipag.

Nananagana ang Matuwid

“Ninanasa ng balakyot ang nasilo sa lambat ng masasamang tao,” ang sabi ng marunong na hari. (Kawikaan 12:12a) Paano iyan ginagawa ng balakyot? Maliwanag na sa pamamagitan ng pagnanasa sa mga samsam na nakuha sa masamang paraan.

Ano naman ang masasabi sa isa na mabuti? Ang gayong tao ay maibigin sa disiplina at matatag ang pagkakaugat sa pananampalataya. Matuwid siya at makatarungan, may karunungan at mapagpakumbaba, mahabagin at masikap. At “kung tungkol sa ugat ng mga matuwid, ito ay nagbubunga,” o “nananagana.” (Kawikaan 12:12b; New International Version) “Ang ugat ng matuwid ay mananatili magpakailanman,” ang sabi naman ng An American Translation. Ang gayong tao ay matatag at tiwasay. Tunay nga, ‘ang isa na mabuti ay nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos.’ Kung gayon, “magtiwala [tayo] kay Jehova at gumawa ng mabuti.”​—Awit 37:3.

[Mga larawan sa pahina 31]

Katulad ng isang malusog na punungkahoy, matatag ang pagkakaugat ng pananampalataya ng matuwid