“Lumapit Kayo sa Diyos”
“Lumapit Kayo sa Diyos”
“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANTIAGO 4:8.
1, 2. (a) Ano ang karaniwang inaangkin ng mga tao? (b) Ano ang ipinayo ni Santiago, at bakit kinailangan ito?
“GOD with us.” (Ang Diyos ay sumasaatin.) Nakapalamuti ang mga salitang iyan sa pambansang mga emblema at maging sa mga uniporme ng mga sundalo. Mababasa ang “in God we trust” (sa Diyos kami nagtitiwala) sa napakaraming barya at perang papel sa makabagong pananalapi. Karaniwan na sa mga tao ang mag-angkin na mayroon silang malapít na kaugnayan sa Diyos. Subalit hindi ka ba sasang-ayon na ang talagang pagkakaroon ng gayong kaugnayan ay humihiling ng higit pa kaysa sa basta pagsasalita lamang hinggil dito o pagdidispley ng mga sawikain?
2 Ipinakikita ng Bibliya na posibleng magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Subalit kailangan ang pagsisikap. Kinailangang patibayin maging ng ilang pinahirang Kristiyano noong unang siglo ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang Kristiyanong tagapangasiwa na si Santiago ay kinailangang magbabala sa ilan hinggil sa kanilang makalamang mga hilig at kawalan ng espirituwal na kalinisan. Kalakip niyaon, ibinigay niya ang mapuwersang payo na ito: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:1-12) Ano ang ibig sabihin ni Santiago sa pananalitang “lumapit”?
3, 4. (a) Ano ang maaaring naalaala ng ilan sa mga mambabasa ni Santiago noong unang siglo dahil sa pananalitang “lumapit kayo sa Diyos”? (b) Bakit tayo makatitiyak na posible ang paglapit sa Diyos?
3 Gumamit si Santiago ng pananalita na malamang na pamilyar sa karamihan ng kaniyang mambabasa. May espesipikong mga tagubilin ang Kautusang Mosaiko sa mga saserdote kung paano sila ‘lalapit’ kay Jehova alang-alang sa kaniyang bayan. (Exodo 19:22) Kaya maaaring naalaala ng mga mambabasa ni Santiago na ang paglapit kay Jehova ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Si Jehova ang pinakadakilang dignitaryo sa sansinukob.
4 Sa kabilang panig naman, gaya ng sinabi ng isang iskolar sa Bibliya, “ang payong ito [sa Santiago 4:8] ay nagsisiwalat ng matinding damdamin ng pagiging positibo.” Alam ni Santiago na laging maibiging inaanyayahan ni Jehova na lumapit sa Kaniya ang di-sakdal na mga tao. (2 Cronica 15:2) Naging lubusan ang paraan ng paglapit kay Jehova dahil sa hain ni Jesus. (Efeso 3:11, 12) Sa ngayon, nabuksan ang pagkakataong makalapit ang milyun-milyon sa Diyos! Subalit paano natin maaaring samantalahin ang kamangha-manghang pagkakataong ito? Isasaalang-alang natin sa maikli ang tatlong paraan kung paano tayo makalalapit sa Diyos na Jehova.
Patuloy na ‘Kumuha ng Kaalaman’ Tungkol sa Diyos
5, 6. Paano inilalarawan ng halimbawa ng kabataang si Samuel kung ano ang nasasangkot sa “pagkuha ng kaalaman” tungkol kay Jehova?
5 Ayon sa Juan 17:3, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Maraming salin ng talatang ito ang naiiba nang kaunti sa Bagong Sanlibutang Salin. Sa halip na sabihing “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos, isinasalin lamang nila ang pandiwa na “upang makilala” ang Diyos o “pagkilala” sa Diyos. Gayunman, may ilang iskolar na nagsasabi na ang diwa ng salitang ginamit sa orihinal na Griego ay nagsasangkot ng higit pa—isang patuloy na proseso, isa na maaari pa ngang humantong sa matalik na pakikipagkilala.
6 Ang matalik na pagkakilala sa Diyos ay hindi isang bagong ideya noong panahon ni Jesus. Halimbawa, sa Hebreong Kasulatan, mababasa natin na nang bata pa si Samuel, “hindi pa niya kilala si Jehova.” (1 Samuel 3:7) Nangangahulugan ba ito na kakaunti lamang ang nalalaman ni Samuel tungkol sa kaniyang Diyos? Hindi. Tiyak na marami ang itinuro sa kaniya ng mga magulang niya at ng mga saserdote. Gayunman, ang Hebreong salita na ginamit sa talatang iyan, ayon sa isang iskolar, ay maaaring “gamitin para sa pinakamatalik na kakilala.” Hindi pa matalik noon ang pagkakilala ni Samuel kay Jehova, di-gaya ng nangyari sa kalaunan nang maglingkod siya bilang tagapagsalita ni Jehova. Habang lumalaki si Samuel, talagang nakilala niya si Jehova, anupat nagkaroon siya ng malapít at personal na kaugnayan sa Kaniya.—1 Samuel 3:19, 20.
7, 8. (a) Bakit hindi dapat manghina ang ating loob na pag-aralan ang mas malalalim na turo ng Bibliya? (b) Ano ang ilan sa malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos na makabubuting pag-aralan natin?
7 Kumukuha ka ba ng kaalaman tungkol kay Jehova upang maging matalik ang pagkakakilala mo sa kaniya? Upang magawa ito, kailangan kang ‘magkaroon ng pananabik’ sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng Diyos. (1 Pedro 2:2) Huwag kang masiyahan na lamang sa saligang mga turo ng Bibliya. Magsikap na matutuhan ang ilang mas malalalim na turo ng Bibliya. (Hebreo 5:12-14) Nanghihina ba ang iyong loob na pag-aralan ang gayong mga turo, anupat ipinalalagay na masyadong mahirap unawain ang mga ito? Kung gayon, tandaan na si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” (Isaias 30:20) Alam niya kung paano itatawid ang malalalim na katotohanan sa di-sakdal na isip ng tao. At maaari niyang pagpalain ang iyong taimtim na pagsisikap na maunawaan ang itinuturo niya sa iyo.—Awit 25:4.
8 Bakit hindi suriin ang iyong sarili may kaugnayan sa ilang “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Corinto 2:10) Ang mga ito ay hindi nakababagot na mga paksa na gaya ng maaaring pagdebatihan ng mga teologo at mga klerigo. Ang mga ito ay kapaki-pakinabang na mga doktrina na doo’y maaari tayong matuto ng lubhang kawili-wiling mga bagay tungkol sa iniisip at niloloob ng ating maibiging Ama. Halimbawa, ang pantubos, ang “sagradong lihim,” at ang iba’t ibang tipan na ginamit ni Jehova upang pagpalain ang kaniyang bayan at tuparin ang kaniyang mga layunin—ang mga paksang ito at ang maraming gaya nito ay kalugud-lugod at kapaki-pakinabang na mga paksa para sa personal na pagsasaliksik at pag-aaral.—1 Corinto 2:7.
9, 10. (a) Bakit mapanganib ang pagmamapuri, at ano ang tutulong sa atin upang maiwasan ito? (b) May kaugnayan sa kaalaman tungkol kay Jehova, bakit tayo dapat magsikap na maging mapagpakumbaba?
9 Habang sumusulong ang iyong kaalaman sa mas malalalim na espirituwal na katotohanan, mag-ingat sa panganib na maaaring makaakibat ng kaalaman—ang pagmamapuri. (1 Corinto 8:1) Mapanganib ang pagmamapuri, sapagkat inilalayo nito ang mga tao sa Diyos. (Kawikaan 16:5; Santiago 4:6) Tandaan, walang dahilan ang sinumang tao na ipagyabang ang kaniyang kaalaman. Upang ilarawan ito, isaalang-alang ang mga salitang ito mula sa pambungad ng isang aklat na nagsusuri sa kamakailang mga pagsulong ng sangkatauhan sa siyensiya: “Habang dumarami ang ating nalalaman, lalo nating natatanto kung gaano kaunti ang ating alam. . . . Ang lahat ng natutuhan natin ay walang halaga kung ihahambing sa matututuhan pa natin.” Ang gayong kapakumbabaan ay kalugud-lugod. Ngayon, may kaugnayan sa pinakamalaking kalipunan ng kaalaman—ang kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova—mayroon tayong higit na dahilan upang manatiling mapagpakumbaba. Bakit?
10 Pansinin ang ilang pananalita sa Bibliya hinggil kay Jehova. “Napakalalim ng iyong mga kaisipan.” (Awit 92:5) “Ang . . . unawa [ni Jehova] ay higit pa sa maisasalaysay.” (Awit 147:5) “Hindi maaarok ang . . . unawa [ni Jehova].” (Isaias 40:28) “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Maliwanag, hindi natin malalaman kailanman ang lahat ng maaaring malaman tungkol kay Jehova. (Eclesiastes 3:11) Tinuruan niya tayo ng maraming kamangha-manghang bagay, gayunma’y lagi tayong may walang-hanggang kalipunan ng kaalaman na kailangan pang matutuhan. Hindi ba kapuwa kapana-panabik at nakapanliliit na asahan ang gayong bagay? Kung gayon, habang natututo tayo, lagi nawa nating gamitin ang ating kaalaman bilang saligan sa paglapit kay Jehova at sa pagtulong sa iba na gawin din iyon—hindi upang itaas ang ating sarili sa iba.—Mateo 23:12; Lucas 9:48.
Ipamalas ang Iyong Pag-ibig kay Jehova
11, 12. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang kaalamang nakukuha natin hinggil kay Jehova? (b) Ano ang nagpapakita na tunay ang pag-ibig ng isang tao sa Diyos?
11 Angkop naman, ipinakita ni apostol Pablo ang kaugnayan ng kaalaman at pag-ibig. Sumulat siya: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.” (Filipos 1:9) Sa halip na maging dahilan upang magmapuri tayo, ang bawat mahalagang katotohanan na natututuhan natin tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ay dapat magpasidhi ng ating pag-ibig sa ating makalangit na Ama.
12 Siyempre pa, marami sa mga nag-aangking umiibig sa Diyos ay hindi naman talaga umiibig sa kaniya. Maaaring taimtim sila sa masidhing damdamin na namamayani sa kanilang puso. Ang gayong damdamin ay mabuti, kapuri-puri pa nga, kapag ito ay kasuwato ng tumpak na kaalaman. Subalit ang mga ito sa ganang sarili ay hindi nangangahulugan ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bakit hindi? Pansinin kung paano binibigyang-katuturan ng Salita ng Diyos ang gayong pag-ibig: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Kung gayon, ang pag-ibig kay Jehova ay tunay lamang kapag ipinamamalas ito sa pamamagitan ng masunuring pagkilos.
13. Paano tayo tutulungan ng makadiyos na takot na maipamalas ang ating pag-ibig kay Jehova?
13 Ang makadiyos na takot ay tutulong sa atin na sundin si Jehova. Ang matinding pagpipitagan at malaking paggalang na ito kay Jehova ay nagmumula sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa kaniya, pagkatuto tungkol sa kaniyang walang-hanggang kabanalan, kaluwalhatian, kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Ang gayong takot ay mahalaga sa paglapit sa kaniya. Sa katunayan, pansinin ang sinasabi ng Awit 25:14: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.” Kaya kung mayroon tayong mabuting pagkatakot na hindi mapalugdan ang ating minamahal na makalangit na Ama, makalalapit tayo sa kaniya. Tutulungan tayo ng makadiyos na takot na sundin ang matalinong payo na nakaulat sa Kawikaan 3:6: “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ano ang ibig sabihin niyan?
14, 15. (a) Ano ang ilan sa mga pagpapasiya na napapaharap sa atin sa araw-araw na pamumuhay? (b) Paano tayo makagagawa ng mga pasiya sa paraang nagpapamalas ng ating makadiyos na takot?
14 Kailangan kang magpasiya sa bawat araw, kapuwa malalaki at maliliit. Halimbawa, anong uri ng usapan ang mamamagitan sa inyo ng iyong mga katrabaho, kaeskuwela, at mga kapitbahay? (Lucas 6:45) Masikap mo bang gagawin ang mga atas na ibinigay sa iyo, o hahanap ka ng mga paraan upang matapos ito sa kaunting pagsisikap? (Colosas 3:23) Magiging malapít ka ba sa mga nagpapamalas ng kaunti o kawalan ng pag-ibig kay Jehova, o sisikapin mong patibayin ang iyong kaugnayan sa mga taong palaisip sa espirituwal? (Kawikaan 13:20) Ano ang gagawin mo, kahit na sa maliliit na paraan, upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos? (Mateo 6:33) Kung ang maka-Kasulatang mga simulain na gaya ng mga nabanggit dito ang papatnubay sa iyong araw-araw na pagpapasiya, kung gayon ay talagang isinasaalang-alang mo si Jehova “sa lahat ng iyong mga lakad.”
15 Sa diwa, sa bawat pagpapasiya natin, dapat tayong patnubayan ng kaisipang ito: ‘Ano ang gusto ni Jehova na gawin ko? Anong landasin ang pinakakalugud-lugod sa kaniya?’ (Kawikaan 27:11) Ang ganitong pagpapakita ng makadiyos na takot ay isang mahusay na paraan ng pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova. Uudyukan din tayo ng makadiyos na takot na manatiling malinis—sa espirituwal, moral, at pisikal. Tandaan, sa mismong talata na doo’y hinimok ni Santiago ang mga Kristiyano na “lumapit . . . sa Diyos,” ipinayo rin niya: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, ninyong mga di-makapagpasiya.”—Santiago 4:8.
16. Kapag nagbibigay tayo kay Jehova, ano ang hindi natin kailanman magagawa, ngunit ano ang lagi nating maaaring magawa?
16 Siyempre pa, ang pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pag-iwas lamang sa masama. Inuudyukan din tayo ng pag-ibig na gawin ang tama. Halimbawa, paano tayo tumutugon sa saganang pagkabukas-palad ni Jehova? Sumulat si Santiago: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Totoo, kapag ibinibigay natin kay Jehova ang ating mga pag-aari, hindi natin siya pinayayaman. Pag-aari na niya ang lahat ng bagay at kayamanan na umiiral. (Awit 50:12) At kapag ibinibigay natin kay Jehova ang ating panahon at lakas, hindi natin pinupunan ang pangangailangan na hindi niya kayang sapatan. Kahit na tumanggi tayong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, mapasisigaw niya ang mga bato! Kung gayon, bakit kailangan pa nating ibigay kay Jehova ang ating mga kayamanan, panahon, at lakas? Pangunahin na, dahil sa ganoong paraan ay ipinamamalas natin ang ating pag-ibig sa kaniya nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas.—Marcos 12:29, 30.
17. Ano ang makapag-uudyok sa atin upang makapagbigay nang masaya kay Jehova?
17 Kapag nagbibigay tayo kay Jehova, dapat na nagagalak tayong gawin ito, “sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang simulaing nakaulat sa Deuteronomio 16:17 ay makatutulong sa atin upang makapagbigay nang masaya: “Ang kaloob sa kamay ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.” Kapag pinag-iisipan natin kung gaano kabukas-palad si Jehova sa atin, nakadarama tayo ng pagnanais na masayang magbigay sa kaniya nang sagana. Ang gayong pagbibigay ay nagpapagalak sa kaniyang puso, kung paanong ang munting regalo mula sa minamahal na anak ay nakalulugod sa isang magulang. Ang pagpapamalas ng ating pag-ibig sa ganitong paraan ay tutulong sa atin na mapalapit kay Jehova.
Linangin ang Matalik na Kaugnayan sa Pamamagitan ng Panalangin
18. Bakit kapaki-pakinabang na isaalang-alang kung paano mapasusulong ang kalidad ng ating mga panalangin?
18 Ang mga sandali ng ating sarilinang pananalangin ay nagbibigay sa atin ng mahalagang pagkakataon—mga pagkakataon para sa matalik at kompidensiyal na pakikipag-usap sa ating makalangit na Ama. (Filipos 4:6) Yamang ang panalangin ay isang mahalagang paraan ng paglapit sa Diyos, kapaki-pakinabang na magbigay ng panahon upang isaalang-alang ang kalidad ng ating mga panalangin. Hindi upang ang mga ito ay maging huwaran sa kahusayan at pagkakahabi ng salita, kundi upang ang mga ito ay maging taimtim na mga kapahayagan na nagmumula sa puso. Paano natin mapasusulong ang kalidad ng ating mga panalangin?
19, 20. Bakit dapat muna tayong magbulay-bulay bago manalangin, at ano ang ilang angkop na paksa para sa gayong pagbubulay-bulay?
19 Maaari nating subuking magbulay-bulay bago manalangin. Kung patiuna tayong magbubulay-bulay, magagawa nating maging espesipiko at makabuluhan ang ating mga panalangin, sa gayon ay naiiwasan ang nakaugaliang pag-uulit-ulit sa mga pananalitang waring pamilyar na at madaling maalaala. (Kawikaan 15:28, 29) Marahil ay makatutulong ang pagmumuni-muni sa ilang paksa na binanggit ni Jesus sa kaniyang huwarang panalangin at pagkatapos ay pag-iisip kung paano nauugnay ang mga ito sa ating sariling kalagayan. (Mateo 6:9-13) Halimbawa, maaari nating tanungin ang ating sarili kung anong maliit na bahagi ang inaasahan nating magampanan sa paggawa ng kalooban ni Jehova dito sa lupa. Maaari ba nating ipahayag kay Jehova ang ating hangaring maging kapaki-pakinabang sa kaniya hangga’t maaari at hilingin ang kaniyang tulong sa pagsasakatuparan sa anumang atas na ibinigay niya sa atin? Nabibigatan ba tayo sa mga álalahanín hinggil sa ating materyal na mga pangangailangan? Sa anong mga kasalanan tayo kailangang patawarin, at kanino tayo kailangang maging higit na mapagpatawad? Anong mga tukso ang pumipighati sa atin, at natatanto ba natin kung gaano kaapurahan ang pangangailangan natin sa proteksiyong ibinibigay ni Jehova hinggil sa bagay na iyon?
20 Karagdagan pa, maaari nating isaalang-alang ang mga taong kilala natin na partikular nang nangangailangan ng tulong ni Jehova. (2 Corinto 1:11) Subalit hindi dapat kalimutan ang pagpapasalamat. Kung mag-uukol tayo ng panahon upang pag-isipan ito, tiyak na makaiisip tayo ng mga dahilan upang pasalamatan si Jehova at purihin siya sa bawat araw dahil sa kaniyang saganang kabutihan. (Deuteronomio 8:10; Lucas 10:21) Ang paggawa nito ay may karagdagang pakinabang—makatutulong ito sa atin upang magkaroon ng mas positibo at mapagpahalagang saloobin sa buhay.
21. Ang pag-aaral sa anong mga halimbawa sa Kasulatan ang makatutulong sa atin kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin?
21 Mapasusulong din ng pag-aaral ang ating mga panalangin. May mahuhusay na panalangin ng tapat na mga lalaki at babae na nakaulat sa Salita ng Diyos. Halimbawa, kung ang isang mapanghamong problema ay napapaharap sa atin, anupat nagdudulot sa atin ng kabalisahan at pangamba pa nga hinggil sa ating kapakanan o niyaong sa ating mga minamahal, maaari nating basahin ang panalangin ni Jacob may kaugnayan sa kaniyang nalalapit na pakikipagtagpo noon sa kaniyang mapaghiganting kapatid na si Esau. (Genesis 32:9-12) O maaari nating pag-aralan ang panalanging binigkas ni Haring Asa nang magbanta sa bayan ng Diyos ang isang puwersa ng humigit-kumulang sa isang milyong Etiope. (2 Cronica 14:11, 12) Kung binabagabag tayo ng isang problema na nagbabantang magdulot ng upasala sa mabuting pangalan ni Jehova, kung gayon ay karapat-dapat isaalang-alang ang panalangin ni Elias sa harap ng mga mananamba ni Baal sa Bundok Carmel, gayundin ang panalangin ni Nehemias hinggil sa kalunus-lunos na kalagayan ng Jerusalem. (1 Hari 18:36, 37; Nehemias 1:4-11) Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa gayong mga panalangin ay makapagpapalakas sa ating pananampalataya at makapagbibigay sa atin ng mga ideya kung paano pinakamabuting lapitan si Jehova may kaugnayan sa mga álalahanín na nakapagpapabigat sa atin.
22. Ano ang taunang teksto para sa 2003, at ano ang maaari nating itanong sa ating sarili sa pana-panahon sa buong taon?
22 Maliwanag, wala nang mas dakilang karangalan, wala nang mas mabuting tunguhin, kaysa sa Santiago 4:8) Gawin nawa natin ito sa pamamagitan ng pagpapasulong sa ating kaalaman tungkol sa Diyos, pagsisikap na ipamalas ang ating pag-ibig sa kaniya nang higit at higit pa, at paglilinang ng matalik na kaugnayan sa kaniya sa ating mga panalangin. Sa buong taon ng 2003, habang isinasaisip natin ang Santiago 4:8 bilang taunang teksto, patuloy nawa nating suriin ang ating sarili kung tayo talaga ay lumalapit kay Jehova. Subalit kumusta naman ang huling bahagi ng pangungusap na iyan? Sa anong diwa “lalapit . . . sa inyo” si Jehova, na nagdudulot ng anong mga pagpapala? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang bagay na ito.
pagsunod sa payo ni Santiago na “lumapit kayo sa Diyos.” (Naaalaala Mo Ba?
• Bakit dapat nating seryosohin ang paglapit kay Jehova?
• Ano ang ilang tunguhin na maaari nating itakda may kaugnayan sa pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova?
• Paano natin maipamamalas na tunay ang pag-ibig natin kay Jehova?
• Sa anu-anong paraan tayo makapaglilinang ng mas matalik na kaugnayan kay Jehova sa panalangin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 12]
Ang taunang teksto para sa 2003 ay: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Habang siya’y lumalaki, naging matalik ang pagkakilala ni Samuel kay Jehova
[Larawan sa pahina 12]
Ang panalangin ni Elias na binigkas/sa Bundok Carmel ay isang mahusay na halimbawa para sa atin