Personal na Pag-aaral na Nagsasangkap sa Atin na Maging mga Guro
Personal na Pag-aaral na Nagsasangkap sa Atin na Maging mga Guro
“Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao. Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo.”—1 TIMOTEO 4:15, 16.
1. Ano ang totoo hinggil sa panahon at personal na pag-aaral?
“SA LAHAT ng bagay ay may takdang panahon,” ang sabi ng Bibliya sa Eclesiastes 3:1. Tiyak na totoo iyan sa personal na pag-aaral. Marami ang nahihirapang magmuni-muni hinggil sa espirituwal na mga bagay kung ito ay gagawin sa di-angkop na panahon o di-angkop na lugar. Halimbawa, mauudyukan ka bang mag-aral pagkatapos magtrabaho nang puspusan sa buong maghapon at kumain nang marami sa hapunan, lalo na kung ikaw ay nakahilig sa iyong paboritong komportableng upuan sa harapan ng TV? Malamang na hindi. Kaya ano ang solusyon? Maliwanag na kailangan nating piliin ang panahon at lugar ng ating pag-aaral upang lubusang makinabang sa ating pagsisikap.
2. Ano ang kadalasang pinakamainam na panahon para sa personal na pag-aaral?
2 Marami ang nakasusumpong na ang pinakamainam na panahon upang mag-aral ay sa mga unang oras ng umaga kung kailan karaniwan nang alistung-alisto sila. Ginugugol naman ng iba ang oras ng pamamahinga sa tanghali upang makapag-aral nang sandali. Pansinin sa mga sumusunod Awit 143:8) Ipinakita ni propeta Isaias ang gayunding pagpapahalaga nang kaniyang sabihin: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód. Nanggigising siya uma-umaga; ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan.” Ang punto ay kailangan tayong mag-aral at makipagtalastasan kay Jehova sa panahong gising ang ating isip, anumang oras ng araw iyon.—Isaias 50:4, 5; Awit 5:3; 88:13.
na halimbawa ang pagtukoy sa panahong ginagamit para sa mahahalagang espirituwal na gawain. Sumulat si Haring David ng sinaunang Israel: “Sa umaga ay iparinig mo sa akin ang iyong maibiging-kabaitan, sapagkat sa iyo ako naglalagak ng aking tiwala. Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran, sapagkat sa iyo ay itinaas ko ang aking kaluluwa.” (3. Anu-anong kalagayan ang kaayaaya para sa mabisang pag-aaral?
3 Ang isa pang salik sa mabisang pag-aaral ay na hindi natin dapat piliing maupo sa pinakakomportableng upuan o sopa. Hindi ito ang paraan upang manatiling alisto. Kapag tayo ay nag-aaral, dapat na maging gising ang ating isipan, at waring kabaligtaran ang nangyayari kapag tayo ay nasa napakakomportableng posisyon. Kaayaaya rin sa pag-aaral at pagbubulay-bulay ang lugar na medyo tahimik at walang gambala. Ang pagsisikap na mag-aral nang may bukás na radyo, TV, o may mga batang umaagaw ng iyong pansin ay hindi makapagdudulot ng pinakamaiinam na resulta. Nang nais magbulay-bulay ni Jesus, nagtungo siya sa isang tahimik na dako. Binanggit din niya ang kahalagahan ng paghahanap ng isang pribadong lugar para sa pananalangin.—Mateo 6:6; 14:13; Marcos 6:30-32.
Personal na Pag-aaral na Nagsasangkap sa Atin Upang Makasagot
4, 5. Sa anu-anong paraan praktikal na tulong ang brosyur na Hinihiling?
4 Kasiya-siya ang personal na pag-aaral kapag ginagamit natin ang iba’t ibang pantulong sa Bibliya upang higit na masaliksik ang isang paksa, lalo na kapag ginagawa natin ito upang masagot ang taimtim na mga tanong ng isang indibiduwal. (1 Timoteo 1:4; 2 Timoteo 2:23) Bilang pasimula, maraming baguhan ang nag-aaral ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, * na makukuha na ngayon sa 261 wika. Ito ay isang napakasimple ngunit espesipikong publikasyon na lubusang nakasalig sa Bibliya. Tinutulungan nito ang mga mambabasa upang mabilis na maunawaan ang mga hinihiling ng Diyos para sa tunay na pagsamba. Gayunman, hindi ito dinisenyo upang detalyadong talakayin ang bawat paksa. Kung magbangon ang iyong estudyante sa Bibliya ng taimtim na mga tanong hinggil sa ilang paksa sa Bibliya na tinatalakay ninyo, paano ka makasusumpong ng higit na impormasyon sa Bibliya na tutulong sa kaniya na masagot ang mga tanong na iyon?
5 Para sa mga may Watchtower Library sa CD-ROM sa kanilang wika, madaling makita ang maraming mapagkukunan ng impormasyon sa computer. Ngunit kumusta naman ang mga taong walang computer? Suriin natin ang dalawang paksang tinatalakay sa brosyur na Hinihiling upang makita natin kung paano natin mapalalawak ang ating kaunawaan at masasagot nang mas detalyado ang mga tanong—lalo na kapag may nagtanong ng gaya ng, Sino ang Diyos, at sino ba talaga si Jesus?—Exodo 5:2; Lucas 9:18-20; 1 Pedro 3:15.
Sino ang Diyos?
6, 7. (a) Anong tanong ang bumabangon hinggil sa Diyos? (b) Anong napakahalagang bagay ang hindi binanggit ng isang klerigo sa isang lektyur?
6 Ang Aralin 2 sa brosyur na Hinihiling ay sumasagot sa mahalagang tanong na, Sino ang Diyos? Ito ay isang pangunahing doktrina yamang hindi maaaring sambahin ng isang tao ang tunay na Diyos kung hindi niya Siya kilala o marahil ay nag-aalinlangan siya sa Kaniyang pag-iral. (Roma 1:19, 20; Hebreo 11:6) Gayunman, ang mga tao sa daigdig ay nanghahawakan sa daan-daang konsepto hinggil sa kung sino ang Diyos. (1 Corinto 8:4-6) Iba-iba ang sagot ng bawat relihiyosong pilosopiya sa tanong hinggil sa pagkakakilanlan ng Diyos. Sa Sangkakristiyanuhan, ang Diyos ay minamalas ng karamihan sa mga relihiyon bilang Trinidad. Isang prominenteng klerigo sa Estados Unidos ang nagbigay ng lektyur na pinamagatang “Kilala Mo ba ang Diyos?” ngunit ni minsan ay hindi niya binanggit sa kaniyang talumpati ang pangalan ng Diyos, bagaman sumipi siya sa Hebreong Kasulatan nang ilang ulit. Siyempre pa, bumasa siya mula sa isang salin ng Bibliya na gumagamit ng titulong “Panginoon,” na hindi naman pangalan at may iba’t ibang kahulugan, sa halip na Jehova o Yahweh.
7 Napakahalaga ngang punto ang nakaligtaan ng klerigo nang kaniyang sipiin ang Jeremias 31:33, 34: “ ‘Hindi na magtuturo bawat isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawat tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, “Iyong kilalanin ang Panginoon” [Hebreo, “Iyong kilalanin si Jehova”], sapagkat makikilala nilang lahat Ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila,’ sabi ng Panginoon [Hebreo, Jehova].” Inalis ng salin na kaniyang ginamit ang namumukod-tanging banal na pangalang Jehova.—Awit 103:1, 2.
8. Ano ang naglalarawan sa kahalagahan ng paggamit sa pangalan ng Diyos?
8 Inilalarawan ng Awit 8:9 kung bakit napakahalagang gamitin ang pangalan ni Jehova: “O Jehova na aming Panginoon, pagkaringal ng iyong pangalan sa buong lupa!” Ihambing iyan sa: “O PANGINOON, aming Panginoon, napakadakila ng iyong pangalan sa buong daigdig!” (Ang Biblia—New Pilipino Version; tingnan din Ang Banal na Kasulatan sa Wikang Tagalog, The New American Bible, Tanakh—The Holy Scriptures) Subalit, gaya ng binanggit sa naunang artikulo, matatamo natin ang “mismong kaalaman sa Diyos” kung hahayaan natin ang kaniyang Salita na magbigay-liwanag sa atin. Ngunit aling pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang agad na sasagot sa ating mga tanong hinggil sa kahalagahan ng banal na pangalan?—Kawikaan 2:1-6.
9. (a) Anong publikasyon ang makatutulong sa atin na ipaliwanag ang kahalagahan ng paggamit ng banal na pangalan? (b) Paano hindi nagpakita ng paggalang sa pangalan ng Diyos ang maraming tagapagsalin?
9 Maaari nating tingnan ang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, na naisalin na sa 69 na wika. * Malinaw na ipinakikita ng bahaging pinamagatang “Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas” (pahina 6-11) na ang Hebreong Tetragrammaton (mula sa salitang Griego, na nangangahulugang “apat na letra”) ay lumilitaw nang halos 7,000 beses sa sinaunang mga tekstong Hebreo. Gayunman, sadyang inalis ito ng klero at mga tagapagsalin ng Judaismo at ng Sangkakristiyanuhan sa karamihan ng kanilang mga salin ng Bibliya. * Paano nila masasabing kilala nila ang Diyos at na mayroon silang kaayaayang kaugnayan sa kaniya kung ayaw nilang tawagin siya sa kaniyang pangalan? Ang kaniyang tunay na pangalan ay nagbubukas ng daan tungo sa pag-unawa sa kung ano ang kaniyang mga layunin at kung sino siya. Bukod dito, ano ang halaga ng bahagi ng modelong panalangin ni Jesus na “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan” kung ang pangalan ng Diyos ay hindi man lamang ginagamit?—Mateo 6:9; Juan 5:43; 17:6.
Sino si Jesu-Kristo?
10. Sa anu-anong paraan maaari tayong makakuha ng kumpletong larawan ng buhay at ministeryo ni Jesus?
10 Ang Aralin 3 sa brosyur na Hinihiling ay pinamagatang “Sino si Jesu-Kristo?” Sa anim na parapo lamang, nagbibigay ito ng napakaikling paliwanag hinggil kay Jesus, sa kaniyang pinagmulan, at sa kaniyang layunin sa pagpunta sa lupa. Gayunman, kung nais mo ng isang kumpletong salaysay ng kaniyang buhay, wala nang ulat na mas huhusay pa—maliban sa mismong mga ulat ng Ebanghelyo—kaysa sa Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, na makukuha sa 111 wika. * Inihaharap ng aklat na ito ang kronolohikal na pagkakasunud-sunod ng buhay at mga turo ni Kristo, salig sa apat na Ebanghelyo. Ang 133 kabanata nito ay sumasaklaw sa mga kaganapan sa buhay at ministeryo ni Jesus. Para naman sa isang naiiba at mapanuring paraan ng pagtalakay, maaari mong tingnan ang Insight, Tomo 2, sa ilalim ng uluhang “Jesus Christ,” at ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, kabanata 4.
11. (a) Paano naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang paniniwala tungkol kay Jesus? (b) Ano ang ilan sa mga teksto sa Bibliya na maliwanag na nagpapabulaan sa doktrina ng Trinidad, at anong publikasyon ang makatutulong may kinalaman dito?
11 Sa Sangkakristiyanuhan, ang kontrobersiya hinggil kay Jesus ay nakasentro sa kung siya ba “ang Anak ng Diyos” at saka “Diyos Anak”—sa ibang salita, ang pinagtatalunan ay tungkol sa tinatawag ng Catechism of the Catholic Church na “pangunahing misteryo ng pananampalatayang Kristiyano,” ang Trinidad. Yamang ibang-iba sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Jesus ay nilalang ng Diyos ngunit hindi siya ang Diyos. Ang isang mainam na pagtalakay sa paksang ito ay masusumpungan sa brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, na isinalin sa 95 wika. * Ang ilan sa maraming kasulatang ginagamit nito upang pabulaanan ang doktrina ng Trinidad ay Marcos 13:32 at 1 Corinto 15:24, 28.
12. Ano pang katanungan ang nararapat nating bigyang-pansin?
12 Ang mga natalakay sa itaas hinggil sa Diyos at kay Jesu-Kristo ay naglalarawan ng mga paraan kung paano tayo makagagawa ng personal na pag-aaral sa layuning tulungan ang mga di-pamilyar sa katotohanan sa Bibliya na matamo ang tumpak na kaalaman. (Juan 17:3) Subalit kumusta naman ang mga nakaugnay sa kongregasyong Kristiyano sa loob ng maraming taon? Yamang may naipon na silang kaalaman hinggil sa Bibliya, kailangan pa ba nilang magbigay-pansin sa kanilang personal na pag-aaral sa Salita ni Jehova?
Bakit Kailangan na ‘Laging Magbigay-Pansin’?
13. Anong maling pangmalas ang maaaring taglay ng ilan hinggil sa personal na pag-aaral?
13 Ang ilan na naging miyembro ng kongregasyon sa loob ng maraming taon ay maaaring mahulog sa kaugaliang umasa na lamang sa kaalaman sa Bibliya na kanilang natamo noong unang mga taon nila bilang mga Saksi ni Jehova. Napakadaling magdahilan: “Hindi ko na kailangang mag-aral nang dibdiban na gaya ng mga baguhan. Tutal, tingnan mo na lamang kung ilang beses ko nang nabasa ang Bibliya at ang mga publikasyon sa Bibliya sa loob ng maraming taon.” Kagaya ito ng pagsasabing: “Hindi ko na kailangang bigyang-pansin ang aking kinakain sa ngayon, dahil tingnan mo na lamang ang lahat ng pagkaing nakain ko na.” Alam natin na kailangan ng katawan ang patuloy na sustansiya mula sa nakapagpapalusog at wastong inihandang pagkain upang manatili itong malusog at masigla. Lalo nang totoo ito sa pagpapanatili ng ating espirituwal na kalusugan at kalakasan!—Hebreo 5:12-14.
14. Bakit tayo dapat laging magbigay-pansin sa ating sarili?
14 Samakatuwid, tayong lahat, matatagal man tayong mga estudyante ng Bibliya o hindi, ay kailangang sumunod sa payo ni Pablo kay Timoteo, na noon ay isa nang may-gulang at responsableng tagapangasiwa: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:15, 16) Bakit natin dapat pag-ukulan ng matamang pansin ang payo ni Pablo? Tandaan, binanggit din ni Pablo na tayo ay may pakikipagdigma laban sa “mga pakana [tusong mga gawa] ng Diyablo” at “laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” At nagbabala si apostol Pedro na ang Diyablo ay “naghahanap ng masisila,” at ang ‘masisilang iyon’ ay maaaring sinuman sa atin. Ang ating pagiging hindi mapagbantay ay maaaring ang mismong pagkakataon na hinahanap niya.—Efeso 6:11, 12; 1 Pedro 5:8.
15. Anong espirituwal na depensa ang taglay natin, at paano natin ito mamantinihin?
15 Kaya anong depensa ang taglay natin? Ipinaalaala sa atin ni apostol Pablo: “Kunin ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos, upang kayo ay makatagal sa balakyot na araw at, pagkatapos ninyong magawa nang lubusan ang lahat ng mga bagay, ay makatayong matatag.” (Efeso 6:13) Ang pagiging mabisa ng espirituwal na kagayakang pandigmang iyon ay nakadepende hindi lamang sa orihinal na kalidad nito kundi gayundin sa regular na pagmamantini rito. Kaya dapat na kalakip sa kumpletong kagamitang iyan mula sa Diyos ang napapanahong kaalaman sa Salita ng Diyos. Itinatampok nito ang kahalagahan ng pagtiyak na laging napapanahon ang ating kaunawaan sa katotohanan alinsunod sa isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng uring tapat at maingat na alipin. Ang regular na personal na pag-aaral ng Bibliya at mga publikasyon sa Bibliya ay mahalaga sa pagmamantini ng ating espirituwal na kagayakang pandigma.—Mateo 24:45-47; Efeso 6:14, 15.
16. Ano ang magagawa natin upang matiyak na ang ating “malaking kalasag ng pananampalataya” ay namamantini?
16 Itinatampok ni Pablo bilang mahalagang bahagi ng ating pandepensang kagayakan ang “malaking kalasag ng pananampalataya,” na sa pamamagitan nito’y masasangga at maaapula natin ang nag-aapoy na mga suligi ng maling mga paratang at mga apostatang turo ni Satanas. (Efeso 6:16) Kaya mahalaga na tiyakin natin kung gaano katibay ang ating kalasag ng pananampalataya at kung anong mga hakbang ang ginagawa natin upang mamantini at mapatibay ito. Halimbawa, maaari mong itanong: ‘Paano ba ako naghahanda para sa lingguhang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit Ang Bantayan? Sapat ba ang ginagawa kong pag-aaral upang “maudyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa” ang iba sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinag-isipang-mabuting mga sagot sa panahon ng pulong? Binubuksan ko ba ang Bibliya at binabasa ang mga kasulatang binanggit ngunit hindi naman sinipi? Pinatitibay ko ba ang iba sa pamamagitan ng aking masiglang pakikibahagi sa mga pulong?’ Matigas ang ating espirituwal na pagkain, at kailangan itong tunawing mabuti upang lubos tayong makinabang dito.—Hebreo 5:14; 10:24.
17. (a) Anong lason ang ginagamit ni Satanas upang pahinain ang ating espirituwalidad? (b) Ano ang panlaban sa lason ni Satanas?
17 Alam ni Satanas ang mga kahinaan ng di-sakdal na mga tao, at tuso ang kaniyang mga pakana. Ang isa sa mga paraan upang palaganapin ang kaniyang masamang impluwensiya ay sa pamamagitan ng pagpapangyari na makakita ng pornograpya sa napakadaling paraan sa TV, sa Internet, sa mga video, at sa mga inilimbag na mga babasahin. Hinayaan ng ilang Kristiyano na makatagos ang lasong ito sa kanilang mahihinang depensa, at umakay ito sa pagkawala ng mga pribilehiyo sa kongregasyon o sa mas malulubha pang epekto. (Efeso 4:17-19) Ano ang panlaban sa espirituwal na lason ni Satanas? Hindi natin dapat pabayaan ang ating regular na personal na pag-aaral ng Bibliya, ang ating mga Kristiyanong pagpupulong, at ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos. Sinasangkapan tayo ng lahat ng ito ng kakayahang makita ang pagkakaiba ng tama at mali at kapootan ang kinapopootan ng Diyos.—Awit 97:10; Roma 12:9.
18. Paano tayo matutulungan ng “tabak ng espiritu” sa ating espirituwal na pakikipaglaban?
18 Kung pananatilihin natin ang ating regular na kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya, hindi lamang tayo magkakaroon ng matatag na depensa na inilalaan ng ating tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos kundi magkakaroon din tayo ng mabisang Efeso 6:17; Hebreo 4:12) Kung tayo ay magiging sanay sa paggamit ng “tabak” na iyan, at pagkatapos ay mapaharap tayo sa mga tukso, malinaw nating makikita ang mga bagay na waring di-nakapipinsala, o kaakit-akit pa nga, at mailalantad ito bilang nakamamatay na bitag ng isa na balakyot. Ang ating naipong kaalaman at kaunawaan sa Bibliya ang tutulong sa atin na itakwil ang balakyot at gawin ang mainam. Kaya tayong lahat ay dapat magtanong sa ating sarili: ‘Matalas ba ang aking tabak, o mapurol ba ito? Nahihirapan ba akong alalahanin ang mga teksto sa Bibliya na makapagpapatibay sa aking pagsalakay?’ Panatilihin nawa natin ang ating mabubuting kaugalian sa personal na pag-aaral sa Bibliya at sa gayon ay labanan ang Diyablo.—Efeso 4:22-24.
pansalakay sa pamamagitan ng “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.” Ang salita ng Diyos ay “mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (19. Anu-anong pakinabang ang makakamit natin kung magsisikap tayo sa personal na pag-aaral?
19 Sumulat si Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Kung isasapuso natin ang mga salita ni Pablo kay Timoteo, mapatitibay natin ang ating sariling espirituwalidad at magagawa nating higit na mabisa ang ating ministeryo. Higit na magiging kapaki-pakinabang sa kongregasyon ang espirituwal na matatanda at mga ministeryal na lingkod, at tayo ay makapananatiling matatag sa pananampalataya.—2 Timoteo 3:16, 17; Mateo 7:24-27.
[Mga talababa]
^ par. 4 Karaniwan na, pagkatapos pag-aralan ng bagong interesado ang brosyur na Hinihiling, ang susunod niyang pag-aaralan ay ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na parehong inilimbag ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga mungkahing ibinigay rito ay makatutulong na alisin ang mga balakid sa espirituwal na pagsulong.
^ par. 9 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Maaaring tingnan ng mga may Insight on the Scriptures sa kanilang wika ang Tomo 2, sa ilalim ng uluhang “Jehovah.” Sa Tagalog, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.
^ par. 9 Ang ilang salin sa wikang Kastila at Catalonia ay kapansin-pansing mga eksepsiyon sa kanilang pagsasalin ng Hebreong Tetragrammaton, na ginagamit ang “Yavé,” “Yahveh,” “Jahvè,” at “Jehová.”
^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Natatandaan Mo Ba?
• Anu-anong kalagayan ang nakatutulong sa mabisang personal na pag-aaral?
• Anong pagkakamali ang ginawa ng maraming salin ng Bibliya hinggil sa pangalan ng Diyos?
• Anu-anong teksto sa Bibliya ang gagamitin mo upang pabulaanan ang turo ng Trinidad?
• Ano ang kailangan nating gawin upang maipagsanggalang ang ating sarili mula sa mga pakana ni Satanas, kahit na tayo’y mga tunay na Kristiyano na sa loob ng maraming taon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 19]
Upang maging mabisa ang personal na pag-aaral, kailangan mo ang tamang kapaligiran na may pinakakaunting gambala
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang iyo bang “tabak” ay matalas o mapurol?