Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masiyahan sa Personal na Pag-aaral sa Salita ng Diyos

Masiyahan sa Personal na Pag-aaral sa Salita ng Diyos

Masiyahan sa Personal na Pag-aaral sa Salita ng Diyos

“Bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.”​—AWIT 77:12.

1, 2. (a) Bakit tayo dapat maglaan ng panahon para sa pagbubulay-bulay? (b) Ano ang ibig sabihin ng “magbulay-bulay” at “magmuni-muni”?

BILANG mga alagad ni Jesu-Kristo, dapat na maging pinakamahalaga sa atin ang ating kaugnayan sa Diyos at ang ating mga dahilan sa paglilingkod sa Kaniya. Gayunman, maraming tao sa ngayon ang abalang-abala sa buhay anupat hindi sila naglalaan ng panahon para sa pagbubulay-bulay. Buhos na buhos sila sa walang-tigil na gawain hinggil sa materyalismo, pagbili ng mga bagay-bagay, at walang-saysay na paghahanap ng kaluguran. Paano natin maiiwasan ang gayong walang-kabuluhang pagsisikap? Kung paanong naglalaan tayo ng takdang panahon bawat araw para sa mahahalagang gawain, tulad ng pagkain at pagtulog, dapat din tayong maglaan ng panahon bawat araw upang magbulay-bulay sa mga gawain at mga pakikitungo ni Jehova.​—Deuteronomio 8:3; Mateo 4:4.

2 May panahon ka ba upang magbulay-bulay? Ano ba ang ibig sabihin ng magbulay-bulay? Binibigyang-katuturan ang salitang ito na ituon ang kaisipan ng isa, magnilay-nilay o magmuni-muni. At ang ibig sabihin ng salitang magmuni-muni ay pag-isipan, magnilay-nilay, mag-isip o magsaalang-alang lalo na sa tahimik, taimtim, at malalim na paraan. Ano ang kahulugan nito para sa atin?

3. Sa ano tuwirang nauugnay ang espirituwal na pagsulong?

3 Isa na rito, dapat nitong ipaalaala sa atin ang isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang kapuwa lingkod na si Timoteo: “Habang ako ay papariyan, magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo. . . . Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” Oo, ang pagsulong ay inaasahan, at ipinakikita ng mga salita ni Pablo na may tuwirang kaugnayan ang pagmumuni-muni sa espirituwal na mga bagay at ang pagsulong. Gayundin sa ngayon. Upang matamasa ang kasiyahan sa pagsulong sa espirituwal, dapat tayong “magmuni-muni” at ‘magbuhos ng pansin’ sa mga bagay na may kinalaman sa Salita ng Diyos.​—1 Timoteo 4:13-15.

4. Anong mga paglalaan ang magagamit mo upang tulungan kang magmuni-muni nang palagian sa Salita ni Jehova?

4 Ang pinakamainam na panahon para makapagbulay-bulay ka ay nakasalalay sa iyo at sa rutin ng iyong pamilya. Marami ang nagmumuni-muni sa isang teksto sa Bibliya sa unang mga oras ng umaga kapag binabasa nila ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Sa katunayan, pinasisimulan ng mga 20,000 boluntaryo sa mga tahanang Bethel sa buong daigdig ang kanilang araw sa pamamagitan ng 15-minutong pagtalakay ng teksto sa Bibliya para sa araw na iyon. Bagaman ilan lamang sa pamilyang Bethel ang nagbibigay ng komento tuwing umaga, ang iba naman ay nagmumuni-muni sa sinasabi at binabasa. Minumuni-muni ng ibang mga Saksi ang Salita ni Jehova habang papunta sila sa trabaho. Nakikinig sila sa mga audiocassette ng Bibliya at ng mga magasing Bantayan at Gumising! na makukuha sa ilang wika. Ginagawa ito ng maraming maybahay habang gumaganap ng mga gawaing-bahay. Ang totoo, kanilang tinutularan ang salmistang si Asap, na sumulat: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aalalahanin ko ang iyong kamangha-manghang gawain noong sinaunang panahon. At bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.”​—Awit 77:11, 12.

Nagdudulot ng Kapaki-pakinabang na mga Resulta ang Tamang Saloobin

5. Bakit dapat na maging mahalaga sa atin ang personal na pag-aaral?

5 Sa ating makabagong panahon ng TV, mga video, at mga computer, maraming tao ang hindi na masyadong nagbabasa. Tiyak na hindi dapat maging ganiyan sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, ang pagbabasa ng Bibliya ay napakahalaga sa ating pakikipag-ugnayan kay Jehova. Libu-libong taon na ang nakalipas, hinalinhan ni Josue si Moises bilang lider ng Israel. Upang makamit ang pagpapala ni Jehova, kinailangang basahin mismo ni Josue ang Salita ng Diyos. (Josue 1:8; Awit 1:1, 2) Isa pa rin iyang kahilingan sa ngayon. Ngunit dahil sa limitadong edukasyon, ang ilan ay maaaring nahihirapang magbasa o nababagot dito. Kung gayon, ano ang makatutulong sa atin upang naisin nating basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos? Masusumpungan ang kasagutan sa mga salita ni Haring Solomon na nakaulat sa Kawikaan 2:1-6. Pakisuyong buksan ang iyong Bibliya at basahin ang mga talatang ito. Pagkatapos ay sama-sama nating talakayin ang mga ito.

6. Anong saloobin ang dapat nating ipamalas hinggil sa kaalaman sa Diyos?

6 Una sa lahat, mababasa natin ang payong ito: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; . . .” (Kawikaan 2:1, 2) Ano ang matututuhan natin sa mga salitang ito? Ang pananagutan ay nasa bawat isa sa atin. Pansinin ang pasubaling “kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita.” Iyan ay isang napakahalagang “kung” yamang ang karamihan sa sangkatauhan ay hindi nagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos. Upang makasumpong tayo ng kagalakan sa pag-aaral sa Salita ng Diyos, dapat na handa nating tanggapin ang mga pananalita ni Jehova at ituring ang mga ito na gaya ng kayamanang ayaw nating mawala. Hindi natin kailanman dapat pahintulutang labis tayong abalahin o gambalain ng ating pang-araw-araw na rutin anupat mawalan na tayo ng interes sa Salita ng Diyos at magduda pa nga rito.​—Roma 3:3, 4.

7. Kailanman’t posible, bakit tayo dapat dumalo at magbigay-pansin sa mga Kristiyanong pagpupulong?

7 Tayo ba’y talagang ‘nagbibigay-pansin’ at nakikinig nang mabuti kapag ipinaliliwanag ang Salita ng Diyos sa ating mga Kristiyanong pagpupulong? (Efeso 4:20, 21) ‘Ikinikiling ba natin ang ating puso’ upang makapagtamo ng kaunawaan? Marahil ang tagapagsalita ay hindi siyang pinakamakaranasan, ngunit habang ginagamit niya ang Salita ng Diyos, siya ay karapat-dapat sa ating matamang pansin. Siyempre pa, upang makapagbigay-pansin sa karunungan ni Jehova, dapat tayong dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong kailanma’t posible. (Kawikaan 18:1) Gunigunihin ang pagkadismaya ng mga maaaring hindi nakadalo sa pulong sa silid sa itaas sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.! Bagaman ang ating mga pulong ay hindi naman kagila-gilalas na gaya niyaon, tinatalakay roon ang Bibliya, ang ating pangunahing aklat-aralin. Kaya ang bawat pulong ay maaaring maging isang pagpapala para sa atin kung magbibigay-pansin tayo at susubaybay sa ating mga Bibliya.​—Gawa 2:1-4; Hebreo 10:24, 25.

8, 9. (a) Ano ang kinakailangan sa personal na pag-aaral? (b) Paano mo maihahambing ang halaga ng ginto sa pagkaunawa sa kaalaman sa Diyos?

8 Ang sumunod na mga salita ng matalinong hari ay: “Bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, . . .” (Kawikaan 2:3) Anong saloobin o espiritu ang ipinababatid ng mga salitang ito sa atin? Aba, ang taimtim na hangaring maunawaan ang Salita ni Jehova! Ipinahihiwatig ng mga ito ang pagnanais na mag-aral sa layuning maunawaan ang kalooban ni Jehova. Siyempre pa, kailangan dito ang pagsisikap, at inaakay tayo nito sa susunod na mga salita at ilustrasyon ni Solomon.​—Efeso 5:15-17.

9 Nagpapatuloy siya: “Kung patuloy mo itong [kaunawaan] hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, . . .” (Kawikaan 2:4) Ipinaaalaala nito sa atin ang mga pagmimina ng mga lalaking naghahanap ng tinatawag na mahahalagang metal na pilak at ginto sa loob ng maraming siglo. Pumatay ang mga tao para lamang sa ginto. Ginugol naman ng iba ang kanilang buong buhay upang masumpungan lamang ito. Gayunman, ano ba ang tunay na halaga ng ginto? Kung ikaw ay mawala sa isang disyerto at mamamatay na sa uhaw, alin ang pipiliin mo: isang bara ng ginto o isang baso ng tubig? Subalit, kaysigasig nga ng mga tao sa paghahanap ng ginto, sa kabila ng di-nagtatagal at pabagu-bagong halaga nito! * Di-hamak na dapat na maging mas masigasig tayo sa paghahanap ng karunungan at kaunawaan hinggil sa Diyos at sa kaniyang kalooban! Ngunit ano ba ang mga kapakinabangan ng gayong pagsasaliksik?​—Awit 19:7-10; Kawikaan 3:13-18.

10. Ano ang masusumpungan natin kapag pinag-aralan natin ang Salita ng Diyos?

10 Nagpapatuloy ang diskurso ni Solomon: “Kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:5) Tunay ngang kamangha-manghang isipin​—na tayong makasalanang mga tao ay makasusumpong ng “mismong kaalaman sa Diyos,” hinggil kay Jehova, ang Soberanong Panginoon ng sansinukob! (Awit 73:28; Gawa 4:24) Sa loob ng maraming siglo, ang mga pilosopo at sinasabing matatalinong tao ng sanlibutan ay nagsikap na unawain ang mga hiwaga ng buhay at ng sansinukob. Subalit nabigo silang masumpungan ang “mismong kaalaman sa Diyos.” Bakit? Bagaman libu-libong taon nang makukuha ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, winawalang-halaga nila ito bilang napakasimple at sa gayon ay nabibigo silang tanggapin at unawain ito.​—1 Corinto 1:18-21.

11. Ano ang ilang kapakinabangan ng personal na pag-aaral?

11 Ito pa ang isang pangganyak na itinatampok ni Solomon: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” (Kawikaan 2:6) Kusang-loob at bukas-palad na nagbibigay si Jehova ng karunungan, kaalaman, at kaunawaan sa sinumang nagnanais na hanapin ang mga ito. Tiyak na taglay natin ang lahat ng dahilan upang pahalagahan ang personal na pag-aaral sa Salita ng Diyos, bagaman humihiling ito ng pagsisikap, disiplina, at sakripisyo. Sa paanuman ay taglay natin ang inilimbag na mga kopya ng Bibliya at hindi na natin kailangang kopyahin ito sa pamamagitan ng kamay, gaya ng ginawa ng ilan noong una!​—Deuteronomio 17:18, 19.

Lumakad Nang Karapat-dapat kay Jehova

12. Ano ang dapat na maging motibo natin sa paghahanap ng kaalaman sa Diyos?

12 Ano ang dapat na maging motibo natin sa ating personal na pag-aaral? Upang magmukhang mas magaling kaysa sa iba? Upang magpasikat ng nakahihigit na kaalaman? Upang magmistulang mga lumalakad na ensayklopidiya sa Bibliya? Hindi. Ang ating tunguhin ay maging mga lumalakad, nagsasalita, at nagkakapit na mga Kristiyano, na laging handang tumulong sa iba, alinsunod sa nakagiginhawang espiritu ni Kristo. (Mateo 11:28-30) Nagbabala si apostol Pablo: “Ang kaalaman ay nakapagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Samakatuwid, dapat nating taglayin ang mapagpakumbabang saloobin na ipinamalas ni Moises nang sabihin niya kay Jehova: “Pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita, nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” (Exodo 33:13) Oo, dapat nating hangaring matamo ang kaalaman upang paluguran ang Diyos, hindi upang pahangain ang mga tao. Nais nating maging karapat-dapat at mapagpakumbabang mga lingkod ng Diyos. Paano natin maaabot ang tunguhing iyan?

13. Ano ang kailangan upang ang isa ay maging karapat-dapat na lingkod ng Diyos?

13 Pinayuhan ni Pablo si Timoteo kung paano paluluguran ang Diyos, sa pagsasabing: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Ang pananalitang “ginagamit nang wasto” ay mula sa pandiwang Griego na binubuo ng dalawang salita na nangangahulugang “tuwid na pagputol,” o ‘pumutol nang tuwid.’ (Kingdom Interlinear) Ayon sa ilan, ipinahihiwatig nito ang ideya hinggil sa isang mananahi na pumuputol ng tela ayon sa isang padron, tungkol sa isang magsasakang nag-aararo ng mga tudling sa bukirin, at iba pa. Anuman ang kalagayan, ang resulta nito sa dakong huli ay tiyak na tuwid. Ang punto ay, upang maging karapat-dapat at sinang-ayunang lingkod ng Diyos, kailangang ‘gawin ni Timoteo ang kaniyang buong makakaya’ upang matiyak na ang kaniyang pagtuturo at paggawi ay alinsunod sa salita ng katotohanan.​—1 Timoteo 4:16.

14. Paano dapat makaimpluwensiya ang ating personal na pag-aaral sa ating ginagawa at sinasabi?

14 Binanggit ni Pablo ang punto ring iyon nang himukin niya ang mga kapuwa Kristiyano sa Colosas na “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos” sa pamamagitan ng ‘pamumunga sa bawat mabuting gawa at paglago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’ (Colosas 1:10) Dito ay iniugnay ni Pablo ang pagiging karapat-dapat kay Jehova sa ‘pamumunga sa bawat mabuting gawa’ gayundin sa ‘paglago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’ Sa ibang salita, ang importante kay Jehova ay hindi lamang kung gaano natin pinahahalagahan ang kaalaman kundi kung gaano kaingat nating sinusunod ang Salita ng Diyos batay sa ating ginagawa at sinasabi. (Roma 2:21, 22) Nangangahulugan ito na ang ating personal na pag-aaral ay dapat makaimpluwensiya sa ating pag-iisip at paggawi kung nais nating palugdan ang Diyos.

15. Paano natin maipagsasanggalang at makokontrol ang ating isip at mga kaisipan?

15 Sa ngayon, determinado si Satanas na sirain ang ating espirituwalidad sa pamamagitan ng pagtataguyod ng tunggalian sa isipan. (Roma 7:14-25) Kung gayon, dapat nating ipagsanggalang at kontrolin ang ating isip at mga kaisipan upang mapatunayang karapat-dapat tayo sa ating Diyos na si Jehova. Ang sandatang taglay natin ay ang “kaalaman sa Diyos,” na may kakayahang ‘dalhin sa pagkabihag ang bawat kaisipan upang gawin itong masunurin sa Kristo.’ Ito ay isa pang dahilan upang magbigay-pansin tayo sa araw-araw na pag-aaral sa Bibliya, yamang nais nating linisin ang ating isip mula sa makasarili at makalamang mga kaisipan.​—2 Corinto 10:5.

Mga Pantulong sa Pag-unawa

16. Paano tayo makikinabang habang tinuturuan tayo ni Jehova?

16 Nagdudulot ng espirituwal at pisikal na kapakinabangan ang turo ni Jehova. Hindi ito nakababagot at akademikong teolohiya lamang. Kaya mababasa natin: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” (Isaias 48:17) Paano tayo pinalalakad ni Jehova sa kaniyang kapaki-pakinabang na daan? Una, taglay natin ang kaniyang kinasihang Salita, ang Banal na Bibliya. Ito ang ating pangunahing aklat-aralin, na siyang lagi nating sinasangguni. Iyan ang dahilan kung bakit makabubuting sumubaybay sa mga Kristiyanong pagpupulong sa pamamagitan ng pagbubukas ng Bibliya. Ang kapaki-pakinabang na mga resulta ng paggawa ng gayon ay makikita sa ulat ng bating na Etiope, na nakaulat sa Gawa kabanata 8.

17. Ano ang nangyari hinggil sa bating na Etiope, at ano ang inilalarawan nito?

17 Ang bating na Etiope ay nakumberte sa Judaismo. Taimtim siyang naniniwala sa Diyos, at pinag-aralan niya ang Kasulatan. Samantalang naglalakbay sakay ng kaniyang karo, binabasa niya ang teksto ni Isaias nang tumakbo si Felipe sa tabi niya at magtanong: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Paano sumagot ang bating? “ ‘Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?’ At namanhik siya kay Felipe na sumakay at umupong kasama niya.” Pagkatapos, si Felipe, na inakay ng banal na espiritu, ay tumulong sa bating upang maunawaan ang hula ni Isaias. (Gawa 8:27-35) Ano ang inilalarawan nito? Hindi sapat ang ating personal na pagbabasa ng Bibliya. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ginagamit ni Jehova ang uring tapat at maingat na alipin upang tulungan tayo na maunawaan ang kaniyang Salita sa tamang panahon. Paano ito ginagawa?​—Mateo 24:45-47; Lucas 12:42.

18. Paano tayo tinutulungan ng uring tapat at maingat na alipin?

18 Bagaman ang uring alipin ay itinuturing na “tapat at maingat,” hindi sinabi ni Jesus na hindi ito magkakamali. Ang grupong ito ng tapat na pinahirang mga kapatid ay binubuo pa rin ng di-sakdal na mga Kristiyano. Sa kabila ng pinakamabuting intensiyon, maaari silang magkamali, gaya ng paminsan-minsang nangyayari sa mga lalaki noong unang siglo. (Gawa 10:9-15; Galacia 2:8, 11-14) Gayunman, dalisay ang kanilang motibo, at ginagamit sila ni Jehova upang paglaanan tayo ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya nang sa gayon ay mapatibay ang ating pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa kaniyang mga pangako. Ang pangunahing paglalaan para sa personal na pag-aaral na ibinigay sa atin ng alipin ay ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Sa kasalukuyan, ang kabuuan o ang bahagi nito ay makukuha na sa 42 wika, at 114 na milyong kopya sa ilang edisyon ang nailimbag na. Paano natin mabisang magagamit ito sa ating personal na pag-aaral?​—2 Timoteo 3:14-17.

19. Ano ang ilang bahagi ng New World Translation​—With References na makatutulong sa personal na pag-aaral?

19 Kunin nating halimbawa ang New World Translation of the Holy Scriptures​—With References. May mga tudling ito ng mga cross-reference, mga talababa, maliit na konkordansiya sa anyong “Bible Words Indexed” at “Footnote Words Indexed,” at isang Appendix na nagtataglay ng maraming impormasyon hinggil sa 43 paksa, na may kasamang mga mapa at tsart. Nariyan din ang “Introduction,” na may kasamang paliwanag hinggil sa maraming reperensiyang ginamit sa natatanging salin na ito ng Bibliya. Kung makukuha ito sa wikang mauunawaan mo, tiyaking maging pamilyar sa mga bahagi nito at gamitin ang mga ito. Anuman ang kalagayan, ang Bibliya ang pinakasimula ng ating programa sa pag-aaral, at sa Bagong Sanlibutang Salin, mayroon tayong bersiyon na wastong nagdiriin sa banal na pangalan habang itinatampok nito ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos.​—Awit 149:1-9; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

20. Anu-anong tanong ngayon hinggil sa personal na pag-aaral ang kailangang sagutin?

20 Ngayon ay maaari nating itanong: ‘Ano pang tulong ang kailangan natin upang maunawaan ang Bibliya? Paano tayo makapaglalaan ng panahon sa personal na pag-aaral? Paano natin gagawing higit na mabisa ang ating pag-aaral? Paano dapat makaapekto sa iba ang ating pag-aaral?’ Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mahahalagang aspektong ito ng ating pagsulong bilang mga Kristiyano.

[Talababa]

^ par. 9 Sapol noong 1979, ang halaga ng ginto ay naging pabagu-bago mula sa napakataas na presyo na $850.00 bawat 31 gramo noong 1980 hanggang sa mababang presyo na $252.80 bawat 31 gramo noong 1999.

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang ibig sabihin ng “magbulay-bulay” at “magmuni-muni”?

• Anong saloobin ang dapat nating taglayin sa pag-aaral sa Salita ng Diyos?

• Ano ang dapat na maging motibo natin sa personal na pag-aaral?

• Anong mga pantulong sa pag-unawa sa Bibliya ang taglay natin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Nasusumpungan ng mga miyembro ng pamilyang Bethel na nakapagpapatibay sa espirituwal na pasimulan ang bawat araw sa pamamagitan ng pagtalakay ng isang teksto sa Bibliya

[Mga larawan sa pahina 15]

Magagamit ang mahalagang panahon sa pamamagitan ng pakikinig sa mga “tape” ng Bibliya habang naglalakbay tayo

[Larawan sa pahina 16]

Ang mga tao ay nagpapagal nang matagal at puspusan upang makakuha ng ginto. Gaano kalaking pagsisikap ang ginagawa mo sa pag-aaral sa Salita ng Diyos?

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng California State Parks, 2002

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang Bibliya ay isang kayamanang makaaakay sa buhay na walang hanggan