Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghingi ng Paumanhin—Isang Susi sa Pakikipagpayapaan

Paghingi ng Paumanhin—Isang Susi sa Pakikipagpayapaan

Paghingi ng Paumanhin​—Isang Susi sa Pakikipagpayapaan

“ANG paghingi ng paumanhin ay makapangyarihan. Nilulutas nito ang mga alitan nang walang karahasan, inaayos ang mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa, pinahihintulutan ang mga pamahalaan na kilalanin ang pagdurusa ng kanilang mga mamamayan, at isinasauli ang pagkakatimbang ng personal na mga kaugnayan.” Iyan ang isinulat ni Deborah Tannen, isang tanyag na awtor at sociolinguist sa Georgetown University sa Washington, D.C.

Pinatutunayan ng Bibliya na ang taimtim na paghingi ng paumanhin ay madalas na isang mabisang paraan upang ayusin ang nasirang kaugnayan. Halimbawa, sa talinghaga ni Jesus hinggil sa alibughang anak, nang magbalik sa tahanan ang anak at taos-pusong humingi ng paumanhin, handang-handa ang kaniyang ama na muli siyang tanggapin sa sambahayan. (Lucas 15:17-24) Oo, ang isang tao ay hindi dapat maging labis na mapagmapuri anupat hindi makapagpakumbaba, makahingi ng paumanhin, at makahingi ng tawad. Sabihin pa, para sa talagang mapagpakumbabang mga indibiduwal, ang paghingi ng paumanhin ay hindi napakahirap gawin.

Ang Kapangyarihan ng Paghingi ng Paumanhin

Si Abigail, isang matalinong babae sa sinaunang Israel, ay naglaan ng halimbawa ng kapangyarihan ng paghingi ng paumanhin, bagaman ang paghingi niya ng paumanhin ay para sa maling nagawa ng kaniyang asawa. Habang naninirahan sa ilang, ipinagsanggalang ni David, na nang dakong huli ay naging hari ng Israel, at ng kaniyang mga tauhan ang kawan ng asawa ni Abigail na si Nabal. Gayunman, nang humingi ng tinapay at tubig ang mga kabataang lalaki ni David, ipinagtabuyan sila ni Nabal sa pamamagitan ng labis na nakaiinsultong mga salita. Palibhasa’y napukaw sa galit, pinangunahan ni David ang mga 400 lalaki upang salakayin si Nabal at ang kaniyang sambahayan. Nang malaman niya ang situwasyon, sinalubong ni Abigail si David. Nang makita niya si David, isinubsob niya ang kaniyang mukha sa paanan ni David. Pagkatapos ay sinabi niya: “Mapasaakin nawa ang kamalian, O panginoon ko; at, pakisuyo, hayaang magsalita ang iyong aliping babae sa iyong pandinig, at makinig ka sa mga salita ng iyong aliping babae.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Abigail ang situwasyon at binigyan si David ng kaloob na pagkain at inumin. Dahil doon, sinabi ni David: “Umahon kang payapa sa iyong bahay. Tingnan mo, dininig ko ang iyong tinig sa pagsasaalang-alang ko sa iyong pagkatao.”​—1 Samuel 25:2-35.

Ang mapagpakumbabang saloobin ni Abigail lakip na ang kaniyang mga salitang humihingi ng paumanhin alang-alang sa magaspang na paggawi ng kaniyang asawa ay nagligtas sa kaniyang sambahayan. Pinasalamatan pa nga siya ni David sa pagpigil sa kaniya sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo. Bagaman hindi si Abigail ang nagmaltrato kay David at sa kaniyang mga tauhan, inako niya ang kasalanan para sa kaniyang pamilya at nakipagpayapaan siya kay David.

Ang isa pang halimbawa ng isang tao na nakaaalam kung kailan hihingi ng paumanhin ay si apostol Pablo. Minsan, kinailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa harap ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio. Palibhasa’y nagalit sa matapat na mga salita ni Pablo, iniutos ng mataas na saserdoteng si Ananias sa mga nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin siya sa bibig. Dahil doon, sinabi ni Pablo sa kaniya: “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader. Ikaw ba ay nakaupo upang hatulan ako ayon sa Kautusan at kasabay nito ay sinasalansang naman ang Kautusan sa pag-uutos mo na saktan ako?” Nang akusahan ng mga nagmamasid si Pablo ng panlalait sa mataas na saserdote, agad na inamin ng apostol ang kaniyang pagkakamali, sa pagsasabing: “Mga kapatid, hindi ko alam na siya ay mataas na saserdote. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag kang magsasalita nang nakapipinsala sa isang tagapamahala ng iyong bayan.’ ”​—Gawa 23:1-5.

Ang sinabi ni Pablo​—na ang isang pinahirang hukom ay hindi dapat bumaling sa karahasan​—ay tama naman. Gayunman, humingi siya ng paumanhin sa di-sinasadyang pagsasalita sa mataas na saserdote sa paraang maituturing na pagiging walang-galang. * Ang paghingi ni Pablo ng paumanhin ay nagbukas ng daan para pakinggan ng Sanedrin ang kaniyang sasabihin. Yamang alam ni Pablo ang pinagtatalunan ng mga miyembro ng hukumang iyon, sinabi niya sa kanila na siya ay nililitis dahil sa kaniyang paniniwala sa pagkabuhay-muli. Bunga nito, bumangon ang malaking di-pagkakasundo, anupat pumanig ang mga Pariseo kay Pablo.​—Gawa 23:6-10.

Ano ang matututuhan natin mula sa dalawang halimbawang ito sa Bibliya? Sa dalawang halimbawa, ang matapat na mga kapahayagan ng pagsisisi ang nagbukas ng daan para sa higit pang pag-uusap. Kaya ang mga salitang humihingi ng paumanhin ay makatutulong sa atin na makipagpayapaan. Oo, ang pag-amin sa ating mga pagkakamali at paghingi ng paumanhin dahil sa pinsalang nagawa ay maaaring magbukas ng mga pagkakataon para sa nakapagpapatibay na mga usapan.

‘Subalit Wala Naman Akong Ginawang Masama’

Kapag nalaman natin na may nasaktan sa ating sinabi o ginawa, baka madama natin na ang tao ay nagiging di-makatuwiran o masyadong sensitibo. Gayunman, pinayuhan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”​—Mateo 5:23, 24.

Halimbawa, baka nadama ng isang kapatid na lalaki na nagkasala ka sa kaniya. Sa gayong situwasyon, sinabi ni Jesus na kailangan kang umalis at ‘makipagpayapaan sa iyong kapatid,’ nadarama mo man na nagkasala ka sa kaniya o hindi. Ayon sa tekstong Griego, ang salitang ginamit dito ni Jesus ay ‘nagpapahiwatig ng pagpapahinuhod sa isa’t isa pagkatapos ng pag-aaway.’ (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words) Sa katunayan, kapag ang dalawang tao ay di-nagkakaunawaan, maaaring sa paanuman ay pareho silang may kasalanan, yamang kapuwa sila di-sakdal at madaling magkamali. Ito ay karaniwan nang humihiling ng pagpapahinuhod sa isa’t isa.

Ang isyu ay hindi kung sino ang tama at kung sino ang mali, kundi kung sino ang magkukusang makipagpayapaan. Nang mapansin ni apostol Pablo na dinadala ng mga Kristiyano sa Corinto ang kanilang mga kapuwa lingkod ng Diyos sa sekular na mga hukuman dahil sa personal na di-pagkakaunawaan tulad ng mga kasunduan sa pananalapi, itinuwid niya sila: “Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo?” (1 Corinto 6:7) Bagaman sinabi ito ni Pablo upang pahinain ang loob ng mga kapuwa Kristiyano sa paghahayag ng kanilang personal na mga di-pagkakaunawaan sa sekular na mga hukuman, ang simulain ay maliwanag: Ang kapayapaan sa gitna ng mga kapananampalataya ay mas mahalaga kaysa sa pagpapatunay kung sino ang tama at kung sino ang mali. Ang palaging pag-iisip sa simulaing ito ay magpapadali sa paghingi ng paumanhin sa mali na inaakala ng iba na nagawa natin laban sa kaniya.

Kailangan ang Kataimtiman

Gayunman, labis-labis ang paggamit ng ilang tao sa mga salitang ukol sa pagpapahayag ng paumanhin. Halimbawa, sa Hapon, ang salitang sumimasen, isang karaniwang pananalitang ginagamit sa paghingi ng paumanhin, ay naririnig nang napakaraming beses. Maaari pa nga itong gamitin upang magpahayag ng pasasalamat, na nagpapahiwatig ng di-mapalagay na damdamin dahil sa hindi nasuklian ang kabaitang ipinakita. Dahil sa ginagamit ito sa iba’t ibang paraan, maaaring madama ng ilan na ang salita ay masyadong madalas gamitin at baka mag-isip sila kung talaga ngang taimtim ang mga nagsasabi ng gayon. Ang iba’t ibang anyo ng paghingi ng paumanhin ay maaaring waring labis-labis ding ginagamit sa ibang kultura.

Sa alinmang wika, mahalaga na maging taimtim kapag humihingi ng paumanhin. Ang pananalita at tono ng boses ay dapat magpahiwatig ng pagiging totoo ng kalungkutan. Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad sa Sermon sa Bundok: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.” (Mateo 5:37) Kung hihingi ka ng paumanhin, dibdibin mo ito! Upang ilarawan: Isang lalaki na nakapila sa check-in counter ng isang paliparan ang humingi ng paumanhin nang masagi ng kaniyang bagahe ang babaing naghihintay na kasunod niya. Pagkalipas ng ilang minuto, nang umusad ang pila, nasagi na naman ng maleta ang babae. Muli, magalang na humingi ng paumanhin ang lalaki. Nang muli na naman itong mangyari, ang kasama ng babae ay nagsabi sa lalaki na kung talagang taimtim siya sa kaniyang sinabi, dapat niyang tiyakin na hindi na muling masasagi ng bagahe ang babae. Oo, ang taimtim na paghingi ng paumanhin ay dapat na lakipan ng determinasyon na huwag nang ulitin ang pagkakamali.

Kung tayo ay taimtim, kalakip dapat sa ating paghingi ng paumanhin ang pag-amin sa anumang pagkakamali, paghingi ng tawad, at pagsisikap na pawiin ang pinsala hangga’t maaari. Ang isa na pinagkasalahan naman ay dapat maging handang magpatawad sa nagsisising nagkasala. (Mateo 18:21, 22; Marcos 11:25; Efeso 4:32; Colosas 3:13) Yamang parehong di-sakdal ang magkabilang panig, maaaring hindi laging madali ang pakikipagpayapaan. Gayunman, ang mga salitang humihingi ng paumanhin ay isang malakas na impluwensiya tungo sa pakikipagpayapaan.

Kapag Di-Angkop Humingi ng Paumanhin

Bagaman ang mga kapahayagan ng pagsisisi at kalungkutan ay may nakagiginhawang epekto at nagdudulot ng kapayapaan, iiwasan ng isang matalinong tao na gamitin ang gayong mga kapahayagan kapag hindi angkop na gawin iyon. Halimbawa, ipagpalagay na ang nasasangkot na isyu ay ang katapatan sa Diyos. Nang si Jesu-Kristo ay nasa lupa, “nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:8) Gayunman, hindi siya humingi ng paumanhin alang-alang sa kaniyang mga paniniwala upang ibsan ang kaniyang pagdurusa. At hindi humingi ng paumanhin si Jesus nang hilingin ng mataas na saserdote: “Sa harap ng Diyos na buháy ay pinanunumpa kita na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos!” Sa halip na mahiyaing humingi ng paumanhin, lakas-loob na sinabi ni Jesus: “Ikaw mismo ang nagsabi nito. Gayunma’y sinasabi ko sa inyo, Mula ngayon ay makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.” (Mateo 26:63, 64) Hindi kailanman inisip ni Jesus na makipagpayapaan sa mataas na saserdote kapalit ng kaniyang katapatan sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.

Iginagalang at pinararangalan ng mga Kristiyano ang mga taong nasa awtoridad. Gayunman, hindi sila kailangang humingi ng paumanhin sa kanilang pagsunod sa Diyos at sa kanilang pag-ibig sa kanilang mga kapatid.​—Mateo 28:19, 20; Roma 13:5-7.

Wala Nang Hadlang sa Kapayapaan

Sa ngayon, nagkakamali tayo dahil namana natin ang di-kasakdalan at kasalanan mula sa ating ninunong si Adan. (Roma 5:12; 1 Juan 1:10) Ang makasalanang kalagayan ni Adan ay resulta ng kaniyang paghihimagsik sa Maylalang. Gayunman, dati ay sakdal at walang kasalanan sina Adan at Eva, at nangangako ang Diyos na isasauli niya ang mga tao sa ganitong sakdal na kalagayan. Papawiin niya ang kasalanan at ang lahat ng epekto nito.​—1 Corinto 15:56, 57.

Isip-isipin na lamang kung ano ang kahulugan niyan! Sa kaniyang payo hinggil sa paggamit ng dila, sinabi ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago: “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Kayang kontrolin ng isang taong sakdal ang kaniyang dila anupat hindi na siya kailangang humingi ng paumanhin dahil sa maling paggamit dito. ‘Kaya niyang rendahan ang kaniyang buong katawan.’ Tunay na kasiya-siya nga kapag naging sakdal na tayo! Kung magkagayon, hindi na magkakaroon ng hadlang sa kapayapaan sa pagitan ng mga indibiduwal. Subalit samantala, ang taimtim at angkop na paghingi ng paumanhin dahil sa maling nagawa ay malaki ang maitutulong sa pakikipagpayapaan.

[Talababa]

^ par. 8 Marahil dahil sa malabong paningin ni Pablo kung kaya hindi niya nakilala ang mataas na saserdote.

[Larawan sa pahina 5]

Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Pablo?

[Larawan sa pahina 7]

Kapag ang lahat ay sakdal na, wala nang mga hadlang sa kapayapaan