Bakit ba Napakahirap Humingi ng Paumanhin?
Bakit ba Napakahirap Humingi ng Paumanhin?
NOONG Hulyo 2000, ang California State Legislature sa Estados Unidos ay nagpasa ng batas na dinisenyo upang alisan ng pananagutan ang mga tao sakaling magpahayag sila ng simpatiya sa isang indibiduwal na napinsala sa isang aksidente na kinasasangkutan nila mismo. Bakit nagpasa ng gayong batas? Napansin na kapag ang isang aksidente ay naging sanhi ng pinsala o pagkasira, madalas ay nag-aatubili ang mga tao na humingi ng paumanhin dahil sa takot na ituring ito sa korte bilang pag-amin sa pagkakasala. Sa kabilang panig naman, yaong mga nakadarama na dapat lamang na humingi kaagad ng paumanhin sa kanila ang nagkasala ay maaaring magalit, at ang maliit na aksidente ay maaaring maging isang malaking sigalot.
Sabihin pa, hindi naman kailangang humingi ng paumanhin sa isang aksidente na hindi mo kasalanan. At may mga pagkakataon na ang matalinong landasin ay maging maingat sa iyong sinasabi. Isang matandang kawikaan ang nagsasabi: “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19; 27:12) Gayunman, maaari ka pa ring maging magalang at matulungin.
Subalit hindi ba’t totoo na maraming tao ang hindi na humihingi ng paumanhin,
kahit na walang mga demandang nasasangkot? Sa tahanan, ang asawang babae ay maaaring maghinagpis, ‘Ang aking asawa ay hindi kailanman humihingi ng paumanhin sa anumang bagay.’ Sa trabaho, maaaring ireklamo ng isang kapatas, ‘Hindi inaamin ng mga tauhan ko ang kanilang mga pagkakamali, at bihira lamang silang magsabi ng sorry.’ Sa paaralan, isang guro ang maaaring mag-ulat, ‘Ang mga bata ay hindi sinanay na humingi ng dispensa.’Ang isang dahilan kung bakit nag-aatubiling humingi ng paumanhin ang isang tao ay maaaring ang takot na siya ay tanggihan. Palibhasa’y nababagabag ng pangambang hindi siya pansinin, baka hindi niya ipahayag ang tunay niyang nadarama. Sa katunayan, baka lubusan pa ngang iwasan ng nasaktang indibiduwal ang nagkasala, anupat pinahihirap ang pagkakasundo.
Ang kawalan ng malasakit sa damdamin ng ibang tao ang maaaring isa pang dahilan kung bakit nag-aatubili ang ilan na humingi ng paumanhin. Maaaring ikatuwiran nila, ‘Hindi mababago ng paghingi ng paumanhin ang pagkakamaling nagawa ko.’ Ang iba naman ay nag-aatubiling magsabi ng sorry dahil sa posibleng ibubunga nito. Iniisip nila, ‘Ako kaya’y papanagutin at hihilingang magbayad ng pinsala?’ Gayunman, ang pinakamalaking hadlang sa pag-amin ng pagkakamali ay ang pagmamapuri. Ang isang tao na hindi makapagsabi ng “sorry” dahil sa labis na pagmamapuri ay maaaring sa diwa ay nagsasabi, ‘Ayaw kong mawalan ng dangal sa pamamagitan ng pag-amin ng aking pagkakamali. Pahihinain niyan ang aking katayuan.’
Anuman ang dahilan, marami ang nahihirapang bumigkas ng mga salitang humihingi ng paumanhin. Subalit talaga bang kailangang humingi ng paumanhin? Ano ang mga pakinabang ng paghingi ng paumanhin?
[Larawan sa pahina 3]
“Ang mga bata ay hindi sinanay na humingi ng dispensa”
[Larawan sa pahina 3]
“Hindi inaamin ng mga tauhan ko ang kanilang mga pagkakamali”
[Larawan sa pahina 3]
“Ang aking asawa ay hindi kailanman humihingi ng paumanhin”