“Sanayin Mo ang Iyong Sarili”
“Sanayin Mo ang Iyong Sarili”
CITIUS, altius, fortius—mas mabilis, mas mataas, mas malakas! Iyan ang mga mithiin ng mga atleta sa sinaunang Gresya at Roma. Sa loob ng maraming siglo, idinaos sa Olympia, Delphi, at Nemea at sa Ismo ng Corinto ang malalaking paligsahan ng mga atleta nang may “basbas” ng mga diyos habang pinanonood sila ng libu-libong nagmamasid. Ang pribilehiyo na makipagpaligsahan sa mga palarong ito ay resulta ng maraming taon ng puspusang pagpapagal. Ang tagumpay ay magdudulot ng matinding kaluwalhatian sa mga nagwagi at sa kanilang tinubuang lunsod.
Hindi nakapagtataka na sa gayong kalagayan ng kultura, inihambing ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang espirituwal na takbuhan ng mga Kristiyano sa mga paligsahan ng mga atleta. Upang itawid ang mabibisang punto sa pagtuturo, may-kahusayang ginamit nina apostol Pedro at apostol Pablo ang mga ilustrasyong batay sa mga palaro. Sa ating panahon, nagpapatuloy pa rin ang gayundin kahigpit na takbuhang Kristiyano. Ang unang-siglong mga Kristiyano ay kailangang makitungo sa Judiong sistema ng mga bagay; tayo naman sa ngayon ay kailangang ‘makipaglaban’ sa isang pandaigdig na sistema na malapit nang mapuksa. (2 Timoteo 2:5; 3:1-5) Maaaring nasusumpungan ng ilan na walang-tigil at nakapapagod ang kanilang indibiduwal na “takbuhan ng pananampalataya.” (1 Timoteo 6:12, The New English Bible) Ang pagsusuri sa ilan sa mga paghahambing ng Bibliya sa paligsahan ng atleta at sa takbuhang Kristiyano ay totoong kapaki-pakinabang.
Isang Napakahusay na Tagapagsanay
Ang tagumpay ng atleta ay nakasalalay nang malaki sa tagapagsanay. Hinggil sa sinaunang mga palaro, sinasabi ng Archaeologia Graeca: “Ang mga kalahok ay obligadong manumpa na sila’y gumugol ng buong sampung buwan sa pagsasanay bilang paghahanda.” Ang mga Kristiyano ay nangangailangan din ng puspusang pagsasanay. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo, isang Kristiyanong matanda: “Sanayin mo ang iyong sarili na ang tunguhin mo ay makadiyos na debosyon.” (1 Timoteo 4:7) Sino ang tagapagsanay ng isang Kristiyanong “atleta”? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova mismo! Sumulat si apostol Pedro: “Ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Pedro 5:10.
Ayon sa Theological Lexicon of the New Testament, ang pandiwang Griego na doo’y galing ang pananalitang “tatapos ng inyong pagsasanay” ay pangunahin nang nangangahulugang “hubugin ang isang bagay [o isang tao] ukol sa layunin nito, ihanda ito at ibagay ito sa paggagamitan nito.” Gayundin, nagkomento ang Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott na ang pandiwang ito ay mabibigyang-katuturan bilang “ihanda, sanayin, o sangkapan nang husto.” Sa anong mga paraan tayo ‘inihahanda, sinasanay, o sinasangkapan nang husto’ ni Jehova para sa mahirap na takbuhang Kristiyano? Upang maunawaan ang paghahambing, isaalang-alang natin ang ilang paraan na ginagamit ng mga tagapagsanay.
Sinasabi ng aklat na The Olympic Games in Ancient Greece: “Yaong mga nagsasanay sa mga kabataan ay gumagamit ng dalawang pangunahing paraan, ang una ay nagtutuon ng pansin sa pagpapasigla sa tinuturuan na gawin ang sukdulang pisikal na makakaya nito upang matamo ang pinakamaiinam na resulta, at ang ikalawa naman ay nagtutuon ng pansin sa pagpapahusay sa pamamaraan at istilo nito.”
Sa katulad na paraan, pinasisigla at pinalalakas tayo ni Jehova upang magawa natin ang ating sukdulang makakaya at mapasulong ang ating mga kakayahan sa paglilingkod sa kaniya. Pinalalakas tayo ng ating Diyos sa pamamagitan ng Bibliya, ng kaniyang makalupang organisasyon, at ng may-gulang na mga kapuwa Kristiyano. Kung minsan ay sinasanay niya tayo sa pamamagitan ng disiplina. (Hebreo 12:6) Sa ibang mga pagkakataon naman ay maaari niyang hayaan na maranasan natin ang iba’t ibang pagsubok at hirap upang malinang natin ang pagbabata. (Santiago 1:2-4) At ibinibigay niya ang kinakailangang lakas. Sinasabi ni propeta Isaias: “Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”—Isaias 40:31.
Higit sa lahat, saganang ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, na nagpapalakas sa atin upang magpatuloy sa pag-uukol ng kaayaayang paglilingkod sa kaniya. (Lucas 11:13) Sa maraming pagkakataon, ang mga lingkod ng Diyos ay nagbata ng matatagal at mahihirap na pagsubok sa pananampalataya. Yaong mga nakaranas nito ay pangkaraniwang mga lalaki at mga babae na tulad din natin. Ngunit ang kanilang lubusang pananalig sa Diyos ang dahilan kung kaya nakapagbata sila. Sa katunayan, ‘ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi mula sa kanilang sarili.’—2 Corinto 4:7.
Isang Madamaying Tagapagsanay
Ang isa sa trabaho ng sinaunang tagapagsanay ay “pagpasiyahan ang uri at dami ng pagsasanay na kailangan para sa isang atleta at sa partikular na laro,” ang sabi ng isang iskolar. Habang sinasanay tayo ng Diyos, isinasaalang-alang niya ang ating indibiduwal na mga kalagayan, kakayahan, kayarian, at mga limitasyon. Napakadalas na sa panahon ng pagsasanay sa atin ni Jehova, nagsusumamo tayo sa kaniya, gaya ng ginawa ni Job: “Alalahanin mo, pakisuyo, na ginawa mo ako mula sa luwad.” (Job 10:9) Paano tumutugon ang ating madamaying tagapagsanay? Sumulat si David tungkol kay Jehova: “Nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:14.
Maaaring may malubha kang karamdaman anupat nililimitahan nito ang maaari mong gawin sa ministeryo, o baka pinaglalabanan mo ang mababang pagtingin sa sarili. Marahil ay sinisikap mong ihinto ang isang masamang kinaugalian, o baka nadarama mo na hindi mo kayang harapin ang panggigipit ng mga kasamahan sa komunidad, sa trabaho, o sa paaralan. Anuman ang iyong kalagayan, huwag kalilimutan kailanman na nauunawaan ni Jehova ang iyong mga problema nang higit kaysa kaninuman—higit pa sa iyo! Bilang nagmamalasakit na tagapagsanay, siya ay laging handang Santiago 4:8.
tumulong sa iyo kung lalapit ka sa kaniya.—“Nalalaman [ng sinaunang mga tagapagsanay] kung ang pagkapagod o panghihina ay hindi dulot ng pagsasanay kundi ng ibang bagay, gaya ng mga problema sa isipan, sumpong, panlulumo at iba pa. . . . Ang awtoridad ng [mga tagapagsanay] ay napakalaki anupat tinitingnan pa nga nila ang pribadong buhay ng mga atleta at nakikialam kung inaakala nilang kailangan.”
Nakadarama ka ba kung minsan ng pagod o panghihina dahil sa walang-humpay na panggigipit at tukso ng sanlibutang ito? Bilang iyong tagapagsanay, si Jehova ay lubhang interesado sa iyo. (1 Pedro 5:7) Madali niyang makita sa iyo ang anumang tanda ng espirituwal na panghihina o pagkapagod. Bagaman iginagalang ni Jehova ang ating malayang kalooban at personal na pasiya, dahil sa malasakit niya sa ating walang-hanggang kapakanan, nagbibigay siya ng sapat na tulong at pagtutuwid kapag kailangan. (Isaias 30:21) Paano? Sa pamamagitan ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon, ng espirituwal na matatanda sa kongregasyon, at ng ating maibiging kapatiran.
‘Pagpipigil sa Sarili sa Lahat ng Bagay’
Sabihin pa, hindi lamang mahusay na tagapagsanay ang kailangan upang magtagumpay. Ang malaking bahagi ay nakasalalay sa atleta mismo at sa pagtatalaga niya sa kaniyang sarili na magsanay nang puspusan. Mahigpit ang programa ng pagsasanay, yamang kalakip dito ang pagiging istrikto sa pagkakait ng ilang bagay sa sarili at pagdidiyeta. Si Horace, isang makata noong unang siglo B.C.E., ay nagsabi na ang mga kalahok ay “umiiwas sa mga babae at alak” upang “maabot ang minimithing tunguhin.” At ayon sa iskolar sa Bibliya na si F. C. Cook, ang mga kalahok sa mga palaro ay kailangang “magpigil sa sarili [at] magdiyeta . . . sa loob ng sampung buwan.”
Ginamit ni Pablo ang paghahambing na ito nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Corinto, isang lunsod na pamilyar na pamilyar sa Isthmian Games na idinaraos malapit sa kanila: “Ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 9:25) Iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang materyalistiko, imoral, at maruming istilo ng pamumuhay ng sanlibutan. (Efeso 5:3-5; 1 Juan 2:15-17) Ang di-makadiyos at di-makakasulatang mga ugali ay kailangan ding hubarin at palitan ng tulad-Kristong mga katangian.—Colosas 3:9, 10, 12.
Paano ito magagawa? Unang-una, pansinin ang sagot ni Pablo sa pamamagitan ng isang mabisang ilustrasyon: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.”—1 Corinto 9:27.
Kaytindi ng punto ni Pablo rito! Hindi niya inirerekomenda ang pananakit sa sarili. Sa halip, inamin niya na siya mismo ay nakararanas ng pagsasalungatan ng kalooban. Kung minsan, nakagagawa siya ng mga bagay na hindi niya gustong gawin at hindi niya nagagawa ang gusto niyang gawin. Subalit nagpupunyagi siya upang hindi kailanman manaig ang kaniyang mga kahinaan. ‘Binubugbog niya ang kaniyang katawan,’ anupat buong-lakas na sinusupil ang makalamang mga pagnanasa at ugali.—Roma 7:21-25.
Gayundin ang dapat gawin ng lahat ng Kristiyano. Sinabi ni Pablo ang tungkol sa mga pagbabagong nagawa ng ilan sa Corinto na dati ay nakibahagi sa pakikiapid, idolatriya, homoseksuwalidad, pagnanakaw, at iba pa. Ano ang tumulong sa kanila upang magbago? Ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ang banal na espiritu lakip na ang kanilang determinasyon na umayon dito. “Ngunit hinugasan na kayong malinis,” ang sabi ni Pablo, “ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:9-11) Sumulat din si Pedro hinggil sa mga huminto sa gayong masasamang kaugalian. Bilang mga Kristiyano, silang lahat ay gumawa ng mga tunay na pagbabago.—1 Pedro 4:3, 4.
Makabuluhang mga Pagsisikap
Inilarawan ni Pablo ang kaniyang determinasyon at matamang pagtutuon ng pansin sa pagsisikap na matamo ang espirituwal na mga tunguhin, anupat sinabi niya: “Ang paraan ng aking pagsuntok ay hindi upang sumuntok sa hangin.” (1 Corinto 9:26) Paano patatamain ng isang kalahok sa paligsahan ang kaniyang mga suntok o ulos? Ganito ang sagot ng aklat na The Life of the Greeks and Romans: “Hindi lamang agresibong lakas ang kailangan, kundi ang katalasan ng mata sa paghanap sa mga kahinaan ng kalaban. Kapaki-pakinabang din ang ilang mapamaraang pagtulak na natututuhan sa mga paaralan ukol sa pagbubuno (wrestling-schools), at ang bilis sa matalinong pagdaig sa kalaban.”
Ang ating di-sakdal na laman ay isa sa ating mga kalaban. Alam na ba natin ang ating personal na “mga kahinaan”? Handa ba nating malasin ang ating sarili kung paano tayo minamalas ng iba—lalo na kung paano tayo maaaring minamalas ni Satanas? Nangangailangan iyan ng tapat na pagsusuri sa sarili at ng determinasyong gumawa ng mga pagbabago. Napakadaling linlangin ang sarili. (Santiago 1:22) Kaydaling bigyang-matuwid ang di-matalinong hakbang! (1 Samuel 15:13-15, 20, 21) Iyan ay katulad na rin ng ‘pagsuntok sa hangin.’
Sa mga huling araw na ito, yaong mga nagnanais na palugdan si Jehova at magtamo ng buhay ay hindi dapat mag-atubiling mamili sa pagitan ng tama at mali, at sa pagitan ng kongregasyon ng Diyos at ng tiwaling sanlibutan. Dapat silang umiwas sa pag-uurong-sulong, pagiging ‘di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kanilang mga daan.’ (Santiago 1:8) Hindi nila dapat sayangin ang kanilang mga pagsisikap sa walang-katuturang mga tunguhin. Kapag sinunod ng isang tao ang deretso at determinadong landasin na ito, magiging maligaya siya at ang kaniyang ‘pagsulong ay mahahayag sa lahat ng mga tao.’—1 Timoteo 4:15.
Oo, nagpapatuloy pa ang takbuhang Kristiyano. Si Jehova—ang ating Dakilang Tagapagsanay—ay maibiging nagbibigay ng kinakailangang tagubilin at tulong upang tayo’y makapagbata at magtagumpay sa dakong huli. (Isaias 48:17) Gaya ng mga atleta noon, kailangan nating linangin ang disiplina sa sarili, pagpipigil sa sarili, at determinasyon sa ating pakikipaglaban para sa pananampalataya. Ang ating makabuluhang mga pagsisikap ay saganang gagantimpalaan.—Hebreo 11:6.
[Kahon sa pahina 31]
‘Pahiran Siya ng Langis’
Ang tagapagpahid ay may bahaging ginagampanan sa pagsasanay ng mga atleta sa sinaunang Gresya. Ang kaniyang trabaho ay pahiran ng langis ang katawan ng mga lalaking mag-eehersisyo. “Napansin [ng mga tagapagsanay] na ang mahusay na masahe sa mga kalamnan bago ang pagsasanay ay may kapaki-pakinabang na mga epekto, at saka ang maingat at marahang masahe ay tumutulong sa proseso ng pagrerelaks at pagbawi sa lakas ng isang atleta na nakatapos ng isang mahabang sesyon ng pagsasanay,” ang sabi ng The Olympic Games in Ancient Greece.
Kung paanong ang pagpapahid ng literal na langis sa katawan ng isa ay nakapagpapaginhawa, nakagagamot, at nakapagpapagaling, ang paggamit sa Salita ng Diyos sa isang pagód na Kristiyanong “atleta” ay makapagtutuwid, makaaaliw, at makapagpapagaling sa kaniya. Kaya naman, sa ilalim ng patnubay ni Jehova, pinaaalalahanan ang matatanda sa kongregasyon na ipanalangin ang gayong tao, anupat makasagisag na “pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova,” isang mahalagang hakbang upang matamo ang espirituwal na paggaling.—Santiago 5:13-15; Awit 141:5.
[Larawan sa pahina 31]
Pagkatapos ng paghahain, ang mga atleta ay nanunumpa na nagsanay sila sa loob ng sampung buwan
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Copyright British Museum